CHAPTER 30

2097 Words
BRONE’s POV Habang lumilipas ang bawat minuto ay dumadami nang dumadami ang mga panauhing dumarating. Hindi pa man din nagsisimula ang mismong dahilan ng pagpupuntahan naming lahat dito pero bakas na sa mukha ng lahat ng aking mga nakikita ang excitement sa kung anong uri ng anunsyo ang gagawin ng alpha leader. Nawili na lamang ako sa pagtingin-tingin sa bawat isang dumadaan sa aking harapan pati na rin sa mg bagong dating lang. Ilang sandali pa ang lumipas ay napansin ko nang pumasok sina Ford, Ike, at Mrs. Veronica kasama ang isa pang lalaki na ngayon ko lang nakita. Nagkasalubong naman kaagad ang aming mga tingin kung kaya’t mabilis din silang lumapit sa pwesto namin. “Ow hi, Brone. Hindi naman halatang excited kayo at nauna pa talaga kayong dumating kesa sa amin kahit na binilisan ko na talaga ang pag-aayos ko.” Pabirong bungad na wika sa amin ni Mrs. Veronica nang makalapit na sila. Bahagya lang naman akong tumawa saka sinakyan na rin ang pagbibiro niyang iyon. Maya-maya pa ay naisipan ko siyang tanungin patungkol sa lalaking katabi niya. Kung titingnang mabuti ay mukha kaedaran lamang ito ng alpha leader. Kaya kung sa aking hinuha ay mga nasa mid 40s lang din ito. “This is my husband, Emilio...” at ipinakilala na rin kami ni Mrs. Veronica sa asawa niya specially ako. Naging maganda naman ang unang pagkausap namin ng kanyang asawa at sa tingin ko ay mabait din ito katulad ni Mrs. Veronica. Bagay na bagay talaga sila, pagdating pa lang sa itsura ay naniniwala na talaga akong hindi ganoon kababa ang standards ng ginang. Sa tingin ko ay sa mga oras na ito ay natigil lahat ng mga responsibilidad at trabaho sa buong teritoryo dahil naririto na lahat ng mga kalahi nila. Ganoon na lamang talaga siguro ka -espesyal itong pangayaring ito para magawang ipagpaliban ng lahat ang kanilang mga ginagawa. Mataas ang araw sa labas pero kahit ni katiting na alinsangang dala ng panahon ay hindi ko maramdaman simula nang makapasok na kami rito sa loob ng hall. Para bang may kung anong imaginary air-con ang nakakabit sa kung saan mang parte rito, o sadyang dahil lamang talaga iyon sa may pagka high ceiling dito at makakapal rin ang kongkretong nakapalibot kung kaya’t kakarampot na init lamang ang pumapasok. Mga kulang-kulang labin-limang minuto muli ang nagdaan at sa pakiramdam ko ay naririto na lahat ng mga panauhin sa buong teritoryo dahil napupuno na rin itong napakalawak na hall ground na ito. Ngayon ay ang kailangan na lamang hintayin ng lahat ay ang paglitaw ng pinakamahalagang panauhin sa oras na ito. Lahat ay matyagang nakatingala sa harapan habang unti-unting naglalaho ang ingay na sanhi ng mga nag-uusap kanina. Lahat ay nasasabik na masilayan ang kanilang butihin at minamahal na pinuno, parang mga asong uhaw sa alaga ng kanilang amo. Maya-maya pa ay tuluyan na ngang nawala ang mga ingay ng bulongan at nagsasalita na kahit ihip ng hangin ay maririnig mo na sa sobrang tahimik ng buong paligid. Sumunod nun ay siyang dahan-dahang pagtaas ng malapad na pulang kurtina sa harap ng stage. Habang pataas nang pataas ito ay siya ring pagsilip ng tatlong pares ng paang nasa likod nito. Matyagang naghintay ang lahat kung kailan tuluyang mawawala ang kurtinang iyon at bubungad ang mga mukha ng tatlong nilalang na nagmamay-ari ng mga pares ng paang iyon, maging ako man at kahit alam ko na kung sino ang mga iyon ay nasasabik pa rin akong makita ang kabuoan nila sa puntong ito. Nasasabik akong makita lalong-lalo na kung gaano kaganda ang kanilang mga kasuotan ngayon. Lumipas pa ang ilang sandali at tuluyan na ngang iniluwa ng malapad na kurtinang iyon ang buong katawan ng tatlong nilalang na nasa stage. Matuwid silang nakatayo at diretso ang tingin sa mga panauhing nasa kanilang ibaba. Animo’y itinuturing nila ang mga itong kanilang magiliw ng mga taga-supporta. Nasa kanang bahagi naroon nakatayo si Ace, nakasuot siya ng kulay puting pang-ilalim na damit habang pinapatungan ito ng kulay gray niyang formal suit, sa kanyang leeg naman naroon nakasabit ang kanyang bow-tie na kulay navy blue. Habang ang kanyang suot na pant naman ay naka-terno ang kulay sa kanyang suot na pang-itaas which is gray din. Sa kaliwang bahagi naman ay naroon nakatayo ang kanina pa nakangiting si Izykrias. Nakasuot siya ng isang kulay itim na pang-ilalim na may nakapatong na kulay puting formal suit, sa kanyang ibaba naman ay kulay itim na pants. Ngunit ang lalong nakakakuha ng pansin sa kanyang ay ang napakahabang kulay itim na robang nakakabit sa kanyang parehong balikat habang nakalaylay ito sa kanyang likoran bukod pa roon ay may parang mga maliliit na bituin ring nakadikit rito na nagbibigay ng kinang at kislap sa roba niyang iyon. At huli ay ang nasa gitna na walang iba kundi ang alpha leader na si Vladimir. Nakabusangot ang kanyang mukha at may roba rin itong suot hindi tulad kay Izy ay kulay pula naman ang sa kanya na may pagkavelvet ang texture. Sa unang tingin pa lang ay malalaman mo na kaagad na isa talaga siyang myembro ng maharlikang angkan at nakatadhanang mamuno dahil sa ma-awtoridad niyang inilalabas na enerhiya. Kung pwede ko lang lunurin ang sarili ko sa pagtitig sa kung gaano ka-elegante ang kasuotan nilang tatlo ay gagawin ko talaga, ang kaso ay nasa gitna pala ako ng isang okasyon ngayon at wala akong choice kundi sumunod sa kung anong nakatalagang dapat kong gawin. Tatlong tunog ng kampana ang dumagundong sa paligid, umalingaw-ngaw ito ng paulit-ulit hanggang sa naglaho na parang bula sa hangin, matapos nun ay ang siyang unang pagbuka ng bibig ng alpha leader upang batiin ang lahat sa pagdalo sa isinagawa niyang pagtitipong ito. Marami pa siyang mga pinagsasabi na lahat naman ang patungkol lamang sa pagpapasalamat sa pagdalo ng lahat at sa pagbibigay bati sa kasipagang ginagawa ng kanyang mga kalahi para sa kanilang lupon. Hindi naman ako ganoon ka-interisado sa usaping iyon kung kaya minabuti ko na lamang na titigan muli ang suot nitong roba. Hindi nagtagal at tuluyan nang naiba ang kanyang sinasabi, nararamdaman ko nang ilang sandali na lang ay sasabihin na niya ang totoong dahilan ng ginawa niyang pagtitipong ito. Natigil ako sa lahat ng aking ginagawa at napa-focus na lamang sa susunod na kanyang bibigkasin. “Sa oras na ito ay may mahalaga akong gustong sabihin sa lahat ng aking nasasakupan. Sa kaalaman ng lahat ay isa akong haring walang susunod na tagapagmana, iyon ang naging usapin at naging isa sa problemang kinakaharap ko araw-araw ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ay isa lamang iyong huwad na impormasyon upang ikubli ang isa sa mga sekretong itinatago ng angkan naming mga Alpha. May iilan na ring nakaka-alam ng sekretong ito pero karamihan sa inyo ang bulag pa rin sa katotohanan, at lubos ko iyong ihinihingi ng kapatawaran bilang inyong pinuno.” Medyo nagtaka ako sa pinagsasabi nito, maging ang mga tao man sa aking paligid ay panay rin ang pagbubulongan patungkol sa sinabi ng alpha leader. Minabuti kong lingonin si Raze upang sana ay makipagbulongan din sa kanyang patungkol sa sinasabi ng kanilang pinuno pero nang akin siyang tingan ay kitang-kita ko ang bakas ng pagkabigla at takot sa kanyang mukha habang matuwid na nakatitig sa stage. Mahigpit ring nakakuyom ang kanyang mga kamao na halos bumaon ng ang mga kuko niya sa kanyang palad. Pati ako ay natakot na rin sa naging reaksyon niyang iyon. Para bang may kung anong hindi maipaliwanag na dalang galit ang tinging ipinupukol niya sa alpha leader. Akmang hahawakan ko sana ang kanyang braso nang magpatuloy muli sa pagsasalita ang alpha leader. “Kung kaya’t upang mabawasan kahit papaano ang aking aalahanin ay iaanunsyo ko na sa lahat ngayon ang isang katotohanan sa likod ng aking sekreto.” Biglang ibinaling nito ang kanyang tingin sa aking pwesto.  Parang ako ang kanyang tinitingnan ngunit parang hindi rin. Dahil sa ginawang pagtingin ng alpha leader sa aking pwesto ay naging dahilan din iyon para magtinginan ang lahat sa akin. Nagmistula tuloy akong kriminal na may patong-patong na kasong hinaharap sa lahat ng panauhing naririto. Naging wary ako sa aking paligid at kulang na lang ay itago ko ang sarili kong katawan sa pamamagitan ng pagtupi rito para lang mawala ako sa mata ng lahat. Muling nagsalita ang alpha leader at ang sunod nitong sinabi ay ang nagpagulat at nagwindang sa sistema ng lahat ng panauhing naririto. “Gusto kong ipakilala sa inyo, ang nag-iisa kong anak.” Inilahad nito ang kanyang kaliwang kamay sa pwesto ko, “Si Raze Konvelkier, ang susunod na alpha leader at magiging pinuno ng lupong ito.” Hindi ko mapigilang mapasinghap dahil sa narinig ko sinabi ng alpha leader. Sumambulat sa aking harapan ang katotohanang matagal ko nang pinagsususpityahan ngunit ngayon ay nabigyan na talaga ng konkretong kasagutan. Hindi ko alam kung nabibingi lang ba ako o sadyang iba lang talaga ang aking narinig pero base na rin sa naging reaksyon ng lahat ng mga panauhing nakarinig sa sinabing iyon ng alpha leader ay sure na sure na rin talaga akong tama lamang ang aking narinig. Mula sa pagtitig sa alpha leader ay dahan-dahan kong nilingon ang gilid ko kung nasaan nakatayo si Raze. Ang iba ring naapalibot sa amin ay nasa kanya na lahat ang mata, habang lumilipas ang segundo ay palakas rin nang palakas ang bulongan ng lahat. Kagaya ng iba ay para lang akong tuod na nakanganga habang mariing nakatitig kay Raze, samantalang ito ay parang wala man lang pakialam sa kanyang paligid dahil simula pa kanina ay hindi pa rin maputol-putol ang napakatalim niyang titig na ipinupukol sa mismong alpha leader. Ang nilalang na nagpakilala bilang kanyang tunay na ama. Maya-maya lang ay isang tunog nang pag-snap ng mga daliri ang malakas na narinig sa buong hall ground kasabay rin nung ay ang mabilis na paghupa ng lahat ng bulongan sa paligid. Nakaharap pa rin ako kay Raze, may gusto akong sabihin sa kanya pero parang may pumipigil sa mga panga kong gumalaw at hindi ko maibuka ang aking bibig. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig, pero bahala na. Ginawa ko pa rin talaga ang lahat para mabuo ang isa kong tanong para kay Raze. “I-isa kang... Alpha?” ani ko habang nanginginig pa rin ang aking ibabang labi. Dahan-dahan namang lumingon sa akin si Raze at sa tuluyan niyang pagharap sa akin ay kaagad kong napansin ang namumula niyang mga mata pati na rin ang pagngangalit ng kanyang bibig dulot ng galit. Ilang sandali pa ang dumaan matapos niyang makalingon sa aking direksyon ay kaagad ring nagbago ang kanyang ekspresyon. Dali-dali niya akong nilapitan at kinuha ang aking mga kamay saka hinawakan ito ng mahigpit. Tumitig ang mapupungay niyang mga mata sa akin. “Let me explain, hindi ko intensyong magsinungaling sa ‘yo...” Hindi ako nakapagsalita at parang natulala lamang akong nakatitig pabalik sa kanya. So, totoo nga talagang hindi siya Delta kundi isa talaga siyang Alpha. Hindi galit ang nararamdaman ko sa aking puso sa pagkakataong ito kundi isa lamang pagkagulat sa naisiwalat na katotohanan. Siguro dahil sa una pa lang ay may pagdududa na ako kung kaya’t kahit grabe ang galit ko sa mga sinungaling ay hindi ko magawang magalit sa puntong ito kay Raze. Isa rin siguro sa dahilan ay dahil alam ko na sa sarili ko ang totoo, ayaw ko lang talagang tanggapin ang mga clue na nakakalat sa aking paligid. At dahil doon ay may parte rin ako sa pagsisinungaling na ito. Sumunod na nangyari ay bigla na lamang akong niyakap ng mahigpit ni Raze habang paulit-ulit ang kanyang pagsasabi sa aking ng sorry. Naaawa ako sa sitwasyon niya ngayon gusto ko mang magsalita at sabihin sa kanyang hindi ako galit ay hindi pa rin talaga ako makabawi sa aking pagkabigla. Hanggang ngayon ay tulala pa rin ako habang pilit na pinoproseso ang lahat sa aking utak. Napalingon sa sa direksyon ng entablado at tatlong magkakaibang titig ang sumalubong ng sa akin. Isang titig na nagpapahiwatig ng pagkalungkot, isang nagpapahiwatig ng hingi maipaliwanag na pagka-inggit, at isang titig na hindi naglalaman ng kahit na ano mang damdamin. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid at klase-klaseng mga ekspresyon ang sumalubong sa akin. Mga ekspresyong gawa ng mga panauhing katulad ko ay nabigla rin sa isiniwalat na balita ng kanilang alpha leader. Sino ba naman kasing hindi mabibigla kung ang isang kasinungalingang inakala mong totoo sa buong buhay mo ay malalaman mo na lamang na isa nga pala talaga malaking kasinungalingan.   *****  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD