CHAPTER 01: Samirah
Samirah's POV:
"Samirah! Anak!" Sigaw ni Inay habang hinahalo ang kaniyang nilulutong Caldereta. Nagpaalam muna ako sandali sa customer na inaasikaso ko bago lumapit kay Inay.
"Bakit ho, Inay?" Tanong ko nang makalapit sa kanya.
"Halika, sandukan mo muna ng kanin ang mga plato at tatapusin ko lamang itong niluluto ko." Tumango naman ako at sinunod na ang utos ni Inay.
Mahirap lamang kami at kami ang namamahala rito sa karinderya na pagmamay-ari ng pinsan ni Inay na si Tita Kristine. Nakapangasawa ito ng amerikano at may sarili nang pamilya. Doon sa Amerika na nila napiling manirahan at dumadalaw lamang rito sa Pilipinas isang beses sa isang taon.
Nag-iisang anak lamang ako ni Inay at labingpitong taong gulang na. Matagal na raw patay ang mga magulang ni Inay at wala rin daw siyang kapatid. Wala rin akong kinikilalang tatay dahil iniwan na raw kami nito nung pinagbubuntis pa lamang ako ni Inay. Naalala ko pa noong ikinuwento sa akin ni Inay ang masasaya at malulungkot na nakaraan nila ni Tatay. Sabi ni Inay, nagmana raw ako kay tatay. May lahi kasi raw si tatay na Mestizo kaya maputi at maganda raw ako. Sabi pa ni Inay, nag-umpisa raw ang lahat noong magkakilala sila sa isang restaurant. Aksidente raw kasing natapunan noon ni Inay si Tatay ng milkshake sa polo nito, hindi naman raw nagalit noon si tatay bagkus ay kinausap pa siya nito hanggang sa mas napapadalas na raw ang pagkikita nila. Niligawan daw siya noon ni Tatay at napa-oo naman daw siya. Sinubukan daw siyang ipakilala ni Tatay sa mga magulang nito ngunit ayaw sa kaniya ng mga ito. Galit na galit raw noon si Tatay sa mga magulang niya dahil pilit siyang pinapahiwalay kay Inay. Sobrang mahal daw nila noon ang isa't isa kaya itinanan daw siya ni Tatay. Noong una, masaya daw sila ngunit napalitan raw iyon ng lungkot dahil nagising na lamang daw noon si Inay na wala sa tabi niya si Tatay. Sinubukan niya daw hanapin si Tatay ngunit umalis na raw sa bansa si Tatay kasama ang mga magulang nito. Ang mas masakit pa raw ay nalaman niya na ikakasal pala sa ibang babae si Tatay kaya tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa na muling makakapiling si Tatay. Kasunod daw noon ay nalaman niya na pinagbubuntis niya na ako. Lagi raw siyang umiiyak noon, hindi kumakain at hindi nakakatulog ng maayos. Binalak pa daw niya noon na kitilin ang sariling buhay pero buti na lamang at napigilan daw siya noon ni Tita Kristine. Tinulungan daw siya ni Tita Kristine sa pagbubuntis at paghahanap-buhay kaya sobrang laking pasasalamat niya raw kay Tita Kristine at tatanawin niya raw iyong utang na loob. Simula raw noong mga pangyayaring iyon, nangako raw si Inay na hindi na siya muling iibig ng lalaki at hindi daw niya hahayaan na masaktan rin ako tulad ng nangyari sa kaniya.
Nalulungkot ako para kay Inay dahil kahit hindi niya sabihin, alam ko at ramdam ko na mahal niya pa rin si Itay dahil madalas ko siyang nakikitang lumuluha tuwing gabi sa kaniyang silid habang may hawak na litrato. Hindi niya ipinapakita sa akin ang litrato ni Itay dahil ayaw niya raw akong malungkot. Hindi naman ako naghahanap ng Tatay dahil kuntento at masaya na akong kasama si Inay. Lahat ng sakripisyo ay ginagawa niya para sa akin at balang araw, masusuklian ko rin iyon. Mahal na mahal ko si Inay at ayaw kong nakikita siyang malungkot at nasasaktan. Para sa akin, siya na ang pinakamagaling na nanay sa buong mundo at siya ang nag-iisang bayani ng buhay ko.
"Anak, tapos ka na ba riyan?" Tanong ni Inay nang hindi ako nililingon. Marami kaming customers ngayon dahil linggo kaya naman hindi kami magkandaugaga ni Inay sa pagluluto at pag-aasikaso sa mga costumers.
"Opo, Inay!" Sagot ko at sinimulan na ang paghahatid ng mga orders sa mga costumers. Matapos kong maihatid ang mga orders sa costumers ay agad akong lumapit kay Inay at tinulungan siya sa pagluluto.
"Anak, ikaw ay magpahinga muna. Pawisan na iyang likod mo oh. Baka magkasakit ka niyan." Ngumiti ako sa kaniya at yumakap. Mahal na mahal talaga ako ni Inay.
"Inay, ayos lamang po ako. Huwag na po kayong mag-alala. Kayo po dapat ang magpahinga. Alam ko pong pagod na po kayo, ako na lang po muna ang bahala rito." Paglalambing ko kay Inay. Pinaupo ko muna siya at pinainom ng tubig. "Upo muna po kayi diyan, magpahinga muna po kayo." Tumango naman siya at ngumiti.
"Oh sige na, ikaw talagang bata ka. Kapag ikaw ay pagod na, iyong sasabihin ha at nang mapalitan kita." Niyakap ko muli siya nang mahigpit at niyakap rin naman niya ako pabalik. Napabitaw lamang kami ni Inay sa pagkakayakap sa isa't isa nang makarinig kami ng isang pamilyar na boses.
"Mirah! Mirah!" Sigaw ni Juno habang tumatakbo papalapit sa puwesto ng karinderya. Hingal na hingal siyang tumigil sa tabi namin ni Inay at saka umupo.
Si Juno ay aking kababata. Gwapo siya, matangkad, at mabait. Madalas siyang tumutulong sa amin ni Inay dito sa karinderya kapag wala siyang ginagawa. Hindi sila gaanong mahirap na tulad namin dahil may mga negosyo ang mga magulang niya. Lagi kaming magkasama at madalas na mapagkamalan na magkarelasyon.
"Oh,bakit? Anong meron? Kung makasigaw ka naman." Kunot noo kong tanong sa kaniya. Huminga muna siya ng malalim bago ako sinagot.
"Bukas na ang perya mamaya sa bayan! Gusto mo bang sumama?" Napaisip naman ako sandali kung sasama ba ako o hindi. Wala naman kasi akong pera pambili ng tiket. Mukhang nabasa naman niya ang nasa isip ko kaya nagsalit siya.
"Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa tiket. Sagot kita!" Sabay kindat pa. Lumiwanag naman ang mukha ko at nagtatalon-talon.
"Wohoo! The best ka talaga, Juno!" Napatawa naman si Inay at si Juno. Lumingon si Juno kay Inay at ipinagpaalam ako. At dahil dakilang bolero si Juno ay napapayag niya si Inay.
"Salamat po Nay Cara! Hayaan nyo po, iuuwi ko po siya bago mag-alas otso ng gabi." Tumango naman si Inay.
"Sunduin kita dito mamayang alas-sais Mirah ha!" Sambit niya bago nagpaalam sa amin ni Inay.
"Oh anak, mukhang may mga bagong dating na kostumer." Ngayon ko lamang naalala na marami nga pala kaming kostumer. Dali-dali akong nagtungo sa mga bagong dating na kostumer at inasikaso na ang mga orders nila.