Chapter 17 : Obsession

1470 Words
Kasalukuyang nasa harap ng pulisya sina Kenjie at Dalisay. Sa harap ng investigation officer ay isinawalat ni Kenjie ang mga naranasan ngunit hindi lahat sapagkat hindi pa rin siya komportable na sabihin ang ilang maseselan na bagay. Isinulat nila ang kaniyang salaysay sa papel. Matapos ang mahabang pagkwekwento, inusisa sila ng lalaking nasa desk. "Saan ka ngayon nananatili?" Natigilan siya at napaisip. Naguguluhan siyang napatingin kay Dalisay. Nakaramdam naman ang guro kaya ito na ang sumagot. "Wala siyang kilalang kamag-anak kaya sa akin muna mananatili ang bata hangga't wala pa ang DSWD na kukuha sa kaniya." Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang sinabi ni Dalisay. Ang pagtitiwala niya rito ay nadungisan sapagkat hindi iyon nabanggit ng kanilang guro sa kaniya. "Ipapasa mo ako sa iba? Hindi ako papayag!" pagtutol niya. Napanganga ang police officer sa biglaang pagsigaw niya. Kinagulat din iyon ni Dalisay ngunit hindi ito tumugon sa kaniya at nagtikom lamang ng bibig. Natauhan siya nang makita ang reaksyon ng guro. Natahimik siya at napaisip sa upuan. "Sigurado ka ba na kaya mong suportahan ang bata?" untag ng pulis. Tumango ang babae. "Opo. Kakausapin ko po siya tungkol dito. I know I need to explain this to him." Nagbaba ito ng tingin na para bang nalungkot. Matapos nilang makapag-report sa pulis, sumakay muli sila ng taxi pauwi sa bahay ni Dalisay. Sa buong biyahe ay hindi siya nagsalita ngunit halata sa kaniyang mukha ang kalungkutan at kalituhan. Walang tao sa bahay nang makarating sila roon. Madilim ang sala at binuksan muna ni Dalisay ang switch ng ilaw bago ito pumasok sa loob. Wala pa ring kibo na umupo lamang siya sa sofa habang dumiretso ang ginang sa kusina upang maghanda ng hapunan. "Wala rito ang anak ko ngayon. Nasa Manila siya at doon nag-aaral. Sa weekend pa ang balik niya rito," paliwanag nito na naglapag ng dalawang pinggan sa dining table. "Iinitin ko lang ang ulam." Pagkatapos, muli itong nagtungo sa kusina. Wala sa wisyo na umupo siya sa harap ng hapagkainan habang doon na rin hinihintay ang guro. Mayamaya ay bumalik ito na dala ang tray ng hapunan nilang kanin, sabaw at ulam. Inilapag nito ang mga iyon sa mesa bago umupo na kaharap ni Kenjie. Napabuntong-hininga ito nang mapansin ang nakasimangot niyang mukha. "Patawad kung ngayon ko lang sinabi sa 'yo ang tungkol sa DSWD. Gusto kitang kunin, Kenjie. Iyon ang totoo." "Pero bakit gusto mo akong ibigay sa iba?" "Hindi sa... gusto kitang ibigay sa iba kundi dahil sa... wala akong choice. Dahil hindi tayo magkadugo at nangingialam ako sa buhay ng iba kaya ito ang mas mainam na gawin." Naalala ni Kenjie ang ikinuwento ni Linton sa kaniya noon. "Alam ko kung gaano kadelikado ang ginagawa ko. At maaari ding magkontra-demanda si Jovena sa akin, mag-imbento siya ng kuwento laban sa akin. Hindi kita pwedeng kupkupin dito na wala akong legal na karapatan. Iyon ang nasa isip ko." Hindi siya sumagot sa sinabi nito at nanatili lamang na nakikinig. "Sinabi ng pulis kanina na kokontakin tayo ng social worker pero hindi ako makakapaghintay nang matagal. Bukas din, pupunta ulit tayo roon. I'm sorry, Kenjie pero doon ay maaring matulungan ka nila sa counseling. Pangako na palagi kitang bibisitahin doon. Ako na rin ang sasagot sa lahat ng gastusin." "Ma'am Dalisay, hindi dapat kayo mag-sorry sa akin. Alam ko naman na ginagawa n'yo lang ang alam n'yong tama. Malaki po ang naitulong ninyo kaya maraming salamat po." Pilit siyang ngumiti. Nakapagdesisyon siyang magtiwala sa guro kaya hindi siya pwedeng umurong ngayon. "Hangga't nasa proseso pa ang kaso, mas mabuti nang malayo ka rito at mapunta ka sa kamay ng otoridad. Mas maproprotektahan ka nila roon," pampalubag-loob ni Dalisay. "Pero..." Nagbaba siya ng tingin. "Hindi na po ba ako makakapag-aral?" Hindi pa iyon masasagot ni Dalisay sa ngayon. Natahimik ang babae. "Hindi ko na rin po ba makikita si Aya?" dugtong niya na isa sa pinakaimportanteng katanungan. Nanatili lamang ito na nakatingin sa kaniya na para bang nagdadalawang-isip. Hindi mabanggit ni Dalisay ang totoo. Naging mailap ang mga mata nito at nagpokus sa pagsandok ng kanin. "M-Magkikita pa kayo. Huwag kang mag-alala. Kumain ka na, Kenjie baka lumamig na ang sabaw." Datupwat kahit sinabi nito iyon, hindi niya magawang maniwala. Hindi siya tumugon sa sinabi nito sapagkat naramdaman niya ang pagkulo ng tiyan. Marami nang nangyari ngayong araw, baka pwedeng ipagbukas na lamang ang iba pang mga problema. Sa ngayon, kailangan niyang kumain at magpahinga para mapaghandaan ang laban bukas. *** Nagtungo si Jovena sa lugar na itinuro sa kaniya ni Linton. Sa gitna ng kadiliman ng gabi, hinagilap niya ang sinasabi nitong treehouse. Dala-dala niya ang flashlight na nagbibigay liwanag sa kaniyang dinaraanan. Ilang minuto rin siyang naghanap bago niya natagpuan ang bahay. Papasok na sana siya sa loob nang may marinig siyang tinig at mga kaluskos sa hindi kalayuan. Pinatay niya muna ang ilaw ng flashlight at nagtago sa kadiliman at likod ng malalaking talahib. Pagkasilip niya sa tinataguan, nakita niya ang dalawang police officer na may hawak na mga sandata at flashlight. Iniikot ng mga ito ang clearing habang siya ay walang ingay na nanonood sa kanila mula sa tinataguan. "Nagsumbong nga talaga si Linton," aniya sa isip at inihanda ang patalim sakali mang makita siya ng mga ito. Ngunit hindi na naglibot pa ang kapulisan sa paligid, sa halip dumiretso ang mga ito sa itaas ng kubo. Sumigaw ang mga ito roon at nagbanta sapagkat nasa isip na baka roon siya nagtatago. Nang walang sumagot ay sinira ng mga ito ang pinto at sapilitan na sumugod sa loob. Subalit pagpasok nila ay wala silang nakitang tao roon. Hinalughog nila ang mga gamit upang makasigurado ngunit wala silang natagpuan. Ilang minuto na nanatili roon ang otoridad bago naisipan ng mga ito na bumaba sa treehouse at muling mag-usap. "Isinumbong ng complainant na dito raw nagpunta ang suspek, eh." "Hindi kaya nakaalis na iyon dito?" Habang nag-uusap, isa sa mga pulis ang muling pinasadahan ng flashlight ang paligid. Nakarinig ito ng mga kaluskos sa talahib kaya naisipan nitong lapitan iyon. Nangamba si Jovena nang kaunti nang naglakad ito papunta sa kaniyang tinataguan. Lalo pa at narinig niya ang mga yapak nitong papalapit nang papalapit sa gawi niya. Inihanda ni Jovena ang sarili. Basta, ang tanging nasa isip lamang niya ay matamo ang binabalak na pagpatay kay Kenjie. Wala siyang paki kung maging wanted pa siya. Datapuwat kailangan niyang maging malaya hangga't hindi pa natutupad ang kaniyang layunin. Natigilan ang lalaking pulis sa paglalakad nang makitang dalawang palaka lamang ang naglilikha ng kaluskos. Tumalon patago ang mga ito nang matamaan ng ilaw ng flashlight. Tinawag ang lalaki ng mga kasamahan kaya tumalikod na ito at bumuntot sa mga kagrupong nauna nang lumisan. Nakahinga nang maluwag si Jovena nang makaalis ang mga ito ngunit hindi pa rin siya lumabas sa tinataguan. Narinig niya ang usapan ng mga lalaki kanina, wala raw silang natagpuan na tao sa loob ng bahay. Napahawak si Dalisay sa baba at napaisip. Wala si Kenjie sa treehouse na ito. Niloko ba ako ni Linton? Nais niyang sumigaw sa galit ngunit bigla niyang nagunita ang huling mga oras na nakita niya ang bata. Hindi ba nang tumakbo ang anak ko patungo sa bukirin ni Mang Tomas, may tumulak sa aking isang batang babae? Naalala ni Jovena ang mukha ng babaeng iyon. Naalala niya na may tumulong kay Kenjie upang makatakas ito sa kaniya. Kilala kaya ni Linton ang batang babae? Ngunit hindi ako maaaring bumalik sa bahay ni Linton, siguradong nandoon din ang mga pulis. Naalala niya na ang suot ng batang babae ay pareho ng uniporme sa paaralan kung saan nag-aaral si Kenjie. Kaklase ba iyon ng anak ko? Kaibigan? Bakit hindi ko naisip agad ang tungkol sa batang babae na iyon? Kaya ba hindi umamin si Kenjie sa akin noon dahil gustong pinoprotektahan nito ang babae na iyon? Natuptop niya ang dibdib sapagkat bigla iyong sumikip at kumirot. May minamahal nang iba ang anak niya. May pinagmamalasakitan at pinakikinggan itong ibang tao bukod sa kaniya. Hindi siya makapaniwala. Si Kenjie at ang babae na iyon... Naalala niya ang mga panahon na siya lamang ang sentro ng buhay ng kaniyang anak. Siya lamang ang tanging sinusunod at pinakikinggan nito. Subalit nag-iba na ang ihip ng hangin, sapagkat natutong maging suwail ang kaniyang pinakamamahal na bunso dahil sa ibang babae. Hindi ako papayag! Ako lang dapat ang minamahal niya! Ako lang dapat ang pinakikinggan niya! Ako lang dapat ang maging sentro ng buhay niya! Papatayin ko rin ang babae na iyon. Mang-aagaw! May sumilay na mapanlibak na ngiti sa kaniyang labi, sapagkat may naisip siyang magandang plano. Isa lamang ang solusyon upang mahanap niya si Kenjie, dapat niyang mahanap ang batang babaeng iyon. At ang susi upang matagpuan ang mga bata ay ang usisain ang kanilang guro— si Ma'am Dalisay. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD