ISANG TAON NA nang pumanaw si Mama Rose. Iyong hapdi at kirot ay sariwa pa rin dito sa puso ko. Hindi ko alam kung paano makalimutan ang kaniyang paglisan. Masakit lang siya para sa akin dahil lumaki akong kasama siya—kami lang dalawa. Pero isang araw, nagising na lang ako nang wala na siya.
Namatay si Mama sa sakit na kanser. Ilang taon din niyang nilabanan ang sakit na iyon. Pero sa kasamaang palad, bumigay na siya—hindi niya nakayanan.
Ngayon, nandoon pa rin ako nakatira sa bahay ng amain ko—si Sir Fernando. Hindi ko siya matawag na Daddy o Papa sapagkat sampung taon na ako nang makilala siya.
Si Sir Fernando ay isang bilyonaryo na ipinaglaban si Mama sa pamilya niyang matapobre. Isang malaking ambag ng kumpanya si Sir Fernando kaya walang nagawa ang pamilya niya nang inibig niya si Mama.
Hindi ako pinabayaan ni Sir Fernando. Tanggap niya ako nang buo bago pa man siya humantong sa isang desisyon na pakasalan si Mama noon. At bilang anak ni Mama, ikinaligaya ko iyon.
Bilang isang bata na gising na reyalidad ay masaya akong masaksihan ang matinding pagmamahal ni Sir Fernando kay Mama. Noon, sa libro ko lang nababasa ang mga sitwasyong ganoon, pero masuwerte akong masaksihan ko iyon sa totoong mundo.
Hindi maganda ang trato ng pamilya ni Sir Fernando kay Mama hanggang sa tuluyang pumanaw na siya. Pero hindi naman iyon inisip ni Mama. Ang mahalaga sa kaniya, mahal kami ni Sir Fernando at kayang siya nitong ipagtanggol. Kung tutuusin, hindi nila nagalaw si Mama.
May bunso akong kapatid. Si Parker. Anak nina Mama Rose at Sir Fernando. Labin-tatlong taong gulang at nasa ikasiyam ng baitang sa Junior High. Hindi man paladama ng damdamin si Parker, pero alam kong katulad ko, nasasaktan pa rin siya sa pagkawala ng aming ina. Mahal niya ito nang lubos.
Napatigil ako sa pag-iisip at pag-aalala nang tumunog ang prinyer ni Sir Fernando. Nandito ako sa kumpanya niya. Sekretarya niya ako ngayon—ako ang pumalit sa posisyon na dating hawak ni Mama noon.
Napatingin ako sa kaniya nang humikab siya. Halatang pagod siya, pero para sa kumpanya, hindi niya ininda iyon. Ganoon siyang klaseng tao kaya hindi na ako nagtaka kung bakit nahulog si Mama sa kaniya.
Maliban sa mayaman si Sir Fernando, hindi ko maikakailang guwapong siyang ginoo. Matangakad, maganda ang pangangatawan, at matalino. Nasa kaniya na lahat ng hinahanap ng mga babae.
Napatigil ako sa pagtitipa at tumayo. Dumiretso ako sa lalagyan ng kape. Gusto ko lang timplahan si Sir Fernando para mawala ang antok niya.
Natapos kong magtimpla, agad kong inilagay iyon sa kaniyang mesa. Napatitig siya sa akin nang ilang segundo bago ngumiti. Isa iyan sa madalas niyang ginagawa sa akin. Nasanay na lang din ako. Bagaman hindi ko mawari kung bakit kailangan niya pa akong titigan.
“Salamat, Mara,” sabi ni Sir Fernando.
“Walang anuman, Sir. Balik na ako sa trabaho.”
Tumalikod na ako at hahakbang na sana para umalis, pero hindi ko natuloy nang tumikhim siya. Paglingon ko, napakunot ang noo niya.
“Po?”
“Nakita kitang nakipag-usap sa pamangkin ko. Huwag kang magpauto roon. Ako na ang magsasabi sa iyo, babaero iyon. Mana sa kapatid ko,” sabi ni Sir Fernando.
Napangiti ako. “Nakikipagkaibigan lang po ang tao sa akin.”
“Magandang lalaki ang batang iyon. At sa inyo, mga babae, parang sapat na iyon para mapalampas ang lahat.”
Nagpipigil ako sa tawa. Hindi ko lang inaasahan na sabihin niya iyon sa akin. Natutuwa lang din ako na nag-aalala siya sa akin. Para bang totoong ama ko talaga siya na labis ang pag-aalala sa kaniyang dalaga.
Napakunot ang kaniyang noo. “At bakit ka tumatawa? Seryoso ako sa iminungkahi ko.”
Napangiti ako. “Oo na, Sir. Mag-iingat na lang ako. Pero kung gusto makipagkaibigan ng tao, wala naman sigurong masama kung pagbigyan ko.”
“Doon pa rin mapupunta iyon. Kukunin ang loob mo.”
“Ganoon mo ba nakuha si Mama?”
Mabilis siyang umiling. “Hindi ako ganoon, Mara. Iba ang pamamaraan ko.”
“Ano po?”
“Ang dami mong tanong. Bumalik ka na sa upuan mo.”
Napatawa na lang ako. Pagkaupo ko sa upuan ko, umilaw ang telepono ko. Kinuha ko iyon para tingnan. Napatingin ako kay Sir Fernando nang makita ang pangalan niya.
Ibinaling ko ang atensiyon ko sa telepono ko. Pinindot ko ang pangalan ni Sir Fernando at binasa ang mensaheng ipinadala niya.
Sir Fernando: Sa pamamagitan ng aking malalim na titig.
Napangiti ako. Pagtingin ko kay Sir Fernando, nagsitayuan ang mga balahibo ko nang tinitigan niya ako. Iyong titig na madalas niyang ginagawa sa akin.
Tipid akong ngumiti. Gusto ko lang alisin ang ilang na nararamdaman ko. Alam kong hindi para sa akin iyong sinabi niya, pero iba lang ang nararamdaman ko.
“Ganito ko titigan ang Mama mo noon,” sabi ni Sir Fernando.
Hindi ko alam ang isasagot ko kaya tumawa na lang ako. Iniwas ko ang tingin sa kaniya bago sumagot.
“Anong reaksiyon ni Mama?” tanong ko.
“Mabilis na umiwas. Hindi niya ako matitigan. Doon ko nakumpirma na gusto niya ako,” aniya.
Napakunot ang noo ko. “May mga tao namang hindi kayang makipagtitigan. Hindi naman siguro nangunguhulugan na gusto ka niya. Baka may iba siyang nakita sa iyo, Sir. Malay mo, mas nagustuhan ka ni Mama dahil magaling ka sa trabaho. Kami kasing babae, malambot ang puso namin sa matatalino at masisipag.”
“Pwede. Pero baka nga sa itsura rin talaga nahulog si Rose sa akin. Katulad sa ama mo...”
Napatingin ako muli kay Sir Fernando nang marinig ang salitang ama. Iniwas niya ang tingin sa akin at agad na humigop ng kape.
“Kilala ninyo po ba ang ama ko?” tanong ko, nagbabakasakali.
“Hindi. Hindi sinabi sa akin ni Rose.” Napabuntonghininga siya at muling tiningnan ako. “Nanghuhula lang ako. Napakaganda mong bata kaya malakas ang kutob ko na gwapo rin ang ama mo. Maganda ang Mama Rose mo, pero hindi ka magiging ganyan kaganda kung hindi maganda ang itsura ng ama mo.”
Napatango na lang ako at tipid na ngumiti. Dalawampu’t apat na taon na ako, pero hindi ko pa rin kilala kung sino ang ama ko. Kahit anong pilit ko kay Mama noon, hindi talaga nito inamin sa akin. Hindi ko alam kung anong sugat ang iniwan niya sa puso ni Mama kung bakit ganoon na lang ang galit nito sa kaniya.
Bilang isang anak, hindi na lang ako nagpupumilit pang malaman iyon. Umiiyak kasi si Mama sa oras na tinatanong ko kung sino ang ama ko. Hindi niya kayang sagutin iyon.
“Bakit, Mara? Gusto mo pa bang makilala ang ama mo?” tanong ni Sir Fernando.
Napailing ako. “Hindi ko alam.”
“Malaki ka na, Mara. Kaya mo ng buhayin ang sarili mo. Hindi mo na siya kailangan.”
Hindi na ako sumagot at tumahimik na lang. Aminado akong may pagkakataon na gusto ko rin makilala kung sino talaga ang ama ko. Gusto ko lang malaman kung bakit hindi niya ako pinanindigan.
Tumayo si Sir Fernando mula sa upuan niya at iniunat ang katawan, para bang sinusubukang tanggalin ang antok o pagod. Agad ko namang iniwas ang tingin—hindi ko lang kayang titigan ang kapansin-pansing bakat sa gitna ng kaniyang pantalon.
Kahit sabihin ko pa sa sarili kong hindi pansinin iyon, pero roon talaga dadapo ang mga mata ko. Agaw atensiyon talaga iyon.
“Bilisan mo na riyan, Mara. Pagkatapos mo, daanan natin si Parker sa paaralan niya. Sa sementeryo tayo maghapunan,” aniya.
“Sige, Sir,” nakangiting sagot ko.
Napabuntonghininga siya. “Pwede bang huwag na Sir ang itawag mo sa akin? Ako na ang tagapangalaga mo. Papa na lang. Anak na rin naman ang turing ko sa iyo.”
Napangiti ako. “Susubukan ko po.”
“Parinig?”
Napakamot na lang ako sa leeg. Nahihiya lang ako. Hindi lang ako sanay. Bakit kung wala na si Mama, roon pa niya naisipan na ipatawag iyon sa akin.
“Sige na, Mara. Gusto kong marinig iyon mula sa iyo.”
Napabuntonghininga ako. Wala na akong pagpipilian kung hindi bigkasin sa unang pagkakataon ang salitang inihiling niya sa akin.
“P-Papa?”
~~~