BILIN SA AMIN ng mga matatanda roon sa probinsiya, hindi raw dapat nagmumura ang isang tao lalo na ang isang bata dala ng masama raw iyon. Hindi talaga dapat.
Labag daw kasi iyon sa moralidad ng isang tao. Ang pagmumura ay ginagawa lang daw ng mga taong hindi nadisiplina nang maayos kaya’t ang lumalabas sa bibig ay hindi maganda. Kung ano nga raw kasi ang iniisip, iyon ang makikita sa kilos at iyon din ang inilalabas ng bibig.
Maaaring oo, maaari din namang hindi.
Mas katanggap-tanggap daw na hindi nagmumura ang mga bata upang hindi lumaking marumi ang lumalabas sa bibig. Maaari daw kalakihan ng bata.
Kaya hindi talaga dapat nagmumura ang isang tao dahil naniniwala rin ako sa kasabihan na Wise men say, only fools rush in, pinanghawakan ko talaga iyon.
“Sino’ng nagturo sa ‘yong magmura? Sabihin mo at ihahampas ko sa mukha niya ang may dugo-dugong panty ni Aling Tess!” galit na galit na sigaw ko.
Mas lalo lang nagtaka ang mukha ng batang lalaki. Mas lalo siyang naging guwapo dahil sa ekspresiyon niyang nagtataka. Medyo makapal ang kilay ng bata, sobrang puti at kinis ng balat at sobrang tangos ng ilong! Nakapantulog ito ng terno na Superman na kulay asul. Ang estimasyon ko, parang hanggang baywang ko lamang ang tangkad niya.
“I don't really understand you. Where are you from?” pagmumura muli ng bata.
“Hindi ko maiwasang mainis sa kung sino mang p*tragis na nilalang ang nagturo sa ‘yong bata ka ng pagmumura! Kung sinuman siya at, sisipain ko talaga siya palabas ng galaxy! Alam mo ba, sa probinsiya namin, ang itinuturo sa mga bata ay kung paano umakyat sa puno ng niyog, sumisid sa dagat nang mano-mano, at manghuli ng baboy-ramo sa isang bukid? Samantalang dito sa siyudad, pagmumura ang itinuturo sa mga batang tulad mo?” inis na kuwento ko.
“Makinig ka, guwapong bata. Hindi ka dapat nagmumura kasi masamang bad iyon. Understanding mo ba?”
Hindi na naman sumagot ang bata at titig na titig sa mukha kong maganda. Alam ko naman na maganda ako ngunit nagle-lecture kami rito kaya makinig siyang maigi! Ang mga attitude na tulad ko, hindi nag-uulit ng mga lectures!
Lumuhod ako sa harap niya para maging kapantay siya. “Ano’ng pangalan mo? Sino ang nagturo sa ‘yong magmura?”
Hindi na naman sumagot ang bata!
“Kapag ako, hindi nakapagtimpi, hihilahin ko talaga ang dila mong bata ka para magsalita ka na—biro lang! Bakit ba kasi ayaw mong sumagot?! Para akong tanga na tanong nang tanong.” sermon ko pa.
“You are insane. You need to be sent to the mental hospital. I don’t understand your words, your sentences, everything.”
Hindi ako nagpatalo. “Kinakausap ka nang maayos, mumurahin mo lang ako? Nasaan ang modo mong bata ka? Gusto mong bunutan kita ng buhok sa ilong—”
Tumakbo ang batang lalaki kaya’t hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko! Mabilis ko siyang hinabol at kapag naabutan ko siya, makatitikim siya sa akin ng isang malutong na batok—biro lang! Hindi ba nga, ang sabi ko, ang mga attitude na tulad ko ang tumatalikod at hindi ang tinatalikuran ng mga tao?
“Hoy! Bata! Hindi porke't guwapo ka, puwede mo na akong talikuran! Bumalik ka rito! Hindi pa tayo tapos sa pagtutuos natin!” sigaw ko sa bata. “Sinasabi ko talaga sa ‘yo, makatitikim ka talaga sa akin! Hindi porke’t anak ka ni Kuya Fernando Poe, exception ka na sa akin! Hoy! Bumalik ka rito! Bumalik ka rito!”
Naghabulan kami ng dalawang bata na sobrang lutong kung magmura. Akala niya, mananalo siya sa akin pagdating sa takbuhan? Doon sa probinsiya namin, nakipaghahabulan ako sa mga kabayo at kambing pero mas mabilis ako sa kanila!
Hinahamon ba talaga ako ng batang ito?
Takbo lang nang takbo ang ginagawa namin hanggang sa nasangga ko ang isang mamahaling vase sa gilid. Basag.
Napalaki ang mata ko nang makita ang pira-piraso nito. Nakalikha ng pagbasag ng ingay na umalingawngaw sa buong pasilyo. Tapos ay napalitan naman ito ng nakabibinging katahimikan. Patay na.
Ano na’ng gagawin ko? Halata namang mas mahal pa ang presyo niyan sa buhay ko! Hindi naman puwedeng ako ang pumalit sa vase, hindi puwede na naka-standing by lang dito sa pasilyo!
Napahawak ulit ako sa bibig ko dahil naamoy ko na naman ang hininga ko. Hindi ko alam ang gagawin! Hayaan ko na lang kaya? Hindi ko naman kasi sinasadya! Nakaiinis lang dahil hindi pa man din nagsisimula ang trabaho ko, nakagawa na ako ng kapalpakan! Wala pang isang araw ako rito, may nagawa na akong katangahan sa buhay ko!
Kasalanan ito ng guwapong bata! Dahil ito sa kaniya! Kung hindi niya 'ko minura, hindi ko sana siya hinabol! Hindi ko sana nabangga itong vase at hindi sana ito nabasag! May kasalanan dito ang bata!
Siyempre, kasalanan din ito ng vase! Hindi nag-iingat ang vase! Alam niyang tumatakbo ako, haharang-harang siya sa dinaraanan ko?! Dapat ay marunong siyang lumugar! Ang mga magaganda at attitude na tulad ko, binibigyan ng daan lagi-lagi. Marites Ravelo para sa senado!
Oo. Kasalanan ito ng guwapong bata at ng vase! Kasalanan nilang dalawa ito!
Lumapit sa akin ang batang lalaki na natutuwa pa. Ang puputi ng ngipin niya, lahat ng ito ay pantay na pantay, perpekto! Matamis ang mga ngiti sa labi niyang manipis na kulay pink. Dahil natatawa siya, kita ko ang dimples niya sa magkabilang pisngi. Ang guwapo nga!
Pero hindi ako makapaniwala sa batang ito. Tuwang-tuwa pa siya sa nangyayari na akala mo, hindi niya kasalanan! Ang kapal ng face niya talaga! Pasalamat lang talaga at guwapo siya. Kung hindi, ginawa ko na siyang sangkap sa adobo ko! Punyemas na batang ito na anak ni Fernando Poe Junior! Na-stressful ako sa kaniya! Ang mga attitude na tulad ko ay hindi dapat naii-stress lagi-lagi dahil nga sa nag-bi-beauty resting pa kami!
“You broke it!” pagmumura sa akin ng bata habang natatawa. Napailing-iling pa ito kaya mas lalo akong nainis. Ang sarap niyang gilitan sa bagang! Kapag naubos talaga ako ng pasensiya, isasako ko talaga ang batang iyan! Kaso, parang natutunaw ang puso ko dahil nakikita ko ang dalawang dimples niyang mapuputi!
“Hoy, bata! Huwag kang magmura! At hindi ako ang nakabasag nito! Kasalanan ito ng vase! Ang tanga-tanga niya! Hindi siya nag-iingat! Alam niyang tumatakbo ako, hindi siya gumilid! Kasalanan niya!"
Hindi tumigil sa pagtawa nang mahina ang bata. Happy talaga ang buhay niya!
"Anong kaguluhan ito?!” biglang bungad ng isang pamilyar na pamilyar na boses.
Sino nga ba ang makalilimot sa kung kaninong boses iyon? Boses pa lamang, akala mong kung sino na. Siyempre, ang matandang dinaig pa ang may regla kung makapagsungit! Wala ngang iba!
Napalingon ako kay tandang Floresca at bakas din ang pinaghalong gulat at pagtataka sa mukha niyang mas kulubot pa kaysa sa isang ampalaya. Bigla akong pinagpawisan dahil nakabasag ako! Paano ko ito tatakasan? Pero hindi ba nga, kasalanan ito ng vase at ng bata? Kasalanan nila itong dalawa!
Mabilis kong hinila ang batang lalaki at bumulong sa kaniya. “Patawarin mo ako. Ito lang ang naiisip ng utak kong walang laman na gawin. Pakikinabangan muna kita para naman hindi ka matulad kay Atti na walang silbi sa kagandahan ko.”
Napabuntonghininga akong malalim habang hawak-hawak ang kamay ng bata. Lumuhod ako sa harapan nito.
“Ayos ka lang ba? Mayroon bang masakit sa ‘yo? Sabi ko kasi, mag-iingat ka at huwag masyadong magtatakbo, hindi ba? Iyan tuloy, nasangga mo tuloy ang mamahaling vase ninyo at nabasag!” pagkukunwari kong nakisisimpatya sa nangyari. “Huwag mo nang uulitin, ah? Next time, kapag pinagsabihan na kita, makikinig na, ah?” dagdag ko at ngumiti.
Dahil hindi rin naman sumasagot ang p*tragis na batang guwapo nasa harap ko ngayon ay alam kong magiging effectiveness ang planning ko. Palusot.
Nagkunwari akong sinusuri ang katawan ng batang guwapo para lalong maging kapani-paniwala ang action skills ko.
“Ano’ng nangyari sa kaniya?” tanong ni tanda. Biglang lumapit si tandang Floresca at todo-todong sinuri ang bata na animo'y nalaglag ito sa isang itim na napakalalim na bangin sa pag-alala nito.
“Nakita ko siyang tumatakbo at hayan.” Ngumuso ako para dagdag effect sabay turo sa vase na basag na nagkalat ang mga pira-piraso sa sahig na yari sa tiles. “Makulit pala talaga ang anak nitong si Fernando Poe Junior kahit na guwapo.”
“Fernando Castillo, babae,” pagtatama sa akin ni tanda, umiling. “Huwag mong gagalawin iyang mga nabasag dahil ako na ang bahala riyan. Umalis ka na, bago pa kita ihambalos sa pader ngayon na rin mismo.” Napairap siya sa akin ngayon.
Binuhat na ng matandang Floresca ang bata at umalis sa harap ko. Hindi ako nagpatalo at umirap din sa kaniya. Akala ko, Fernando Poe o kaya ay Fernando Kastila ang pangalan ni Kuya, Fernando Gatilyo pala. Makalilimutin talaga ako sa mga pangalan at hindi na ako magtataka kung bakit dahil ang mga attitude at magagandang tulad ko, makakalimutin.
Lumiko sila sa isang pasilyo at napalaki ang mata ko nang hindi na sila makita. Nasaan na sila? Ang bilis nilang mawala! Invisibility ba sila? Kaliliko pa lamang nila, naglaho na kaagad sila na parang bubbles? Amazement naman noon!
Luminga-linga ako sa paligid at nang masigurong wala ng tao ay mag-isa akong napatawa. Naisahan ko ang bata dahil hindi na ako mapapagalitan dahil ang totoo ay ako naman talaga ang nakabasag ng vase. Safety ako ngayong gabi. Si tandang Floresca naman ay paniwalang-paniwala. Tumawa ulit ako.
Biglang pumasok sa isip ko ang isang kapitbahay namin na bata na tinulak ko sa putikan. Ang kapitbahay kasi namin, may anak na babae. Inaasar kasi ako ng bata na may sapak daw ako, baliw, at kinakausap ko ang mga pusa sa amin. Hobby ko na kasi ang gawaing iyon!
Hindi niya ako tinigilan hanggang sa nainis ako. Asar nang asar sa akin ang bata na kulang na lang ay dukutin ko na ang mga mata nito sa sobrang banas ko. Tinulak ko ang bata sa putikan at as usually, umiyak ito. Ikaw ba naman itulak sa putikan, matutuwa ka ba? Walang matutuwang tao kung itutulak sa putik.
Puwede naman kung may saltik ka.
Dumating ang nanay ng bata at dahil attitude ako ay ganito ang sinabi ko. Hindi ako nagpatalo. “Sabi ko sa ‘yo, huwag ka riyan! Iyan, nalaglag ka tuloy sa putik! Ano’ng gusto mong gawin ko sa putik? Paluin ko? Gusto mo ‘yon? Ikaw putik, ah! Inaway mo itong si Aron ko!"
Naniwala naman sa akin ang nanay ng bata kaya’t napahalakhak ako sa isip ko kahit wala akong isip. Nagdiwang din siyempre ang buong organs ko sa katawan dahil nakalusot kami sa isang paparating sanang bagyo sa buhay ko.
Nasa kalagitnaan na ako ng pag-iisip kahit nga wala naman akong isip nang bigla na namang sumulpot si tanda!
