PROLOGUE
MAY 2021
Nakita ko siyang lumabas ng pinto. Nakasuot siya ng maong na pantalon at asul na blouse. Lumiko siya sa kaliwang bahagi ng bahay at sandaling nawala sa paningin ko.
Umayos ako ng upo at pinakiramdaman ang sarili. Malakas ang kabog ng dibdib ko. Iisa lang ang alam ko. Siya lang ang nagmamay-ari ng puso ko.
Si Kim.
Sa nakalipas na dalawang taon ng huli kaming magkita, hindi pa din nagbabago ang nararamdaman ko sa kanya, siya lang ang nag-iisang babae na minahal ko.
Noon hanggang sa darating na panahon.
Muli siyang lumabas mula sa kaliwang bahagi ng bahay dala ang isang balde. Habang naglalakad siya ay nakasunod sa kanya ang mga manok at sisiw. Ang pinaka-paborito kong gawain na itinuro niya sa akin. Ang magpatuka ng mga manok at sisiw.
Isinaboy niya ang mga butil ng mais sa mga hindi magkamayaw na mga manok. Nagliliparan pa ang mga ito sa tuwa.
Mula sa kung saan ang kumakahol na tumakbo papalapit ang isang brown na askal at hinabol ang mga manok. Nagliparan ang mga natakot na manok. May isang inahin pa ang nagalit sa aso at ito naman ang hinabol at tinutuka kapag naaabutan.
Tumatawa pa habang sinasaway ni Kim ang aso. Hindi ko masyadong marinig ang boses niya. Napangiti ako.
Pinagmasdan kong mabuti ang mukha ni Kim. Kahit medyo malayo ang pinagtataguan ko mula sa pwesto niya ay kita ko pa din na walang ipinagbago sa kanya. Kung mayroon man ay ang pagdagdag ng edad sa dating niya na lalong nagpatingkad sa kanyang aking ganda.
Para akong bumabalik sa summer kung saan kami nagkakilala at nagmahalan habang pinagmamasdan ko siya.
Huminga ako ng malalim upang mawala ang kirot na biglang umusbong sa puso ko ng maalala ko ang nakaraan. Matagal na iyon, anim taon na ang nakakaraan. At sure akong hindi na niya iyon naaalala. Alam kong ako na lang ang nakaka-alala ng lahat.
Ibinalik ko muli ang pansin ko kay Kim. Tumigil na sa paghabol sa mga manok ang brown na askal, nakamasid na lang ito sa gingagawang pagsaboy ni Kim ng mga butil ng mais sa mga manok.
Sa bawat pagsaboy ni Kim ng butil ng mais ay naalala ko ang gracefulness sa mga galaw niya.
Bumalik sa akin ang gabing nagsayaw kami. Ang lambot ng kanyang bewang sa bawat indak, ang kumpas ng kanyang kamay at ang malantik na mga darili niya.
Ang unang halik namin.
Tumindi ang kirot sa aking dibdib ngunit hindi ko na ito pinansin. Tiniis ko dahil alam kong sobra din ang kanyang pagtitiis noon kami pa. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa mga nangyari dahil alam kong ako ang may kasalanan ng lahat.
Narinig ko ang malakas niyang halakhak nang habulin muli ng brown na aso ang mga manok. Habang tumatawa ay patuloy pa din siya sa pagpapatuka sa mga manok at sisiw.
Ang halakhak at tawa niya.
Makakalimutan ko ba ang tunog ng halakhak at tawa niya? Lalo na tuwing nagtatampisaw kami sa tabing-dagat o sa ilog o sa tuwing naglalakad kami papunta sa maliit na paaralan kung saan siya nag-elementary.
Naalala ko din ang pagtambay namin sa bubong ng bahay ng mga tiya ko, lalo na tuwing gabi at maliwanag ang bilog na buwan.
Napapikit ako. Muling nagbabalik sa akin ang mga masasayang sandali na magkasama kami ni Kim.
Ang maliwanag na bilog na buwan. Ang simbolo ng aming pagmamahalan. Ang simbolo ng tapat naming pagmamahalan.
Dumilat ako at nakita kong nakatingin si Kim at ang brown na aso sa gawi ko. Kinabahan ako.
Imposibleng makita ako dito ni Kim!
Muli akong sumiksik sa makapal na mga dahon na pinagtataguan ko. Nakita kong tumalikod si Kim at tinawag ang aso. Tumakbo ang aso, nauna sa kanya pagliko sa kaliwang bahagi ng bahay.
Pinagmasdan ko ulit si Kim. Ang pamilyar na paglakad niya. Napatigil ako ng hinga nang muli siyang lumingon sa gawi ko.
Yumuko ako upang makasigurado. Tumalikod siya at lumiko sa kaliwang bahagi ng bahay kung saan siya nanggaling kanina.
Napahinga ako ng malalim at tumingin sa langit. Malapit nang dumilim. Maingay na ang mga kuliglig sa paligid, tanda ng nalalapit na paglubog ng araw. Mabilis akong umalis sa aking pwesto at naglakad papunta sa tabing dagat. Malamig ang dampi ng hangin na nagmumula sa dalampasigan. Dinama ko ito.
Kasunod ng malakas at malamig na hangin ay dumaloy ang nakaraan.
Ang nakaraan na lagi kong binabalik-balikan.
Ang nakaraan kung saan ang pagmamahalan namin ang mahalaga.
Ang nakaraan na aking pinagsisisihan.