Hindi makatulog si Hiraya. Nanatili siyang nakatunganga sa kama at nag-iisip. Kailangan niyang makalikha ng plano upang mapuntahan si Kenjie sa bahay ni Ma'am Dalisay. Gayunman, impossible na itong magawa lalo pa't mahigpit pa rin si Mama Mela sa kaniya. Isa pa, pakiramdam niya ay pahina nang pahina ang resistensya ni Aya.
Sa kasakuluyan nga ay masama ang kaniyang pakiramdam kaya hindi siya makaalis sa kwarto. Ilang araw na siyang nilalagnat at hindi bumababa ang kaniyang temperatura.
At ang masama pa nito, aware siyang lumalala ang kaniyang sintomas. Ang kaniyang mga braso at binti ay puno ng mga pasa kaya lagi siyang nakadamit ng pants at long sleeves. Mainit man sa pakiramdam ang mga kasuotan, tinitiis na lamang niya sapagkat mas nakakahiyang makita ng iba ang kaniyang mga sugat at pasa.
Ngunit sa kabila ng kaniyang paghihirap, laman pa rin ng isipan niya ang kapakanan ng iba. Anong nangyari kay Kenjie? Nasaan na kaya siya ngayon?
Parang gusto niyang maiyak dahil wala siyang kasagutan sa mga tanong. Anong gagawin ko kapag sa pangalawang pagkakataon ay pumalpak ako?
Ngunit hindi!
Umiling siya at isinantabi ang pangamba. Walang mangyayari kung mag-iisip siya ng negatibo kailangan niyang magtiwala ngayon kay Kenjie. Nangako ang binatilyo na sasagipin nito ang sarili.
Naudlot ang kaniyang malalim na pag-iisip nang tumunog ang cellphone at nakitang may mensahe sa kaniya si Mayumi. Kumunot ang kaniyang noo nang mabasa iyon.
Nagpunta raw ang pulis sa treehouse kanina. Naghalughog daw ang otoridad doon dahil naka-receive sila ng reklamo na may nagtatago raw na kriminal doon.
"What? Kriminal?!" naguguluhan na bulaslas niya.
Cno raw hinhnp nila run? — reply niya sa kaibigan.
Di q lam. Dina cnabi ni tito. Bsta my ngpunta raw dun.
nung kaso?
Trespasing sbi n tito.
Buti n lng di n umuwi run c Kenjie. Tnx God.
Nsan n pl c Kenjie?
N ky Mam Dalisay. Summa cya ky mam pra mgsumbng sa pulis.
Gud thing. :-)
Ibinaba niya ang selepono sa gilid at napabuntong-hininga nang malalim. Nahuhulaan niya kung sino ang pumunta sa treehouse kanina.
Sigurado ako na si Jovena iyon.
Hindi siya nagkakamali, kung alam ng katipan ng babae kung saan nananatili si Kenjie, sasabihin nito iyon kay Jovena. Swerte lang talaga na hindi naabutan ng baliw na iyon ang binatilyo sa hide-out.
Nag-aalala talaga siya sapagkat alam niyang umaali-aligid pa rin si Jovena. Muli niyang kinuha ang cellphone at tinitigan ang numero ni Ma'am Dalisay. Nakakahiya man na istorbohin ang ginang pero kailangan niyang makausap si Kenjie. Hindi siya makakatulog hangga't hindi naririnig kung anong nangyari sa binatilyo kanina.
Sinubukan niyang tawagan si Dalisay. Ilang segundo na nag-ring lamang ang kabilang linya bago may sumagot. "Hello?"
Itinutok niya ang cellphone sa tainga. "Ma'am Dalisay, pasensya na po sa istorbo. Pero pwede ko bang makausap si Kenjie?"
Halatang nagitla pa ang babae nang marinig ang boses niya. '"Gabi na, Aya. Pero sige, narito siya at nagbabasa ng libro. Saglit lang."
Narinig niya sa kabilang linya na ipinasa ni Dalisay ang selepono kay Kenjie. Mayamaya pa ay narinig niya ang pamilyar na boses. "Hello?"
"Kenjie, kumusta ka na? Maayos ka lang ba?" mahinahon niyang tanong.
"Oo. Nagpunta kami sa medical clinic kanina para makakuha ng medico legal. Pagkatapos, dumiretso kami sa police station para magsumbong. Nagpasa na rin kami sa piskal ng mga dokumento pero mukhang matagal pa bago sila magpadala ng subpoena."
"Ha? Wow, alam mo ang proseso?"
"Ipinaliwanag sa akin ni Ma'am Dalisay kanina."
"Oh." Pero sa isang ordinaryong bata hindi agad iyon maiintindihan...
"Ikaw, kumusta na? Mabuti na ba ang pakiramdam mo?"
Kailangan niyang maging tapat dahil walang dahilan para magsinungaling pa rito. "Hindi. Bukas, pupunta kami sa school admin para magdrop na ako sa school. Pagkatapos, ibabalik ako ni Mama sa Pediatric Hospital."
Hindi nagsalita si Kenjie ngunit narinig niyang napasinghap ito na parang nagulat. Lumipas ang isang minuto na natahimik sila bago tumugon ang kausap.
"Ako rin, dadalhin din ako sa Social Welfare at baka manatili sa children's shelter hangga't nasa proseso pa ang kaso," may lungkot sa tinig ni Kenjie, "Hihinto rin ako sa pag-aaral."
Ngayon siya naman ang natameme. Kahit ano pala ang gawin niya, nakatadhana silang magkalayo. Kailangan niyang basagin ang nakakailang na katahimikan at palakasin ang kalooban ni Kenjie.
"Magkita tayo bukas sa school. Alas-otso ang opening ng School Admin. Kahit saglit lang. Pipilitin ko si Mama. Sasabihan ko rin sina Mayumi at Oscar na magpunta," pilit niyang pinasigla ang tinig. "Kahit saglit lang dapat makapagpaalam tayo sa kanila."
"S-Sige, magpapaalam din ako kay Ma'am Dalisay. Sana payagan nila tayo tutal baka ito na ang huli na..." magkikita tayo. Hindi nasabi ni Kenjie ang mga huling salita.
Hindi na napigilan ni Hiraya ang pagtulo ng mga luha. Sinubukan niyang itago ang sariling damdamin pero lumabas pa rin ang bigat sa kaniyang kalooban.
"Aya?" narinig niya ang boses ni Kenjie sa kabilang linya. Mukhang napansin nito ang kaniyang pagsinghot at pag-iyak.
"I-Im sorry, its just that..." nangatal ang kaniyang boses. "It's hard to say goodbye..."
Pakiramdam niya malapit na rin siyang mawala. Hindi niya maunawaan kung bakit nahihirapan siyang iwan ang mga taong naging bahagi ng kaniyang paglalakbay. Hindi niya tunay na ina si Mama Mela. Hindi niya matatawag na tunay na kaibigan sina Mayumi at Oscar dahil hindi ito ang totoong panahon niya. Ngunit mabigat pa rin sa kaniyang damdamin na hindi na niya makikita ang mga ito.
Ang masakit pa, muli siyang babalik sa kaniyang tunay na oras kung saan patay si Lola Dalisay. At kahit magtagumpay siyang gabayan si Kenjie sa kinabukasan nito, wala pa ring kasiguraduhan sa pagbabago ng kanilang hinaharap. Wala siyang kakayahan para gamutin ang sakit ni Aya. Pagkaalis niya rito, hindi niya alam kung paano tatanggapin ni Kenjie ang totoo.
Hindi alam ni Hiraya na si Mela ay nasa labas ng silid-tulugan. Narinig ng babae ang mga hikbi at iyak niya at tila may tumurok sa puso nito. Mayamaya pa ay lumisan na rin si Mela sa pinto at bumalik sa sala.
***