ANG huling hiling ni Floro Bolocbuloc ay ang mailibing sa tabi ng ina ni Rohn. Sa lamay na lang nalaman nina Diosa at Lemuella iyon. Nagulat sila pareho nang pabulong na ikuwento ni Macaria na iyon ang kapalit na hiningi ni Floro sa pagbibigay nito ng pangalan sa pinsan nila. Patunay ang hiling ng senior citizen na si Rohn at ang ina nito ang kinikilalang pamilya ni Floro. Ang unang asawa, ang naka-live in at pati si Diosa ay mga babae lang na dumaan sa buhay nito. Ang minahal at totoong pinahalagahan ni Floro ay si Rosellia, ang Mama ni Rohn. Natatandaan ni Diosa na pagkatanggap niya ng text message ni Macaria ay agad niyang ipinaabot kay Rohn. Wala sa rest house ang lalaki nang umagang iyon, lumabas ito para mamili ng prutas at gulay. Umiiyak na sinabi ni Macaria kay Diosa na ipaabot ag

