CHAPTER 9 - Trahedya

2153 Words
ANG PANANAKIT ni Anastacia sa sariling mga anak ay naging madalas at paulit-ulit. Parati itong naghahanap ng dahilan upang magalit, upang makapanakit. Habang nagtatagal ay mas nagiging mabangis, mas naging masungit, at sa mumunting pagkakamali ng mga paslit, ang kaparusahang iginagawad ay palupit nang palupit. Lulong na lulong na ito sa alak. Ang kagandahang taglay ay unti-unti nang kumupas. Nahulog na nang tuluyan ang mahubog na katawan. Pipis na ang mga pisngi at ang mga mata'y nanlalalim at nangingitim. Pinabayaan na nito ang sarili at ang bisyong pinaniniwalang kanlungan ang siyang niyakap araw man o gabi. Manipis na ang pangangatawan ng dalagang ina. Halos hindi na makikilala. Malaking-malaki na ang pinagbago ng itsura. Naglaho na ang kagnadahang kinaiingitan ng mga kababaihan at hinahangad mapaibig ng mga kalalakihan. May sakit na'y alak pa rin ang iniinom sa halip na gamot. Ito pa ang galit at nagwawala kapag pinagsasabihan ni Ofelia. Madalas itong malipasan ng gutom. Kumain man ay kakatiting at alak ang ginagawang tubig. Kinatatamaran na rin ang paliligo. Kung lango na at walang namamalayan sa paligid ay saka pa lamang nalilinis ni Ofelia. Matiyagang pinupunasan ng pinsan at pinapalitan ng damit na ilang araw na'y iyon pa rin ang suot. Alak na ang singaw ng katawan nito, ang hininga at pawis. Maging ang silid na hindi na nagagawang linisin ay amoy tsiko at amoy anit. Ayaw nitong papasukin si Ofelia upang makapaglinis. Ang sapin sa kutsong higaaan ay nangungutim ganoon din ang punda ng unan at kumot na ginagamit. Nanlalagkit ang dati-rati'y makintab na sahig. Natuyo na ang bahid ng suka at pagkaing inabutan nang pagkapanis. Nagagawa mang linisan ng pinsang kasama ay hindi naman parati. Kung natutulog lamang dahil lasing na lasing. ISANG ARAW. Nagpaalam si Ofelia dahil may kailangang asikasuhin. Abot-abot ang bilin nito sa tatlong inaanak. Lasing si Anastacia. Matapos asikasuhin ay hinintay pa nitong makatulog ang pinsan bago umalis. Muli itong nagbilin sa magkakapatid bago tuluyang pumanaog sa hagdan. Nang makalabas sa kalsada ay kumaway pa sa mga alagang pansamantalang iiwanan sa loob ng tahanan... kasama ng inang sa halip na mangalaga ay naghahatid pa ng pangamba at panganib sa sariling mga anak. Nangako itong babalik agad sa tatlong batang kumakaway rin naman. Nakalarawan sa mukha ng triplets ang kaba at pag-aalala habang hinahatid ng tanaw ang nag-iisang taong maaaring pumigil sa pagmamalupit ng sariling ina. Tahimik na nagpasukan sa loob ang magkakapatid. Ingat na ingat makalikha ng kahit munting tunog na maaaring makagambala sa inang nagpapahinga. Makagambala? Mas tamang sabihing ayaw nilang ito ay magising hangga't hindi dumarating ang kanilang Ninang Ofelia. Pumanaog sila at sa bakuran naglaro; sa maliit na palaruan sa gitna ng hardin. Bagaman nasa ibaba na ay pigil pa rin nila ang sarili sa malakas na pagsasalita at tawanan. Iyon ang kabilin-bilinan sa kanila ng ninang; ang huwag silang mag-iingay. Nagtagal sila sa paglalaro. Lutu-lutuan, tinda-tindahanan, taguan at nagduyan nang nagduyan. Tumigil na lamang sila nang mag-ayang kumain ang bunso. Magkakasama silang pumanhik sa hagdan, maingat na yumapak sa bawat baitang. Sa kusina sila nagtuloy. Ang panganay ang naghanda ng pagkaing niluto na ng kanilang ninang bago umalis. Masaya silang nagsalo-salo habang nagkukuwentuhan. Mahina lamang ang kanilang mga tinig. Nang makatapos, niligpit na nila ang mesa. Subalit natabig ng bunso ang babasaging pitsel at nahulog sa sahig! Natigilan sila at pare-parehong napatingin sa iisang direksiyon, sa pintuan ng kusina; sa maaaring panggalingan ng inang baka biglang sumulpot dahil nagising. "A-ate..." nahihintakutang sambit ng pinakabata. Agad namang lumuhod sa sahig ang ikalawa upang damputin ang piraso ng mga bubog mula sa pitsel na nabasag. "Huwag, baka matibo ka. Ako na lang." Pananaway ng pinakamatanda kasunod nang marahang paghawi sa kapatid na sumunod sa kanya. "Tumabi kayo at baka mabubog pa ang paa niyo. Huwag muna kayong maglalakad. Diyan lang kayo sa gilid," anito sa dalawang nakababatang kapatid. "A-ate..." halos magkasabay na pagtawag ng dalawang nakatayo. Nangangatog ang tinig pagkakita sa inang ang mga mata ay nanlilisik. Walang sabi-sabi'y hinablot ni Anastacia ang dalawang anak na nakatayo sa malapit. Kinaladkad palabas ng kusina... patungo sa sala. Mabilis namang napasunod ang panganay. Sa magandang mukha'y nakabalatay ang matinding pag-aalala sa dalawang kapatid na sapilitang hinihila ng ina. "Wala na kayong ginawang tama, mga buwisit! Hindi ba't sinabi ko na sa inyong huwag na huwag niyo 'kong iistorbuhin kapag nagpapahinga, ha?! 'Di ba binalaan ko na kayo, pero ano... ano?! Binasag niyo pa ang pitsel na mas mahal pa kaysa mga buhay niyo. Alam niyo bang wala pa kayong mga impakto kayo e, pitsel na 'yon? Wala kayong mga silbi! Mga inutil! Bago niyo ko mapatay sa kunsumisyon... papatayin ko na muna kayo sa bugbog!" malakas na sigaw ng nagagalit na ina. Halos mabalinghat ang braso ng dalawang anak sa ginagawang paghila. Ang pag-iyak at pagsamo ng mga ito ay hindi pinakikinggan. "S-sorry po, Mama. Hindi ko po sinasadya..." umiiyak na pakiusap ng bunso. "Sorry? Mabubuo ba ang pitsel sa pagso-sorry mo, ha?! E, kung ipakain ko kaya sa inyong tatlo ang mga bubog? Tama, ipalalamon ko sa inyo ang binasag niyo!" Pagkasabi ay hinila na ang dalawang bata pabalik sa kusina. Humarang naman ang panganay sa daraanan ng ina. Nakadipa sa gilid ang magkabilang braso at saka umiiyak na nagmakaawa. "H-huwag po Mama, bitiwan niyo na po sila. Lilinisin kong mabuti ang sahig. Ako po ang may kasalanan kaya nabasag ang pitsel. Wala pong kasalanan ang mga kapatid ko, ako na lang po ang paluin niyo." Gumuhit sa mga labi ni Anastacia ang tusong ngiti. Ang totoo'y hindi naman siya nagising dahil hindi naman siya natulog. Nagtulug-tulugan lang siya upang ituloy ni Ofelia ang balak na pag-alis. Habang hinihintay pumahik ang mga anak ay panay na ang inom niya ng alak na itinago sa ilalim ng damitan. Inis na inis siya nang marinig ang hagikgikan ng mga ito. Gusto na nga niyang labasin nang mga sandaling iyon, ngunit hinintay munang makagawa ng mabigat na pagkakamali upang may maikakatwiran kay Ofelia kung sakaling biglang dumating. At hindi nagtagal, narinig niyang may nabasag na kung ano sa sahig. Dali-dali siyang lumabas upang isagawa ang balak na pagbugbog sa tatlong buwisit sa kanyang buhay. Huminto siya sa ginagawang pagkaladkad sa bunso at ditse dahil sa sinabi ng panganay. "Ah, ikaw na lang ang paluin ko. Inuutusan mo kong bitawan sila at ikaw na lang ang tatanggap ng parusa. Nagpapakabayani ka naman. Nagpapabida ka at ako ang ginagawa mong kontrabida. Ganun ba, ha? Ganun ba?!" Binitawan niya ang dalawang bata at ang panganay ang hinarap. Napaurong ang nakatatanda sa magkakapatid nang humakbang ang ina palapit. "O, akala ko ba ikaw na lang ang papaluin ko. Matapang ka 'di ba? Matibay na ang mga buto mo kaya kung makapagsalita ka e, parang napakabuti mo? Ito ang gusto mo 'di ba? Puwes... pagbibigyan kita!" Dinaklot ni Anastacia ang buhok ng panganay na anak, at marahas na hinaltak; animo damit na pinagwagwagan! Nagsisigaw ang dalawang nakababata, pinipigilan ang ina sa ginagawa sa ate nila. Subalit isinasalya sila ng ina. Sumasadsad ang tinatamaan ng brasong pinanghahalihaw. Galit na galit ito, at ang sinumang mahawakan ay umiigtad sa sahig! "Nagkakampihan pa kayo, mga punyeta kayo! Kahit magtulong-tulong kayo, hindi niyo ko kaya!" Bumalandra sa iba't ibang panig ng sala ang magkakapatid. Nagwawala na ang kanilang ina. Wala silang masulingan; nababalot ng sindak at pangamba ang kanilang isipan. Hindi nila malaman ang gagawin. Kung tatakbo upang tumakas o patuloy na tatanggapin ang ipinapataw nitong kaparusahan. Kahit ano ang mahawakan ni Anastacia ay ipinupukol sa mga anak. Wala na naman ito sa sarili. Mas naging masahol pa dahil sinira na nang labis na pag-inom ng alak ang natitirang katinuan. Pulang-pula ang malilisik nitong mga mata, tila nag-aapoy sa matinding galit at pagkasuklam. Nilapitan nito ang panganay at pinagsasampal. Ang ikalawang anak na sumaklolo sa nakatatandang kapatid ay pinagsisipa naman. Habang nagmumura ay patuloy sa pananakit, animo baliw at walang bait sa sarili. Sa nakita ng bunso'y paluhod itong lumapit. Nangangatog man ang buong katawan ay sinubukang daluhan ang mga nakatatandang kapatid. Awang-awang ito sa dalawang humiyaw na sa sakit, at muli... pinigilan ang inang patuloy sa pagmamalupit. "T-tama na po Mama, tama na po! Huwag mo po paluin sina Ate at Ditse!" Hirap na ito sa pagsasalita. Hindi na halos makahinga sa pagtaas-baba ng balikat dahil sa paghagulgol nang walang humpay. Pumaling ang mukha ni Anastacia sa anak na pangahas. Nagtatagis ang mga panga nang hablutin ito at itulak sa mga kapatid na nais protektahan. Dinampot nito ang walis tambong namataan. "Isa ka pa, kampon ni satanas! Mga dimonyo kayo, mga impakto! Bakit ba hindi pa kayo magkamatay! Nagsisisi ako kung bakit binuhay ko pa kayo! Dapat ay itinuloy ko na ang pagpatay sa inyo no'ng sanggol pa kayo! Mga bwisit, mga walang kuwenta! Kayo ang sumira sa buhay ko! Nawala ang magandang kinabukasang dapat ay naging akin! Dahil sa inyo naging impyerno ang bahay na ito! Dapat ay namatay na lang kayong tatlo! Mamatay na sana kayong lahaaaat!" Kasabay ng pagsigaw ang pag-angat ng walis na ginamit namang panghambalos sa katawan ng mga anak! Nag-iiyakan ang tatlong batang magkakayakap sa isang sulok ng bahay. Nanginginig sa tindi ng takot dulot ng inang hindi na makilala. Halimaw na ito sa kanilang paningin. Kagaya nang nakikita at nababasa nila sa libro ng mga kaklase. Hindi na ito ang mama nila kundi isang mabangis na hayop na papatay sa kanila! Tinawag nila si Ninang Ofelia. Paulit-ulit, malakas na malakas. Pero hindi ito dumarating upang sila'y iligtas. Sa pintuan nakapaling ang kanilang paningin. Hinihintay ang pagbukas ng pinto kung saan ito susulpot upang wakasan ang pagdurusang sinasapit. Nagmamakaawa sila, humihingi ng tawad at nangangakong hindi na uulit ngunit ayaw makinig ng kanilang ina. Hindi nito pinapansin ang palahaw nila at pagdaing. Bingi sa kanilang pagsamo. Humihiyaw na sila sa sakit ay patuloy pa rin sa paghagupit. Nakahinga ang magkakapatid nang huminto ang ina sa paghampas na ginagawa sa kanila. Naglakad ito palayo at pumasok sa sariling silid. Nagmamadali nilang sinuri ang isa't isa. Hinaplos ang mga sugat at namumulang marka sa balat. Waring sa pamamagitan niyon ay mababawasan na ang kirot sa kanilang pandama. Ang akala nila'y tapos na; ang akala nila'y napagod na ang kanilang ina. Subalit ilang sandali lang ay nagbalik na ito. Hawak ang malaking boteng madalas ilapit sa bibig upang lagukin ang mapait na likido. Sa kabilang kamay naman ay hawak ang latigong kinuha sa loob ng silid. Nakangisi pa ito habang ihinahampas iyon sa sahig! Ang masidhing takot ay nanumbalik sa mukha ng mga paslit. Ang tunog na nililikha ng latigo ay waring napakasakit. Hindi pa man sumasayad sa kanilang balat ay natitiyak na nilang napakahapdi. Muling nagmakaawa ang magkakapatid. Mahigpit na niyakap ang isa't isa na animo magagawang sanggain ang paghataw ng ina. Umigkas na nga ang kamay ni Anastacia. Nahagip ang tatlong bata! Walang habas ang ginawa nitong paghataw. Tumatalsik ang pinong balat sa katawan ng tinatamaan! Tumutulpit ang dugo sa napupunit na laman! Kahabag-habag ang hiyawan ng mga bata sa loob ng malaking bahay. Ang mga kapitbahay na nakaririnig ay walang magawa kundi mapaantanda. "B-bakit? Anong nangyayari?" Tanong ng bagong dating na si Ofelia sa mga kapitbahay na nakatanaw sa itaas ng kanilang bahay. Ang iba naman sa mga ito ay nakatayo sa harapan ng gate at tila nagdadalawang isip kung papasukin kahit nakapinid. Hindi na niya kailangang marinig ang pagsagot ng mga naroon. Ang malakas na sigawan sa loob ng kanilang bahay ang naghatid ng mensaheng dapat siyang magmadali sa pagpasok. Mabilis niyang kinuha ang susi sa bulsa, nanginginig ang kamay nang isuksok sa susian. Nang mabuksan ang gate ay agad siyang pumanik sa hagdanan. Halos magkandarapa; mapatid sa panginginig at nararamdamang pangamba. Kumakabog na ang kanyang dibdib, pigil na ang paghinga. Muli niyang isinuot ang susi sa seradura ng pintong nakapinid. Nang itulak ang dahon... tumambad agad sa kanyang paningin ang kalunos-lunos na tanawin. SANDALING naghari ang katahimikan sa loob ng malaking bahay. Sa ibaba naman ay nagkatinginan ang magkakapitbahay. Pare-parehong nagtatanong ang mga mata. Walang nagsasalita upang marinig at mapakiramdaman ang nangyayari sa itaas. Mayamaya pa ay nagdatingan na ang mga alagad ng batas. Mga pulis na tinawagan ng isang nagmamalasakit. Nagpasukan sa gate ang mga ito at mabilis nagpanikan. Naiwanan naman ang mga nag-uusyoso sa labas matapos pagsabihan ng dalawang naiwan. Nagkasya na lamang ang magkakapitbahay sa pagtingala upang abangan ang iba pang kaganapan. Nagulat sila nang makitang bumababa na si Ofelia... kasama ng dalawang pulis. Umiiyak nitong kinakusap ang humahabol na inaanak. Sandali pa'y iginiya na ito pababa ng dalawang katabi. Hawak sa magkabilang braso at... nakaposas ang dalawang kamay. Nag-umpisang magbulungan ang magkakapitbahay. Nang isakay sa mobile ang ninang ng triplets, naiwan pa ang ilang pulis sa hagdan. Panhik-panaog ang mga alagad ng batas. Pagkaraan ng ilang sandali... dalawang sasakyan pa ang dumating. Lahat ng sakay ay nagpasukan sa gate at nagpanikan sa itaas. Pagkatapos ng mahabang sandali, nakita na nila ang ibinababang bangkay. Ang bangkay ni Anastacia. Isang trahedya ang naganap sa loob ng malaking bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD