Chapter 4 - Ang unang kapangyarihan na bigay ni Venuss

1827 Words
Dia's POV Pumunta ako sa garden shop ni Aling Bebe habang dala-dala si Venuss. Nagtaka pa nga siya dahil may dala akong succulent plant. Akala niya ay ibibigay ko 'to sa kanya, kaya natawa pa siya nang sabihin kong dinala ko talaga 'to para masukat ang pagtatamnan kong paso sa kanya. Nakita kong napatitig bigla si Aling Bebe sa mga mata ko. Galing ako sa iyak kaya mukhang napansin niya na maga ang mata ko. "Teka, may problema ba, Dia?" tanong niya bigla. "W-wala naman po," sagot ko agad. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya ang nangyari kay Mama dahil baka isipin niya lang na nababaliw ako. "Napuwing po kasi ako kanina habang nakasakay ako sa tricycle," dagdag ko pang sabi para maniwala siya sa pagsisinungaling ko. "Oh, siya, 'to na 'yong paso na sinasabi ko." Pinakita niya sa akin ang isang magandang paso na kulay violet. "Ano? Bet mo ba 'yan?" bulong ko kay Venuss. Nadinig ako ni Aling Bebe dahil nakakunot ang noo niya sa akin. Nawiwirduhan na siguro siya sa akin. Nginitian ko na lang siya ng pilit. "Kinakausap mo ba ang halaman mo, Dia?" tanong niya bigla kaya nahiya na ako. "Y-yes po, 'di ba kapag plant lover ka ay normal naman po na kausapin sila?" Mabuti na lang at mabilis akong mag-isip ng isasagot sa kanya. "Oo naman. Saka, ginagawa ko rin 'yan sa garden ko sa bahay ko. Madalas ko rin silang kausapin para maging masaya sila. 'Di ba?" Mabuti na lang at gano'n din pala siya. Pero totoo naman kasi na kinakausap ko ang mga halaman ko simula pa no'n. Hindi lang talaga ako makapaniwala na ang kausap kong halaman sa ngayon ay sumasagot na sa akin. "Mas sasaya sila 'pag palaging kinakausap," sagot ko pa. Tumingin ulit ako kay Venuss. "Hoy! Bakit ayaw mong sumagot? Bet mo ba kako ang pot na 'yan?" tanong ko ulit kay Venuss ngunit hindi na siya sumasagot. Nag-alala na ako dahil hindi na talaga siya kumikibo. "S-sige po, Aling Bebe, kukunin ko na po 'yan," saad ko sa kanya kaya agad na niya itong isinupot. Nagpasalamat ako at saka ako nagmadaling umuwi sa amin. Agad ko siyang nilipat sa bagong paso na binili ko. Pakiramdam ko kasi ay may mali kay Venuss. Hindi na kasi siya nagsasalita. Parang normal na succulent plant na ulit siya. Napansin ko rin ang lupa na pinagtanggalan ko sa kanya. Nadismaya ako dahil purong putik ang gamit pala sa kanya. Ito siguro ang dahilan kung bakit unti-unti na siyang nalalanta ngayon. Parang pabulok na ulit ang mga dahon niya. Huwag naman sanang mag rot 'yung root niya. Pagkalipat ko sa bago niyang lupa at paso ay unti-unti ko siyang nakitang kumibot. "Salamat naman at nakabalik na ulit ako," saad niya kaya natuwa na ulit ako. Sa wakas ay nagsalita na ulit siya. Nawala na ang kaba ko. "Akala ko nawala ka na. Kinabahan talaga ako." Napapapalakpak pa ako habang napapatalon sa damuhan. Kung titignan ako ay para akong tanga sa garden ko. Sobrang saya ko dahil nagbalik na ulit siya. "Akala ko nga rin e. Hindi na kasi ako makahinga sa putik na pinagtaniman sa akin. Ang sakit sa root. Feeling ko ay nalalason ako sa tuyo at walang kabuhay-buhay na lupa na 'yon," aniya na kinatawa ko. Tama nga ako. Dahil nga sa lupa na 'yon kung bakit nagkagano'n siya. Mabuti na lang at agad ko siyang nailipat sa maganda soil mix. Dahil special na halaman si Venuss ay sa mismong table dito sa garden ko siya ilalagay. Para 'pag nakaupo ako o kumakain ay makakahunta ko siya. Isa talaga siyang mahiwagang halaman dahil nawala agad ang kulubot at mga bulok sa mga dahon niya. "Anong pakiramdam mo ngayon?" tanong ko sa kanya. "Well, okay naman na ako. Mas gusto ko ang soil mix na gamit mo sa akin ngayon. Maganda siya sa pakiramdam at mukhang hindi masakit sa mga root ko. Mukhang tatagal ang buhay ko dahil sa lupang 'to. Mukhang mabilis matuyo ang tubig dito kapag diniligan ako. Dahil diyan ay lalo akong lumakas," mahaba niyang sabi na kinatuwa ko. "Mabuti kung gano'n. 