Maayos naman ang trabaho ni Luis. Ilang araw na rin siyang nagta-trabaho doon at masasabi naman niyang okay ang mg aka-trabaho niya. Isang araw, pinakilala ni Dos ang kanyang nobya na si Minerva kay Luis.
‘’Dos, may naghahanap sa iyo. May dalang pagkain. Para sa iyo yata ýon eh. Nobya mo?’’ sabi ni Luis.
‘’Ah, oo. Lagi kasi akong nahuhuling kumain sa atin kaya minabuti niyang lutuan na lang ako. Ang swerte ko nga kasi alagang-alaga niya ako,’’ nakangiti si Dos nang sabihin niya iyon.
‘’Oo nga, ang swerte mo sa kanya. Sana lahat ng nobya, ganyan ‘no? Ang saya siguro kapag ganyan din ýong akin,’’ sabi niya, may lungkot sa boses niya pagkasabi niya noon.
‘’Oh, may nobya ka na pala. Alam mo, may kanya-kanya naman silang paraan para ipakita iyon. Huwag kang mag-alala. Darating din ang panahon na iyon,’’ nakangiting sabi ni Dos.
‘’Hmm, baka nga. O siya, pumunta ka na sa kanya at sigurado akong hinahanap ka na noon,’’ sabi ni Luis.
‘’Ah, oo. Halika. Gusto kitang ipakilala sa kanya. Hindi ka pa kasi nakikilala noon eh,’’ sabi ni Dos.
Sumunod naman si Luis sa kanyang kaibigan. Lunch break din naman kasi nila kaya pwede siyang sumama kay Dos.
Pagdating nila doon ay humalik agad sa pisngi si Dos sa kanyang nobya. Napangiti na lang si Luis nang makita niya iyon. may halong inggit pero masaya din naman siya para sa kaibigan.
‘’Oh, Minerva. Nandyan ka na pala. Medyo napaaga ka yata ngayon ah? Mamaya pa ng konti ang break time namin pero salamat sa pagdadala ulit ng pagkain,’’ masayang bati ni Dos sa kanyang nobya.
‘’Ah, oo. Maaga kasi akong pumunta sa palengke kaya an gaga rin ng dating ko. Kain ka na. Nagluto ako ng chopseuy para sa iyo,’’ sagot naman ni Minerva kay Dos.
‘’Naku naman! Siguradong masarap ito dahil ikaw ang nagluto. Alam mo, tataba ako nito eh. Lagi mo na lang akong dinadalhan ng ulam,’’ sabi ni Dos.
‘’Eh, mas okay na iyon kaysa naman late ka na nakain dahil sa trabaho mo. Saka mas masustansya ang luto ko kaysa sa mga binibili mo sa labas,’’ sagot naman ni Minerva.
Habang hinahanda ni Minerva ang pagkain ni Dos ay napatingin siya kay Luis. Tinanong niya si Dos sa pamamagitan ng kanyang mga mata.
‘’Ah, oo nga pala. Ito ang kaibigan kong si Luis. Medyo bago lang siya rito kaya ngayon ko lang siya naipakilala sa iyo. Luis, si Minerva pala. Ang nobya ko,’’ pagpapakilala ni Dos.
‘’Ah, kinagagalak naman kitang makilala,’’ nakangiting sabi ni Luis pagkatapos ay kinamayan niya si Minerva.
‘’Kinagagalak din naman kitang makilala. O, mahal ko, ituloy mo na ýong pagkain mo at baka mamaya ay hindi na masarap iyan,’’ sabi ni Minerva.
Iyon naman ang ginawa ni Dos. Kumain siya noong chopseuy na dala ni Minerva. Halata ni Luis na medyo ilang sa kanya ang nobya ni Dos. Hindi niya alam kung bakit pero iba ang nararamdaman niya kay Minerva.
Sa probinsya naman nina Linea ay pumunta na si Ferdie at Glory sa bahay ng mag-asawa na si Isidro at Beth. Nang buksan ni Isidro ang pinto nila ay hindi niya maitago ang ngiti sa kanyang mata.
‘’Oh, mukhang nagbago ang desisyon ninyong mag-ama. Anong nangyari? Umupo kayo rito,’’ masayang sabi ni Isidro pagkatapos ay umupo sa sofa.
‘’Anong meron? Huwag ninyong sabihin na pumapayag na kayo sa sinasabi ng asawa ko?’’ nangangamba na tanong ni Beth sa kanila pagkatapos ay umupo rin doon sa sofa.
Ganoon din ang ginawa noong mag-ama. Si Ferdie ay hindi halos makatingin sa kanyang kumpare dahil hindi pa rin niya tanggap ngayon kung ano man ang naging desisyon ng kanyang anak.
‘’N-Nagdesisyon ang anak ko. Gusto raw niyang tulungan si Linea. Magpapakasal daw siya sa mayaman na iyon para mailigtas ang anak mo,’’ sabi ni Ferdie, hindi malinaw ang kanyang boses dahil sobra ang pag-iisip niya tungkol dito.
Noong marinig iyon ni Isidro ay hindi na niya mapigilan ang kanyang ngiti. Si Beth naman ay nag-aalala para kay Glory dahil alam niyang mahirap na desisyon ito para sa dalaga. Isa pa, parang anak na rin niya si Glory kaya ganoon na lang ang pag-aalala niya sa bata.
‘’Sigurado ka ba, Glory? Mahirap itong desisyon na gagawin mo. Pwede naman kaming humanap ng iba pa. Gagawin namin ang lahat para hindi kayo madamay ni Linea,’’ sabi ni Beth, awang-awa siyang nakatingin kay Glory.
‘’Ano ka ba? Iyan na nga ang sagot sa mga dalangin natin. Aayaw ka pa? Beth naman!’’ suway naman ni Isidro sa kanyang asawa.
‘’Tama po ang asawa ninyo, Tiya Beth. Hindi na po mag-iiba ang desisyon ko. Gusto ko pong tulungan si Linea. Isa pa, alam ko rin po na makakatulong naman ito sa amin ni Itay kaya pumapayag ako,’’ naluluha na sabi ni Glory doon sa mag-asawa.
Ayaw naman kasi talaga niya pero mas iniisip niya na maraming madadamay kapag hindi siya pumayag sa gusto ni Isidro. Naaawa siya sa kaibigan niyang si Linea at gusto rin niyang tulungan ang kanyang Itay.
Ngumiti noon si Isidro bago magsalita.
‘’O siya, sige. Sa mga susunod na araw naman ay pupunta rito si Sir Paul Menario kaya kakausapin ko na lang siya tungkol dito. Maraming salamat, Glory ha?’’ nakangiting sabi ni Isidro.
Pag-uwi noong mag-ama ay agad na kinausap ni Beth ang kanyang asawa. Hindi kasi niya talaga matanggap na ganoon ang mangyayari kay Glory.
‘’Sigurado ka bang iyon na lang talaga ang tanging paraan para makatakas tayo sa kamay ni Sir Menario? Kawawa naman ýong bata, Isidro. Parang anak na rin natin iyong si Glory. Isa pa, kaibigan mo si Ferdie. Hindi ka ba naaawa sa kanila?’’ tanong na mayroong pagmamakaawa ni Beth.
‘’Hindi na magbabago pa ang desisyon na iyon. Isa pa, sila naman ang lumapit sa atin kaya ginusto iyon ni Glory. Naiintindihan mo ba?’’ may tapang na nanindigan si Isidro sa kanyang asawa.
‘’Pero mali talaga eh. Alam mo na mali ito pero ginawa mo. Ikaw ang may kasalanan ng lahat!’’ galit na sabi ni Beth sa kanyang asawa.
‘’Huwag na huwag mo akong sisimulan ah? Maganda ang araw ko ngayon. Utang na loob, huwag mo na sirain iyon,’’ sabi ni Iisdro.
Pagkatapos noon ay lumabas muna siya ng kanilang bahay para makapag-pahangin. Sobrang saya niya dahil tapos na ang problema niya. May lungkot pa rin dahil hindi niya kasama si Linea.