Chapter 6 - Elenor Town

1584 Words
Dia's POV Halos isang oras kaming naglakbay ni Venuss patungo sa bayan ng Elenor. Sa isang oras na paglalakad ko ay maraming bagay ako na ngayon ko lang nakita. Magara. Akala ko nung una ay wala 'tong pagkakaiba sa mundo namin, ngunit nagkamali pala ako. Nang libutin ko kasi ang buong paligid ay halos nakanganga lang ako. Dito lang ako nakakita ng strawberry na nakasabit sa puno ng isang saging. Dito lang din ako nakakita ng pakwan na nakasabit sa puno ng buko. Kakaibang tunay. Gusto ko ngang kumuha ng kahit isa manlang doon dahil nagugutom ako, kaya lang ay ayaw ni Venuss dahil ang alam niya ay bawal 'tong kunin ng walang paalam sa Hari at Reyna ng Madita Town. Maari akong patawan ng kamatayan dito kapag ginawa ko 'yon. Pagdating namin sa Elenor Town ay halos 'di kagandahan ang mga bahay na bumungad sa amin. Halos puro kubo lang kasi ang mga nakatayo roon. Halatang kulang sa mga materyales ang mga bahay roon na'pag dumaan ang isang malakas na bagyo ay mukhang walang matitira. "May bagong salta," dinig kong anunsyo ng isang matandang babae na unang nakakita sa 'kin. Matapos niyang sumigaw ay isa-isa nang naglabasan ang mga tao sa bawat kubo. Tinitigan nila ako na para bang kinikilatis pa ako. Mayamaya ay isang matandang lalaki ang lumapit sa 'kin. "Welcome sa bayan ng Elenor, Ija," bati niya sa 'kin. Una palang, ramdam kong mababait sila. "Salamat po," sagot ko agad. "Amoy ko ang mga kauri kong ghost plant sa bayan na 'to. Pakiramdam ko ay madami kaming ghost plant sa bayan na ito," sambit ni Venuss. Nakita kong napatingin sa halaman ko ang matandang lalaki. "Naririnig kita, munting halaman," biglang sabi ng matandang lalaki. "Ako si Parag. Ang pinuno dito sa bayan ng Elenor. Tawagin niyo na lang akong Lolo Parag. Nga pala, lahat tayo dito ay iisa ang alagang halaman. Lahat ng mga taga Elenor ay ghost plant ang inaalagaan," aniya na kinagulat ko. Kaya naman pala alam na agad ni Prinsipe Amir kung saan ako nabibilang. "Kinagagalak ko po kayong makilala, Lolo Parag," bati ni Venuss sa kanya. "Ganoon din ako sa 'yo," sagot naman ni Lolo Parag na nakangiti sa kanya. Pinakilala ako ni Lolo Parag sa mga kasamahan niya. Halos lahat ng bahay na nakikita ko roon ay may halamang ghost plant. Mahirap ang bayan na 'to. 'Di ko alam kung tatagal ba ako rito o hindi. Ngunit wala naman talaga akong balak na magtagal dito dahil si Mama lang naman ang pakay ko kung bakit tumungo ako rito. Gaya ng kapangyarihan na binigay sa 'kin ni Venuss, ganoon din ang nakikita kong kapangyarihan ng ilan dito. Halos lahat ng mga ka-edad kong bata na nakikita ko rito ay tumatagos sa loob ng bahay nila, na para bang walang saysay ang pintuan ng bahay nila dahil 'di naman nila ito nagagamit dahil kahit saan sila lumusot doon ay makakapasok at makakalabas sila. Animo'y para silang mga kaluluwa na lumulusot sa mga bagay-bagay. Ang creepy tignan, pero mga buhay na tao sila na gaya ko. "Kailangan mo ba ng matutuluyan?" tanong ni Lolo Parag. "Opo, pero pansamantala lang. Hindi naman po kasi ako magtatagal dito. Ang totoo ay galing po ako sa mundo ng mga normal. May mga tao na taga rito na kumuha sa Mama ko. Siya po ang pakay ko kung bakit napadpad ako sa mundong ito," mahaba kong saad sa kanya. "Taga Elenor ba sila? Ano bang itsura nila?" tanong pa ni Lolo Parag. "Hindi ko po nakita ang mga mukha nila, pero puro sila mga nakaitim." "Sigurado akong mga taga Ultricularia 'yon," sabat ng isang babae na biglang lumapit sa amin. "Siya si Liya, apo ko," pakilala ni Lolo Parag sa kanya. Nginitian ko siya at gano'n din ang ginawa niya sa 'kin. Naupo siya sa tabi ni Lolo Parag. "Ako si Dia," pagpapakilala ko naman sa kanya. Nakipagkamay ako sa kanya at tinanggap naman niya ang kamay ko. "Mukhang mahihirapan kang sagipin ang Mama mo sa kanila. Hindi mo sila kakayanin. Malalakas ang mga taga Ultricularia," saad ni Liya. Tumayo siya saglit at mabilis na tumakbo sa kubo nila. Pagbalik niya ay inabutan niya ako ng maiinom na nakalagay sa basong gawa sa kahoy. Ininom ko ang binigay niya at nagulat pa ako dahil napakasarap nito. Ayon sa kanya ay katas 'yon ng mga kakaibang bulaklak na nakukuha nila sa kagubatan dito. "Kung gano'n ay anong magagawa ko upang mailigtas ko ang Mama ko?" "Sa ngayon ay manatili ka muna dito. Mag-iisip kami ng paraan para tulungan ka," saad ni Lolo Parag. "Sige po," sagot ko na lang. "Sige, apo, samahan mo na siya sa bago niyang tahanan," utos ni Lolo Parag kay Liya. "Halika, sasamahan kita sa magiging bahay mo dito," aya ni Liya kaya tumayo na ako at saka ako sumunod sa kanya. Mahirap man ang bayan na 'to ay nakikita ko naman sa kanila ang kabaitan sa puso nila. Pantay-pantay silang lahat dito. Tulungan sa lahat ng bagay. Masaya ako dahil alam kong nasa ligtas na lugar ako. Gaya ng ibang mga bahay na nakita ko kanina, gano'n din ang binigay sa 'kin nila Lolo Parag at Liya. Isang lumang kubo na sakto lang para sa 'kin. "Ayos lang ba sayo ang ganitong bahay?" tanong pa ni Liya. "Oo naman, walang problema. Hindi naman ako maarte," sagot ko sa kanya. Binaba ko muna si Venuss sa lamesa na nakita ko sa loob ng kubo. Nabibigatan na kasi ako sa kanya. Kanina ko pa siya gagap simula nang dumating kami rito. Napatingin si Liya sa alaga kong si Venuss. "Nabigyan ka na ba niya ng kapangyarihan?" tanong niya na bigla. "Oo, binigyan niya ako ng kakayahan na tumagos sa kahit na anong bagay," sagot ko. "Mabuti naman kung gano'n. Ganyan lang naman kasi ang kaya niyang ibigay sa atin. Mahihina lang tayo. 'Di gaya ng mga taga Madita at Ultricularia na mga pinagpala dahil kakaiba ang mga halaman na alaga nila. Ang lalakas at ang gaganda ng mga kapangyarihan nila." "Tama ka. Pero mainam ng may kapangyarihan tayo, kesa wala 'di ba?" "Totoo naman 'yon. Malaking tulong din ang kakayahan nating 'to," sagot niya. Naisip ko bigla ang prinsipe na si Amir. Sigurado akong kilalang-kilala siya sa mundong 'to. Totoo kayang madalang lang ang kinakausap niyang tao rito sa mundo nila? "Maiba tayo, kilala mo ba si Amir?" tanong ko sa kanya. "Ang Prinsipe ba ang tinutukoy mo?" tanong niya rin. "Oo, siya nga. Nakausap ko kasi siya kanina bago ako makarating sa bayan na 'to. Hinintuan niya ako ng karwahe niya at siya ang nagsabi sa 'kin kung saan ako nababagay sa mundong 'to. Dito niya ako tinuro sa bayan niyo. Nakita niya kasi ang hawak kong halaman," mahaba kong sabi sa kanya. Bigla naman siyang napatayo dahil sa sinabi ko. "Talaga? Anong itsura niya? Totoo bang gwapo siya? " sunud-sunod niyang tanong. Natawa ako. Siguro nga ay sinuwerte ako at nakita ko na siya sa personal at nakausap pa. "Bakit? Hindi mo pa ba siya nakikita?" Umiling siya. "Walang taga Elenor ang nakakatungtong sa Madita. Hindi tayo pwede doon. Kaya kahit isa man sa amin ay 'di pa siya nakikita. Sinuwerte ka, Dia, dahil habang naglalakbay ka ay nakita mo siya at nakausap pa. Nakakainggit. Ang bago-bago mo pa lang dito, pero nakita mo na agad siya. Malaking karangalan ang makita ang isang Prinsipe. Kung ako siguro 'yon ay natameme na ako sa harap niya." "Tama ka. Nang malaman kong Prinsipe siya ay natameme talaga ako. Hindi ko talaga inaakala na Prinsipe siya. At tama ang bali-balitang gwapo siya. Sobra!" pagmamalaki ko pa sa kanya. Kung anu-ano na agad ang napagkwentuhan namin ni Liya. Sa isang iglap ay naging magka-close ka agad kami. Marami siyang sinabi sa 'kin na mga dapat kong malaman. Sinabi niya sa 'kin na tuwing umaga ay tumutungo sila sa kagubatan para manguha ng makakain nila. Nakakalungkot lang ako dahil 'di sila kumakain ng nilutong bigas dito. Tanging puro dahon-dahon lang ang kinakain nila. Kahit karne rin ay wala manlang sa bayan na 'to. Hindi raw uso dito ang gano'n. Sa Madita ay maari pa, ngunit sa bayan ng Elenor ay wala talaga. Kaya naman pala lahat sila ay hindi masyadong malaman ang mga katawan. Puro payat. Kung masasabak man sila sa gyera ay maaga silang matatalo dahil wala silang pagkukuhanan ng lakas. Ang mga kasuotan naman nila ay galing sa mga pinaglumaan ng mga taga Madita. Wala kasing makina o kung anumang bagay rito na makakagawa ng mga kasuotan nila. Kung titignan ay para silang mga tao sa sinaunang panahon. Wala silang alam kung paano sila makakaahon sa kahirapan na 'to. Kaya naman pag-alis ni Liya ay saka kami nag-usap ni Venuss. "Sa tingin mo ay ano ang dapat mong gawin?" tanong agad ni Venuss sa akin. "Hindi naman ako tanga para hindi maisip ang nasa isip mo. Yes, tutulungan natin sila. Marami silang hindi nalalaman. Masyado nang napag-iiwanan ang bayan na 'to. Siguro nga ay kaya ako napadpad sa bayan na 'to ay para tulungan sila. Ito ang unang mission na gusto kong gawin." "Tutulungan kita, Miss Dia," masayang wika ni Venuss. "Humanda ka at magsisimula na agad tayo bukas." "I'm always ready, Miss Dia!" "Mabuti kung gano'n." Lumabas ako sa kubo ko. Pinagmasdan ko ang buong bayan ng Elenor. Sa ngayon, tiis-tiis muna sila. Sa mga susunod na araw ay sisiguraduhin kong nakangiti na sila palagi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD