Romans 15:5
"Nawa'y ang Diyos na nagbibigay ng pagtitiis at pampatibay-loob ay magbigay sa inyo ng parehong saloobin ng pag-iisip sa isa't isa gaya ni Kristo Jesus."
*****
John Dave's POV
Bumangon ako ng maaga para makapag-ikot pa ako sa subdivision at makabili ng mga lata,karton at magazine. Isa pa ang dahilan ay para makita ko na naman si Natalie at masilayan ang kanyang magandang mukha.
Matagal ko na siyang nakikita habang nangangalakal ako pero siya
hindi niya ako napapansin hanggang sa naging kaibigan ko ang Mommy niya. Naging masaya ako ng nasilayan ko ang kanyang kagandahan sa malapitan.
Ngayon ay naging kaibigan ko siya at alam kong mas lalong umusbong ang aking pagkagusto sa kanya na ngayon ko lang maintindihan. Excited ako sa araw na ito.
May ngiti sa aking mga labi habang nililigpit ko ang aking beddings. Pagkatapos ay nagtungo ako sa banyo upang maghilamos. Tumitig ako sa salamin at ang kagwapuhan ko na naman sa aking sarili ang pinairal ko dahil sa aking self love na tinatawag.
Nagkaroon lang ng kulay ang buhay ko simula ng masilayan ko si Natalie. Nagising ang diwa ko ng naalala ko siya kaya mabilis akong lumabas ng banyo at nagtungo sa kusina.
Ginawa ko ng mabilis ang pagluluto ngunit uunahin ko muna ang pag kakape. Lumabas muna ako ng bahay para abangan ang nagtitinda ng pandesal.
Bumungad sa aking mukha ang maaliwalas na kalangitan ng binuksan ko ang pinto. Nag-usal ako ng pasasalamat na panalangin habang hinihintay ang pagdaan ng nagtitinda ng pandesal.
Ilang sandali ay narinig ko ang pagtunog ng paparating na sasakyan ng nagtitinda ng pandesal. Pinara ko siya para huminto saka ako bumili sa tindero. Pagkatapos ko nagpasalamat ay pumasok ako sa loob ng bahay para kainin ito kasabay ng kape.
Nahagip ng mata ko ang orasan sa dingding at alas-sais na ng umaga. Oras na para magsimula na akong maghanap -buhay. Tulak-tulak ko ang aking kariton habang binabaybay ang kalsada patungo sa subdivision nila Natalie.
Inuna ko ang mga bahay na hindi ko napuntahan kahapon at nahuhuli ko ang kalye kung nasaan ang bahay nila Natalie. Gaya ng dati ay sumisigaw ako para malaman ng mga nasa loob ng bahay na bumibili ako ng kalakal.
Unang bahay pa lang ay marami na agad akong nabili na mga kalakal. Nang maayos ko sa sako ay tinulak ko agad ang kariton at sa sumunod na bahay ay nasa gilid na ng kalsada ang maayos na kalakal.
Nagpasalamat ako pagkatapos kong iabot ang bayad. Nasiyahan ako ng makita ko na marami na akong binili ng kalakal habang hindi ko pa nilibot ang buong kalye. Hindi na ako sumigaw pa habang tulak-tulak ko ang aking kariton upang magtungo sa bahay nila Natalie.
Parang minamadali ako ng aking mga paa dahil gustung-gusto ko siyang makita. Sakto na inaayos na ang kanilang driver ang kanilang sasakyan upang ihatid siya sa kanilang paaralan.
"Magandang umaga," binati ko ang driver nila na si Mister Lino na katatapos ihanda ang sasakyan.
"Magandang umaga rin, hijo. Ang aga natin ngayon huh?" Sabi nito sa akin.
"Kailangan po eh para makarami ng kalakal." Sagot ko habang nakatayo katabi ng aking kariton at hinihintay ang paglabas ni Natalie mula sa loob ng bahay nila.
"Ang sipag mo talaga,hijo. Sakripisyo lang talaga ang kailangan. Di bale alam ko naman na magtatagumpay ka dahil sa iyong kasipagan."
"Maraming salamat," nahihiya kong tugon sa kanya dahil sa kanyang mga sinabi.
Nakita namin na lumabas si Natalie at sumakay sa sasakyan kaya nagpaalam na ang kanilang driver sa akin. Bumilis ang t***k ng aking puso ng masilayan ko ang kanyang kagandahan. Umatras na sa gate ang kotse na sinakyan nila.
Nang tumapat ang sasakyan sa akin ay ngumiti ako ng matamis kay Natalie. Ngumiti siya pabalik at parang tumigil ang paggalaw ng mundo ko. Nakakahawa ang kanyang pagngiti mula sa kanyang magandang mukha. Salamat at nakita ko na naman siya.
Bumusina sa akin si Mister Lino saka tuluyan na silang umalis. Nakatanaw pa rin ako sa kanilang sasakyan hanggang sa mawala sa aking paningin.
"Oh John Dave, andyan ka na pala," biglang paglitaw ni Misis Figueroa mula sa kanilang bakuran.
"Oho,bibili ako muli ng kalakal," magalang kong sagot.
" Ay,meron kami. Hintayin mo si Mercedes diyan at dadalhin na niya sa'yo. Huwag mo ng bayaran dahil bigay ko sa'yo 'yon."
"Nakakahiya naman po pero maraming salamat."
"Walang anuman basta ikaw."
Sakto ang paglabas ni Aling Mercedes na dala ang mga kalakal mula sa likod ng kanilang bahay.
"Ito, hijo, nakaayos na ang mga 'yan."
"Naku, maraming salamat ho Aling Mercedes," sabi ko sa kanya.
"Basta,ikaw hijo.Okay lang 'yon. O siya maiwan ka na dyan,hijo at may gagawin pa ako." Paalam sa akin ni Aling Mercedes.
Mas marami ito kumpara sa mga nabili ko kanina. Nagpaalam ako kay Misis Figueroa pagkatapos ko rin magpasalamat sa kanya. Masaya akong nagtutulak ng kariton dahil sa nasilayan ko kanina at hindi na pinabayaran ang kalakal.
Tinungo ko ang junk shop para ibenta ang mga kalakal na nakolekta ko ngayong umaga. Pagdating ko ay maraming nakapila na kapwa ko nangangalakal. Maaga pa naman para sa aking pasok sa pang-umagang asignatura ko.
Ilang minutos ang nakalipas ay ako na ang inaasikaso ng taga kilo at masaya akong tinanggap ang bayad ng aking kalakal. Tulak-tulak ko ang aking kariton muli pauwi ng bahay. Dumaan ako sa tindahan para bumili ng bigas at lutong ulam.
Pawis na pawis ako pagkarating ng aking bahay. Nagluluto ako habang pinapahinga ko ang aking basang katawan bago ako maligo. Pagkaluto ko ng kanin ay agad akong kumain ng pang-agahan ko.
Naghintay muna ako ng treinta minutos bago ako nagdiretso ng banyo para maligo. Mabilis akong naligo at lumabas na ng banyo. May oras pa para mag-review ulit para may bala ako kung sakali may exam.
Pagkatapos kong gumayak ng aking damit pang-karate ay bitbit ko na ito para magtungo sa sakayan ng tricycle. Nakarating ako at may oras pa bago magsimula ang pagtuturo ko ng karate.
Pagkaraan ng tatlong oras ng pagtuturo ko sa karate ay sumunod naman ang aking klase sa ibang asignatura. Pagkatapos ko sa lahat ng subjects ko ay umuwi na ako sa aking bahay.
Nagugutom akong nakarating sa aking bahay kaya pagkain agad ang hinahanap ko. Hinaplos ko ang tiyan ko ng naramdaman ko ang kabusugan ko. Dumighay ako ng malakas, mabuti na lang ako lang mag-isa dito sa bahay kaya ako lang ang nakarinig.
Konting pahinga lang at mangangalakal na naman ako. Alas-kwatro ang uwian nila Natalie kaya kailangan bago mag-alas-kwatro ay nandoon na ako. Ginayak ko ang aking kariton at sapat na halaga ng pera na pambili ko ng mga kalakal.
Habang tulak-tulak ko ang aking kariton ay nadadaanan ako ng mga sasakyan na lulan ng mga estudyanteng mayayaman na anak ng mga nakatira sa subdivision. Nagbuga ako ng hangin sa kawalan para mawala ang bigat sa aking dibdib.
Inalis ko sa aking isip anuman ang hindi magandang iniisip ko. Marami pang magagandang bagay ang pwedeng mangyari sa buhay ko. Kayang-kaya ko ito at hindi ako nag-iisa sa ganitong sitwasyon ng buhay ko.
Kaysa mag-isip ng nakakalungkot ay mas binilisan ko pa ang paglalakad para makabili pa ng mas maraming kalakal. Tatlong bahay ang magkakasunod na nabilhan ko ng kalakal. Limang sako agad ang nasa kariton ko.
Bahay na nila Natalie ang aking madadaanan kaya huminto ako. Mabuti na lang matayog at malago ang punong-kahoy ng akasya dito sa tapat ng bahay nila Natalie. Hindi naman nakakasagabal kundi nakakatulong pa bilang lilim.
Naupo ako sa ilalim nito at pagkaraan ng ilang minutos ay paparating na ang sasakyan ni Natalie. Binaba ang bintana ng sasakyan ng makita ako sa gilid ng kalsada na nakaupo. Ito na naman ang aking pakiramdam, ang mabilis na pagtibok ng aking puso.
Ngumiti ako agad sa kanya ng nakita ko siya. Ngumiti siya pabalik sa akin at halos gusto na magwala ang puso ko. Bumusina naman sa akin si Mister Lino para sa aking presensiya. Maya-maya ay pumasok na ang sasakyan sa loob ng gate.
Hinihintay ko naman si Natalie na lalabas pagkatapos nitong magbihis ng pambahay. Pagkaraan ng sampung minutos ay narinig ko ang pagsara ng gate. Naamoy ko ang mamahaling pabango niya at naramdaman ko na ang kanyang presensya.
"Hi, John Dave," pagbati sa akin saka umupo sa tabi ko.
May distansya ang kanyang pagkakaupo sa pagitan namin ngunit parang katabi ko lang siya dahil hindi mapakali ang puso ko.
"Hello, Natalie." Sagot ko at bahagya ko siyang sinulyapan.
"Kumusta naman ang pag-aaral mo?"
"Ito malapit na akong mag-graduate. Nakabawi na rin ako sa mga grades ko."
"Mainam 'yan at wala naman talagang bobo pagdating sa pag-aaral."
"Kaya nga and you know what? Inspired kasi ako sa'yo dahil ang sipag mo mag-aral."
"Talaga? Naging inspirasyon mo rin pala ako." Nasisiyahan kong saad sa kanya.
"Salamat ha," wika niya.
"Walang anuman basta ikaw, Natalie." Nahihiya pa akong sumagot sa kanya.
"So,how about you? How's your schooling?"
"Nagsusumikap para laging mataas ang grades dahil sa pagiging scholar, kailangan eh."
"Wow, kaya mo 'yan. Ikaw pa ang sipag mo kaya!" Ubod ng papuri niya sa akin.
Nagugustuhan ko ang kanyang mga papuri sa akin ngunit hindi ko lang pinapahalata. Kung alam lang niya na siya ang dahilan kung bakit nagpupursige ako sa pag-aaral dahil ito lang ang alam kong paraan para maging malapit sa kanya.