ATARAH
“MAS MAHABA pa nguso mo kesa sa ut*n ng naka-s*x ko kagabi, Atarah. Anong problema mo?” tanong ng kakarating lang na si Winny na naupo pa sa tabi ko.
Nakaupo kami sa bandang bar counter kaya naman ay kitang-kita namin ang isa sa katrabaho namin na si Ruka, ang isa sa bartender sa club. Huminga lang ako nang malalim at tinungga ang baso na may lamang alak saka nilingon si Winny na naghihintay ng sagot ko.
“Si Alora kasi, isang linggo ng hindi tumatawag sa akin at kapag ako naman ang tumatawag, hindi niya sinasagot. Nag-aalala na ako,” reklamo at winagayway kay Ruka ang baso. Agad siyang lumapit at nilagyan iyon ng laman.
“Baka naman busy lang bessywap,” sagot ni Winny at nagtaas ng kamay. “Ruka, pahingi rin akong whiskey!”
Lumapit naman si Ruka sa amin at napailing. “Hay naku, Winny! Maglalasing ka na naman?”
“Ruka, nalilimutan kong pokpok ako kapag lasing ako kaya hayaan mo na, okay?” sagot ni Winny na ikinangiwi ni Ruka at tumalikod para kumuha ng alak na hiningi niya.
May point naman kasi si Winny sa bagay na ‘yon.
“Winny, pahiram nga ako ng cellphone mo,” saad ko na agad naman niyang binigay sa akin. Hindi alam ni Alora ang numero ni Winny kaya baka sa pagkakataong ‘to ay sagutin niya ang tawag.
Huminga muna ako nang malalim at tinawagan ang numero ng kapatid ko gamit ang cellphone ni Winny at tama nga ang naisip ko dahil ilang ring lang ay sinagot nito ang tawag.
“Hello? Sino po sila?” tanong ni Alora mula sa kabilang linya.
Dahan-dahan na gumuhit ang ngiti sa labi ko. “Alora? Alora si Ate Atarah ‘to. Bakit hindi ka tumatawag? Wala ka bang load? Sira na ba cellphone mo? Gusto mo IPhone? May problema ba sa school? May kailangan ka bang bayaran? May bibilhin ka—“
“Anong ginagawa mo? Bakit gumamit ka pa ng ibang number para tawagan ako? Hindi ba obvious na ayaw kong makausap ka!” sigaw niya sa akin dahilan para mapangiwi ako at bahagyang inilayo ang cellphone sa aking tainga dahil sa lakas ng boses niya. Napalunok naman ako ng laway at muling inilapit sa aking tainga ang cellphone saka tumikhim.
“Alora, a-ano bang problema—“
“Problema? Ikaw ang problema, Ate! Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo?!”
“Alora anong… anong ibig mong sabihin? Anong totoo ang pinagsasabi mo—“
“Na pokpok ka!” sigaw niya mula sa kabilang linya. “Na hindi mo tinupad ang pangako mong hindi mo gagayahin si Mama!”
Parang gumuho naman ang mundo ko nang marinig ko mula iyon kay Alora, ang akusahan niya akong pokpok kahit ang totoo ay dancer lang naman ako. Natutop ko ang bibig ko at napasinghap saka napalingon kay Winny na salubong ang kilay. Huminga muna ako nang malalim saka tumikhim upang alisin ang bikig sa aking lalamunan.
“A-Alora—“
“Huwag ka ng magdagdag pa ng kasinungalingan mo, Ate! Bakit… bakit mo ako binubuhay gamit yung kinita mo sa pagpo-pokpok, ha! Ilang lalaki pa ba ang gagalaw sa ‘yo para masira mo ang buhay mo at pati buhay ko?”
“Alora naman, p’wede bang kumalma ka muna—“
“Kung gusto mo pa akong makausap, umalis ka sa trabaho mo, nakakadiri ka!”
“Teka, Alora—hello? Alora?!” Napalatak ako at tiningnan ang screen ng cellphone at doon ko nakita na binababa na niya ang tawag.
Dahil sa inis ko ay muntik ko nang itapon ang cellphone pero agad akong pinigil ni Winny kaya naman napagtanto kong hiniram ko lang pala iyon sa kaniya. Napabuntong-hininga na lang ako at ngumuso.
“Shet ka! Installment ‘yang cellphone ko!” saad ni Winny. Ibinalik ko naman sa kaniya ang kaniyang cellphone at muling huminga nang malalim upang pakalmahin ang aking sarili.
“Sorry, akala ko kasi akin.”
“Jusko ka, Ano bang nangyari? Nag-warla kayo ng sisteret mo?”
“Nalaman ni Alora na sa club ako nagta-trabaho,” malungkot kong sabi.
“Ano?!” bulalas ni Winny na nanlalaki ang mga mata. “Teka? Paano niya nalaman? ‘Di ba nga call center ang sinabi mong trabaho sa kaniya?”
“H-Hindi ko alam kung paano niya nalaman iyon, pero sigurado akong galit na galit siya sa akin ngayon.” Ginulo ko ang sarili kong buhok dahil sa inis. Hindi ko na alam ang gagawin ko ngayon dahil tanging pagsasayaw lang ang alam ko.
“Ay, bessywap, alam ko na! Baka umupa siya ng detecting,” aniya na ikinakunot ng noo ko.
“Detecting?”
“Oo! Yung aalamin lahat ng ginagawa mo, ganoon!”
Napangiwi ako at napapailing. “Tanga, defective ‘yon!”
Sabay naman kaming napaigtad ni Winny nang ibagsak ni Ruka ang baso ng alak sa harapan namin at nang bumaling ang tingin ko sa kaniya ay nakangiwi siya na para bang naiinis.
“Baka detective ang ibig ninyong sabihin?” aniya at humalukipkip. “Kinorek mo nga si Winny, mali din naman. Alam niyo, kayo lang nagkakaintidihan talaga.”
Sinimangutan ko lang si Ruka na tumalikod na at inasikaso ang ibang costumer saka ibinaling ang tingin kay Winny. “Walang pera si Alora para umupa ng detective—“
“Alam ko na! May nagsumbong,” saad ni Winny dahilan para kumunot ang noo ko.
“Hay naku! Bahala na nga! Baka sign na talaga ‘to para maghanap ako ng disenteng trabaho—“
“Baka nga, Bessywap. Pero hindi na nakakabuhay ng tao ang sahod ngayon ‘noh,” aniya na nagkibit-balikat.
“Ang importante, hindi magalit sa akin ang baby sister ko,” sagot ko at tumayo na. “Oh, siya! Mauna na ako!”
“Oh, saan ka pupunta?” tanong ni Winny na nagsalubong ang kilay.
“Uuwi na ako. Maghahanap ako ng trabaho bukas, kailangan ko mag rest in peace,” saad ko at agad na umalis sa harapan niya.
“Ay, bongga! Rest in pieces, bessywap!”
NASA HARAPAN ako ng isang malaking building dahil ito ang unang nakita kong hiring sa social media kaninang umaga. Maintenance lang ang bakanteng posisyon at okay na iyon sa akin dahil ang importante naman ay sasahod pa rin ako at hindi ko kailangan magsalita ng ingles. Huminga ako nang malalim at nagsimulang maglakad palapit sa gusali. Pero hindi man ako nakakatapak sa loob ay hinarang na ako ng batuta ni manong guard.
“May appointment ka?” tanong nito.
Dahan-dahan akong tumingala sa kaniya at ngumiti. “Aplikante ho ako.”
Unti-unti namang nagbago ang eskpresyon ng mukha ng guard dahil dinaig pa nito ang nakakita ng multo dahil sa pagkaputla. Nakatitig lang siya sa mukha ko na para bang hindi siya makapaniwala na may magandang dalaga na nakatayo sa kaniyang harapan. Tumikhim ako kaya napaigtad ang guard at tumango saka pinadaan na ako. Nagkibit-balikat na lamang ako at dumiretso sa mga babaeng na nasa harap ng isang lamesa.
“Hello, magandang umaga. Aplikante po ako,” saad ko at ngumiti.
“Paki-fill up na lang po muna ng name, time in at reason kung bakit po kayo nandito. Ang mga applicant po ay nasa third floor, right. Sa admin office.”
Matapos ko gawin ang pinapagawa niya ay tumuloy na ako sa palapag na binanggit niya. Pagpasok ko ng elevator ay pinindot ko na agad ang fifth floor. Napansin ko ang isang elevator sa harapan na mukhang para sa mga VIP lang kaya hindi ko maiwasan ang mapangiwi.
Pati sa elevator, hinahati ang tao depende sa estado sa buhay. Ibang klase!
Nang dahan-dahan na magsara ang kinalalagyan kong elevator ay siya namang pagbukas ng nasa harapan. Hindi ko na nakita kung sino ang lumabas pero nakakasiguro akong babae iyon at malamang ay nasa mataas na posisyon ang naroon. Ilang segundo lang ay bumukas na ang elevator kaya lumabas na rin ako. Huminga muna ako nang malalim para alisin ang kaba sa dibdib ko saka naglakad papunta sa pangatlong kwarto.
“Nasaan ang ibang aplikante? Ako lang ba ang nag-aapply?” tanong ko sa sarili ko nang mapansing walang katao-tao sa paligid.
Nang marating ko ang ika-tatlong kwarto na sinabi ng babae ay kumatok ako pero walang nagbubukas o sumasagot kaya naman ay pumasok na ako sa loob. Nagsalubong ang kilay ko nang tumambad sa akin ang isang malawak na espasyo. Sa bandang dulo malapit sa salaming bintana ay may isang lamesa at upuan. Sa bandang gitna ay may tila isang sala set at gilid ay may dalawang pinto.
“Anong lugar ‘to?” muli kong tanong sa sarili.
Sa pagkakaalam ko kasi hindi ganito ang itsura ng admin office. Dapat ay maraming lamesa at mga tao dito, dapat ay may mga aplikante rin. Pero ni isang tao maliban sa akin ay wala akong makita. Tama kaya ‘tong pinuntahan ko?
Naglakad ako palapit sa lamesa at binasa ang pangalan na nakasulat sa tila babasaging bagay na nakatapatong sa lamesa. Nanlaki ang mga mata ko at napaawang ang aking labi nang tuluyan kong mapagtanto kung anong lugar ang kinatatayuan ko ngayon.
“Damon De Mevius… President?”
Tangina?! Nasa opisina ako ng bosing ng kumpanya?! At kung minamalas pa, si Damon-yo pa talaga?!
“Patay! Patay! Patay!” sunod-sunod kong pabulong na sabi.
Nang akmang aalis ako ay napansin ko ang isang nakataob na picture frame at dahil isa akong tsismosa ay hinawakan ko iyon at nang akmang titingnan ko kung sino ang nasa litrato ay bigla akong natigilan.
“Who are you? And what the hell are you doing in my office?”
Tumuwid ang likod ko at nahihirapan na napalunok ng laway nang marinig ko ang nakakatakot na boses na iyon. Malakas ang kabog ng dibdib ko at nang dahan-dahan akong lumingon ay tumambad sa akin ang madilim na mukha ng lalaking ni sa panaginip ay hindi ko hiniling na makita muli.
“D-Damon De Mevius…”