Chapter 9 : Wednesday Morning

772 Words
Nang makitang may mga pinaglumang damit sa kabinet ng kubo, kumuha siya ng isang pantaas at pambabang pamalit. Gamit ang gasera ay bumaba siya sa posonegro upang labhan o kuskusin ng tubig ang uniporme na ibinigay ni Mang Linton. Pagkatapos niyon ay bumalik siya sa treehouse upang isampay ang mga damit sa bintana. Tinanggal niya ang band-aid sa mata upang suriin ang pinsala. Umiimpis na ang kaniyang black eye dahil sa yelo at eye cream na inilagay doon ni Mang Linton kaninang umaga. Napabuntong-hininga siya nang maalala muli ang kaniyang ina. Ang tanging hangad lamang ni Kenjie ay makatikim ng pagmamahal mula sa ina- isang normal na pagmamahal na dapat ipadama ng magulang sa anak. Sa kaniyang paglayo, mapagtatanto ba nito ang pagkakamali? Hahanapin kaya siya nito upang humingi ng tawad at pangalawang pagkakataon? Tama ba ang ginawa niyang pagtakas? Nakatulog siya sa higaan na ito ang nasa isipan. Kinabukasan, bumangon siya nang maaga upang magligpit ng mga gamit at ayusin ang sarili. Hindi siya maaaring manatili rito nang matagal lalo na't hindi niya pagmamay-ari ang treehouse. Isa pa nais niyang pumasok sa paaralan upang makita muli si Aya. Nang makaligo at makapag-ayos ng sarili, muli niyang ini-lock ang pinto ng kubo bago umalis. Nilakad lamang niya ang daan papasok sa eskwelahan at hindi niya ininda ang init o ang pagod. Nang makarating sa paaralan, hindi niya inaasahan na makakasalubong niya sa hallway ang babaeng laging laman ng kaniyang isipan. Napahinto rin si Aya sa paglalakad at parang nagulat pa nang makita siya. "Kenjie!" Nakabukaka ang bibig na lumapit ito sa kaniya. Nagningning ang mga mata niya sa katuwaan na binati ito. "Aya, magandang umaga!" "Bakit ka pa pumasok?!" Ngunit hindi niya inaasahan na pag-aalala ang unang sasabihin nito. "Bakit? Masama bang pumasok ako sa paaralan ngayon?" Hindi niya maunawan ang pangamba nito. Hinila nito ang kaniyang mga kamay at nag-usap sila sa waiting area ng gate. "Plano ko na bisitahin ka pagkatapos ng klase. Hindi ka na dapat pumasok." "Hindi pwedeng magtago na lamang ako roon buong araw. Gusto kitang makita, Aya," naglalambing niyang wika. Natahimik nang saglit ang dalagita sa sinabi niya at naging maamo ang mga mata. "Kahit na, sigurado akong hinahanap ka ni Jovena at baka pumunta iyon dito. Kapag nahuli ka niya- " "Hindi ako naniniwalang kaya akong patayin ni Mama," sagot niya rito, "Pumayag ako sa plano mo dahil naisip ko na kapag ginawa ko ito, mapagtatanto ni Mama ang pagkakamali niya. Baka sa paglayo ko ay maunawaan niya ang kahalagahan ko." "Kenjie," parang lalong naawa ang mga mata ni Aya, "Hindi mo alam kung anong sinasabi mo." Naputol ang usapan nila nang may makakita sa kanila sa daan. Huminto sina Mayumi at Oscar sa paglalakad. "Aya!" pagtawag ng babae pagkatapos ay lumapit sa kanila. Nakakrus ang mga braso at nanghihinala ang mga mata ni Mayumi nang humarap sa kanila. "H-Hello, Mayumi," medyo kinabahan ang dalagita sa paglapit ng mga kaibigan. "May kailangan kang ipaliwanag, Aya," wika ni Mayumi na nakapamaywang at nakataas ang isang kilay. "I'm sorry, Mayumi pero pwede bang sa treehouse na lang natin pag-usapan, mamayang uwian," paghingi nito agad ng tawad. Tumingin naman si Oscar kay Kenjie at nagbabanta ang tono ng boses nang magsalita. "Anong ginawa n'yo kahapon? Bakit hindi kayo pumasok? Tinuruan mo ba si Aya na mag-cutting class?" Hindi tumugon si Kenjie, umiwas lamang ang kaniyang mga mata. Sumingit naman si Mayumi at hinawakan nito ang balikat ni Oscar. "Tara na, magsisimula na ang klase. Mamaya na tayo mag-usap." Bumaling muli ito kay Aya. "Basta, mamaya kailangan mong magpaliwanag," huling wika nito bago hinila si Oscar at nauna nang pumasok sa gusali ng paaralan. Nang maiwan muli sila, nag-aalilangan na tumingin siya kay Aya. "Hindi ako nagtitiwala sa kanila," pag-amin nito, "Lalo na kay Mayumi na madaldal. Baka ipagkalat niya sa iba ang tungkol sa akin." "Naiintindihan ko na hindi mo sila lubos na kilala kaya hindi mo sila pinagkakatiwalaan pero kahit madaldal si Mayumi, sigurado akong hindi niya pagkakalat ang buhay mo," pagtatanggol nito, "Hindi niya sinabi kahit sa guardian niya na nanatili ka sa treehouse kagabi." Natahimik muli si Kenjie sapagkat may punto ang sinabi ng dalagita. "Wala ring ideya si Oscar sa nangyari kahapon. Hindi rin sinabi ni Mayumi sa kaniya kahit matalik silang magkaibigan. Magtiwala ka sa kanila, Kenjie. Mabubuti silang kaibigan." Nasa mga mata pa rin niya ang pagtutol ngunit wala na siyang nagawa nang hawakan muli ni Aya ang kaniyang kamay. Binigyan siya nito ng matamis na ngiti at tuluyan nang natunaw ang kaniyang pagmamatigas. Paano siya makakatutol kay Aya? Napabuntong-hininga na lamang siya at nauna nang pumasok sa loob ng paaralan. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD