"Hi, Nala... Pauwi ka na ba? Pwede bang ihatid kita sa inyo?" Tila nahihiyang bungad ni Carlo sa katrabaho ng hapon na iyon. Pauwi na sila at kasalukuyang pumapatak ang napakalakas na ulan.
"Salamat sa offer, Carlo, pero kaya ko namang umuwi mag-isa." Naasiwang tugon niya. Sa tinagal-tagal niya sa Maynila hindi niya inugaling magpahatid sa kung sinong lalaki sa tinutuluyan niya. Bukod sa nakakahiya na, nakaka-abala pa.
"Balita ko kasi lumipat ka raw ng tirahan, baka 'ka ko kailangan mo ng kasabay. Syempre hindi natin alam kung okay ba yung nalipatan mo o hindi," pagpupumilit ni Carlo. Totoo naman ang sinabi ng binata na lumipat siya ng apartment at hindi niya pa kabisado ang lugar na nalipatan. Gayunpaman ayaw niyang makaabala pa ng ibang tao. Saka baka ano pa ang isipin ng mga kasamahan nila.
"Carlo, believe me, okay? I can manage, mukha namang mababait ang mga bago kong kapitbahay. You don't have to worry, about me, besides matagal na akong mag-isa. Kaya kong alagaan ang sarili ko, okay?" Paniniyak niya.
"Pagbigyan mo na 'yang si Carlo, Nala. Nag-aalala lang din 'yan sa'yo..." Sabad ni Kian na kanina pa pala nakikinig sa usapan ng dalawa. "Saka solo kang lumipat at babae ka pa. Para rin sa'yo 'yan." Dagdag nito na may halong pag-aalala sa boses.
"Eh kasi-"
"Tara na," muling yakag ni Carlo habang hawak nito ang extrang helmet nito. Sa hilatsa ng binata ay hindi talaga ito tatanggap ng sagot na "no" mula sa kanya.
"Umuulan tapos magmo-motor tayo? Okay ka lang?" Tila naiinis niyang sagot.
Kung sasakay tayo sa jeep, bus o taxi maiipit lang tayo sa trapik. May kapote naman ako kaya hindi ka mababasa." Ani Carlo. "Isa pa, maingat naman akong magmaneho, so, tara?"
Hindi talaga ito patitinag kaya wala na siyang nagawa kundi umangkas sa motor nito matapos siyang suutan ng kapote ni Carlo.
"Ehem, mukhang may nangangamoy pag-ibig ah!" Tudyo ni Steve na palabas na rin kasama si Aidan.
"Wala ah! Ito kasi si Carlo, namimilit na ihatid ako!" May pagka defensive na wika niya.
"Kalma, Nala... Wala naman akong pinangalanan eh," natatawang sagot ni Steve sabay akbay kay Aidan na nangingiti na rin.
"Mauna na kami mga pare, mag-iingat kayo pag uwi!" Ani Carlo.
Pinaharurot na nito ang motorsiklo papalayo sa lugar na iyon, naiwan ang mga kasama na may mga pilyong ngiti sa mga labi.
"Talaga 'tong si Carlo, kung hindi pa nahuling nage-emote itong si Nala ay hindi pa maiisipang pumorma," ani Steve.
"Kailangan lang pala ng kaunting kalabit diyan kay Carlo. Kung nalaman ko lang 'yan noon, baka matagal na 'yan silang nagkamabutihan." Ani naman ni Kian.
"Kayo talaga, umandar na naman ang kapilyuhan ninyo. Hayaan na ninyo 'yang dalawa na dumiskarte para sa kanila. Matatanda na 'yan at alam na ang dapat gawin." Ani Aidan.
"Pero napapaisip ako kung sino 'yong lalaking iniiyakan niyan ni Nala eh. Hindi naman kasi basta-basta tutulo ang luha ng mga babae kung hindi malalim ang pinaghuhugutan," ani Steve.
Inihatid ni Aidan ng tanaw ang papalayong motorsiklo ng dalawa. Maya-maya pa ay gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Sana nga ay maging magnobyo ang dalawa. Nang sa ganon ay maging maligaya na rin si Nala at mabaling ang atensyon nito sa iba at makalimutan na nito ang lalaking iniiyakan kumakailan lamang.
"Dito ka pala tumutuloy?" Ani Carlo nang makarating sila sa inuupahan niya. Napansin pa ng binata ang ilang kalalakihan na nag-uumpukan at nag-iinuman. Nasa tabi-tabi lang din ang mga kabataan na nagkakatuwaan kasama ang mga barkada.
Maliit na paupahan lang ang tinitirahan niya sa Litex. Actually, maituturing nga iyong squatters area, iyon nga lamang ay malapit sa mga pamilihan kaya nagustuhan niya.
"Oo, maliit lang... Temporary lang naman ito habang inaayos pa ni Aling Becca yung apartment niya."
"You mean, babalik ka roon?"
"Oo, komportable at sanay na ako sa lugar na iyon. Kung hindi lang kami nasunugan hindi ako aalis doon."
"Sabagay, mayroon talagang mga lugar na komportable tirahan. Na para bang sarili mo nang bahay." Ani Carlo. Bahagya pang sinipat ng binata ang pansamantalang tirahan ng dalaga. Maliit lang ito dahil studio type lamang. Pagpasok mo sa loob ay naroon na agad ang maliit na lamesa. Nakasandal lang din ang manipis na kutson ng dalaga sa dingding at ilalapag na lang sa sahig kapag matutulog na. Mabuti na lamang at may maliit na espasyo para sa banyo at lababo kaya hindi na rin masama. Hindi kasi siya pabor sa mga aparatment na iisa lang ang banyo ng mga tenant. Bukod sa maraming gumagamit, papaano na lang kung sabay-sabay nakaramdam ng tawag ng kalikasan.
"Magkape ka muna, para mainitan ang tiyan," alok ng dalaga sa binata sabay abot ng isang tasang kape. "Pasensya ka na at 3 in 1 lang 'yan. Saka na kita i-treat sa starbucks kapag sumahod ako."
"Hindi naman kailangan, mas okay nga ito kasi ikaw mismo ang nagprepare." Ani ng binata sabay kindat sa dalaga. Bigla namang naging mailap ang mga nito dahil sa inasal ng binata.
"Mukhang tumila na ang ulan..." Aniya habang nakatingin sa labas ng bintana.
"Oo nga, alis na rin ako maya-maya..." Ani Carlo.
Pagkatapos uminom ng kape ay tumayo ang binata at sinipat ang bintana ng dalaga maging ang pang lock nito sa pinto.
"Bakit?" Takang tanong ng dalaga.
"Babae ka at kailangan mong maging maingat. Sa taas ng bilang ng krimen ngayon dito sa Pilipinas, walang masama kung mag iingat. Alalahanin mo, mag-isa ka lang dito. Anong laban ng isang babae sa lakas ng lalaki?"
"Huwag ka ngang nananakot diyan Carlo!"
"Hindi ako nananakot. Bukas babalik ako, aayusin ko 'yang seradura mo. Saka dapat may pang self-defense ka rin,"
"Safe naman ako daw dito, saka magkakatabi lang bahay namin eh. Kung sakali man pwede ako manghingi kaagad ng tulong."
"Kahit na, huwag tayong pakisiguro. Ako ang natatakot para sa'yo. Nakita mo ba yung mga nag-iinuman sa labas. Napakadaming tambay sa kanto, anong oras na. Ang ganda mo pa naman." Ani Carlo na hindi na nakapagpigil purihin ang dalaga.
Natameme siya sa tinuran ng kaharap, sa tinagal-tagal nilang magkatrabaho ni Carlo ay ngayon lang siya nito sinabihan ng maganda. Bagay na ikinapitlag ng puso niya.
"D-don't get me wrong! You're really beautiful!" Defensive na wika ni Carlo ng mapansin nito ang pananahimik niya.
"Thank you... Tumila na ang ulan, safe na siguro na magmaneho ka. May pasok pa tayo bukas," may halong pagtataboy na wika niya rito.
"Oh! Yeah! Mauna na ako, salamat sa kape, Nala. T'was the best! Sana hindi ito ang una at huling pagkakataon na pagbubuksan mo ako ng bahay mo." Ani Carlo.
"Salamat sa paghatid sa'kin, ingat ka pag-uwi." Aniya na hindi pinansin ang sinabi nito. Ewan niya nga ba at bigla siyang nailang sa binata.
Hindi ba nito alam na may iba nang nilalaman ang puso niya? Hindi ba nito alam na nakalaan na sa iba ang mga mata niya kahit pa sabihing wala na siyang pag-asa sa lalaking isinisigaw ng puso niya.
"Sige, mauna na ako... Ingat ka rin!" Ani Carlo bago ito tuluyang umalis ay panakaw itong humalik sa noo niya. Dahil sa pagkabigla ay hindi na siya nakahuma pa.
Naiwan siyang nakatulala sa kawalan habang nakahawak ang mga palad sa kanyang noo.
"Did he just kissed me?!" Mga salitang bigla na lang namutawi sa kanyang labi sa pagkagulat. "But why?"