“Pasensiya na Annie, pero napagdisyunan ko nang itigil ang panliligaw sayo. Ramdam ko kasing hindi ka pa handa na makipagrelasyon ulit.”
Naudlot ang pagsubo ko dahil sa sinabi ni Fred, apat na buwan na rin kaming lumalabas.
“Seryoso ba?” tanong ko na lamang dahil nablangko na ang utak ko.
“Kailan ba ako nagbiro?”
“Ah...oo. Alam ko naman,” sabi ko dito at tuluyan nang napawi ang mga ngiti sa labi ko.
Bagamat inasahan at inihanda ko na ang sarili ko sa pagkakataong ito, mas inasahan ko kasing tatanungin niya ako kung magiging kami na ba at malala pa ay umasa ako dahil sa mga hirit ni Sydney sa akin, pero maling-mali ako.
Ibinaba ko ang tinidor at kutsilyong hawak ko saka uminom ng tubig.
“Sorry, alam kung frustrated ka last time. Sa sunod, sasauluhin ko na ang tawag sa mga cuts o luto ng mga karne para di ako nakakahiya kapag oorder. Pangako. Ang akin kasi pare-parehas lang naman sila sa tiyan,” sumamo ko pa.
“Hindi---Hindi yon ang issue, Annie. Talagang ayaw ko na, pagod na ako,”
Iniwas ko ang tingin kay Fred dahil nangingilid na ang mga luha ko. Grabe, pang sampo na ito pero palpak pa rin.
Bumungtong-hininga ako. “Ok. Sige. Nauunawaan ko.”
“Sana dumating ang araw na makahanap ka rin ng lalaking mamahalin mo at hahayaan mong mahalin ka.” Pagpapatuloy ni Fred.
Sumandal ako sa aking inuupuan sabay dumekwatro at tumitig sa kaniya.
Apat na buwan na lagi ko siyang kasama, ang hirap isipin na bukas back to zero na naman.
Magmamakaawa ba ako o kagaya na lamang ng dati? Ngumiti at magpanggap na parang wala lang nangyari para naman kahit paano ay may matira pang kahihiyan sakin.
Napatingin ako sa sahig at binilang ang mga langgam na dumadaan sa paanan ko. Kahit nasanay na ako sa kaniya, wala nga pala akong choice kundi tanggapin na lamang.
“Sorry, Annie. Mabait kang tao alam ko yon. Pero alam ko rin naman na gusto mo nang tapusin ito, nahihiya ka lamang, kaya ako na ang gumawa,” dagdag pa nito.
Napaangat ang tingin ko kay Fred pagtapos na magtapon ng malalim na hininga. Ayaw ko sa lahat ay gini-guilt trip ako at sakin ang tapon ng sisi.
“Ok na ba? Tapos na? Nasabi mo na bang lahat? Baka may idaragdag ka pa? Sige na, papakinggan ko, respeto na lamang sa apat na buwan mong pagtitiis sakin.”
“Annie, nauunawaan kong galit ka pero wag ka dito mag-eeskandalo, kumalma ka,” wika niya.
Ah, eto ang gusto niya. Ang magalit ako at gumawa ng eksena para bida siya sa paningin ng tao. Kaso, pasensiya siya, hindi ko siya pagbibigyan.
“Kalma ako, Fred. Don’t worry. At di ako mag-eeskandalo, ang akin lang eh ang dami mo pang drama. Ang daming laway na nasayang. Sana sinabi mo na lang na pass na dahil di ka maka-score sakin.”
Nanlaki ang mga mata ni Fred. Hindi niya siguro inaasahan na magsasalita ako ng ganon dahil hindi naman talaga ako basta-basta nagsasalita.
Tapos, sobrang kalmado lang ng boses ko dahil hangga’t maaari ay ayaw kong makakuha ng kahit anong atensiyon, gusto ko lamang na mailabas ang sama ng loob ko.
Tumayo na ako. Kita ko ang pagkainis at pagkainsulto sa mukha niya pero wala na akong pakialam.
“Ah eto nga pala, eto ang bayad sa mga inorder mo at pamasahe mo na rin pauwi. Sa tingin ko naman ay bayad ako sa mga ininvest mo sakin. Bye.” Dagdag ko pa.
