Liwayway “Oo, siya nga baby, bakit?” takang tanong nito sa akin. Hawak ko pa rin ang litrato. “Hindi ko pa nga pala naipapakita sa iyo ang picture ni papa,” dagdag pa nito habang papalapit sa akin. Tama ba ang narinig ko na ang amang nang-iwan sa kanila ay walang iba kung hindi si tito Leo? “Kilala ko siya.” Nakalapit na siya sa akin. Halata sa mga mukha nito ang pagtataka sa aking tinuran. “H-ha? Paano mo nakilala si papa, baby?” “Kapitbahay namin siya sa village. Malapit ang pamilya niya sa amin dahil kaibigan sila ni mama,” paliwanag ko. Hindi niya nakikita si tito Leo kapag pumupunta ito sa amin dahil nga hindi palalabas si tito kasi hirap ito sa paglalakad mag-isa. Hindi ko maipaliwanag ang reaksyon ni Benjamin sa sinabi ko.