'Yan naman talaga ang gusto kong mangyari sa 'yo. Huwag mo sana akong iiwan hangga't 'di ko pa nahahanap at nasasagip ang Mama ko." Bigla tuloy akong nalungkot. Magtatanghalian na. Mga ganitong oras ay tinatawag na dapat ako ni Mama para kumain na ng tanghalin. Ngayon, kahit sinaing ng kanin ay wala pa ako. Sa sobrang busy ko sa paghahalaman ay hindi ko na naisip na magluto ng pagkain ko. "Huwag kang mag-alala dahil hindi naman kita iiwanan, Miss Dia. Ikaw na ang napili kong mag-aalaga sa akin kaya gagawin ko ang lahat para matulungan kita. Actually, may good news nga pala ako sa 'yo." Nabuhayan ako bigla sa sinabi niyang 'yon. "Ano naman 'yun? Siguraduhin mong magugustuhan ko 'yan ah?" Lumapit ako sa kanya para madinig kong mabuti ang sasabihin niya. "May kapangyarihan akong ibibigay sa 'yo," saad niya na kinalito ko bigla. "Teka, tama ba ako ng dinig? Kapangyarihan?" tanong ko pa. "Oo, kapangyarihan. Parang powers, magic, special ability o kung ano man ang gusto mong itawag," sagot niya. Hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa kanya o hindi. Pero malakas ang kutob ko na nagsasabi naman siya ng totoo kaya sumakay na lang muna ako sa kanya. "Okay. Anong klaseng kapangyarihan naman 'yan?" "Pumikit ka. Hintayin mo ang liwanag na papasok sa katawan mo." Sinunod ko ang sinabi niya. Natatawa man ako ay pumikit na lang ako. Hindi alam ni Venuss na nakabukas ng konti ang isang mata ko para tignan siya. Nanlaki nalang ang mata ko nang makita kong may kumikinang na liwanag na lumabas sa mga dahon niya. "A-ano 'yan?" bigla kong sabi. Naramdam kong bigla itong pumasok sa katawan ko. Nangisay ako. Pakiramdam ko ay tila natutunaw ang buo kong katawan. Ang init ng mga balat ko na para bang tinutusta ako ng apoy. Bumagsak ako sa damuhan dahil hindi ko na kinaya ang nararamdaman ko. Bigla nalang akong nilamon ng dilim kaya nabuwal na lang ako ng kusa at tuluyan na akong nawalan ng malay-tao sa garden ko. Nagising ako na umuulan na. "Isilong mo ako, Miss Dia. Hindi pa ako puwedeng mabasa ng ulan at kakatanim mo pa lang ulit sa akin," dinig kong sabi ni Venuss kaya bumangon ka agad ako at mabilis kong binuhat ang paso niya para ipasok siya sa loob ng bahay namin. Sinunod ko na ding ipasok ang mga halaman na hindi pa puwedeng mabasa dahil kakatanim ko pa lang din sa kanila. Isang linggo kasi silang 'di pwedeng mabasa. Hiningal ako matapos kong isilong ang mga succulent plant ko. Nakakapagod. "Natutuwa ako sa 'yo dahil sobrang mahal mo ang mga halaman . Hindi talaga ako nagkamali na piliin ka. Salamat, Miss Dia," wika ni Venuss nang pumasok na ako sa loob ng bahay namin. Kahit pa paano ay nawawala ang pagod ko dahil sa kanya. Gumagaan ang loob ko tuwing madidinig kong nagsasalita siya. "Dati pa man ay ganito na ako sa mga halaman. Plant lover nga 'di ba?" Biglang kumalam ang sikmura ko. Ala-una na ng hapon ngunit hindi pa rin ako nakakain ng tanghalian ko. "Kung may ilong lang ako, amoy na amoy ko na siguro ang baho ng hininga mo," saad niya na kinatawa ko. "Ha? Bakit naman?" "Kanina ko pa kasi nadidinig na kumakalam ang sikmura mo. Gutom ka na noh?" aniya pa. "Kaya nga. Sandali nga at pupunta