Chapter 4

1100 Words
Paggiising ng Tatay ni Linea ay hinanap niya agad ang anak. Pinuntahan niya ito sa kwarto pero hindi niya ito nakita. Doon na siya kinabahan. Agad niyang ginising ang asawa para sabihin na nawawala ang anak nilang si Linea. ‘’Beth, nawawala si Linea. Pinuntahan ko siya sa kwarto pero wala siya roon. Balak ko sanang magpatimpla ng kape sa kanya pero nakita ko, wala siya roon. Alam mo ba kung nasaan ang anak natin?’’ nag-aalalang tanong ni Isidro sa asawa. ‘’A-Ah, eh ano kasi. Isidro, may binili lang siguro ang anak mo kaya wala siya ngayon rito. Hayaan mo, babalik naman siguro ýon mamaya. Ako na lang siguro ang magtitimpla ng kape mo. Saglit lang-‘’ napatigil si Beth sa kanyang sinasabi dahil sumagot ang kanyang asawa na si Isidro sa kanya. ‘’Beth, anong meron? Alam kong may mali rito. Kitang-kita ko sa itsura mo. Nasaan ang anak mo?’’ tanong ni Isidro sa asawa na labis na kinabahala ni Beth. ‘’Isidro, ano kasi. Si Linea ay umalis na rito sa atin. Pumunta na rin siya sa Maynila. Kasama niya ngayon doon ang nobyo niya. Pinayagan ko dahil iyon ang magpapasaya sa anak mo. Pasensya ka na,’’ humina ang boses ni Beth noong sinasabi niya iyon. Alam niya kasing labis na magagalit ang asawa niya sa kanya. ‘’Nobyo? Ano bang pinagsasabi mo? Hindi ba’t ipapakasal na nga natin siya kay Sir Paul? Iyon na ang usapan natin. Matagal na. Tapos, sasabihin mo sa akin ngayon na kasama niya ang nobyo niya?’’ mahinahon pa si Isidro noong sinabi niya ito sa kanyang asawa. ‘’K-Kagabi ko lang din nalaman. Nakita ko kasing paalis siya kaya tinanong ko kung saan siya pupunta. Iyon nga raw, pupuntahan niya ýong nobyo niya,’’ nanginginig na si Beth nang sabihin niya iyon sa asawa. ‘’At talagang pinayagan mo siya? Beth naman! Alam mo namang siya na lang ang pag-asa natin para mabuhay nang maayos. Bakit mo pa pinaalis? Alam mong ganoon na nga ang ginawa sa atin noong panganay mo. Inulit mo pa rito? Ano na lang ang sasabihin natin kay Sir Paul niyan? Hindi ba nakakahiya ýan kapag nalaman niya ang totoo?’’ galit na si Isidro. ‘’Pwede naman natin sabihin na hindi na iyon matutuloy. Hindi ba? Para sa anak natin. Pagtakpan na lang natin siya. Ayaw mo ba noon? Masaya ang anak natin,’’ may pagmamakaawa sa boses ni beth. ‘’Masaya nga ang anak natin pero paano naman tayo? Sige nga, sabihin mo sa akin kung paano iyon? Alam mo naman na delikadong kausap si Sir Paul Menario, hindi ba? Alam na niyang ibibigay natin ang anak natin sa kanya. Paano iyon?!’’ galit na sabi ni Isidro. ‘’Hindi ko alam. Basta, ang alam ko lang ay gusto kong masaya ang anak kong si Linea kaysa naman kasal nga siya sa mayaman pero labis naman ang lungkot niya,’’ pagpapaliwanag pa ni Beth, para bang may pinaglalaban na ito sa kanyang asawa. ‘’Puro kasi puso ang pinapairal ninyo! Subukan ninyo kaya na utak naman minsan ang paganahin. Ano? Tatanga-tanga ka kasi. Hindi nag-iisip!’’ pagkatapos noon ay sinampal ni Isidro ang kanyang asawa at umalis na. Iyak nang iyak si Beth pagkatapos mangyari noon. Alam niyang higit pa roon ang magagawa ni Isidro sa mga susunod na araw. Gusto kasi talaga nitong maging mayaman at si Linea lang ang tanging makakapag-angat sa kanila. Pagkatapos umiyak ni Beth ay inayos niya ang kanyang sarili. Napansin niyang lumabas muna ang kanyang asawa na si Isidro kaya nakahinga siya ng konti. Pagtingin niya sa lamesa ay may nakaipit na sulat doon kaya binasa niya. Mahal ko kayo, nanay at tatay. Sadyang pipiliin ko lang po ang sarili ko ngayon. Huwag po kayong mag-alala, babalik pa rin po ako dito sa atin. Gusto ko lang po talagang maging masaya at hindi ‘yong nakakulong ako sa buhay na ayaw ko naman. Gusto ko rin pong mabuhay nang simple lang. Pasensya na po kayo sa desisyon ko. Pasensya na po kung pinipili ko si Luis na makasama habangbuhay kaysa kay Sir Paul Menario. Dahil sa nabasa ni Beth ay lalo siyang napa-iyak. Pinangako niya sa sarili na po-protektahan niya ang anak mula sa asawa. Alam niya kasing delikado na kung sakali man na bumalik si Linea kasama si Luis. Sa kabilang banda naman ay nasa byahe na sina Linea at Luis. Nakasakay sila bus papunta sa Maynila. Napangiti na lang si Luis nang makita niya na ang nobya niya habang natutulog. Sobrang saya na kasama niya ngayon si Linea. Akala kasi niya talaga ay hindi na sila matutuloy. Balak na nga niyang umalis mag-isa noon papunta sa Maynila pero maigi na lang talaga at nag-abot pa sila ng kanyang nobya. Huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang lahat para maging maayos ang buhay natin dito sa Maynila. Hindi ko hahayaan na mapunta lang sa wala kung ano man ang sisimulan nating dalawa. Mamahalin kita nang buong-buo. Oo, aminado naman ako na hindi ko kayang ibigay ang kayang ibigay sa iyo ni Sir Paul Menario pero hindi ko hahayaan na mahirapan tayo. Habang nag-iisip ay hindi namalayan ni Luis na gising na pala si Linea. Agad siyang kinausap ng kanyang nobya kaya nawala lalo ang kanyang iniisip kanina. ‘’Luis, malapit na ba tayo sa pupuntahan natin? Pasensya ka na at hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Nandito na ba tayo?’’ tanong ni Linea. Halatang kakagising niya lang dahil sa boses niya. ‘’Hmm. Malapit naman na. Pwede ka pang matulog kung antok ka pa. Nandito lang naman ako. Paggising mo, katabi mo pa rin ako,’’ nakangiting sagot ni Luis sa kanyang nobya. ‘’Hindi na panaginip ‘to ano? Kasama na talaga kitang tumupad ng mga pangarap ko,’’ nakangiting sagot ni Linea. ‘’Oo naman. Hindi na ito panaginip. Sobrang saya ko nga na kasama na kita ngayon. Kung alam mo lang. sobrang takot kaya ako noong una. Akala ko kasi ay hindi mo na ako sisiputin noon eh,’’ pag-amin ni Luis sa kanyang nobya. ‘’Naku, huwag mo na ngang isipin pa iyon. Nandito na tayo sa Maynila. Dito tayo mag-umpisa ng ating buhay. Oo, alam ko na nag-aalala ka sa aking pamilya pero hayaan mo na iyon. Ako na ang bahala sa kanila,’’ nakangiting sagot ni Linea. Hindi na nagsalita si Luis sa kanyang nobya. Niyakap niya na lang ito at hinalikan sa noo. Ilang saglit pa ay nandoon na sila sa dapat nilang puntahan. Isa itong maliit na apartment na binayaran na ni Luis noon pa. Maliit man ito pero sapat na para mag-umpisa sina Linea at Luis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD