CHAPTER 8 - Paliwanag ni Ofelia

1993 Words
"HANGGANG KAILAN ka magiging malupit sa mga anak mo, Anastacia? Hanggang kailan mo pagaganahin ang makitid mong utak? Hindi pa ba sapat ang pagdaan ng maraming taon upang mabawasan kung hindi man napawi ang poot na namamahay sa dibdib mo? Hanggang kailan mo pahihirapan ang iyong sarili?" Mariin ang tinig ni Ofelia, ipinahahayag ang pagdaramdam at disgusto sa ginawa ng pinsan sa sariling mga anak. "Hanggang kailan?" Nakaangat ang kilay ni Anastacia. Tinabig pa nito ang kamay ni Ofelia, at saka muling tinungga ang boteng hawak. Ngumisi ito pagkatapos, at muling nagsalita. "Hanggang nakikita ko ang mga pesteng batang 'yan. Habang kasama ko ang tatlong 'yan ay hindi ko malilimutan ang kahayupang ginawa sa akin! Sa tuwing makikita ko ang mga mukha nila... sa tuwing maririnig ko ang mga boses at tawanan nila ay hinding hindi maaalis sa utak ko ang lahat ng nangyari!" nanlilisik ang mga mata nitong sigaw. "Para tayong sirang plakang paulit-ulit. Bakit Anastacia, ginusto ba nila ang mga nangyari? Sila ba ang dapat parusahan sa mga pangyayaring wala silang kinalaman? Huwag mo silang idamay; huwag mo silang pahirapan dahil wala silang kasalanan." Nanginginig na ang boses ni Ofelia dahil sa pagpipigil. Ayaw niyang tuluyang mapikon sa kausap. Hangga't maaari... ayaw niyang magalit. "At sino ang may kasalanan, Ofelia? Sino ang dapat kong sisihin; ang dapat mahirapan? Bakit hindi mo pa ko diretsuhin." Matigas ang anyo ni Ofelia at ang mga mata'y nang-uusig. Ipinararating sa kausap na ang pang-unawa'y nalalapit na sa hangganan; na ang pasensiya ay paubos na. Nag-iwas ng tingin si Anastacia, hindi natagalan ang mga mata ng pinsang walang kakurap-kurap. "B-bakit hindi mo liwanagin ang gusto mong sabihin? Na kung sumunod ako sa'yo nang sawayin mong pumunta sa party na 'yon ay hindi sana ako napahamak; na kung pinakinggan ko lang at inintindi ang mga paalala mo, wala sanang nangyaring masama; na kung sinunod ko ang mga payo mong iwasan ang pagsama-sama sa walang kwentang barkada ay hindi sana ako nagahasa? Bakit hindi mo pa sabihin na AKO ang may kasalanan! Na ako ang naghanap ng ikapapahamak ko! K-kung hindi ko pinairal ang pagiging sutil... hindi sana ako nahihirapan ng ganitoooo!" Ipinukol ni Anastacia ang bote sa dingding, at saka nanghihinang napaluhod sa sahig. Ang mga matang hilam sa luha ay nakatitig sa boteng nabasag habang ang mga palad ay mariing nakakuyom at bahagyang nanginginig. Nahabag si Ofelia sa anyo ng pinsan. Maliwanag ang mensaheng nais nitong iparating sa kanya. Nagsisi ito sa hindi pagsunod sa mga pinayo niya noon; na sinisisi nito ang sarili sa nangyari. Muling nalusaw ang galit niya para sa dalagang ina. Nilapitan ito at niyakap. "Naiintindihan kita Anastacia. Alam ng Diyos na hanggang ngayon ay gusto pa rin kitang intindihin. Kaya nakikiusap ako sa'yo, nagmamakaawa. Palayain mo na ang iyong sarili. Wala kang kasalanan, hindi mo ginusto ang nangyari. Isang mabigat na pagsubok ang dumating sa iyong buhay, at kailangan mong magpakatatag upang malampasan ang lahat. Magtutulungan tayo, makakaya nating harapin ang mga susunod pang pagsubok. Kasama mo ko, kasama natin ang mga anak mo. Tayong lima ang haharap sa panibagong umaga. Magkakasama tayong bubuo ng mga pangarap. Huwag kang matakot, huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi ka nag-iisa... hindi ka mag-iisa. Ipinapangako ko, hindi kita pab--" "Gusto ko nang magpahinga." Putol ni Anastacia sa nagsasalita. Matigas na naman ang malamig na tinig. Unti-unting lumuwag ang pagkakayapos ni Ofelia kay Anastacia hanggang sa tuluyang bumitaw. Tumayo ang ina ng triplets at sinimulan ang paglayo. Ilang hakbang pa lang nang huminto ito at bahagyang ipinaling ang mukha sa dalagang nakatayo na rin. "Pagsabihan mo ang mga anak-anakan mo. Kung ayaw mong tamaan sa akin ang mga 'yan, huwag na huwag silang gagawa ng ingay na makabubulahaw sa pagtulog ko." Babala nito at saka itinuloy ang paglalakad. Pumasok ito sa sariling silid at isinara nang malakas ang pinto. Nailing na lamang si Ofelia. Nagmamatigas pa rin ang pinsan niya. Sarado pa rin ang utak at ayaw tumanggap ng paliwanag. Hindi pa rin ito nagbabago. Kung ano ang naisip, iyon pa rin ang ipipilit, at gagawin. Isang mamalim na buntong-hininga ang pinawalan niya upang palisin ang paninikip ng dibdib. Pinunasan niya ang luha sa magkabilang pisngi. Dinampot niya ang mga pinamiling ibinaba sa sahig at dinala sa kusina. Pinapraktis niya ang pag-ngiti habang inaayos ang mga iyon sa ibabaw ng mesa. Nang masigurong naipinta na sa mukha ang masayang aura ay saka niya tinungo ang hagdanan. Sinikap niyang mapanatili ang maaliwalas na mukhang ihaharap sa tatlong batang pinababa kanina. "Very good, Ate! Talagang maaasahan ka nang mag-alaga sa mga kapatid mo. At kayo namang dalawa... very good din dahil sumunod kayo sa inyong ate." Puri niya sa tatlong batang nakaupo sa swing na hindi inuugoy. Ang bunso ay ngumiti agad pagkakita sa kanya. Tatayo sana ito upang sumalubong ngunit sinenyasan niyang manatili. Lumapit siya at marahang iniugoy ang inuupuan nito. Sa triplets, ang bunso ang masayahin. Madali itong amuin kahit may pagkaiyakin. Mababaw ang luha nito at maawain. Ito rin ang pinakamalambing at pinakatahimik dahil mahiyain. "Ninang, bakit ganun palagi si Mama sa amin? Galit ba siya sa amin?" Mabilis niyang ipanaling ang mukha sa panganay na anak ni Anastacia. Nagluluha ang mga mata ng paslit at ang bibig ay kumikimbot. Ang pag-iyak ay pinipigilan sa pamamagitan ng pagkagat sa pang-ibabang labi; patunay ang pamumula niyon . "Naku naman, siyempre hindi. Marami lang gumugulo sa isip ng inyong mama kaya mabilis uminit ang ulo niya. Kaya para hindi siya magalit, susundin niyo ang mga sinasabi niya. Huwag kayong maglalaro sa taas para hindi siya naiingayan. Masakit kasi ang ulo ni Mama kaya nagalit siya kanina. Pagpapasensiyahan niyo na lang siya, ha. Nabigla lang siya kaya napalo niya kayo, pero hindi ibig sabihin e, galit siya sa inyo. Hindi ganoon 'yon," paliwanag niya. Agad naman itong tumango at nagpahid ng luha. Sa tatlong magkakapatid, ito ang pinakamaalalahanin at maunawain. Maaasahan itong pagbilinan ng gawain dahil responsable at masunurin. "Nagsisinungaling ka, Ninang! Hindi kami mahal ni Mama. Ikaw lang ang totoong nagmamahal sa amin!" sagot ng napapagitnaan ng ate at ng bunso. Nakatitig ito sa kawalan at ang luha ay hindi hinahayaang tumulo. Namumula ang mga matang kinasasalaminan ng malaking pagdaramdam para sa ina. Tumingin sa kanya ang bunso at panganay. Waring naghihintay sa isasagot niya. "H-hindi totoo 'yan. Mahal kayo ng mama niyo. Kaya lang... 'di ba nga may sakit siya? Kapag gumaling na siya e 'di, hindi na siya palaging sisigaw," sagot niya. Tumango sina Ate at Bunso ngunit hindi si Ditse na nakakunot ang noo at walang kangiti ngiti. Pumihit ang mukha nito paharap sa kanya at matiim na tumitig. Pakiramdam niya'y binabasa nito ang katotohanan sa kanyang sagot. to ang palaban at matigas ang loob... ugaling minana sa ina. Hindi ito basta-basta naniniwala kung hindi detalyadong maipaliliwanag ang mga gustong malaman. Palatanong at hindi madaling kumbinsihin. Malalim ito at mapagmasid; matapang at pinakamatalino sa magkakapatid. Madalas ay nauubusan siya ng isasagot sa mga pag-uurirat nito lalo pa't may kaugnayan sa matabang na pakikitungo ng ina. "Mga anak... maaaring maliliit pa kayo at hindi pa husto ang isip upang maunawaan ang mga nangyayari. May mga pinagdadaanan ang mga nakatatanda na hindi madaling ipaliwanag at intindihin ng mga nakababata. May dinaramdam ang Mama niyo kaya siya nakagagawa ng mga bagay na nakakasakit sa inyo. Kung hindi niyo siya uunawain, sino pa ang uunawa sa kanya? Darating din ang araw... gagaling ang sakit niya. Hihintayin nating dumating ang araw na 'yon. Nakakahiya man... pero kayo na sana ang magpasensiya sa Mama niyong pasaway. Hayaan niyo at kapag salbahe pa rin siya, parurusahan ko na talaga. Padadapain ko siya at papaluin sa puwit! "T-talaga, Ninang?" malungkot na tanong ng panganay. Namimilog ang mga mata nitong gulat na gulat. "N-ninang... kawawa naman si Mama." Nag-aalala namang sabi ng bunso. Ang luha ay natitipon na sa maamong mga mata. Kumawala naman ang buntong-hininga sa lalamunan ng ditse. Hindi nagsalita ngunit bahagyang umiling at nagyuko ng ulo. Lihim siyang nasiyahan. "Anastacia, narito ang tatlong anghel na inaayawan mo. Sa kabila ng mga pagkukulang mo ay patuloy na nagmamalasakit at nagmamahal sa'yo. Huwag mo silang itulak palayo, huwag mo silang itaboy. Napakaswerte mo sa pagkakaroon ng mga anak na tulad nila. Anastacia, kailan ka pa matatauhan?" "Ninang..." untag ng panganay. Nilinga niya ito at hinintay kung ano ang sasabihin. Tumingin ito sa dalawang kapatid na animo humihingi ng saklolo at lakas ng loob. Nagtuturuan ang magkakapatid kung sino ang magsasalita; kung sino ang magpapaliwanag sa mensaheng gustong sabihin sa kanya. Mga mata nito at pagkibot ng mga labi ang tanging nag-uusap, nagsesenyasan. "Siya sige... hindi ko na papaluin ang Mama niyo. Hindi ko na siya--" HIndi na niya naituloy ang sasabihin dahil nagtayuan ito at sabay-sabay na yumakap sa kanya. Nakatingala sa kanya at nangungusap ang mga mata. Waring nagsasabing... salamat, Ninang Ofelia. Nakangiti niyang hinaplos ang buhok ng tatlong inaanak. Nagluha ang mga mata niya sa tuwa. Natamnan niya ng mabuting punla ang murang isipan ng mga ito; ng mahabang pasensiya at pag-unawa, at higit sa lahat... malalim na pagmamahal para sa inang pinagtatakpan niya sa lahat ng nagagawang kamalian. Patuloy siyang hahabi ng kasinungalingan kung iyon ang kailangan; kung iyon ang tanging paraan upang hindi mapatid ang taling bumibigkis sa mag-iina. Patuloy siyang gagawa ng magagandang ilusyon para sa mga anak-anakan upang mapawi ang pagdaramdam, at ang ngiti sa mga labi ay kanyang masilayan. Para sa pinakamamahal na triplets... wala siyang hindi makakayang gawin. Siya ang magsisilbing matibay na tulay na tatawiran ng mag-iinang ang pangarap niya'y makitang magkakasama; masaya, nagkakatuwaan at nagmamahalan. Pinaupo niya uli ang magkakapatid at isa-isang iniugoy. Mayamaya pa ay nagtatawanan na sila. Napalitan ng hagikgikan ang kanina'y impit na iyakan. Kahit papano ay nagawa na naman niyang libangin ang mga alaga. Nagtagumpay na naman siyang palisin ang tensiyon sa isip ng mga ito at pagaanin ang kalooban. Sa harapan ng bintana sa itaas ng bahay, naroon si Anastacia. Patagong nakasilip sa pinsang matiyagang tumutulak sa inuupuan ng tatlong batang ang matinis na hagikgikan ay labis-labis na kinamumuhian. "Ofelia, hindi ka pa ba nagsasawa sa mga buwisit na batang 'yan? Bakit sila pa ang kinakampihan mo? Huwag kang pabulag sa nakikita mo. Nililinlang ka lang ng iyong paningin. Hindi sila magaganda at mababait gaya ng sinasabi mo; gaya ng inaakala mo. Nagkakamali ka, Ofelia. Pagsisihan mo lang kapag pinalaki mo pa sila. Sa akin ka maniwala dahil ako ang higit na nakaaalam. Kilala ko sila. Anak sila ng mga dimonyo; anak sila ng mga impakto! Huwag kang magtiwala sa mga batang 'yan. Papatayin ka rin nila gaya ng pagpatay sa akin ng pitong dimonyong ama nila. Hindi ako papayag na matulad ka sa akin. Hindi ako papayag na pati ikaw ay masaktan at babuyin! Ililigtas kita. Tama nang ako na lamang ang nagkaganito. Mahal kita, Ofelia. Ikaw na lang natitira sa akin. Hindi ko hahayaang may mangyari sa'yong masama. Kung gusto mong matahimik ang bahay na ito; ang buhay natin... ang gusto ko ang sundin mo. Dapat silang mamatay. Papatayin ko ang tatlong batang 'yan!" Muling pumatak ang luha ni Anastacia mula sa mga matang animo nagbabaga. Ang matinding poot para sa mga lalaking humalay sa kanya at nais mapaghigantihan ay sa tatlong paslit nais magawa. Hindi na nakauunawa ng tamang katwiran ang kanyang isipan. Ang masaklap na karanasang inalagaan sa dibdib ay nag-usbong ng pagkasuklam at hangaring maling-mali. Ang galit para sa sarili ay nagsilbing lasong pumaparalisa sa kanyang kunsensiya. Sa halip na bumangon at umahon sa kumunoy na binagsakan, naglunoy pa at tinanggihan ang mga kamay na nais humila upang siya'y maiahon at mailigtas. Halos mapunit ang laylayan ng kanyang damit sa marahas na paghilang ginagawa. Nagtatagis ang kanyang mga ngipin habang tinititigan ang mga anak na magkakamukha. Palipat-lipat ang kanyang mga mata... sa panganay, sa ikalawa at sa bunso. Pagkaraan ng ilang sandali ay tumalikod na siya. Hawak ang bote ng alak na kakaunti pa lamang ang bawas, muli siyang nagbalik sa sariling silid upang muling maghintay ng tiyempo sa binabalak gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD