SINA Macaria at Lemuella lang naman ang inaasahan ni Diosa na manggugulo nang ganoong oras. Maga pa ang mata sa ilang oras na tulog at sabog pa ang buhok—tinungo niya ang pinto at binuksan. "May pagkain ba kayong dala—"hindi natapos ang tanong nang matagpuan ni Diosa ang sarili sa harap ng matangkad na bulto ni Rohn. Dark blue long sleeves ang suot nito, nakatupi hanggang sa ilalim ng siko, kupas na maong ang pang-ibaba. Walang bakante sa mga kamay nito—maraming kung ano-anong bitbit. "R-Rohn..." wala nang tunog na naidugtong ni Diosa. Automatic ang reaksiyon ng kanyang heartbeat. Mala machong estatwa naman sa harap niya si Rohn, nakatingin lang sa kanya sa usual nitong poker face. "'Gandang hapon, ate Yosh! Bagong gising ka na naman?" si Loloy na ngiting-ngiti. Nasa likod ito ni Rohn.

