Kanina pa balisa si Mela. Patayo-tayo at palakad-lakad siya sa kabuuan ng sala pagkatapos ay uupo at magmumuni-muni. Ilang minuto ang lilipas ay tatayo na naman, magpapabalik ng lakad at ganoon ulit ang gagawin. Hindi siya mapakali dahil sa labis na pag-aalala.
Nang makausap niya ang guro ng anak sa telepono ay sinabing hindi raw pumasok si Aya sa klase. At sa kasawiang-palad ay hindi pa rin umuuwi ang anak. Saan ito nagpunta? Anong ginawa nito? Masyado na ba siyang maluwag sa pagdidisiplina at nagsimula na itong magrebelde?
Naputol ang kaniyang malalim na pag-iisip nang may kumatok sa pinto. Dali-dali siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa sofa at nagtungo roon. Pagkabukas niya ay panenermon agad ang sinalubong niya sa anak.
"Saan ka nag—" Ngunit naputol ang kaniyang sinasabi nang makitang may kasama ang batang babae. Nagtatakang napatingin siya sa mga ito. Magkahawak-kamay sila na parang magkasintahan. Diretso lamang ang tingin ni Aya, samantalang hindi makatitig nang diretso si Kenjie.
Pinapasok niya muna ang mga ito sa loob ng bahay upang masinsinang makausap. Pinaupo muna niya si Kenjie sa sala, tahimik naman itong naghintay lamang doon. Samantala, dinala niya si Aya sa kusina upang mapagsabihan.
"Ano itong ginagawa mo?" Magka-krus ang mga brasong umpisa niya sa dalagita. "Hindi ka pumasok sa klase at late ka nang umuwi. At sino iyan?" Tinuro niya ang bandang sala, napalingon tuloy si Kenjie na nananahimik lamang doon.
"Ma, mag-usap tayo." Hinila siya ng anak sa pinakasulok na bahagi bago binulungan ng mga detalye.
Hindi niya masyadong naunawaan ang daloy ng kwento ngunit sa pagkakaintindi niya ng ilang bahagi. Inaabuso raw ang kaibigan nito sa bahay at nagbabakasali silang dito muna ito mananatili hangga't wala pang matutuluyan.
"Please mama, I need your help. Let him stay here kahit isang gabi lang."
Tumitig siya sa mga mata ng anak. Nagmamakaawa ang mga balitataw nito sa kaniya. "Nababaliw ka na ba, Aya. Nauunawaan mo ba ang mga ginagawa mo?"
"Ha? Mama?" Nagtakang nakabuka ang bibig nito.
"Napakadelikado nito. Masasangkot tayo sa gulo kapag kinupkop natin siya rito."
"Hindi naman po siya magtatagal rito!"
"Kahit na!"
Naalala ni Mela ang mga panahong binabantayan niya ang anak sa hospital, ang mga paghihirap na dinanas niya sa paghahanap ng pambili ng gamot upang madugtungan ang buhay nito. Naalala niya ang mga utang, ang mga pagmamakaawa sa kamag-anak at ang halos pagluhod niya sa doktor ng ospital para sa anak.
Pero impossible. Wala pang gamot sa leukemia at sa kasawiang-palad ay mauubos lamang ang pera nila sa chemotheraphy at iba pang medisina. Madurugtungan ang buhay nito ngunit hindi na gagaling. Inaasahan na niya na sa mga susunod na buwan, unti-unti nang manghihina ang katawan ng anak hanggang sa hindi na nito kaya pang labanan ang sakit.
Naisip ni Mela. Dapat maging masaya si Aya sa nalalabing buhay nito. Dapat wala na itong harapin na ibang problema. Tama na ang mga pagdurusa dahil sa sakit. Ngunit ano ito? Nagdagdag ng pasanin si Aya sa buhay niya. Sa paningin ni Mela, ito ay isang malaking pagkakamali.
"Please mama, kahit ngayong gabi lang."
Hindi siya sumagot sa pagmamakaawa ng anak. Sa halip, dumiretso siya sa sala at lumapit sa batang lalaki.
"Mama Mela!" Halatang naguguluhan si Aya na humabol sa likod niya. Kumapit ang mga kamay nito sa laylayan ng kaniyang damit ngunit hindi niya ito pinansin.
Nagtitigan sila ng lalaki. Maamo ang mga mata nitong nangungusap. Matangos ang ilong, natural ang pagkapula ng pisngi at labi. Naisip niya na napakagwapong bata. Ito ba ang nakita ni Aya sa binatilyo?
"Nagmamakaawa ako, lumayo ka sa anak ko," sa wakas ay nasabi niya ang laman ng isip. Mahirap din ito para sa kaniya— mabigat sa konsensya. Ngunit para din ito kay Aya.
Nagulantang ang dalawa sa mga salitang binitawan niya. Napabuka ang bibig ni Kenjie at hindi rin makapaniwala ang mukha ni Aya.
"Marami pang iba diyan. Sa kanila ka humingi ng tulong. Huwag mo nang guluhin ang buhay ni Aya. Patawad pero bilang isang ina, gusto ko lamang na maging normal ang buhay niya," pangangatwiran niya, "Hindi mo ba alam? Ang buhay niya ay may—"
"Mama!" bulaslas ni Aya at napahinto siya sa pagsasalita. Ngayon lamang niya nakita ang ganitong ekspresyon sa itsura ng pinakamamahal na anak. Ngayon lamang niya ito nakitang magalit.
"We get it! Kung ayaw mo kaming tulungan huwag ka nang magsalita ng kung ano-ano!" pagsagot nito na ikinabigla niya at ikinagulat din ni Kenjie. Sumasagot sa magulang si Aya, totoo ba ito?
"Tara na, Kenjie!" Hinila ni Aya ang kamay ng lalaki at pinatayo. Halos kaladkarin nito ang kaibigan palabas ng pinto.
"Aya!" pagpigil niya sa binabalak ng anak. Saglit naman itong huminto sa pinto at lumingon sa kaniya.
"Kung ayaw n'yo! Sige, magtatanan na lang kami!" Nandoon pa rin ang galit sa mga mata ni Aya bago nito padabog na isinara ang pinto.
***
Hindi siya makapaniwala. Sa loob-loob ni Hiraya ay nagmumura siya ng — what the f*ck. Anong nangyari kay Mama Mela? Parang hindi na niya ito kilala. Mas malaki pa pala ang pinagbago ng ginang kumpara sa unang timeline na pinuntahan niya.
Ang kinagagalit niya ay muntik pa nitong masabi na may taning na ang kaniyang buhay. May dahilan kung bakit niya iyon tinatago kay Kenjie. Alam niyang kapag nalaman iyon ng binatilyo ay lalo lamang ito mawawalan ng pag-asa sa buhay.
Isa pa ito sa kinakatakot niya. Hindi niya alam kung anong magiging consequence sa dulo kapag nalaman ni Kenjie na malapit na siyang mamatay.
"Sh*t!" Napalakas ang kaniyang pagmumura. Galit na galit siya kay Mela. Ayaw na niyang umuwi sa bahay!
At dahil abala sa iniisip hindi niya naririnig ang pagtutol ni Kenjie sa likod. Hila-hila pa rin niya ang braso ng lalaki habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada.
"Aya, saglit lang!"
Hindi pa rin niya napansin ang pagsigaw nito. Nagpatuloy pa rin siya sa pagbaybay ng madilim na daan.
"Aya, nababaliw ka na!" Nawalan na ng pasensya na marahas na hinila ni Kenjie ang mga kamay at tumigil sa paglalakad. Napahinto rin siya at napalingon sa lalaki.
Hinahaplos ni Kenjie ang kamay na nasaktan dahil sa sobrang higpit ng hawak niya. Nang makita iyon ay nahimasmasan siya sa galit. Masyado ba siyang nagpadala sa emosyon?
"Kumpara sa 'kin, may ina ka na nagmamahal sa 'yo. Tama siya, hindi ko rin hangad na guluhin ang buhay mo." Natatamaan ng malamlam na liwanag ng ilaw ng poste at buwan, ang lumbay sa mga mata nito.
Naikuyom niya ang mga palad sa inis. Kasalanan ito ni Mela kung hindi sinabi nito ang mga salitang iyon, hindi maiisip ni Kenjie na lumayo sa kaniya. Anong dapat niyang gawin? Ngayon, kailangan niya ulit kumbinsihin ang lalaki.
"Bumalik ka na roon, Aya."
"Ayaw ko!" pagtutol niya.
"Huwag nang matigas ang ulo mo. Umuwi ka na at mag-sorry sa nanay mo. Mapalad ka dahil mabuti ang nagpalaki sa 'yo. Gusto mo bang sayangin iyon dahil lang sa akin?"
Umiling siya. "Ayaw ko nga! Kung hindi ka niya tatanggapin, pareho tayong tatakas. Pareho tayong aalis!"
"Huwag kang maging hangal!"
Natameme siya sapagkat ito ang unang beses na sinigawan siya ni Kenjie. At napagtanto niya na may mali siyang ginawa. Nakalimutan niyang hiram lamang ang katawan at buhay ni Aya.
Tila nakonsensya si Kenjie nang makita ang lungkot at takot sa mga mata niya. Lumapit ito at bigla siyang kinabig payakap. "Patawad sa pagsigaw ko. Kailangan kita pero kailangan ka rin ng mama mo. Ayaw kong masira ang magandang relasyon ninyo dahil sa akin. Umuwi ka na." Lumayo ito ngunit nakahawak pa rin sa dalawang balikat niya. Tinitigan siya nito sa mga mata at pilit na ngumiti. "Uuwi na rin ako."
Nanumbalik sa kaniya ang masalimuot na nakaraan. Hindi mo naiintindihan. Baka mauna ka pang mamatay kaysa sa akin.
"Hindi, Kenjie!" Umiling siya at hinawakan ang mga kamay nito. "Gumawa tayo ng ibang paraan. Huwag ka nang bumalik doon."
"Pero Aya—"
"Gabi na. Alam kong nahuli ka na ng uwi at siguradong bubugbugin ka na naman niya. Baka hindi na kita makita bukas," sinabi niya ang kinakatakutan.
Ngunit kailangan niyang mabilis na mag-isip ng ibang paraan. Sino ang pwedeng tumulong sa kaniya sa ganitong sitwasyon? Ngayon na nakita niya ang reaksyon ni Mela, nagdadalawang-isip na tuloy siyang magsabi kay Dalisay. Sino pa ba ang mga taong pinagkakatiwalaan niya sa panahon na ito?
"Tawagan natin si Mayumi!" Naalala niya ang matalik na kaibigan. Maaaring makatulong sa kaniya ang babae sapagkat hindi naman ito tutol kay Kenjie.
***