Chapter 8 : Treehouse

1303 Words
Nagtungo sila sa bukas na variety store, doon ay may limang pisong hulog para sa limang minutong pagkausap sa telepono. Mabuti na lamang at alam niya ang numero ng matalik na kaibigan. Hindi naman nagtagal at may sumagot sa kabilang linya. "Hello?" "Mayumi, ako ito si Aya." Napatingin siya kay Kenjie na nag-aalala pa rin sa binabalak nila. "Aya, anong nangyari sa 'yo!" bulaslas agad ng batang babae nang mapagtantong siya nga iyon. "Bumalik ka lang sa classroom para kunin ang lunchbox mo noong recess. Tapos, hindi ka na naman bumalik. Alam mo bang hinahanap ka ni Ma'am Dalisay? Saan ka ba nagpunta?" "I'm sorry, mahabang kwento." "Wala rin si Kenjie kanina. Absent din siya. Alam mo, naisip ko tuloy na nag-cutting class kayong dalawa. Si Kenjie kasi kahit may sakit, papasok iyon sa school dahil masipag iyon mag-aral." At dahil na-open na rin ni Mayumi ang tungkol kay Kenjie, kailangan na rin niyang magsabi ng totoo. "Paano kung sabihin ko na... magkasama nga kami?" Nabulunan si Mayumi sa sandwich na nilalamon nito. Uminom muna ito ng tubig bago muling magsalita. "Nag-date nga kayo!" "Mayumi, we really need your help right now!" "Ano bang nangyayari? Kayo na ba? Kailan pa naging kayo?" Tulad ng inaasahan niya ay kwentong romansa na naman ang nasa isip nito. "Sa susunod ko na ipapaliwanag pero mayroon ka bang alam na... pansamantalang matutuluyan?" "Pansamantalang matutuluyan? Bakit? Nagtanan ba kayo?" nagduda na ang dalagita. "Basta! Kailangan kong malaman kung may space pa sa bahay ninyo, kung may rental house kayo o kahit bahay-kubo sapat na!" "Jeez, Aya. Ano ba ang nangyayari sa inyo?" "Please, Mayumi..." Napabuntong-hininga muna ang babae. Hindi man maunawaan kung anong nagaganap, sinagot nito ang tanong niya. "Wala kaming rental house at hindi papayag sina tito at tita na dito kayo magtanang dalawa. Siguradong papauwiin din kayo. Pero may treehouse na ginawa para akin si Papa noon, doon sa lupa namin." "Saan banda 'yon?" Nakakita ng pag-asa si Hiraya. "Malapit sa bukid ni Mang Thomas pero iikot pa kayo. Doon kami tumatambay ng mga pinsan ko minsan." "M-Malapit ba sa bahay nila Kenjie 'yon?" nag-alinlangan siya. "Hindi naman. Iba naman ang daan n'on." Iniikot-ikot ni Mayumi ang wire ng telepono. "Can you give me the exact location? Iyong mismong address?" Inipit niya ang telepono sa pagitan ng balikat at tainga. Hinalughog niya ang shoulder bag ni Kenjie upang kumuha ng panulat at papel. Isusulat niya ang mga sasabihin ni Mayumi. "Plano n'yo bang doon tumira? Aya, umuwi ka! Makonsensya ka naman at mabait ang nanay mo. Alam kong mahal mo siya pero Diyos ko! Ang bata n'yo pa para gawin 'yan!" pagpigil ni Mayumi dahil iba ang nasa isipan. Napangiti si Hiraya. Isang bagay na kinaiinggitan niya sa buhay ni Aya ay may mga tunay itong kaibigan na maaasahan. "Don't worry, Mayumi. Hindi kami nagtatanan. Gusto ko lang itago si Kenjie," pag-amin niya. "Itago? Anong-ibig mong sabihin?" "Next time ko na ipapaliwanag." "Magkwento ka bukas, ha!" "Promise, I'll explain tomorrow." Ibinigay naman ni Mayumi sa kaniya ang saktong lokasyon ng treehouse. Sinabi rin nitong mag-ingat sila sa lakad lalo't gabi na. May pag-aalinlangan pa rin si Kenjie sa puso ngunit buo ang kalooban ni Hiraya. *** Sa pagitan ng dalawang puno nakatayo ang treehouse na binanggit ni Mayumi. May hagdan pataas patungo sa pinto at sa gilid nito ay mayroon pang duyan. Nagmukhang palaruan ng mga bata ang bahay-kubo dahil sa disenyo at swing na gawa sa gulong na nakasabit sa sanga ng puno. May poso n***o din itong katabi, palikuran na gawa lamang sa pawid ang dingding at bubong. Naisip ni Hiraya na maaari ngang tumira nang pansamantala roon si Kenjie dahil may tubig na magagamit. Iyon nga lamang, tago ang bahay at napapaligiran ng bukid, puno at malalaking d**o. Ilang minuto silang nakatulala lamang doon bago naisipan ni Hiraya na umakyat. Dala-dala niya ang selepono na tanging nagbibigay liwanag sa nilalakaran nila sapagkat nasa gitna sila ng