HABANG LUMALAKI ang tatlong magkakapatid ay lalong napapamahal kay Ofelia. Ang lahat ng pagod niya ay nawawalang parang bula sa tuwing naririnig ang paghagikgik ng mga ito kapag hinahagkan niya sa ilalim ng kili-kili. Marunong nang kausapin ang tatlo at tumatawa agad kapag binubulaga o hinaharot. Ang mga araw ay napakatuling lumipas; halos hindi na niya napansin.
Isang umaga, espesyal na almusal ang inihatid niya sa silid ni Anastacia. Nakangiti ito nang buksan ang pinto, at hinarap agad ang pagkain. Dahil sa nakitang sigla at magandang aura ng pinsan, lumakas ang kanyang loob. Naghawan muna siya ng ilang kalat at inayos ang kama nito. Mayamaya'y sinimulan na niyang banggitin ang pakay.
"Mag-iisang taon na ang mga bata, Anastacia. Mainam sana e, mapabinyagan na sila para hindi sakitin." Nilangkapan niya ng sigla at pananabik ang tinig.
Hindi umimik si Anastacia. Tila walang narinig at patuloy lamang sa pagkain.
"Isabay na lang natin sa kaarawan nila ang binyag para isang handaan na lang. Tipid na sa pera, hindi pa tayo masyadong mapapagod sa preparasyon. Imbitahan na lamang natin sina Doktora at ang ilang kapitbahay para--"
"Magpabinyag ka kung gusto mo.Pero huwag na huwag kang magpapasok ng ibang tao sa loob ng bakuran ko. Ayoko ng maingay, ayoko ng party." Ang otoridad ay nasa himig ni Anastacia, at nagpapahiwatig na ang pasya'y dapat sundin.
"P-pero..."
"Pagtatalunan na naman ba natin ang tungkol sa mga alaga mo, Ofelia?"
Hindi na siya nangatwitran pa. Inisip na lamang na wala pa rin namang malay sa selebrasyon ang mga alaga. Ang mabinyagan ang mga ito ay sapat na.
Araw ng binyag. Siya lamang ang nag-iisang ninang ng mga bata. Mabuti na lamang at kasama nila ang kasambahay na si Monang kaya kahit paano ay may isa pang naroroon maliban sa kanila ni Anastacia. Kung hindi pa niya kinulit ang pinsan at pinakiusapan nang pinakiusapan ay hindi pa ito sasama sa simbahan. Habang ang karamihang magpapabinyag din ng mga anak ay nagsisiksikan sa dalawang hanay ng upuan, ang sa kanila naman ay maaaring daanan ng malaking kalabaw. Maigi na lang at ang ginang sa likuran nila ay nakiusap kung maaaring makiupo ang mga kasama nito. Kung nagkataon... tatlo lang silang aalog-alog sa mahabang upuang okupado.
Lahat ng magagawanag paraan ay ginawa niya upang mabasbasan at makatanggap ng matrimonya ng binyag ang tatlong alaga. Kasama na ang pag-imbento ng balidong rason at dahilan. Nagsinungaling siya sa namamahala sa simbahan at sa pari... bagaman hindi tama.
Sinulyapan niya ang kasambahay na may karga sa panganay. Pagkaraa'y si Anastacia na bunso naman ang karga. Kahit paano'y ikinasiya niya ang pagpayag nitong buhatin ang isa sa triplets na anak. Bagaman tuwid na tuwid ito at mistulang tuod sa kinauupuan ay ikinatuwa na rin niya. Naniniwala siyang diringgin din ng langit ang kanyang mga panalangin. Inilipat niya ang paningin sa harapan ng altar... at tahimik na nanalangin.
"Naiintindihan NIYO naman ako 'di ba, Panginoon? Alam NIYO naman kung bakit kinailangan kong humabi ng kasinungalingan. Higit kaninuman, kayo ang nakababatid sa nagaganap sa amin. Alam NIYO ang pinagdadaanan ng mga alaga ko at ni Anastacia. KAYO na po sana ang bahalang umunawa sa akin. Pasensiya na po at nagsinungaling ako sa inyong alagad. Naniniwala akong malawak ang INYONG pang-unawa at ang pagmamahal para sa aming mga nilikha NIYO ay hindi nagkukulang. Panginoon, tanggapin NIYO po ang aking mga alaga. Tulungan NIYO po ako sa pangangalaga sa kanila; sa pagbabantay sa kanila. Biyayaan NIYO po ako ng lakas ng pangangatawan at matibay na loob upang mapalaki silang mabuti. Hipuin NIYO po ang puso ni Anastacia upang mangibabaw ang damdaming ina. KAYO na po ang bahala sa aming lahat, Panginoon."
At nagsimula na ang binyag. Siya ang sumasagot sa mga tanong ng pari. Halos pumalakpak ang kanyang tainga nang purihin nito ang magandang mukha ng triplets. Nakaramdam siya ng pagmamalaki, lalo na nang mapagkamalang siya ang ina. Sinulyapan niya si Anastacia. Blangko ang ekspresyon ng mukha nito. Bagaman animo walang pakialam at hindi interesado, alam niyang nakikinig ito... na narinig nito ang sinabi ng pari.
Pagkatapos ng binyag ay umuwi na sila. Ang balak sana niya'y magpalitrato muna gaya ng mga naroroong kasabay. Ngunit dire-diretsong lumabas si Anastacia. Wala silang nagawa ng kasambahay kundi ang sumunod na lamang. Nang makauwi ay nagpabili na lamang siya ng espesyal na pagkain sa isang restauran upang kahit paano ay may pagsaluhan.
Hindi sumalo sa kanila si Anastacia, at nagkulong sa silid. Hindi na niya ito pinilit upang hindi na madagdagan pa ang natutunghayan ng kasambahay. Ayaw niyang mapulaan ni Monang ang kanyang pinsan, at ang respeto ay mabawasan. Bagaman hindi ito nagsasalita, alam niyang hindi nito nagugustuhan ang pakikitungo ni Anastacia sa sariling mga anak.
Pinasigla niya ang kilos at pananalita, at sinimulan ang masayang usapan. Nagtagumpay naman siya dahil hindi nagtagal ay nagtatawanan na sila habang nakikipag-usap sa triplets sa pagitan ng maganang pagkain. Nang ito ay magpaalam, ipinadala niya ang ibang pagkain, at inabutan ng ekstrang pera.
"Pakisara na lang ang gate," bilin niya. Tinanaw na lamang niya ang kasambahay, pagkaraa'y binalikan ang magkakapatid na naglalaro.
"Mga anak, pagpasensiyahan niyo muna ang mama niyo, ha? Pasasaan ba at malalaman rin niya kung gaano kasarap magkaroon ng napakagagandang anak na tulad niyo."
Nakangiti niyang pinanood ang tatlong batang babaeng nakakaupo na at nangangabay. Naglalaro ang mga ito sa may kalakihang kuna. Pinasadya niya ang pagawa niyon upang magkasya ang tatlo kahit magsilaki pa, at pinagsama-sama upang mas madaling mabantayan. Malilikot na ang mga inaanak niya, at kung malilingat siya ay maaaring madisgrasya o kaya'y malaglag sa hagdan. Sa malaking kuna ay ligtas ang mga ito. Doon niya hinahayaang makagalaw at makapaglaro.
Samantala, sa siwang ng pintuan... nakasilip si Anastacia at matiim na pinagmamasdan ang pinsang nakikipag-usap sa triplets.
"Mukha kang tanga sa pinaggagawa mo, Ofelia," naiiling niyang sabi.
Pagkaraa'y ang mga anak naman ang tinitigan niya. Dahan-dahang nanungaw ang makahulugang ngiti sa kanyang mga labi at ang mga mata ay nanlisik. Humahanap lamang siya ng magandang tiyempo upang burahin ang tatlo sa buhay nilang magpinsan. Ayaw niyang mabilanggo kaya naghihintay siya ng magandang tiyempo; ng tamang pagkakataon.
Malilikot na ang triplets. Naglalaro na sa kanyang utak ang gagawin. Maisasakatuparan na niya ang binabalak. Kaya lamang ay palaging nakasubaybay ang pinsan sa tatlong alaga; parating nakabantay at nakatingin.
Nakangisi niyang itinulak ang pinto at tuluyang lumabas. Nakatuon ang kanyang paningin sa tatlong paslit habang humahakbang.
"Matityempuhan ko rin kayo. Pasasaan ba at mawawala rin kayo sa paningin ko; sa bahay ko at sa buhay ko!"
Nilampasan niya ang mga anak at si Ofelia. Dire-diretsong tinungo ang malapad na pintuan at walang paalam na bumaba sa hagdan. Lalabas siya upang bumili ng alak sa tindahan; upang muling lunurin ang sarili at makatulog nang mahimbing.
"Mabuti pa ang alak, nagagawang paluwagin ang loob ko. Hindi kagaya ng tatlong batang 'yan. Sumasakit ang ulo ko kapag naririnig ko silang umiiyak, lalo na kapag naghahagikgikan. Mga buwisit!" Bulong niya habang binubuksan ang gate. Umismid pa siya bago tuluyang lumabas, ang pagkasuya ay nakalarawan sa mukha.
Si Ofelia nama'y tumayo at sumilip sa binatana. Sinundan ng tanaw ang pinsang lumabas. Isang malalim na buntong hininga ang pinawalan niya nang matiyak kung saan ito patungo. Kinakabahan siya sa mga kinikilos ng pinsan. Alam niyang nakasilip ito kanina at nakatanaw sa kanya at sa mga anak. Ayaw niyang mag-isip ng masama o maghinala. Subalit anumang pagtataboy ang gawin sa nararamdamang kaba ay sumisiksik pa rin iyon sa kanyang utak.
Mula nang makita niyang pinipisil nito ang ilong ng isa sa triplets ay nagduda na siya. Kahit sinabi nitong tinatanggalan lamang ng sipon ang anak ay nakaramdam pa rin siya ng kakaibang kaba. Mula noon ay naging mahigpit na siya sa pagbabantay. Mas lalo pa siyang naging mapagmasid at pinatalas ang pakiramdam. Gusto niyang paniwalaan ang ikinatwiran ng pinsan, ngunit ang isang bahagi ng utak niya ay umaayaw. Pakiwari niya'y mayroon itong binabalak gawin; na may masamang iniisip, lalo na't madalas ay wala ito sa tamang wisyo dahil nahihilig sa pag-inom ng alak.
Mahal niya si Anastacia kaya hindi niya ito hahayaang makagawa ng maling hakbang na siguradong ikapapahamak at pagsisihan pagdating ng araw. At mahal na mahal din niya ang mga anak nito. Gagawin niya ang lahat upang protektahan ang tatlong batang walang nagawang pagkakamali kaninuman. Kahit pa ang nananalaytay na dugo sa ugat ng mga ito ay nagmula sa amang humalay lamang sa kanilang ina. Walang kasalanan ang mga alaga niya. Ang hindi nagagawa ni Anastacia, siya ang gagawa. Ang hindi nito maibigay, siya ang magbibigay. Anuman ang mangyari'y hinding-hindi niya pababayaan ang magkakapatid.
MATULIN pang lumipas ang mga taon.
Lasing na naman si Anastacia. Naririndi ito at ang mukha'y pulang-pula hindi lamang sa mapait na likidong animo tubig kung inumin... kundi sa inis at galit.
"Bwisit! Ano ba, Ofelia?! Hindi ba tatahimik ang mga batang 'yan?! Patigilin mo sa pag-iingay ang mga buwisit na 'yan kundi... papasakan ko ng basahan ang mga bunganga niyan!" Malakas nitong sigaw kasunod nang padabog na pagtayo sa kinauupuan. Tumutukod na ito sa dingding nang maglakad palabas ng sariling silid. Ipinilig nito ang ulo at saka muling tinungga ang laman ng boteng hawak. Pagkatapos ay sinipat ang kinaroroonan ng mga anak. Ngumisi ito nang makita ang magkakapatid na agad natigilan, at sumusuray na naglakad palapit.
"A-ate..." nanginginig ang bunsong anak ni Anastacia. Sumiksik pa ito sa dalawang kapatid na magkatabing nakatayo.
"Di ba sinaway ko na kayo... ha?! Talagang inaatat niyo ko. e. Wala na kayong ginawa kundi buwisitin ang buhay ko. Kapag sinabi kong huwag kayong maingay... huwag kayong maingaaaay." Nanggigil nitong sabi habang ang pisngi ng mga anak ay isa-isang nilapirot nang mariin.
"Iiyak kayo, ha?! Sige... iyak!"
Pigil na pigil ng mga bata ang pag-iyak. Ang takot sa inang nanlilisik ang mga mata ay higit na pinangangambahan.
"Punyeta kayo... ang titigas ng mga bungo niyo. Gusto niyo, palambutin ko 'yan, ha? Pikang-pika na ko sa inyo, a. Gusto niyo kong subukan... gusto niyo? Sagot!" Isa-isa nitong hinahablot ang braso ng mga anak na panay naman ang iling.
Samantala.
Nagmamadali sa pagbubukas ng gate si Ofelia. Sa labasan pa lamang ay dinig na dinig na niya ang pagsigaw ni Anastacia kung kaya halos liparin na ang hagdan, makapanhik lang kaagad. Naaktuhan niya ang pagsampal ng pinsan sa magkakapatid.
"Tama na, Anastacia! Ano ka ba naman?!"
Agad namang nagtakbuhan kay Ofelia ang tatlo.
Maingat niyang hinimas ang mga mukha ng mga inaanak. Namumula pa ang mga iyon dahil sa kurot at pagsampal ng ina.
"Kaya lumalaking sutil ang mga 'yan dahil kinukunsinti mo, e. Napakatigas ng mga ulo at hindi marunong pagsabihan. Hindi iniintindi ang sinasabi ko, punyeta! Bitawan mo sila, Ofelia. Umalis ka riyan at kakastiguhin ko ang mga lintik na 'yan!"
Pasugod na ito sa mga anak nang harangan niya.
"Pumanaog muna kayo at sa hardin na lang muna maglaro. Ate... ikaw ang bahala sa mga kapatid mo, ha? Bantayan mo sila. Huwag na huwag kayong lalabas ng gate. Mag-uusap lang kami ng mama niyo. Sige na, doon muna kayo."
Tumango ang pinakamatanda sa tatlo, at saka tinignan ang dalawang kapatid. Magkakahawak ang kamay ng mga ito nang tunguhin ang pintuan at maingat na bumaba sa unang baitang. Lumingon pa ang pangalawang anak ng kanyang pinsan at matiim na tinitigan ang inang tumutungga na naman ng alak. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang hinanakit... ang sama ng loob na naipon at unti-unting lumalaki.
"Ano'ng tinitingin-tingin mo, ha?! Lalaban ka ba? Lalaban ka ba, ha?!"
Muli niyang iniharang ang sarili at inalalayan ang pinsang pasugod sa mga anak. Kamuntik pa itong matalisod sa sariling paa.
"Nakita mo ang ugali ng mga alaga mo, Ofelia? Dapat sa mga 'yan tapyasan na bago pa humaba ang mga sungay. Bitawan mo ko at nang makita ng mga 'yan ang hinahanap nila. Mata lang ang walang latay kapag nahagip ko ang mga punyetang 'yan. Bitawan mo nga ako, ano ba?!"
Sa halip na sagutin ang pinsan, ang pinakamatanda sa triplets ang kanyang kinausap.
"Sige na Ate, samahan mo na ang mga kapatid mo sa baba." Malumanay niyang sabi.
Tumalima naman ito sa utos niya. Bahagyang hinila ang kamay ng mga kapatid iginiya sa pagbaba.