“IS HE really a good man, Kuya?” tanong ni Glanys sa Kuya Phillip niya habang pauwi sila sa kanilang bahay.
“Si Adler?” Marahas itong nagbuga ng hangin. Nakatutok ang mga mata nito sa kalsada. “He’s a good man. Honest, responsible, good-looking, confident but never arrogant, and a brilliant businessman. Tama ang lolo sa pagsasabing magkaibigan kami. Ilang taon na rin ang pagkakaibigan na `yon at masasabi kong kilala ko na siya.”
“So, what’s the problem, then?” nagtatakang tanong niya rito. “Bakit matindi ang pagtutol mo na parang ikaw ang ipapakasal sa kanya? If he’s a good man, hindi ba dapat ay makampante ka?”
Marahas siyang nilingon nito. “How can you even ask me that?” tila nababaghang tanong nito. Bumalik ang galit sa mukha nito. “Sa palagay mo, hahayaan na lang kitang ipakasal ni Lolo sa isang lalaking hindi mo pa nakikilala? You’ve experienced enough heartbreak to last you a lifetime.”
Napangiwi siya. “Pero kaibigan mo siya,” giit niya. “I should be fine.”
“You will not be fine! Not until you decide that for yourself. Ikaw mismo at hindi ang lolo!” singhal nito.
Tumahimik siya. Natakot siya sa boses nito. Mula pagkabata ay protective na ito sa kanya.
Narinig niya ang paghugot nito ng malalim na hininga. “Hindi sa ganitong paraan ka magpapakasal, Glanys,” anito sa mas mahinahong tinig. “Hindi ka dapat diktahan ninuman. Lolo has been interested in textile business. He wants Keith Castronuevo’s business influence. Dahil na rin siguro puro mga babae ang naging apo niya kaya naisip niyang ihanap na lang kayo ng mga lalaking karapat-dapat sa pamantayan niya.”
“Hindi naman masama ang gusto ni Lolo,” aniya. Ang totoo, naguguluhan din siya. Nang makita niya ang concern sa mga mata ng lolo niya ay tila biglang nag-iba ang damdamin niya. Tila nais na niyang pumayag. Baka hindi masamang sumubok siya.
Subalit nag-aalala rin siya na baka hindi pa siya handa. Hindi niya alam kung magiging handa pa siyang buksan muli ang puso niyang sugatan.
Kung papayag siya, hindi lang sa pagpapakasal matatapos ang lahat. Hindi lang business merger ang aasahan ng lahat. Kailangang tumibay ang samahan ng dalawang pamilya. Her grandfather would be expecting heirs. Magiging handa ba siya roon? Magagampanan ba niya ang responsibilidad na iyon?
Heirs. She was suddenly terrified. Muli siyang inalila ng miserableng pakiramdam. Tila nais niyang pumalahaw ng iyak dahil unti-unting nagbabalik ang mga alaala ng mapait na nakaraan niya.
Hinawakan ng kapatid niya ang kamay niya. “You don’t have to do this. The right man will come for you. He will come at the right time. He will ease all the pain that bastard caused you. You don’t have to agree to the marriage. Hindi mo kailangang magmadali. Darating siya. Hindi kailangan ng manipulasyon ni Lolo. Alam ko kung bakit mo naiisip na pumayag sa gusto niya. Nasa isip mo pa rin na malaki ang kasalanang nagawa mo at ito na ang pagkakataon na makabayad ka. Wala kang kasalanan—ilang ulit ko nang sinabi `yan sa `yo. Wala kang kahit na anong kasalanan sa lahat ng nangyari sa nakaraan. Biktima ka.”
“Paano kung tama ang lolo? P-paano kung ito nga ang kailangan ko?”
Umiling ito. “Adler is not the right man for you. Hindi niya maibibigay sa `yo ang kaligayahang nais kong maramdaman mo. Hindi siya. Maniwala ka sa `kin.” Tila may alam ito na hindi nito sinasabi sa kanya.
“M-masama ba kung susubukan ko?”
Mataman siya nitong tinitigan. “Are you sure?”
Umiling siya. Hindi niya alam kung gusto talaga niyang gawin ang bagay na iyon. Marahil, sa kaibuturan ng puso niya ay alam niyang tama ang kuya niya sa pagsasabi na tila nais niyang magbayad sa lahat ng kasalanan niya. Kahit na pilit nitong sinasabi na wala siyang kasalanan, na biktima siya, hindi pa rin niya lubos na pinaniniwalaan iyon. Malaki ang kasalanan niya. Nais niyang bumawi sa lolo niya sa lahat ng kahihiyang inabot nito noon dahil sa kanya.
Siguro, nagsasawa na rin siya sa pagpaparusa sa kanyang sarili. Ngayong nasabi na sa kanya ng lolo niya na panahon na upang ibaon niya sa limot ang lahat, tila nais na nga niyang gawin ang bagay na iyon. Tila nag-uumpisa na siyang mapatawad ng iba at nais na rin niyang patawarin ang kanyang sarili.
Baka dapat na niyang bigyan ng pagkakataon ang kanyang sarili.
“Subok lang,” anang kapatid niya pagdating nila sa bahay. “Kikilalanin n’yo lang ang isa’t isa. There will be no pressure. Siguro ay kailangan mo na ring makihalubilo uli sa iba. Kakausapin ko ang lolo. Kakausapin ko rin si Adler tungkol sa desisyon niya. Hindi ko maintindihan kung bakit nagpapatangay siya sa gusto nina Lolo at Tito Keith.”
Niyakap niya ito. “Maraming salamat sa lahat, Kuya. Ang sabi ni Lolo, magiging maayos ang lahat. Ngayon ko lang siya nakita na ganito.”
“He’s manipulative, Glanys.”
“But you love him still.”
He patted her head. “I will always love my family. Naalala mo ang sinabi ni Lolo Andoy noon? Ang pamilya, palaging nariyan at hindi ka iiwan kahit na anong mangyari.”
Hindi na siya sumagot. Ibinaon na lang niya ang kanyang mukha sa dibdib nito. Idinalangin niya na sana ay gabayan siya Nito sa lahat ng gagawin niya, sa lahat ng magiging desisyon at hakbang niya. Ayaw na niyang maranasan uli ang pait at matinding sakit na naranasan niya dahil lang umibig siya.
HINDI pinansin ni Adam si Adler kahit na nakatayo na ito sa harap niya. Patuloy siya sa pagtugtog ng gitara niya na tila wala siyang kasama sa silid niya.
Bumuntong-hininga ito kapagkuwan. “You have to talk to me, Adam.”
“I don’t want to,” pakantang sabi niya, saka nilakasan ang pagtugtog.
Umupo ito sa tabi niya sa couch. “It has been two years,” malungkot na sabi nito.
“It’s too soon, Adler.”
“You think so?”
Itinigil niya ang pagtugtog. Naiinis siya rito nang malaman niya na hindi pala talaga ito nagbibiro nang sabihin nitong ikakasal na ito. He agreed to an arranged marriage. Ang sabi nito ay makikinabang nang husto ang kompanya ng stepfather nila na si Keith Castronuevo kung pakakasalan nito ang isang Glanys Castañeda Tiamson.
“She’s a Castañeda and a Tiamson. Both families are formidable players in the business world. They are included in the top ten wealthiest families in the country.”
Muntik na niyang maihampas ang gitara niya rito. “Marriage is not about business mergers. Naririnig mo ba ang sarili mo ngayon, Adler? Pakakasalan mo ang isang babaeng hindi mo pa nakikilala?”
“Kaya nga kikilalanin ko muna siya. Kaibigan ko ang kuya niya. Tutol siya sa gusto ng lolo niya at ni Tito Keith. Naiintindihan ko naman kung bakit. She’s his baby sister and he knows about Maryse. Pero wala namang masama kung susubukan namin ni Glanys na kilalanin ang isa’t isa.” Nagkibit-balikat ito. “Malay mo?”
Nahihirapan talaga siyang maniwala na pumayag ang kapatid niya sa ganoong arrangement. Sa kanilang dalawa, siya ang madaling mauto kahit na noong mga bata pa lang sila. Siya rin lang ang padalos-dalos. Hindi ito nagpapamanipula kahit na kanino. Kahit pa sabihing malaki ang utang-na-loob nila sa Tito Keith nila, hindi yata tamang kabayaran ang buong kinabukasan nito.
Marriage was not a joke.
And he was still in love with Maryse.
“Ito ba ang paraan ng pagbabayad mo ng utang-na-loob kay Tito Keith?” tanong niya.
Tumango ito. “Parte marahil iyon ng pagpayag ko. Hindi naman ako pinilit ni Tito Keith, Adam. Alam mong hindi siya ganoon. Alam mo rin na matibay ang paniniwala niya sa pag-ibig. Hindi sumagi sa isip ko dati na papayag siya sa ganito. Hindi ko inakala na magugustuhan ako ni Don Aurelio Tiamson para sa apo niya.”
“You don’t wanna do this, Adler. You don’t wanna do this to Maryse.”
Nalungkot ito nang banggitin niya ang pangalan ng babaeng iniibig nito—ang babaeng kapwa nila inibig. Nagbaba ito ng paningin upang hindi marahil niya makita ang paghihirap ng kalooban nito. It had been two years but the pain of losing Maryse was still there.
“Maryse would want me to try,” anito sa munting tinig na halos hindi niya marinig. “Hindi niya gugustuhin na magdusa na lang ako habang-buhay. Hindi siya matutuwa kung habang-buhay ko nang isasara ang puso ko sa iba. Gugustuhin niyang makahanap ako ng ibang mamahalin. Kung nasaan man siya ngayon, alam kong gugustuhin niyang maging masaya ako—o sumubok man lang ako na maging masaya kahit na wala na siya.”
Natahimik siya sandali. Of course, Maryse would want the very best for his brother. Siyempre, gugustuhin nitong maging masaya pa rin si Adler kahit na wala na ito sa mundo. Ngunit may pagtutol pa rin sa kalooban niya. Kahit na alam niyang hindi magagalit o maghihinanakit si Maryse, pakiramdam niya ay nagtataksil pa rin si Adler dito. Tila nais pa rin niyang maging faithful ang kapatid niya kay Maryse. Nais niyang umibig si Adler kay Maryse habang-buhay. Dahil alam niya, kapag nabaliktad ang sitwasyon, hindi iibig si Maryse sa iba.
Bahagyang sumama ang pakiramdam niya. Nahiya siya sa mga naisip niya. Did he really want those things? Hindi ba dapat ay mas naisin niya na makaahon ang kapatid niya? Hindi ba dapat ay suportahan niya ito dahil nais nitong sumubok na maging masaya? Dalawang taon na itong nagdadalamhati sa pagkamatay ni Maryse.
“Kaninong ideya ba talaga ito?” tanong niya mayamaya. “Sa `yo ba o kay Tito Keith? Payag ba talaga siya na may pumalit na iba sa puwesto ng anak niya sa puso mo?” Isa pa iyon sa bagay na ikinagulat at pinagtatakhan niya. Paano naisip ng stepfather niya ang bagay na iyon?
“Ideya ni Don Aurelio ang lahat. Noon pa man, hindi na siya gaanong naniniwala sa pag-ibig. Iyon daw ang kadalasang sumisira sa samahan ng mag-asawa. Sa paniniwala niya, mas magandang pundasyon ng marriage ang pagkakaibigan, compatibility, at yaman ng pamilya. Siya rin yata ang pumili ng mga napangasawa ng mga anak niyang lalaki. Kaya nga konektado siya sa pinakamayayamang pamilya sa buong bansa. Balak din yata niyang gawin ang kaparehong bagay sa mga apo niya. Iisa lang ang apo niyang lalaki kaya naghahanap siya ng mga lalaking karapat-dapat na mapabilang sa pamilya niya.”
He smirked. “I bet you feel so flattered being chosen,” sarkastikong sabi niya. “Bro, what century are we in now? Masyado na `yang old-fashioned.”
“Pumayag si Tito Keith hindi dahil sang-ayon siya sa pananaw ni Don Aurelio sa pag-ibig at pag-aasawa,” pagpapatuloy nito na tila wala siyang sinabi. “Sa palagay ko ay pumayag siya dahil nag-aalala siya sa `kin. Nag-aalala siya na baka hindi na ako makaahon. He wants me to be happy. He wants me to see other women. Naisip siguro niya na hindi ko kusang gagawin `yon kaya dadaanin niya ako sa pilitan. Siguro, naisip niya na papayag ako kahit na hindi ko gusto dahil sa malaking utang-na-loob natin sa kanya.”
“Hindi siya nagkamali ng inisip.”
“Pumayag ako dahil sa palagay ko ay tama siya. I need this, Adam. I have to try. Unti-unti, hahakbang ako. Unti-unti, aahon ako. Ayoko nang maging ganito. Nagsasawa na akong malungkot. God, I feel guilty for saying that,” anito sa nahihirapang tinig.
Kahit paano ay naintindihan na niya ang kapatid niya. Pinalis niya ang lahat ng nararamdaman niyang pagtutol at sinikap na lang niyang intindihin ito. “Moving on doesn’t mean forgetting her. Habang-buhay na mananatili sa puso natin ang alaala niya. You will forever love her. Susubukan mo lang magmahal ng higit sa iba. Susubukan mo lang maging masaya. Magiging masaya rin siya kung saan man siya naroroon kapag nakita ka niyang masaya dito.”
He smiled gratefully. “Thanks, Adam.”
He decided to just support him all the way. “You’re my brother.”
Pinasigla nito ang mukha nito. “How’s your vacation so far?”
His shoulders fell. “Damn it! Bakit ba kilala ako ng lahat ng tao dito? Bakit hindi ako makalabas at makapamasyal na tila normal na tao? Muntik na akong kuyugin kahapon sa mall.”
Napailing ito. “Ang tigas naman kasi ng ulo mo. Sinabi nang huwag ka munang lalabas at dudumugin ka, eh. You are not normal, Adam. You’re an international celebrity. Hindi ko alam kung bakit minsan ay nakaka-limutan mo ang bagay na `yan.”
Masaya siya sa ginagawa niya. Alam ng Diyos na buong puso niya ang nasa musika. Natutuwa rin siya na marami siyang napapasayang tao sa pamamagitan ng musika niya. Lubos ang pasasalamat niya sa lahat ng suporta ng tao sa kanya.
Ang hiling lang niya minsan ay sana magkaroon pa rin siya ng normal na buhay. Na sana ay hindi siya pagkaguluhan ng fans at press tuwing lumalabas siya ng bahay. Sana ay hindi siya inilalagay sa pedestal ng mga tao upang sambahin. He was not perfect.
Nais niyang makalaboy uli sa lansangan ng Maynila. Nais niyang puntahan ang mga lugar na dati niyang pinupuntahan. He wanted to go to clubs and bars. Nais niyang manood ng shows ng ibang local rock bands. Ngunit hindi niya magawa ang lahat ng iyon dahil pagkakaguluhan at kukuyugin siya.
“I want a real vacation,” aniya. “Ayokong magkulong dito.”
“Di sumama ka na lang sa `kin sa Mahiwaga.”
“Saan `yon?”
“Doon nakatira si Glanys. I heard from Phillip that it’s a great place. It’s quiet and private. Medyo malayo sa kabihasnan. He invited me to take a vacation there. Maaari din daw akong magsama ng kahit na sinong gusto ko. Gusto mong sumama? Walang reporters doon. Kundiman pa rin yata ang pinakikinggan ng mga tao roon,” pagbibiro nito.
Natawa siya. “I’m in.” Hindi lang dahil nais niya ng bakasyon. Nais din niyang masiguro na magiging maayos ang pagsubok ng kapatid niya. “Gusto kong makilala si Glanys. Gusto kong ako ang magsasabi kung karapat-dapat ba siyang pumalit sa puwesto ni Maryse.”
May inilabas ito sa bulsa nito at ibinigay sa kanya. It was a picture of a woman. Napatitig siya sa larawan. Hindi niya maialis ang kanyang mga mata rito.
“Stunning, right?”
“The loveliest of them all,” halos wala sa loob na nasambit niya. She looked familiar. He smiled to himself.