kabukiran at napakadilim. May combination lock ang pinto, mabuti na lamang at pinaalam sa kaniya ni Mayumi ang mga numero. Nang makapanhik sa loob, hinanap ni Hiraya ang gasera at nakita niya itong nakatabi sa gilid. Naghanap siya ng posporo, kinagulat pa niya nang makitang mayroon doong kabinet. Nakita niya ang pansindi, kinuha ang gasera at pinailawan iyon. Pagkatapos pinatay niya ang selepono at isinuksok sa bulsa. Sa wakas ay tumambad sa kanila ang kabuuan ng treehouse. Sinabi sa kaniya ni Mayumi na may mga gamit doon, sapagkat naging hide out at palaruan ito ng mga pinsan ng babae. Inikot ni Hiraya ang paningin at nakita ang isang folding bed. "Minsan daw ay nagka-camping dito ang mga kamag-anak ni Mayumi, kaya may mga gamit dito sa loob." Napabuntong-hininga na umupo si Kenjie sa isang sulok. "Tama ba itong ginagawa natin?" pagdududa pa rin nito sa sarili at niyakap ang mga tuhod. Kahit siya ay hindi rin alam kung tama ang ginagawa. Kahit siya ay may pagdududa at pag-aalinlangan ngunit wala siyang maisip na ibang paraan. "Darating ang panahon na matututo ka ring lumaban para sa sarili mo. Pero hangga't wala ka pang lakas ng loob na labanan si Jovena, magtago ka muna." "Paano ako lalaban? Wala naman maniniwala sa akin kahit magsumbong pa ako sa pulis," anito. Naalala ni Hiraya ang mga kwento sa kaniya ni Kenjie noon sa unang back-skip. Nagtangka itong tumakas at magsumbong sa pulis ngunit hindi ito pinakinggan ng otoridad. Wala kasing kasamang nakatatanda ang binatilyo kaya hindi pinansin ang sumbong nito. Simula noon ay hindi na nagtiwala si Kenjie sa mga nakatatanda. "Minsan naisip kong mamatay na lang. Sana nga pinatay na lang ako ni Mama." Napasinghap siya sa negatibong pag-iisip nito. Lumapit siya at umupo sa harap ng kausap. "Gusto mo na ba akong iwan?" pagmamakaawa niya na ikinagulat ni Kenjie. Hinawakan niya ang mga kamay nito at may sinseridad na sinabi, "Kaya ko 'to ginagawa dahil gusto kong mabuhay ka, mabuhay tayong dalawa. Ayaw mo na ba akong makasama, Kenjie?" "Hindi." Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa mga kamay niya. "Pero kahit gusto kitang makasama, pakiramdam ko ay may mali." Madaling mahulog ang isang lalaking nasa kadiliman, sa isang babaeng handang magbigay ng liwanag. Minsan naiisip ni Hiraya na mali rin ang ginagawa, ginagamit niya ang damdamin ng binatilyo para kay Aya, pero mayroon pa ba siyang ibang pagpipilian? "Babalik ako kay Mama Mela, alam ko na hindi maganda ang inasal ko sa kaniya kanina. Manatili ka muna rito, kahit ngayong gabi lang. Bukas, saka tayo mag-iisip ng ibang paraan," pag-iiba niya ng usapan. "Uuwi kang mag-isa?" "Magpapahatid na lang ako nang diretso sa tricycle driver. May pila pa naman diyan sa labasan." Muli niyang kinuha sa bag ni Kenjie ang panulat at papel. Isinulat niya roon ang numero ng kaniyang selepono. "Kung sakaling magkalayo tayo, kabisaduhin mo ang numero ko para pwede mo kong matawagan. Bukas sasabihin ko rin kay Oscar na bigyan ka ng mga damit." "Papayag kaya 'yon lalo na at pakiramdam n'ya ay inagaw kita sa kaniya?" nag-alinlangan na wika nito. Minsan ay naaawa siya sa kaibigan pero napagtanto niyang hanggang crush lamang ang nararamdaman nito na siguradong mawawala rin paglipas ng panahon. At sa totoo lamang ang pagseselos nito ay sadyang nakakatawa. Hindi na napigilan ni Hiraya na mapabungisngis nang maalala si Oscar. "Anong nakakatawa? Kinikilig ka ba?" Hindi maiwasan ni Kenjie nang magselos nang kaunti dahil iba ang pumasok sa isipan. "Hindi ah!" pagtanggi niya, "Pero basta! Ako na ang bahala. Kapag ako nagsabi, siguradong papayag iyon." Hindi naman tumutol ang binatilyo sa binabalak niya. Walang-imik na nakatitig lamang ito sa mga kamay nilang magkahawak. "Pangako mo sa akin na mananatili ka rito, Kenjie," seryosong untag niya rito. "Pangako mo rin sa akin na magkikita tayo bukas," anito at tumingin sa mga mata niya. Nagbigay siya ng ngiti at muli itong niyakap nang mahigpit. "Pangako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD