CHAPTER 3

1272 Words
Napalingon agad si Aling Joanah kay Maribel. Nakatayo ang bata sa may pintuan ng kanilang maliit na bahay habang nakatingin sa kanya. May luha pa ang mga mata nito, ngunit tila bahagyang gumaan ang mukha nang makita ang kanilang tiyahin. "Anong ginagawa mo rito, Maribel?" tanong ni Aling Joanah na pilit na ngumiti. "Tinatawag na po kayo ni Ate Jenny. Masakit pa rin daw po ang ulo niya." Agad na nagbago ang ekspresyon ni Joanah. "Gan'on ba?" Tumango si Maribel. "Kailangan pa po niyang uminom ng gamot pero wala na kaming gamot, tiyang." "Naku, sige... Pumasok na tayo. May mga gamot akong dala, dapat iinom agad ang ate niyo dahil mahaba pa ang biyahe natin bukas." Pagkapasok nila, agad na nakita ni aling Joanah nanakaupo si Jenny sa gilid ng banig habang hawak ang kanyang noo. Maputla pa rin ang mukha nito at kapansin-pansing nangayayat dahil sa mga nakaraang linggo. "Jenny." Napatingin dito ang dalaga. "Tiyang?" "Masakit pa rin ba ang ulo mo?" "Kaunti na lang po." Lumapit si Joanah at naupo sa tabi niya. "Kung gano'n, uminom ka agad ng gamot dahil mahaba pa ang biyahe natin bukas." Napatingin sa kanya si Jenny. "Bukas na po talaga agad ang alis natin?" "Oo. Ayokong magtagal pa tayo rito. Tingnan mo ang kalagayan ninyo. At saka may trabaho akong naiwan doon." Napayuko si Jenny. "Ako na ang bahala sa inyo," dagdag ni aling Joanah. "Sa Maynila, makakapag-aral kayo ulit. Hindi na kayo magugutom." Napatingin si Maribel sa kanyang tiyahin. "Talaga po, tiyang?" "Oo naman." Agad na ngumiti ang mga bata. "Junjun, narinig mo? Mag-aaral ulit tayo at hindi na tayo magugutom doon!" Sabi pa ni Maribel sa kapatid at niyakap nito ang bata. Tumalon sa tuwa ang limang taong gulang nilang kapatid. "May pagkain na tayo palagi!" Sabi pa ng bata. Napangiti si Joanah. "Oo. Maraming pagkain doon." Samantala, tahimik lamang na nakatingin si Jenny sa kanilang tiyahin. May kung anong kakaibang pakiramdam ang sa kanyang dibdib. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Marahil ay dahil kanina, nang lumabas ito para sagutin ang tawag at mahinang nakipag-usap sa kausap nito sa phone ay parang may tinatago itong bagay. Ngunit mabilis niyang itinaboy ang kanyang hinala. Pagod lang siguro siya. At higit sa lahat, kailangan talaga nila ang tulong ng kanyang tiyahin ngayon. Kung tunay ngang may magandang buhay na naghihintay sa kanilang magkakapatid sa Maynila, wala siyang karapatang tanggihan iyon. "Salamat po, Tiyang," mahina niyang sabi. Hinaplos ni Joanah ang buhok niya. "Wala kang dapat ipagpasalamat sa akin, Jenny. Pamangkin ko kayo." Napangiti si Jenny. Kinagabihan, nagsimula silang mag-impake. Wala naman silang gaanong gamit. Ilang pirasong damit lang at dalawa o tatlong lumang libro. At ang kanilang mga requirements ay dinala din nila lahat. Ilang bagay na dinala din nila na may sentimental na halaga sa magkakapatid. Habang inilalagay ni Jenny ang kanilang mga damit sa isang lumang bag, napahinto siya nang makita ang isang maliit na litrato. Larawan iyon nilang magkakapatid kasama ang kanilang mga magulang. Nakaupo silang tatlo sa harap ng kanilang bahay. Sa larawan, nakangiti ang kanilang ina at ama habang magkayakap silang magkakapatid. Napahigpit ang hawak ni Jenny sa litrato. "Inay, itay..." Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kanyang luha. "Ate, Jenny." Napalingon siya. Nakatayo sa likuran niya si Maribel. "Ate, isasama mo po 'yan?" Tanong nito. Tumingin si Jenny sa litrato. "Oo. Isasama natin." Mabilis na lumapit si Maribel at niyakap siya. ____ Kinabukasan, mga 9:00 am ay dumating ang isang traysikel na kinausap ni Aling Joanah kaninang mga alas siyete ng umaga para sakyan nila patungong Airport. "Jenny! Maribel! Junjun! Bilisan niyo na, nandito na ang traysikel. Hali na kayo. Isakay na ninyo ang mga gamit niyo." Mabilis na lumabas ang magkakapatid. Bitbit ni Jenny ang kanilang bag habang hawak naman ni Maribel ang kamay ni Junjun. Bago tuluyang sumakay, napalingon si Jenny sa kanilang bahay. Matagal niya itong tinitigan at parang gusto niyang kabisaduhin ang bawat bahagi nito. Dahil hindi niya alam kung makikita pa niya iyon muli. Naroon ang mga alaala ng masayang pamilya nila. Pero ngayon, iiwan na nilang isang malamig na lang na lugar at wala nang tao. "Jenny." Tawag ng kanyang tiyahin. Napalingon siya kay sa tiyahing si Joanah. "Halika na." Sabi nito. Tumango naman siya rito. "Opo, Tiyang." Tugon naman niya ngunit halatang mabigat ang bawat hakbang. Sumakay silang tatlo. At nang tuluyang umandar ang traysikel, nilingon pa rin nilang magkapatid ang kanilang bahay. Sobrang bigat ng pakiramdam ni Jenny. Nasasaktan siya sa kanilang pag-iwan sa bahay nila. Pero wala siyang mapagpilian, kundi ang sumama sila sa kanilang tiyahin at tuluyan nang iwan ang lugar ng Leyte. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanilang magkakapatid doon sa Maynila. ____ Samantala sa bansang Russia sa lugar ng Moscow, isang malawak na lupain na halos hindi makita mula sa pangunahing kalsada, nakatayo ang napakalaking Altaverano Estate. Napapaligiran ito ng matataas na bakal na bakod at makakapal na punong tila nagsisilbing natural na harang laban sa sinumang gustong makalapit. Hindi basta-basta nakakapasok ang sinuman sa teritoryong iyon. May mga security checkpoint bago pa man marating ang pangunahing gate at may mga tauhang nakatalaga sa bawat pasukan, habang ang iba ay nakapuwesto sa mga strategic na bahagi ng estate. May mga CCTV camera sa paligid, May mga patrol vehicle at may sariling security command center ang buong lugar. Kapag may hindi kilalang sasakyan na lalapit sa estate, agad iyong sinusuri. Walang nakakapasok nang walang pahintulot. Dahil ang lupain na iyon ay hindi lamang tahanan ni Senior Antonio, kundi ito ang kanyang teritoryo. At sa teritoryong iyon, siya ang nasusunod. Si Senior Antonio Altaverano ay isang bilyonaryong diborsiyado sa kanyang American wife, isang lalaking kayang magpakilig ng kahit na sinong babae dahil lamang sa taglay nitong mala Adonis na kaguwapuhan at kakisigan sa edad nitong 45 anyos. Hindi pa ito nakapagdesisyon na mag-asawang muli pagkatapos itong madivorce sa asawa. Sa likod ng matataas na bakod ay makikita ang napakalawak na hardin na nababalot ng malamig na hangin ng Russia. May mga pine tree na nakahanay sa paligid, habang ang malawak na driveway patungo sa mansiyon ay malinis na nililinis ng mga tauhan araw-araw. Ang pangunahing mansiyon ay napakalaki. Mataas ang kisame, Malalaki ang mga bintana at may mga mamahaling chandelier, antigong muwebles at mga mamahaling painting. Ngunit higit sa lahat, kapansin-pansin ang katahimikan ng buong paligid. Dahil walang nagkakagulong mga katulong, walang malalakas na boses at lahat ay maingat sa kanilang kilos. Dahil alam nilang naroon ang kanilang amo. Bandang alas-siyete ng umaga nang may kumatok sa pinto ng kanyang silid. "Good morning, Senior." Ang bati ng isang katulong sabay mahinang kumatok. "Come in." Tugon ng Senior mula sa loob. Maingat na pumasok ang dalawang katulong na may dala ang isa ng mainit na kape na at ang isa naman ay may dalang tray ng almusal. Pagpasok nila ay agad silang yumuko nang makita ang Senior. "Good morning, Senior. Breakfast is ready." Tahimik lamang na tumango si Senior Antonio. "Your coffee, Senior." Sabi din ng isang katulong. Inilapag iyon ng katulong sa maliit ngunit mamahaling mesa. Kasunod nito ay inayos naman ng isa ang kanyang mga damit. Hindi na kailangang sabihin ni Senior Antonio kung ano ang kailangan niya. Matagal na silang naglilingkod sa among bilyonaryo kaya alam na nila kung paano niya gusto ang kanyang kape, alam na nila kung anong oras siya kumakain. At bago pa man siya humingi ng isang bagay, kadalasan ay nakahanda na iyon. Hindi dahil lamang sa tungkulin nila, kundi dahil alam nilang kailangang maging maingat sa pag-aalaga sa isang taong tulad ni Senior Antonio. Hindi ito sanay na maghintay, at hindi rin ito mahilig ulitin ang isang utos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD