“SIGURADO ka ba sa nais mong gawin?”
Napatingin si Glanys sa Lola Ancia niya na abala sa pag-aayos ng mga bulaklak sa puntod ng Lolo Andoy niya. Sinamahan niya ito nang araw na iyon.
“Hindi ko po alam,” tugon niya.
“Sa palagay mo ay handa ka nang sumubok uli?” tanong uli nito.
“Hindi ko rin po sigurado, Lola. Ang sabi naman ni Kuya ay mabuting lalaki si Adler. Malay po natin, magustuhan ko po siya.”
Nakikita niya ang pag-aalala nito para sa kanya. Nais niyang sabihin na huwag na itong mag-alala, ngunit alam niyang hindi nito mapipigilan ang sarili nito.
Nais niyang sabihin dito na kahit paano ay handa na siya, ngunit ayaw rin niyang magsinungaling sa matanda. Mahahalata rin naman nito na hindi siya nagsasabi ng totoo. Kilalang-kilala na siya nito. Sa loob ng pitong taon, hindi siya umalis sa tabi nito. Ito ang kasa-kasama niya sa halos lahat ng oras.
Ang ilang mga tauhan nila ay iniisip na pinili niyang manirahan doon upang may mag-alaga sa lola niya. Ang hindi alam ng lahat, ang lola pa rin niya ang nag-aalaga sa kanya. Ito ang matibay na pader na sinasandalan niya. Natatakot siya sa pagdating ng araw na sasamahan na nito ang lolo niya sa kabilang buhay. Hindi yata siya kailanman magiging handa sa bagay na iyon.
Bumuntong-hininga ito. “Let’s hope for the best. Kailan daw siya darating sa villa?”
“Sa makalawa raw po.” Itinawag na ng kuya niya sa kanya ang pagpayag ng kaibigan nito sa bakasyon. Ang totoo ay ideya iyon ng Lola Ancia nila. Nais muna raw nitong makilala si Adler bago ito pumayag sa “kalokohan” ng Lolo Aurelio niya.
Her grandmother was furious when she told her all about it. Nagalit ito dahil naniniwala itong minamanipula siya ng lolo niya. Hindi raw dapat siya dinidiktahan ng kahit na sino. She even spent hours on the telephone talking to her grandfather. Kung ang iba ay nangingilag o natatakot sa lolo niya, iba ang lola niya. Pinagalitan nito nang matindi ang Lolo Aurelio niya. Alam niyang hindi lang nanahimik ang lolo niya. Mabuti na lang at sa telepono lang nagkausap ang dalawa. Hindi niya ma-imagine kung ano ang mangyayari sa sandaling magkaharap ang dalawa.
Kinakabahan siya sa pagdating ng lalaking napili ng Lolo Aurelio niya para sa kanya. Hindi niya alam ang aasahan niya rito. Nahiling niya na sana kahit paano ay magustuhan niya ito. Hindi man sa paraang romantiko, sana ay maging magkaibigan sila.
Hindi rin niya alam kung ano ang aasahan niya sa kanyang sarili.
Ayon sa kanyang kapatid, isasama ni Adler ang kapatid nitong si Adam. Sisiguruhin na lang marahil niya na magiging masaya ang bakasyon ng magkapatid sa lugar nila. She had always been proud of Villa Cattleya and Mahiwaga. Nais niyang makita ng iba ang kagandahan ng buong lugar.
“Naalala mo ba si Aurelio, Andoy?” pagkausap ni Lola Ancia sa puntod ni Lolo Andoy.
Karaniwan, iniiwan niya ito upang bigyan ito ng pribadong oras kasama ang lolo niya. Araw-araw, nagtutungo sa mausoleum ang lola niya upang dalawin ang lolo niya. Hinahangaan niya ang devotion nito sa lolo niya. Kahit na wala na sa mundo si Lolo Andoy, patuloy pa rin itong minamahal ni Lola Ancia. Hindi kailanman napagod sa pagpunta roon ang lola niya. Umaraw man o umulan, nagtutungo ito roon upang bumisita at makipagkuwentuhan.
Hindi niya mapaniwalaan minsan na may ganoong uri ng pag-ibig.
Nagdesisyon siyang manatili sa mausoleum hanggang sa matapos ang lola niya. Nais niyang marinig kung ano ang sasabihin ng lola niya tungkol sa Lolo Aurelio niya.
Sumimangot si Lola Ancia bago ito nagpatuloy. “You liked him and I don’t know why. You were good friends with him kahit na magkaiba kayo ng personalidad. Ginagawa na naman niya ang ginawa niya kina Paulito at Nenita dati. Nagtagumpay siya dati ngunit walang garantiya na magtatagumpay uli siya. I’m so worried and scared, Andoy. I can’t sleep at night.”
Nilapitan niya ang matanda at masuyong niyakap. “You don’t have to worry so much, Lola. I’ll be fine,” she assured her.
Hinawakan nito ang kamay niya ngunit hindi ito tumingin sa kanya. Ang mga mata nito ay nanatiling nakatingin sa puntod. “Noong kausapin ako ni Aurelio tungkol sa pagnanais niyang maipakasal ang panganay niyang anak kay Nenita noon, matindi ang pagtutol ko. Kahit pa ilang ulit niyang sinabi sa `kin ang mga magandang bagay na mangyayari kapag naging isa ang dalawang pamilya ay mahigpit pa rin ang pagtutol ko. Hindi ko ipagkakasundo ang anak ko para lang mas umunlad ang mga negosyo natin. Hindi ko kailanman didiktahan ang isip at puso ng mga anak ko. Nangako ako dati na hindi ko kailanman gagawin sa mga anak ko ang ginawa ng ama ko sa `kin. Kung may magagawa ako, hindi ko kailanman hahayaan na pagdaanan ng mga anak o ng mga apo ko ang mga pinagdaanan ko. I would have never let your mother marry your father if I hadn’t seen her falling in love with your father. And I saw how your father fell in love with your mother, too. Iyon ang gusto kong maranasan n’yo—to fall in love. I want you all to experience how wonderful it is. Love is not always painful, Glanys. Ayokong sa ganitong paraan ka—”
“Lola, we’ll never know what will happen if I don’t try. I may or may not fall in love again. Gusto ko lang pong subukan. Maybe, I owe it to Lolo Aurelio. And I also owe it to you.”
“You don’t owe us anything. You owe it to yourself. You deserve to be happy. Kahit na sa isip mo ay hindi ka karapat-dapat, you deserve to be loved, apo. Huwag mong isipin na utang mo sa `kin ito. Huwag mong isipin na kailangan mo itong gawin para sa ibang tao. You have to be sure. You have to be in love with him before you marry him. Gusto kong makita uli ang kinang sa mga mata mo kagaya ng dati. Dahil kung hindi ko makikita, kahit na ano ang mangyari ay hindi ako papayag na magpakasal ka sa lalaking hindi mo mahal. I will not let you go. Hindi ako matatahimik hanggang sa kabilang buhay kapag alam kong hindi ka lubos na masaya. I refuse to die until then.”
Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng lola niya sa kanya. Naramdaman din niya ang presensiya ng lolo niya. She was very thankful she had a family like them.