Pumunta na si Linea sa kaibigan niyang si Glory. Habang siya ay papunta doon ay iniisip pa rin niya na ang nangyari sa tagpuan nila ni Luis. Hanggang ngayon ay gulo pa rin siya sa kung ano talaga ang magiging desisyon niya. Parehas na mahal niya ang kanyang pamilya at si Luis. Sobrang sakit isipin na kailangan niyang mamili sa kanila dahil lang sa hindi tanggap ng pamilya ni Linea ang kasintahan niya.
Agad na kumatok si Linea sa tapat ng bahay ni Glory noong nandoon na siya. Naluluha na agad siya kahit na hindi pa naman niya nakikita ang kanyang kaibigan.
Pagbukas ng pinto ay gulat na gulat si Glory dahi; naluha nga si Linea. Agad niya itong niyakap nang mahigpit at saka tinanong kung bakit naluha si Libea.
“Oh, bakit Linea? Ayos ka lang ba? Anong nangyari sa iyo? Nag-away ba kayo ni Luis?” sunud-sunod na tanong ni Glory sa kaibigan niyang si Linea.
Si Glory lang kasi ang tanging may alam ng relasyon nina Linea at Luis. Oo, may iba namang kaibigan si Linea bukod kay Glory pero siya lang ang pinagkakatiwalaan ni Linea pagdating sa mga ganitong bagay.
Ang iba kasi naman niyang ka-klase o kaibigan ay nandyan lang kapag may kailangan sila kay Linea. Ngunit kapag si Linea na ang may kailangan sa kanila ay nawawala na ang lahat, si Glory na lang talaga ang natitira para kay Linea.
Pinapasok muna ni Glory si Linea sa bahay nila bago tuluyang makapag-kwento ang dalaga kung ano talaga ang nangyari. Pinapakalma ni Glory si Linea para maayos niyang masabi ang problema talaga niya.
“Si Luis kasi, sabi niya eh bukas na raw niya ako itatanan,” agad na sabi ni Linea, gulat na gulat naman si Glory kaya napasigaw siya.
“Ha?! Bukas agad?!” sigaw nito.
Agad na pinatahimik naman ni Linea ang kanyang kaibigan dahil alam niyang nasa loob din ng bahay na iyon ang pamilya ni Glory.
“Glory, ano ka ba? Baka mamaya ay marinig tayo ng mga magulang mo! Alam mo naman na kaibigan nila ang mga magulang ko, baka mamaya ay sabihin nila kina Itay at Inay, lalo akong papagalitan noon eh!” medyo inis na sabi ni Linea, gulong-gulo na kasi talaga siya kung ano ang gagawin niya.
“Ay, pasensya ka na sa akin. Nagulat lang din ako sa nalaman ko. Eh, anong plano mo ngayon niyan?” pag-iiba ng topic ni Glory.
“S-Sa totoo lang, hindi ko talaga alam eh. Mahal ko naman kasi si Luis, pero mahal na mahal ko rin ang pamilya ko. Ayaw kong isipin nila na gagaya ako kay Kuya Leo. Saka, paano na sila kapag nawala ako sa tabi nila, hindi ba?” sabi ni Linea, lungkot na lungkot ang boses niya.
“Pwede mo namang hindi piliin si Luis. Para sa akin, mas mahalaga pa rin naman ang pamilya kaysa sa isang tao na hindi moa lam kung may patutunguhan ba kayo o wala. Hindi naman sa wala akong tiwala kay Luis, pero mahirap din kasi na tumaya ka sa isang tao na hindi ka sigurado,” sabi naman ni Glory, alam ni Linea na tumutulong lang naman sa kanya si Glory kaya iyon ang opinyon niya. Tanggap iyon ni Linea.
“Kung ano man ang maging desisyon ko, Glory. Susuportahan mo naman ako di ba?” panbiniguro ni Linea sa kanyang kaibigan.
“Oo naman, kung iwan mo man ang pamilya mo eh pangako ko sa iyo na ako muna ang mag-aalaga sa kanila. Alam ko naman na babalik ka dito sa barrio natin hindi ba?” nakangiting sabi ni Glory.
“Oo naman, kapag ayos na ang lahat eh babalik na din kami dito. Hindi naman kasi kami makakalimot ni Luis,” sagot naman ni Linea.
Tumango-tango si Glory sa kaibigan niya. Pagkatapos noon ay may kinuha ito sa kanyang bag. Mga papel sa iskwela.
“Oh, iyan na. Kahit hindi ka na papasok sa eskwelahan ay ibibigay ko pa rin iyan sa iyo. Baka mamaya ay makahalata pa ang tatay mo na wala ka namang dala pag-uwi mo sa inyo. Basta, kung ano man ang maging desisyon mo ay susuportahan naman kita dyan. Huwag ka lang makakalimot sa akin ah?” sabi ni Glory sa kanyang kaibigan.
“Oo naman, uuwi pa rin naman ako dito dahil bibisitahin kita at ang mga magulang ko. Huwag kang mag-alala, kung tumuloy man kami ni Luis bukas ay sisiguraduhin ko naman na ihahanap kita ng matitirhan at trabaho sa maynila. Para doon na tayong lahat at hindi na dito,” sagot naman ni Linea.
Pagkatapos na mag-usap ay umuwi na si Linea sa kanila. Pagpasok niya sa bahay ay nakita niyang abala sa paghahain ng pagkain ang nanay niya. Ang tatay naman ay abala sa paghigop ng kape habang nagbabasa ng dyaryo kahit gabi na,
Habang nakatingin siya ay hindi rin niya maiwasan na hindi malungkot. Dahil alam niyang may posibilidad na mahiwalay siya sa mga ito. Naiiyak siya dahil sa itsura ng mga magulang niya, pagod na pagod na ito at kailangan na talaga ng taga-alaga.
“Oh anak, bakit tahimik ka lang dyan? Pumasok ka na nga dito sa loob at umupo ka na. Kakain na tayo ng hapunan. Akala nga namin eh kung napaano ka na. Itong tatay mo, ang kulit. Pinapahanap ka agad sa akin, ilang beses ko nang sinabi na babalik ka rin naman agad eh,” sabi ng nanay ni Linea sa kanya.
Totoo rin naman, mas mahigpit ang tatay ni Linea kaysa sa nanay niya. Kung meron mang posible na tatanggap kay Luis ay tiyak ni Linea na ang nanay niya iyon. Dahil alam niya na mas pipiliin ng nanay niya ang kasiyahan ng anak kaysa sa pera.
Sa tatay naman niya, wala itong pakialam sa nararamdaman ni Linea. Ang tanging importante lang sa kanya ay ang sumunod ang mga anak niya sa kanya dahil para sa magulang na katulad niya, ang trabaho ng anak ay ang sumunod lang lagi sa magulang nito. Bawal kumontra, bawal magbigay ng opinyon o ano pang reaksyon.
Habang nakain silang tatlo, iniisip pa rin ni Linea ang gagawin niya. Tama nga bang kopyahin niya ang ginawa ng Kuya Leo niya noon at piliin ang sarili niya ngayon? Paano na ang mga magulang niya? Sino na ang mag-aalaga sa kanila?