Dia's POV
Maaga akong ginising ni Liya. Nagulat pa ako dahil nagtitipon na ang lahat ng mga tao sa labas ng kani-kanilang kubo. Kanya-kanya silang galaw para gumayak sa aming pag-alis patungo sa kagubatan. Tanging mga bata lang ang maiiwan dito kasama ang isang matandang babae na magbabantay sa mga 'to.
Bago kami umalis ay kumain muna kami ng almusal. Kakaibang almusal 'yon na ngayon ko lang nakain sa talambuhay ko. Ngayon lang ako nakatikim ng sinabawang dahon na 'di ko alam kung ano ang tawag. Nakakatuwa lang dahil masarap naman 'yung lasa niya. Isa pa, pakiramdam ko ay lumakas at nagising ako matapos kong makain ang mga dahon at mainom ang sabaw nito. Kalasa siya ng sabaw ng malunggay. Masarap at mukhang healthy. Vegetarian pa naman ako kaya gustong-gusto ko 'yung lasa no'n.
"Ayos lang ba ang lasa ng aking luto? Nagustuhan mo ba?" tanong ni Liya paglapit sa 'kin.
"Oo, masarap naman siya at nagustuhan ko naman kahit bago lang siya sa paningin ko," sagot ko kaya ngumiti siya. "Masaya ako at nagustuhan mo," sabi niya.
Matapos naming mag-almusal ay nag umpisa na kaming maglakad. 'To ang unang araw na sasama ako sa kanila para manguha ng makakain sa kagubatan. Iniwanan ko muna si Venuss sa kubo ko. Maglalakad lang kami dahil malapit lang naman ang gubat sa tinutuluyan namin. Halos kalahating oras ang nilakad namin bago kami nakarating sa looban ng kagubatan.
Nang pumasok na kami sa gubat ay kanya-kanya na sila sa pagwawatak. Hindi ako lumayo kay Liya. Usapan na rin namin 'yun dahil ituturo niya sa 'kin ang mga pagkain na kinukuha nila sa gubat.
Ayon kay Lolo Parag, dati nang maraming hayop sa kagubatan nila. Dahil sa gahaman at magnanakaw na mga taga Utricularia ay naubos ang mga 'to sa kagubatan dito sa bayan ng Elenor. Sinimot nila 'to at dinala sa kanilang bayan para roon na magparami. Kahit isa ay wala silang tinira. Ginagamit nila ang kapangyarihan nila para takutin ang mga 'to. Dahil sa takot naman ng mga taga Elenor ay wala na rin silang nagawa. Wala kasing sinasanto ang mga taga Utricularia. Sa isang iglap ay kayang-kaya sila nitong paslangin kahit sa isang pitik lang ng kamay nila. Gano'n sila kalalakas. Palibhasa ay galing sa mga demonyo ang kapangyarihan nila kaya gano'n na lang kalakas ang kapangyarihan nila.
"Sa ngayon ay wala ka munang ibang gagawin kundi panuorin at pakinggan ang mga sasabihin ko," ani Liya na tinanguan ko lang. Sa totoo lang ay napapanganga ako. Halos lahat ng pitasin niya na mga dahon ay hindi ko manlang kilala. Kung mayro'n man akong kilala ay kangkong lang.
Inabot kaming ng ilang oras sa pangunguha lang ng mga dahon. Pinakita din sa 'kin ni Liya kung paano kumuha ng mga katas ng mga bulaklak. Nilabas niya ang dala niyang maliit na balde at saka niya pinitas ang mga bulaklak na kapag kinalog niya ay kusang lalabas ang mga katas. Kalasa ng santan flower ang tubig na nakukuha ni Liya sa mga sari-saring bulaklak na nagkalat doon. Tamang-tama lang ang tamis at gaya nga ng sabi ko, nakakalakas din siya ng katawan.
Sa nakikita ko ay sobrang hirap din ng dinadanas nila sa pangunguha ng pagkain dito sa kagubatan. Lalo tuloy akong sinisipag na tulungan sila. Sa tingin ko ay kailangan kong bumalik sa mundo namin para magdala rito ng mga pagkain. Kung kinakailangan ay magdadala rin ako ng mga hayop dito.
Pagkatapos nilang kumuha ng mga makakain ay umuwi na rin kami. Ang tangi ko na lang na naitulong sa ngayon ay ang tulungan magbuhat si Liya. Nakakatuwa siya dahil siya ang may pinakamaraming nakuha ng pagkain. Pati ang laman ng balde niyang dala-dala ay punong-puno rin ng katas ng mga bulaklak. Siya ang tinaguriang hakot Queen ng mga pagkain nila.
Pagbalik ko sa kubo ko ay agad akong hinunta ni Venuss. Sinabi ko sa kanya ang mga nasaksihan ko kanina. Kahit si Venuss ay naawa sa kanila matapos niyang madinig ang mga kwento ko.
"So, anong plano mo?" tanong niya.
"Kakausapin ko sina Lolo Parag at Liya. Babalik tayo sa mundo ng mga normal para kumuha ng mga kakailanganin nila dito," saad ko sa kanya.
"Pero may problema tayo," aniya kaya natigil ako sa paglabas ko sa kubo namin. Kakausapin ko na sana sina Lolo Parag eh.
Humarap akong muli sa kanya. "Anong problema?" tanong ko agad.
"Tignan mo ako. Anong napapansin mo sa 'kin?" untag niya. No'ng una ay 'di ko pa nahalata. Pero nang titigan ko ang kulay ng mga dahon niya ay nagulat na rin ako.
"Anong nangyari? Bakit nawala ang pagiging variegated mo?" tinitigan ko pa siyang mabuti. Wala na ang mga batik-batik sa balat ng dahon niya.
"Hindi ko rin alam. Pakiramdam ko ay simula ng makarating tayo dito ay naging isang normal na ghost plant na lamang ako."
"Ibig sabihin ba nito ay hindi na tayo makakabalik muna sa mundo ng mga normal?"
"Ganun na nga," sagot niya kaya bigla akong nalungkot.
"Paano na? Ibig sabihin ay makukulong na tayo sa mundong ito?"
"Mukhang ang kabayaran sa pagpunta natin dito ay ang pagkawala ng pagiging variegated ko."
Napaupo na lang ako bigla. Mukhang dito na ako tatanda sa bayan ng Elenor. Pakiramdam ko ay tila minalas ako. Nawala na nga si Mama, nakulong pa ako sa mundong ito.
"Huwag kang mag-alala, maari ka pa naman din makauwi sa mundo niyo," sabi ni Venuss kaya nabuhayan ako ng loob.
"Talaga? Paano?"
"Kapalit ng buhay ko," sagot niya kaya nagulat ako.
"Hindi. Ayoko, Venuss." Tinignan ko siya ng masama. Hindi ko hahayaang mawala ang buhay niya para lang makabalik ako sa mundo namin. Alam kong si Venuss ang alas ko para mailigtas ko si Mama. Hindi ko sasayangin ang buhay niya para makaalis sa mundong 'to. Nandito na ako kaya magtitiis na lang ako. Isa pa, nandito rin si Mama kaya gagawin ko ang lahat para mailigtas siya.
"Kung gano'n ay mabubulok ka na dito," sagot niya.
"Okay lang. Basta't hindi mo ako iiwan." Lumapit ako sa kanya. Hinawakan ko ang mga dahon niya. "Venuss, ako ang napili mong mag-aalaga sa 'yo. Parang ang sama ko naman kung hahayaan kong gano'ng kabilis ka lang mawawalan ng buhay. Hindi ko hahayaang masayang ang buhay mo para lang sa 'kin. Isa pa, malakas ang kutob ko na may iba pang paraan."
"Nakakaiyak. Hindi ko inaasahan na ganyan mo na agad ako pinahahalagahan. Maramimg salamat, Dia. Pero, anong naiisip mong iba pang paraan?"
"Sa ngayon 'di ko pa rin alam. Pero habang nandito tayo ay tutulungan muna natin makaahon sa hirap ang mga tao dito. Gagamitin ko ang kapangyarihan na binigay mo sa 'kin. Kung 'di tayo makakabalik sa mundo namin, pwede naman siguro tayong kumuha ng ibang makakain sa Madita," sagot ko.
"Teka, Dia, hindi ko ata gusto ang binabalak mo."
"Wala ng ibang paraan. Masyado ng minamaliit ng mga taga Madita at mga taga Utricularia ang mga taga Elenor. Hindi naman ata tama na hayaan lang natin na mabuhay sila ng ganitong kahirap habang-buhay. Oras na para ibahin ang nakasanayan nila. Oras na para makatikim naman ng sarap ang buhay ng mga tao dito," mahaba kong saad.
"At ano ang binabalak mong gawin?" Napalingon ako sa likod ko nang makita ko ang isang lalaking moreno na ngayon ko lang nakita rito.
"S-sino ka?" tanong ko. Sumulpot sa likod niya si Liya na nakangiti.
"Siya nga pala si Bimil," pagpapakilala ni Liya sa kanya.
Lumapit sa 'kin si Bimil. May hawak siyang isang kumpol na dahon. Inabot niya 'yon sa 'kin at tinanggap ko naman. Ayon sa kanya ay kinakain ng hilaw ang dahon na 'yon. 'To ang parang candy sa mundong nila.
"Ako naman si Dia," pagpapakilala ko naman sa kanya.
"Nakalimutan kong sabihin sa 'yo. Si Bimil ang natatanging taga rito na nagtatrabaho sa Madita Academy. Isa siya sa mga naglilinis doon," saad ni Liya.
"Ibig sabihin ay nakita na niya rin si Prinsipe Amir? Kasi sigurado akong doon ito nag-aaral eh," tanong ko.
"Oo, pero nakatalikod siya nang makita ko. Napakailap niyang makita kahit sa Madita Academy. Saka, hindi rin kasi ako nakakapasok sa mga ilang silid roon. Pinag babawalan kami. Ang tanging matataas lang sa amin ang pwedeng maglinis doon," sagot ni Bimil.
Tinignan ko si Bimil. Moreno ang balat niya. Makapal ang kilay, may mga tagyawat at kulot ang mga buhok. May itsura naman siya, pero hindi gaanong gwapo dahil tulad ko ay pangit din siyang manamit.
"Oh, siya, maiwan muna kita dito, Bimil. Tutulungan ko muna si Lolo Parag sa 'pag aayos sa mga pagkain na kinuha namin sa kagubatan," paalam ni Liya at iniwanan na niya kami ni Bimil.
Nang wala na siya ay nag iba bigla ang timpla ng mukha ni Bimil. "Maari mo na bang sagutin ang tanong ko kanina? Ano ang binabalak mong gawin?" tanong niyang muli.
"Well, nadinig mo naman din, sige, sasabihin ko na sa'yo." Pinaupo ko siya. Tamang-tama din at nalaman kong sa Madita Academy siya nagta-trabaho. Baka makatulong din siya sa akin.
"Susubukan kong pumunta sa bayan ng Madita. Kukuha ako roon ng mga pagkain na maari mapakinabangan dito. Gaya ng mga prutas o gulay na pwedeng itanim. Siguro naman ay hindi masamang manghingi sa kanila?"
Umiling si Bimil. "Mapapahamak ka. Malaking gulo ang gagawin mo. Kung ako sa 'yo ay itigil mo na ang pina-plano mo. Maaring mapahamak ang buong Elenor kapag nalaman nila na taga dito ang magtatangkang pumasok sa bayan ng Madita. Malaking kasalanan ang gagawin mo," babala niya.
"Gano'n ba. Mabuti na lang at sinabi mo. Salamat na rin at nakausap kita. Hayaan mo at hindi ko na itutuloy ang binabalak ko," sagot ko agad sa kanya
Umaliwalas ang mukha niya pagkasabi ko no'n.
"Oh, siya. Aalis na ako at baka hinahanap na ako sa Madita Academy. Dumaan lang talaga ako dito para makilala ka," saad niya.
"Okay. Salamat ulit at kinagagalak kitang makilala, Bimil" saad ko pa.
"Gano'n din ako sa'yo, Miss Dia." Pagtalikod niya ay ngumisi ako. Desidido na ako. Wala ng makakapigil sa 'kin. Saka, wala namang mapapahamak. Sino ba kasi ang may sabi na magpapahuli ako? Gabi ko gagawin ang plano ko na kung saan ay tulog ang lahat, kaya sigurado akong walang makakahuli sa 'kin. Hindi ako titigil hangga't 'di ko natutupad ang gusto kong mangyari sa bayan na ito.