NANATILI SA kinatatayuan si Sarhento Wenceslao. Tila kuya ng isa sa mga batang nagpapagupit sa loob ng baber shop. Pahaba ang sukat ng shop at mayroong tag-limang upuang nakaharap sa malapad at malinis na salamin. Tatlo ang barberong abala sa paggugupit kabilang ang isang may edad na siyang may-ari. Dalagita naman ang nasa makitid na counter na tumatayong cashier. Nag-angat ito ng mukha at tumingin sa kanya. Bahagya siyang yumukod at ngumiti bilang pagbibigay galang, at pagpapalam na rin sa pagtambay niya sa entrada. Gumanti naman ito ng ngiti kaya prente siyang tumayo sa bandang gilid. "Maigi na lang at barber shop ang katapat nitong eskwelahan. Mula rito ay matatanaw ko ang mga lalabas at papasok sa malaking gate," anas niya habang pasimpleng nagmamatyag. Naramdaman niya ang paghapd