Hindi ko na siya inintay pang magsalita. Tumalikod na ako at naglakad palayo.
Nanggagalaiti ako.
Kung naiinsulto siya, mas nakakainsulto sa akin dahil sa edad kong thirty ay iniisip niya na ganon ako ka-naive para maniwala sa kaniyang palusot?
Pwes hindi.
Hindi ako mabait. Lalong hindi ako tanga. Hindi ako mahina. Hindi ako uto-uto. Ayaw ko lang ng maraming drama, ayaw ko ng stress.
Kinailangan ko lang talaga magsalita ngayon dahil kung hindi, iyon na lang ang magiging pananaw sakin ng karamihan.
At hindi ko kinayang hindi magsalita dahil umasa ako ng konti. Sige na, umasa talaga ako ng malala na baka sa sakaling sa pagkakataon ito ay tama na. Na baka sakali, si Fred na talaga.
Pinisil-pisil ko na ang strap ng itim na sling bag ko para kumalma pero bigo ako. Nanginginig na ang katawan ko, maging ang magkabilang gilid ng mga labi ko ay nanginginig na rin.
Ang unfair. Sobra. Nakakabawas ata talaga ng halaga bilang tao ang pagiging single mom.
Namali ako, oo. Pero sobra kong pinagsisisihan na nagtiwala at nagmahal ako ng sobra noon, lahat binigay ko, kaso ang ending, talo.
Naiwan pa sa ere. Naiwan sa repsonsibilidad. Naiwan sa mga tanong na anong mali sakin? Naiwan sa isiping, saan ako nagkulang?
Pero sino ba kasing nakakaalam na maling tao ang isang tao?
Meron bang cellphone app, libro, bolang kristal, o uri ng baraha na makakapag-abiso o makakapag-sabi agad?
Kung meron, pakisabi at babayad ako ng ilang milyong piso para lang makasigurado na.
Regalo ko na lang sa sarili ko para di na kailangan pang dumaan sa ganitong proseso na paulit-ulit ang sakit. Kaso wala eh.
Nang malapit ko nang marating ang exit, hinablot bigla ni Fred ang braso ko saka kinaladkad papunta sa comfort room ng mga lalaki.
Nakasunod pala sakin, di ko na namalayan.
“Ano yon?” galit na singhal ni Fred saka patulak na binitawan ako papasok ng banyo at ni-lock ang pinto.
Walang katao-tao kaya ganon na lamang ang takot ko.
“Anong ano yon?”
Napahilamos siya sa mukha ng dalawang kamay, “Yong kanina. Kailangan mo ba talagang ipahiya ako? At saka, may ganon ka palang ugali? All this time, kala mo kung sinong santo ka.”
Nawala ang takot ko. Nalaglag ang panga ko at ganon na lang ang bilis ng pagbaba at pagtaas ng dibdib ko sa sobrang sama ng loob.
“Ipinahiya? Eh sa hina ng boses ko baka nga hirap ka pang marinig ang sinabi ko. Sa sobrang guilty mo lang kaya ganiyan ka.”
Damang-dama ang dismaya at pagka-inis sa boses ko.
“Guilty? Saan? Eh kahit na sinong lalaki aayaw sayo. Apat na buwan na. Apat na buwan, Annie. Ni katiting na interes wala kang pinapakita sakin. Ni magpahalik wala. Ano yon? Pa-virgin ka? Hoy magising ka sa katotohanan, may anak ka na, kumilos ka ng naaayon.”
Nagtiim ang bagang ko sa sinabi niya at lalo lang akong nawalan ng amor sa mga pinagsamahan namin.
Hindi siya yong taong pagsasayangan ko ng oras. Hindi siya iyong taong pagmamakaawaan kong mag-stay sa buhay ko.
“Aalis na ako. Tutal tapos naman na diba? Sige. Pasensiya na ulit.” Malamig at walang kabuhay-buhay na tugon ko.
Ekis na siya, sabi lang ng anak ko.
Humakbang ako palagpas sa kaniya pero hinablot niya ulit ang braso ko at isinandal sa pader saka sinubukang halikan.
“Itigil mo!” hirap kong sabi habang nanlalaban dito.
Buti na lamang at pinalaki ako ng mga drama sa tv kaya sinipa ko agad siya sa pinakamahinang parte ng mga lalaki.
“AAHH! Bakit mo ginawa yon?” palahaw niya nang mapaluhod at halos magpagulong-gulong na sa sahig.
Inayos ko ang tayo sa harapan niya at tumingin rito ng walang kainte-interes na maawa, “Hiningi mo, kaya binigay ko.”
Kumuha pa ako ng mop na nakasandal sa pader ng lavatory at akmang hahampasin siya nang magbukas bigla ang pinto.
Napalingon ako kay Charlie pero hindi ko na pinansin at itinuloy na ang paghampas ng mop dito kay Fred.
Kaso hinablot nni CHarlie ang hawak kong mop at tinapon sabay hinablot ako palabas ng banyo.
“Bitawan mo ako.” Mariin ang pakiusap ko rito habang hila-hila at binabaybay ang palabas ng restaurant.
“Sorry nalate ako ng dating,” kalmado nitong sabi.
“Tsk! Hiningi ko ba ang tulong mo?”
“Tumigil ka, Annie ha.”
“Ikaw ang tumigil, Charlie.”
Nang makalabas ng restaurant ay agad niya akong isinakay sa kaniyang kotse, inayos ang seatbelt, at mabilis na nagmaneho paalis pagkasakay sa driver’s seat.
Tahimik lamang ako sa buong biyahe.
Sa tapat ng paborito kong ice cream parlor tumigil ang kotse. Bumaba si Charlie at pinagbuksan ako ng pinto.
“Baba.” Utos niya.
“Ayaw ko.”
“Bumaba ka na,”
“Uuwi na lamang ako,”
“Bumaba ka at magpakalma. Gusto mo bang makita ka ni Leo na ganiyan?”
Iyamot akong bumaba at nagmartsa papasok. Nagpahuli pa si Charlie dahil sa may kinuha pa siyang bag sa backseat ng kotse saka inihabilin ang kotse sa valet.
Pinanooran ko kung paano nagbayad at nagset ng room si Charlie sa reception. Unti-unti nawala ang sama ng loob ko. Gusto ko nang umiyak.
Si Charlie talaga ang takbuhan at iyakan ko sa tuwing may drama ako sa buhay.
“Tara na. VIP.” Sabi ni Charlie habang naglalakad palapit sakin.
“Hoy, bakit nag VIP ka pa. Sayang ang pera.”
“Ah espesyal kasi ang araw na ito,” nahihiyang sabi ni Charlie habang kunot-kunot sa kamay ang bag.
Napansin ko na nakapostura nga siya.
“Bakit anong meron?”
“Sa room na lang.”
Habang naglalakad kami papunta sa elevator ay napakunot ang noo ko nang may mahagip ang aking mga mata na pamilyar na tao. Luminga-linga ako para siguraduhin kung tama ba ang nakita ko.
“Anong problema?”
Napalingon ako pabalik kay Charlie nang magtanong siya.
“Ha? Ah wala. Kala ko lang kasi ay may nakita akong kakilala,”
“Ganon ba. Siya sige, halika na.”
Sumakay kami ng elevator at panay ang tingin ko sa bag na bitbit ni Charlie maging sa postura niya na malayong-malayo sa itsura niya sa mga normal na araw.
Bumukas ang elevator sa VIP room at laking gulat ko nang bumungad ang isang intimate set-up. Maraming mga lobo, kandila, mga roses, merong nagpiplay ng isang romantic song, at dining table for two sa gitna.
“Charlie, ano ito?” kabado kong tanong habang naglalakad kami papasok ng VIP room.
Tumingin si Charlie sa kaniyang relo at nagpakawala ng malalim na hininga bago ibinaba ang bag na bitbit sa sofa.
Ako naman parang sasabog na ang dibdib sa antisipasyon.
“Annie,” panimula ni Charlie.
“Oh?”
Halos manuyo-nuyo na ang lalamunan ko.
“Annie, matagal na panahon na tayong magkaibigan,”