Hindi mapakali si Aya sa upuan, panay ang pagsulyap niya sa pinto ng classroom. Malapit nang magsimula ang klase nila ngunit hindi pa rin dumadating si Kenjie. Hindi niya maiwasan na mag-alala nang lubusan.
Napakagat siya sa dulo ng hinlalaki dahil sa pagkabalisa. Pero nangako siya kahapon. Sh*t, anong nangyari? Pakiramdam niya ay may hindi magandang naganap kaya hindi makakapasok ang hinihintay.
"Anong problema, Aya?" Si Mayumi ang unang nakapansin sa pagiging balisa niya. "Hinihintay mo ba si Kenjie?"
"Maaga iyong pumapasok, kung wala pa siya ngayon baka hindi na talaga iyon darating," hinuha ni Oscar.
Ayaw na niyang marinig pa ang sinasabi ng dalawang kaibigan. Sa gulat ng mga ito, bigla siyang tumayo at naglakad palabas sa pinto.
"Saan ka pupunta?"— si Mayumi.
"Mag-CR lang." Pagsisinungaling niya. Hindi siya makapag-concentrate dahil sa ingay ng dalawa. Kung hindi pupunta si Kenjie dito ay naisipan niyang hanapin at sunduin ito sa bahay. Wala na siyang maisip na ibang paraan. Desperado na talaga siya. Ngunit tama ba itong ginagawa niya?
Napatigil siya sa paglalakad at malalim na napaisip. Ang orihinal na Aya ay walang lakas ng loob na makipagkaibigan sa binatilyo. Naisip nitong magpakalayo at mamatay na lamang na hindi nagpapaalam sa lahat. Aalis ito at maglalaho na parang bula. Aalis itong hindi sinabi na may pakialam siya.
How could you, Aya? You're a coward.
Kapag ginawa niya ang orihinal na plano ng batang babae. Siguradong sa hinaharap ay magiging serial killer nga si Kenjie dahil walang nagbigay rito ng moral support. Napasapo siya sa noo dahil sa pamomoblema.
Dapat talaga pinigilan ko siyang umuwi kahapon. Alam ko naman na one of these days ay grabe ang aabutin niyang bugbog.
Dapat nagsalita ako. Dapat sinabi ko na lang ang totoo. Pero tama ba 'yon?
Walang sagot sa kaniyang mga katanungan, datapuwat siya lamang ang may kakayahan na makatuklas niyon. Mistulang pagod na pagod na pasadlak siyang umupo sa bench na malapit sa gate ng eskwelahan. Dahil wala pang maisip na plano ay naisipan niyang magmuni-muni roon.
Kapag hindi ako nagtagumpay sa pangalawang pagkakataon, babalik ulit ako rito. Paulit-ulit lamang ang mangyayari. Anong gagawin ko?
Napahinto si Kenjie sa paglalakad nang makita nito si Aya sa bungad ng gate ng paaralan. Tahimik na nakaupo ang dalagita, walang lakas na nakayuko at parang sinakluban ng langit at lupa. At naisip ni Kenjie, "Hinihintay ba niya ako?"
Umangat ang mukha ni Hiraya nang maramdamang may lumapit sa kaniya. Nagtama ang kanilang mga balitataw. At ang mga matang walang ningning ay muling nagkaroon ng pag-asa. Hindi siya makapaniwalang napasapo sa bibig sapagkat nandito sa harap niya ngayon ang hinihintay.
Ang nakapagtataka ay mas maayos ang suot nitong uniporme, nakasuot din ng sapatos ngunit ang dala lamang ay isang maliit na shoulder bag.
At naisip ni Hiraya, May pag-asa pa. Buhay pa siya! Nagmamadali siyang tumayo at sinugod ito ng yakap.
At mukhang hindi maunawaan ng lalaki kung anong nagaganap, kung bakit siya yumayakap nang ganito kahigpit. Mamaya na siya magpapaliwanag, mamaya na lamang ang mga tanungan. Ang mahalaga ay nandito pa silang dalawa sa mundo at hindi pa sila naghihiwalay.
Kusang gumalaw ang mga braso ni Kenjie upang gumanti ng yakap. Ito ang dahilan kung bakit nais niyang mabuhay at makita pa ang kinabukasan.
"Sorry, I'm late pero tinupad ko naman ang pangako ko, 'di ba?"
"Anong nangyari?" Kumalas si Hiraya sa pakikipagyakap at hinaplos ang kanang mata ni Kenjie. Napakislot naman ang huli dahil sa kirot na naramdaman kaya binawi ng babae ang kamay. "Ang nanay mo ba ang gumawa nito sa 'yo?"
Ang saya sa mga mata ng lalaki ay napalitan ng pagkalito at pagdududa. "Paano mo nalaman?"
"Mag-usap tayo," sambit lamang ni Hiraya.
***
Hindi na nila inisip ang klase, tumakas silang dalawa upang masinsinang mag-usap sa lugar na walang gagambala sa kanila. Nagpunta sila sa garden park ng paaralan at umupo sa ilalim ng mayabong na puno.
"Alam ko ang lahat ng mga nangyayari sa 'yo kaya ko sinabing gusto kitang itakas," pag-amin niya. Wala nang pasubali ang kaniyang pagsasalita, sapagkat pakiramdam niya ay gipit na siya sa oras.
"Pero paano mo nalaman?" Tumingin ito sa kaniya nang diretso.
"Kailangan ko pa bang sagutin 'yan? Ang gusto kong malaman ay kung papayag ka sa alok ko." At nanumbalik sa kaniya ang mga dating alaala. "Huwag mong sabihin sa akin na sa kabila ng lahat ay mahal mo pa rin ang nanay mo. Kalokohan iyan. Niloloko mo lang ang sarili mo."
Natameme ito na para bang kinagulat ang kaniyang mga sinabi.
"Huwag mo rin sabihin sa akin na siya na lang ang natitirang pamilya mo. Hindi mo siya tunay na ina dahil hindi siya naging ina sa 'yo. Hindi ka niya minahal kay huwag mo siyang ipagtanggol." Inunahan na niya ang mga sasabihin nito sapagkat alam na niya kung anong tumatakbo sa utak nito.
"Alam kong ayaw mo siyang ipakulong dahil sa kabila ng lahat ay ina mo pa rin siya. Pero paano siya matututo kung hahayaan natin siyang gumawa ng mali! Hindi mo ba naisip na kung kaya niya iyong gawin sa 'yo, magagawa rin niya iyong gawin sa akin!" Naalala ni Hiraya na si Jovena rin ang pumatay kay Aya noon.
Nahintakutan naman ang lalaki sa narinig sapagkat hindi nito maaatim na masaktan si Aya.
"Kapag nalaman niyang magkaibigan tayo sigurado akong paglalayuin niya rin tayong dalawa. Susundin mo ba siya kapag nangyari iyon?"
Iniwas nito ang tingin at napaisip. Sana ay matauhan na ito at matuto itong pumili ng tama.
"Gusto mo na bang magkahiwalay tayo?!"
"Hindi." Naguguluhan na napailing ito. Napasapo sa ulo na para bang nalilito sa mga dapat gawin. "Pero mahirap ang pinapagawa mo sa 'kin, Aya!"
"Wala na siyang pag-asang magbago, Kenjie! Gumising ka sa reyalidad!" halos pasigaw na niyang sinabi na hinawakan ang balikat nito.
"Hindi na natin siya mababago pa! Tuluyan na siyang nilamon ng kadiliman. Pero ikaw... ikaw may pag-asa ka pang baguhin ang lahat."
At naalala ni Kenjie ang mga sinabi sa kaniya ni Linton— na dapat siya ang lumaban.
"Kapag hindi ka umalis sa poder niya, papatayin ka niya!" Kung anong lumabas sa isipan ay iyon na rin ang lumalabas sa kaniyang bibig.
Kinabigla ng lalaki ang lahat ng iyon at namamasa ng luha ang mga mata nang lumingon sa kaniya. Napatigil siya sa pagsasalita nang mapansin ang butil ng mga luha na pumatak sa pisngi ni Kenjie.
Hindi niya sinasadya ngunit naging walang preno ang kaniyang bibig. Masyado siyang naging marahas. Bakit nga ba niya nasabi iyon?
Desperado na kasi siya. Mas malapit na kasi ang taning ng buhay ni Aya. Kailangan niyang magmadaling ilayo si Kenjie sa ina nito kundi ay hindi siya aabot sa oras.
Pero mali! Katulad noong una, ito na naman siya sa padalos-dalos na desisyon. Hindi ba't nangako siya sa sarili na sa pangalawang pagkakataon ay hindi na siya magkakamali ng kilos— na magplaplano siya nang maayos? Eh, ano itong ginagawa niya?
Nakonsensya na kinabig niya payakap ang lalaki at inihilig ang ulo nito sa kaniyang dibdib. "I'm sorry. I don't know what to do. Gusto kitang sagipin pero hindi ko alam kung paano. Patawad sa lahat ng mga sinabi ko."
Bigla itong tumahan nang maramdaman ang kaniyang pagyakap. "Hindi. Tama ka, Aya. Pero kung tatakas ako saan ako pupunta?"
Kumalas ito sa pagkakayakap nila at tinitigan siya sa mga mata. "Hindi ko rin alam kung saan ako magtatago."
Hindi iyon naisip ni Hiraya. Kung itatakas niya ito, saan nga ba ito maaaring manatili? Inalala niya lahat ng mga pangyayari sa unang back-skip. May dalawa siyang tao na pwedeng pagkatiwalaan sa ganitong sitwasyon.
Una si Mama Mela na tumulong sa kaniya na isumbong si Jovena sa pulis.
Pangalawa, si Lola Dalisay— ang kanilang guro na bumisita kay Kenjie sa bahay nito.
Ngunit sa kasawiang-palad ay nag-umpisa muli siya sa pinakasimula, kaya wala pang nalalaman sina Lola Dalisay at Mama Mela tungkol sa kalagayan ni Kenjie. At dahil nagbago ang takbo ng mga pangyayari, kaya may posibilidad na magbago rin ang pakikitungo ng dalawa sa binatilyo.
"Aya?" untag sa kaniya ni Kenjie nang bigla siyang manahimik. Nanumbalik ang mga mata niya sa kasama.
Kailangan kong sumugal at tingnan kung anong kahihinantnan nito. f**k around and find out.
"Huwag ka nang umuwi. Sumama ka sa akin sa bahay," desisyon niya.
***
Samantala sa loob naman ng grade 6 classroom, nagtatakang tumingin si Dalisay sa klase at inulit na tawagin ang pangalan ni Aya. Wala pa ring tumugon kaya ibinaba niya muna ang hawak na attendance sheet.
"Wala siya rito? Pero bakit nandito ang bag niya?" usisa niya nang tumingin sa gawi nina Mayumi at Oscar.
Si Oscar na ang naglakas-loob na nagtaas ng kamay at sumagot. "Nandito po siya kanina pero sinabi niya pong magsi-CR lang daw po siya."
"Pero hindi pa po siya bumabalik," nag-aalalang dugtong ni Mayumi.
Napabuntong-hininga na lamang siya at tumingin sa isa pang silya na katabi ng upuan ni Aya.
"Wala rin si Kenjie?"
Katahimikan lamang ang tumugon sa kaniya. Isang senyales na karamihan sa mga bata roon ay walang pakialam sa pangalan na binanggit. Nakakalungkot.
"Hindi rin po siya pumasok." Kinagulat niya nang biglang sumagot muli si Oscar.
"Baka po may sakit," dugtong ulit ni Mayumi. Binigyan pa ng palusot ang kaklase.
"Oh, okay." Atleast may paki na sila, naisip niya at malungkot na napangiti bago ipinagpatuloy ang pagche-check ng attendance.
Sa kaniyang klase ngayong taon, nangunguna si Oscar sa lahat ng subject. Wala itong nakakaligtaan na mga aralin, masipag na bata at laging mataas ang score sa mga exam.
Si Mayumi naman ang pinakamadaldal at pinakapasaway. Iniintindi na lamang niya lalo pa't na-spoiled ito sa mga materyal na bagay, ngunit hindi ng pagmamahal at atensyon. Ang mga magulang nito ay nagtratrabaho sa ibang bansa at iniwan ito sa pangangalaga ng tiyahin.
Hindi man halata ngunit pumapangalawa naman si Kenjie sa pinakamatalino. May mga pagkakataon na lutang ang binatilyo at hindi niya makausap nang maayos. Tahimik at hindi nakikipagkaibigan. Gayuman, madali itong matuto at kung ipopokus lamang nito ang isip sa pag-aaral, maaari nitong malagpasan ang grado ni Oscar.
Pero pakiwari niya ay may bumabagabag sa binatilyo. Minsan nakikita niya ang sariling naaawa rito. Dahil halata naman, may problema si Kenjie sa bahay. Hindi lamang niya alam kung ano. Hindi ito humihingi ng tulong sa kaniya, kaya naman kung minsan siya na ang nagkukusang magbigay. Kapag nakikita niya itong nagugutom sa recess, siya na ang nag-aalok dito ng pagkain.
Ngunit hindi niya magawang magtanong kay Kenjie. At kung malaman man niya ang nagaganap sa buhay nito, ano naman ang gagawin niya? Isa lamang siyang guro.
At si Aya. Sa likod ng mga ngiti ng masayahing bata— nandoon ang katotohanan na nagbibilang na lamang ito ng mga araw.
Alam niya ang totoo. Sinabi sa kaniya ni Mela. Mamamatay na raw ang bata at hindi na papasok sa susunod na linggo.
Biglang naputol ang lead ng pencil. Natigilan si Dalisay sa pagsusulat ng attendance sheet. Para bang may dumaan na masamang hangin. Mistulang nakita na niya ang mga pangyayaring ito sa panaginip. Dalawang araw na siyang binabangungot at nararamdaman niyang may mangyayaring hindi maganda...
***