Nakagugulat! Out of the bluetooth, napapaisip na lang ako bigla kung ang panty niya ay may dugo-dugo rin kaya tulad ng kay Aling Tess? Ma-check nga next time. Hindi kasi nalalayo ang tanda nila ni Aling Tess, iyon ay tingin ko lang.
“Anong ginagawa mo at nakatayo pa rin diyan? Bibilhin mo ang espasyong iyan?”
“Hindi po, ah!” pagtanggi ko agad-agad.
“Oh, ano pa’ng ginagawa mo riyan? Hindi ba't sabi ko kanina, umalis ka na dahil ako ang maglilinis ng mga bubog na iyan? Gusto mo bang ipakain ko sa ‘yo iyan lahat?” Itinuro niya ang mga bubog sa sahig. “O gusto mong lahat ‘yan ay isaksak ko sa buong katawan mo?”
Umirap si tandang Floresca, tumalikod.
"Matandang 'to! Gaya-gaya sa pagiging attitude ko! Ilibing ko pa ito ng buhay," bulong sa sarili habang nakahalukipkip.
Itusok daw sa buong katawan ko? Sus! Baka ipakain ko sa kaniya lahat ngayon!
Humarap agad sa akin si tanda habang nakapamaywang na akala mo naman ay ikinaganda niya iyon. Mukha namang tipaklong na natapakan sa gilid. “May sinasabi ka?” Napailing ako sa kaniya.
Nagpatuloy na siya sa paglalakad para kumuha yata ng mga gamit sa pagliligpit ng mga bubog. Pero siyempre, hindi ko dapat kalimutan ang kinagisnan ng tribo naming mga attitude. Kalimutan ko na ang lahat, huwag lang ang bagay na ito.
“Na’y Floresca!” tawag ko sa matanda.
Napaharap agad siya at kitang-kita ko sa mukha niya ang pagkairita. Ang mga kilay niya ay magkasalubong ngayon. Para siyang pinagkaitan ng kasiyahan sa tanang buhay niya. Para bang siya ang uri ng tao na pumila sa bigayan ng relief goods pero hindi umabot, naubusan kasi.
“Flores ang ngalan ko, boba nito!” sigaw niya sa akin pabalik at umirap na naman.
Napanganga ako sa sinabi ni tandang Floresco. Boba raw ako? Ang kapal ng mukhang face niya! Sing kapal ng yero na kinakalawang na! Kapag ako talaga, nakukuha ng pagkakataon, isisilid talaga siya sa sako at ipatatapon sa ilog Pasig!
Biro lang! Masama ang bagay na iyon!
Tumalikod ako sa kaniya at ipinahangin ang buhok ko, para dagdag effect sa pagtataray ko. Gaya ng sinabi ko bilang pagsunod ko sa kautusan ng dinastiyang attitude, ako dapat ang tumatalikod at hindi ang tinatalikuran ng mga tao.
Narinig ko pa ang pagtawag ni tanda sa pangalan ko pero nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad. Hindi lumilingon ang mga attitude na gaya ko kapag tumalikod na. Wala nang bawian! Naniniwala rin kasi ako sa kasabihan na, No pain, no grain kaya dire-diretso lang talaga ako hanggang makarating sa kuwarto kung saan isinilang ang katawang-lupa ko.
Pagpasok sa loob, ni-lock ko agad ang pinto para walang makapasok na kahit sinong. Baka mamaya, ma-stressful lang ako sa kanila. Humarap ako sa salamin at walang nagbago, ang ganda ko pa rin.
Umupo ako sa kutson ng double deck at napansin kong gising si Atti. Kaninang umalis ako, tulog ito. "Arf! Arf!" tanong sa akin ni Atti, nagtataka. Saan daw ako galing at bakit bigla daw akong nawala. Mang-iwan daw ako, mabilis na naglaho.
“Kapal naman ng apog mo! Na-boredom lang ako kanina kaya sinubukan kong lumabas! Hindi nga kasi ako makatulog! OA mo!” inis na singhal. “Hindi ko akalain na makasasagupa ko pa si tandang Floresco at magkakawagwagan pa kami kaya natanggal ko ang pustiso niya at sumabog ang ilong niya habang ang mata niya naman ay lumobo na dahil sa matinding pamamaga—biro lang!”
Napatango-tango lang si Atti na akala ay naiintindihan ako! Akala niya talaga ay understanding kami sa isa't isa ngayon!
Humiga na lang ako sa tabi niya sabay napatingala. Dahil double deck nga rito, malamang sa alamang ay makikita ko ang mga bakal na sumusuporta sa kutson sa taas ng higaan nitong kinahihigaan ko. Na-missing ko agad ang pamilya ko sa probinsiya. Gustuhin ko mang bumalik, hindi iyon puwede dahil sa kailangan kong magtrabaho rito. At saka isa pa, narito na rin naman na ako sa siyudad. Sayang ang perang ginamit ko sa pamasahe! Sadyang hindi ko lang iwasan na ma-miss sila dahil matagal-tagal bago kami ulit magkikita.
Una na riyan ang nanay ko na mahal na mahal ko. Hindi ko kinalilimutan ang pangaral nilang dalawa sa akin ng tatay ko na mas maputi pa sa white ang buhok. Lahat ng mga bilin nila ay sinusunod ko. Naniniwala rin kasi ako sa kasabihan na, Follow the rules so that I will follow you back on Twitter. Marami silang mga pangaral sa akin at lahat ng iyon ay ipinangako ko na babaunin ko hanggang sa makaangat kami sa buhay.
Sunod naman ay ang kapatid kong bayut na si Danilo. Dalawa lang kaming magkapatid at bakla pa ang naging kapatid ko. May hitsura ang bading na iyon, habulin ng mga babae! Guwapo ngang tao pero hanap din ay guwapo!
Kahit bayut iyong kapatid ko ay na-miss ko pa rin siya. Marami kasi kaming mga bagay na napagkakasunduan at mga bagay na nagiging magkasangga kami sa isa't isa. Ganoon kami kaganda sa probinsiya. Siya ang laging kasama ko sa lahat ng mga bagay, sa kabutihan man iyan o sa kalokohan.
Naalala kong nagpasama pa nga siyang manilip sa palikuran ng mga lalaki sa school namin dati. Hindi kami nagtagumpay noon pero kinabukasan ay nagkaroon naman kami ng kuliti. Buwisit na kabayo, sinama pa ako sa kabaklaan niya! Ilang araw din ang kuliti sa mga mata namin! Muntikan din kaming mahuli noon ng isang lalaking kalalabas lang ng banyo! Buti na lang talaga at magaling ako noon sa pagpapalusot ko.
Ang sabi ko, “May hinihintay lang kaming matapos, Kuya. Baka sabihin mo niyan, nanilip kami. Hindi naman, medyo lang!”
Muntikan na kaming bugbugin ng mga lalaki! Ayaw ko namang magka-black eye dahil ang gusto ko ay red eye para naman werewolf. Special dapat. Kaya kung hahayain niya talaga ulit akong sumama at manilip sa palikuran ng mga lalaki, hindi na ako sasama sa kaniya!
Pero kung pipilitin niya naman ako, bakit hindi? Nadaraan naman lahat sa pilitan.
Puro katangahan na ang pumapasok sa isip ko kaya't ipinikit ko na ang mata ko upang matulog. Sana, makatulog na talaga ako kasi ayaw ko ng napupuyat. Kapag ako talaga, hindi pa rin nakatulog, iuumpog ko na ang ulo ko sa pader! Promising! Hindi talaga ako nagbibiro.
Paulit-ulit akong bumaling sa kanan at sa kaliwa ko pero hindi pa rin ako makatulog! Kaya naman, tumayo ako at lumapit sa pader. Buong lakas kong iniumpog ang ulo ko dahilan para magsitalsikan ang mga dugo sa ulo ko. Nakita ko pang tumalsik ang utak ko sa ilalim ng double deck. Ang daming dugo sa paligid! Hanggang sa bumagsak ako sa sahig. Ito na ang huling hininga ko.
Biro lang! Sa wakas, nakatulog na rin.
Kinabukasan, nagising ako sa paulit-ulit na tapik sa balikat ko, sunod-sunod. Hindi ko pa rin iminumulat ang mata ko. Alam ko naman na bawat paggising ko sa umaga, maganda pa rin ako—este buhay pa rin ako. Nakakainis itong si Atti! Kailan pa siya nagkaroon ng kamay dahilan para matapik niya ako sa head and shoulder ko? Kailan pa nangyari?
Umagang-umaga at sinisira niya ang tulog kong mahimbing! Sino ba ang matutuwa kapag umagang-umaga, gigisingin ka? Sa susunod talaga ay gagawin ko ng adobo ang mabahong aso na ito. Malilintikan talaga ito sa akin!
“Kung litsunin na kaya kitang buwisit—”
“Hindi ka bisita rito.”
Napabalikwas ako nang mabilis pa sa kidlat sa kinahihigaan ko nang biglang bumungad sa mismong mukha ko si tandang Floresco! Literal na magkalapit na magkalapit ang mga mukha namin! Pagmulat na pagmulat ko pa lang, ang nakasimangot niya nang mukha ang bungad na bungad! Nakagugulat iyon!
Napaisip akong bigla sa posisyon namin. Kung ganitong mukha lang talaga ang bubungad sa akin sa umaga, parang pipiliin ko na lang na hindi na magising. Mas pipiliin ko na lamang na manatili sa panaginip ko na kung saan ay hinahabol ako ng mga naguguwapuhang mga lalaki habang nakahubad sila—biro lang!
“Na’y Floresco naman! Ang aga-aga mo namang nanggugulat!” Inilayo niya ang mukha niya sa akin kaya't napatayo ako. Binuhat ko si Atti na nakatitig lang din kay tandang Floresco na sing kapal ng mukha ang kilay. “Parang aatakihin ako sa puso, sa bandang heart ng dibdib ko!”
“Sana nga at natuluyan ka na,” direktang sabi niya sa akin. Ang sarap niya nang gilitan sa noo! “Kumilos ka na, sisimulan mo na ang trabaho mo dahil katulong ka rito at hindi isang espesyal na bisita. Bobang ito, Kailangang paalalahanan pa sa dapat niyang gawin.” Sinamaan niya ako ng tingin. “Akala mong kung sinong maganda sa mansiyon, boba naman.”
“Grabe naman, Na’y Floresca! Hindi sa—”
“Flores ang pangalan ko, boba,” inis na singhal niya sa akin. “At huwag ka nang maraming sinasabi dahil hindi bibig ang gagamitin mo para magtrabaho sa mansiyon na ito. Gusto mo bang bibig mo ang ipamunas ko sa mga alikabok? Ang isuksok ko sa lahat ng mga inidoro?” matapang na buwelta pa ni matanda.
“Siyempre, hindi! Kagigising ko lang, Na’y at wala kang considering! Hindi ba’t—”
Sadyang bastos ang matanda at hindi talaga ako pinatatapos sa pagsasalita ko! “Wala naman akong pakialam kung kagigising mo lang din. Ang sabi ko, bumangon ka na riyan dahil magsisimula na ang trabaho. Hindi pagtulog mo ang babayaran dito kung hindi ang pagod mo kaya wala akong pakialam kung bagong gising ka pa. Tingnan mo nga, ang dami pang laway sa bibig mo, boba ka talaga.”
Mabilis kong kinapa ang gilid ng bibig ko at nakapa ko nga ang laway ko! Ang lakas kung mambara ng matandang Flores na ito! Member ba siya dati ng Barado Gang? Ng Bara-Bara Gang? Kasi kung mambara siya, parang ang sarap niyang ibara at isuksok sa inidoro sabay flashing nang mawala na siya rito sa mundong ibabaw! Na-stressful ako!
Napairap na lang ako sa kaniya dahil tinawag niya na naman akong boba. Paamoy ko sa pa sa kaniya ang may dugo-dugong panty ni Aling Tess, makita niya talaga ang hinahanap! Tumalikod na siya at iniwan ako na barado dahil sa mga sunod-sunod niyang bitiw ng mga salita. Parang armalite ang bibig niya. O hindi kaya naman, puwet din ng manok na putak nang putak tuwing umaga.
Inilipag ko na si Atti sa tiles na sahig dahil kinuha ko kanina nang magising din ito sa bunganga ng matandang feeling may regla. Baka kasi katayin ito ni tandang Flores. Hinayaan ko lang siyang gumala-gala sa kung saan niya man gusto rito sa kuwarto. May buhay naman siya kaya’t bahala na siya riyan.
Naghanap na ako ng maisusuot ko at pumunta sa banyo ng kuwarto. In fairness of tsinelas, kahit banyo rito ay soaper maganda rin—kasing ganda ko. Tiles na makintab naman ang sahig.
Medyo nakatatakot dahil baka mamaya, madulas ako’t mabagot ang ulo ko hanggang sa mapisa ang utak ko kahit pa wala naman ako noon. Kulay puting puro ang mga tiles na malalaki, kitang-kita ko roon ang reflecting kong maganda. Sa harap ko naman ay ang malaking salamin na kitang-kita ang sexyful kong katawan. Sobrang laki naman ng salamin dito! Sa tapat ng salamin ay ang patungan ng mga bathroom essentially. Ang bango ng apat na sulok nitong banyo! Nakatutuwa!
“Ang gravity! Ang ganda ko pala talaga?” deklara ko sa sarili ko. “Tingnan mo sa salamin, kamukhang-kamukha ko si Taylor Switch!” pagmamalaki ko pa at napatawa. Fan talaga ako ni Taylor Switch na isang sikat na singer at ang ilan sa mga paborito kong kanta niya ay Blank Space at We We're Both Young.
Bago maligo ay in-enjoy ko muna ang moments ko sa harap ng salamin. Nag-model, sumayaw, kumanta, nagwala rito sa loob ng banyo. Hangang-hanga naman sa akin ang salamin, ang tabo, ang mga sabon, sipilyo, tuwalya, lahat sila! Ang galing ko raw! Sabi pa nga nila, kung may mga kamay lang daw sila ay pumalakpak na raw sila. Natuwa ako dahil natanggap ng positivity feedback.
Hindi ko na talaga sinasayang pa ang pagkakataon na ito. Naniniwala kasi ako sa kasabihang, An apple a day keeps the doctor awake in the midnight kaya ginawa ko na ang lahat ng mga naisipan kong gawin dito sa loob ng banyo. Nag-tumbling pa nga ako at buti na lang, umumpog lang ang ulo sa pader at walang dugong dumanak mula rito.
Nang magsawa na ako, nagsimula na rin maligo at dinama ang malamig na tubig.
Pagkatapos, lumabas na ako ng banyo at nadatnan ko na naman si Atti na tulog na naman sa kutson. Batugan si mabahong aso! "Hoy! Punyemas ka!" panggigising ko sa kaniya pero nanatili lang ito sa pagkakatulog at tinalikuran pa ako.
“Batugan! Gumising ka na riyan! Gising ka na kanina, hindi ba? Ayaw mo bang sumama sa akin sa trabaho?” Hindi ulit sumagot si Atti, hindi man lang umimik.
Nagmana talaga siya sa akin, sa totoo lang na to be honest. Attitude rin ito! Sa bagay, hindi na nakapagtataka. Like amo, like alaga. Pero 'di ako aso, mukha lang!
Wala na akong nagawa pa at lumabas na lang ng kuwarto. Sa kabilang banda, hindi ko mapigilang matuwa at pigilan ang mga labi ko na ngumiti dahil ito ang unang araw ko sa trabaho. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin makapaniwala na magtatrabaho na ako. Sino nga ba'ng mag-aakala na ang maganda at attitude na tulad ko ay mapapadpad sa mansiyon ng mga Kastila? Nakatutuwa ito!
Natutuwang labis ang mga bulate ko sa tiyan at mga garapata ko sa batok. Minalas man ako sa inaakala kong trabaho, pinalitan naman ito ng hindi inaasahang offer. Sana lang talaga, maging masaya ‘ko sa pananatili ko rito.
Halos humiwalay na ang kaluluwa ko sa katawan ko nang gulatin na naman ako ni tandang Floresco! Nakatayo lang naman siya sa gilid ng labas ng pinto at tumambad agad ang mukha niya sa akin! Hindi ko alam kung nanandya ba siya!
Hindi talaga ako makapaniwala! Totoong parang aatakihin ako sa puso nito!
Namumuro na ang matanda! Isasako na talagang-talaga ito kapag nagkataon!
Napaisip na naman ako. May mga tao talagang kinaiinisan natin. Ang inis natin sa kanila, tipong halos pasabugin natin ang bulkang Mayon sa sobrang inis, asar, galit, at poot natin. Gusto natin silang isumpa na mamatay na, mahulugan ng karayom sa bunbunan, makulam din ng sampung mananggal, at malunok ang kutsara habang kumakain sa hapag.
Kahit ganoon ay mayroon pa ring parte sa atin na gusto natin silang maging kaibigan at makabiruan. May parte sa atin na gusto natin silang maging kahampasan ng kaldero, kasigawan sa gitna ng kalsada, kabatuhan ng mga babasaging plato at marami pang iba.
Ito kasing si Na’y Florescana na feeling nireregla pa, napakasungit sa akin na akala mo, buntis at ako ang pinaglilihian! Ang init ng ulo sa akin palagi mula pa kagabi hanggang ngayong umaga!
Gusto ko na ngang isilid siya sa pulang red na sako at itapon sa ilog Pasig. Gusto ko na nga siyang ipakulam at tanggalin ang mga ngipin niya sa unahan na dalawa na lang kasi mukha siyang aswang. Gusto ko na ngang laslasin ang pulso niya. Gusto ko nang gupitan siya ng buhok at gawing kalbo. Kaso, naisip ko, wala akong isip. Ngunit mayroon pa.
Naisip ko na tulad ni Atti, baka puwede rin siguro kaming maging friendly. Si Atti kasi, kahapon ko siya nakilala sa street samantalang si tandang Florescana, kagabi ko lang nakasagupa. Puwede pa!
Kaya nang sumulpot siya sa labas ng pinto ng kuwarto ko, gusto ko mang kalbuhin siya ay hindi ko magawa kasi sa susunod na araw ay baka maging magkaibigan din kami ng matandang ito na may regla sa puwet. Pero kung ayaw niya talaga, okay, pine. I don't caring. Bahala siya sa buhay niya, tanda siya.
“Ang bagal mo kumilos. Boba ka talaga.”
Nang sinabi niya ‘yon ay parang gusto kong may maibalita sa TV na, “Isang matanda sa Ilog Pasig, patay matapos matagpuang palutang-lutang habang nakasilid ang buong katawan sa sako,” dahil sa inis ko sa kaniya, kay aga-aga!
“Sorry naman! May problema kasi ako sa pagtulog kaya medyo napuyat ako—”
“Kasalanan ko na may problema ka sa pag-iisip—este pagtulog?” pambabara niya sa akin na may halong pang-aasar. “Muli kong ipinaaalala sa ‘yo na trabaho mo ang babayaran dito at hindi ang mga bagay na may kinalaman sa ‘yo, boba.”
Parang wala ng lumabas sa bibig niya kung hindi pang-iinsulto sa akin. Kulang na lang, isumpa niya na ako sa mga ninuno niya sa nuno sa punso. Kulang na lang, isumpa niya na ako na mamatay na ako. Hindi naman hurting pero parang ganoon na nga. Hindi ko alam kung nananadya ba talaga siya o ganiyan lang talaga siya na makapagsalita sa tao.
Pero gaya ng sinabi ng mga brain cells ko sa bagang, magpapakumbaba muna ako dahil sa susunod, magiging friendly rin kami. Darating ang araw na ang mga atay at apdo niya, makipagpapalagayan na rin sa mga bituka ko. Kagabi pa lang kasi kami nagkita, hindi naman magiging madali ang lahat.
Maraming ganitong situwasyon ngayon.
Parang sa puno. Kapag naghagis ka ba ng buto sa lupa, kinabukasan ay tutubo na ito? Hindi. Parang sa pangarap lang din ito. Kapag nangarap ka ba ngayon, bukas ay matutupad na agad? Hindi rin.
Kailangang gumawa ng paraan at hindi puro salita lang. Naniniwala kasi ako sa kasabihan na Ang paghahangad ng walang aksiyon at gawa ay mananatiling patay. Tulad ng sa amin ni Na’y Floresca. Hindi naman kasi ibig sabihin na kakikilala pa lamang namin ay magiging closer na kami agad. Hindi agad kami magiging magkasundo ura-urada.
Kaya’t gagawin ko ang lahat kasama ng kagandahan ko upang mapaamo ko ang mas mabangis pa sa tigreng matanda.
“Pasensiya po,” pagkunwari kong mabait at yumuko for dagdag effect. Kasalanan din kasi ito ng pagtulog ko tuwing gabi, ayaw akong patulugin! Kaya minsan talaga, lagi na lang akong napupuyat!
“Ipaaalala ko lang sa ‘yo, narito ka para sa trabaho, hindi para kumupad-kupad. Kung magiging mabagal ka lamang, mas mabuting maging pagong ka na lamang at hindi isang tao.”
Napaatras ang head and shoulder ko sa sinabi ni tanda. Mukhang bibiyahe na talaga ako pabalik ng probinsya upang kuhain ang panty ni Aling Tess para isampal ko sa kaniya! Ang sarap niyang gawing sisig sa umaga! Ihinalintulad pa ako sa pagong, puwede naman sa turtle!
“Bibigay ka rin sa akin, tanda,” bulong ko sa sarili ko. “Darating din ang araw na magiging magkasundo at magkaisa ang ating mga noo, ating batok, at bagang. Tandaan mo iyan, itaga mo sa tubig at langis,” pangangako ko sa sarili ko.