muna ako sa kusina," paalam ko sa kanya. Pagdating ko roon ay nadatnan ko na walang stock ng pagkain sa kabinet. Kahit ang prigider ay wala ding laman. Ang malas ko lang at natapat pa na walang stock si Mama nang mawala siya. Isang piraso na noodles lang ang nakita ko sa kabinet. Pinagtiyagaan ko na lang 'yun kesa sa mamatay ako sa gutom. Hindi rin kasi ako makalabas at walang payong dito sa bahay. Hindi pa nakakabili si Mama. Ang huling naging payong namin ay nilipad ng hangin nung nakaraang buwan sa kasagsagan ng malakas na bagyo. Nakakainis lang at hanggang ngayon ay wala pa pa lang nabibiling payong si Mama. Niluto ko ang noodles. Nagsaing din ako ng kalating gatang ng bigas. Mabilis kong naluto ang noodles. Kumuha ako ng mangkok at saka ko sinalin doon ang buong noodles na naluto ko. Nang maisalin ko ang noodles sa mangkok ay nagulat na lang ako nang biglang lumusot sa kamay ko ang mangkok. Nabanlian ng mainit na noodles ang mga paa ko kaya't nagsisigaw ako. "Anong nangyari, Miss Dia?" sigaw ni Venuss na tila nag-aalala sa akin. Nagtatakbo ako sa banyo para agad na buhusan ng tubig ang mga paa kong nabanlian ng mainit na sabaw ng noodles. Mabuti na lang at hindi nasunog ng sobra ang mga paa ko. Pero hindi ko lubos maisip kung bakit bigla talagang tumagos sa kamay ko ang mangkok na hawak ko lang kanina. Nakakapagtaka talaga. "Miss Dia?!" Kanina pa sigaw nang sigaw si Venuss. Alalang-aalala na siguro siya sa akin. "Okay lang ako, Venuss. Nakakadismaya lang at lumusot sa kamay ko ang niluto kong noodles. Kung kaylan gutom na gutom na ako ay saka pa nangyari ito. Ang malas ko." Naupo ako sa tabi ni Venuss. "Sorry," biglang sabi niya. "Bakit ka nagso-sorry eh, wala ka naman kasalanan," sagot ko habang iniinda pa rin ang paso sa paa ko. "Hindi. Ako talaga ang may kasalanan. 'Yan ang binigay ko sa 'yong kapangyarihan," aniya na kinagulat ko. Bigla kong naalala ang nangyari kanina na liwanag na pumasok sa akin na galing sa kanya. Ibig sabihin ay totoong binigyan niya ako ng kapangyarihan? "Anong kapangyarihan ang binigay mo sa akin?" tanong ko sa kanya. "Subukan mong lumusot sa pader. Isipin mo lang na kaya mong lumusot sa pader ay mangyayari na agad 'yon," utos niya. Sinubukan ko ang ginawa niya. Humarap ako sa pader. Hindi ko alam kung bakit sinunod ko siya. Alam kong maaring tumama ang mukha ko sa pader, kung gagawin ko 'yun, pero tumuloy pa rin ako sa pagsunod sa kanya. Inisip ko na tatagos ako sa pader at ganoon nga ang nangyari. Nanlaki ang mata ko nang mapunta ako sa labas ng bahay namin. "Imposible," sabi ko na lang. Natawa ako ng malakas dahil hindi talaga ako makapaniwala. Gamit ang kapangyarihan na 'yon ay sinubukan ko ulit na lumusot sa pader at nagawa ko 'yun ulit. "Happy?" tanong ni Venuss ng makabalik ako sa loob. "Super!" maikli kong sagot. Nawala bigla ang gutom ko dahil sa kapangyarihan na binigay niya. Para akong multo na kayang tumagos sa kahit na anong bagay. "Parang kang kaluluwa. Kaya mong lumusot sa kahit na anong bagay. 'Yan ang isa sa mga kapangyarihan na ibinigay ko 'sayo." Ang cool. Isa siyang ghost plant kaya baka ganito ang kapangyarihan na binigay niya sa akin. Gaya ng multo ay may kakayahan din akong tumagos sa kahit na anong bagay. Amazing! Kung sasagipin ko si Mama ay kahit pa paano may laban na ako. Humanda sila. Konting-konti na lang ay makakaharap ko na sila. Sana lang ay maalala na ni Venuss kung paano makapunta sa mundong 'yun. Miss na miss ko na si Mama. Gusto ko na siyang iligtas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD