Maaga akong nagising ngayon dahil sabi ni Nanay ay tutulong kami sa paghahanda sa pagdating ni Mam Beatrix at Sir Gael kasama si Anastasha na bunso nilang anak.
Naging kaibigan ko na din si Atasha dahil ubod ng bait nito. Akala mo ay hindi anak mayaman kung makihalubilo sa aming mga tauhan.
Isasabay na raw siya ng mag-anak patungong Germany para raw may kasama siya patungo sa bansang hindi niya kabisa.
Pagpasok sa mansyon ay nakita ko agad si Baste na may dalang kaing ng manggang hinog.
Napanganga ako dahil wala siyang suot na pang itaas at maong shorts lang ang suot niya. Nangingintab na ang mamasel niyang braso sa pawis, pero kahit pawisan siya ay parang mabango pa din siyang tignan...
Napatingin siya sa'kin at ngumisi, nanlaki naman ang mga mata ko dahil nahuli niyang naglalaway ako sa kanya.
Ano ka ba naman Jacklyn? Bakit mo kasi pinagpapantasyahan ang kumag na iyon? Tandaan mo ininsulto ka niya nung isang araw! At isa pa, KINSE KA PA LANG JACKLYN AMBERLEE REYES! Bata ka pa para maglaway sa lalaki!
Inirapan ko lang siya at sumunod na kay Nanay sa kusina. Alam ko naman na ang trabaho ko eh, taga-balat ako ng mga gulay at si Lena ang taga-hiwa, sila Nanay at ibang kasambahay na ang bahala sa ulam.
Pero hindi ko nakita sina Tita Penny, "Nay wala po sina Tito Dj?"
Napatulala sandali si Nanay bago ako sinagot, "W-wala nasa Talavera sila anak dahil may kailangan asikasuhin doon ang Tito Dj mo. Wag ka na nga masyadong maraming tanong diyan na bata ka at maghiwa ka na lang diyan!"
"Eto naman si Nanay nagtatanong lang kasi-" saad ko habang nagkakamot ng ulo.
"Bakit hindi ako ang tanungin mo Jackie?" sa sobrang lapit niya ay naramdaman ko na ang hininga niya sa batok ko na nagbigay ng kakaibang kiliti sa aking katawan.
Sa gulat ko sa pagbulong niya ay di ko napansin na daliri ko na pala ang nahiwa ko.
"Aray!"
"Por dio! Anak naman bakit pati daliri mo hinihiwa mo! Lena madali ka at kunin mo yung medicine kit!"
"Opo Tiyang!"
"Jackie sh*t I'm so sorry! Oh f*ck akin na yang kamay mo" walang ano ano ay isinubo niya ang daliri kong nadaplisan ng kutsilyo.
Napasinghap kaming dalawa ni Nanay at hindi agad nakahuma.
Nakakadiri ang ginagawa niya pero bakit sumikdo ang puso ko? Para siyang isang bampirang handang ubusin ang dugo ko kasi masarap at matamis...
Para naman din akong willing victim dahil iba ang hatid ng mga labi niya sa daliri ko.
Partida daliri pa lang yan!
Kung hindi ko pa narinig ang pagbagsak ng kung ano ay hindi ako babalik sa kasalukuyan.
"Ayan medyo umampat na, ako nang bahalang gumamot nito tutal kasalanan ko" mabilis niyang itinapat sa gripo ang daliri ko.
Nakatitig lamang ako sa kanyang seryosong mukha, nakikita ko ang paggalaw ng mga labi niya at alam kong may sinasabi siya at kinakausap ang sarili.
Hanggang sa tumigil na nang tuluyan ang pagdurugo. "Lena akin na yang first aid kit na hawak mo. Aling Jemma pasensya na talaga bibiruin ko lang naman talaga 'tong si Jackie kaya lang napaka-clumsy nitong anak ninyo."
"Aba't! Kasalanan ko pa ngayon?"
Tumawa lang ang loko, napatingin ako muli sa mukha niya habang tumatawa siya. Napakagwapong nilalang talaga nitong kaibigan ko.
Kung naaalala lang niya yung pangako niya...
Pero parang nakalimutan na niya. Napabuntong-hininga ako.
"Hey! What was that for?"
"Wala naman, kung di pa ako nasaktan di mo ko tatawaging Jackie," ingos ko sabay baling sa ibang direksyon.
Tumawa lang siya, "Lambing ko lang naman yung Diyaki eh. Kasi gustong-gusto ko nakikita kapag kumukunot yung ilong mo," habang ginagamot ang sugat ko ay pinisil niya ang ilong ko na mabilis kong tinapik.
"Diyan nagsimula ang Lolo at Lola eh..." pambubuska ni Lena at nagtawanan na ang ibang kasambahay kasama na ang Nanay ko.
Aba! Di yata't pinagkanulo ako ng mga ito ah. At bakit inaasar nila ko kay Baste? Baka sabihin nanaman nito assuming nanaman ako.
"Huwag niyo nga akong asarin di ako natutuwa," nakanguso kong saad, napatingala sakin si Baste at nawala ang ngiti niya. Yan! Alam mo kung anong kasalanan mo sakin!
"Ikaw naman anak nagkakatuwaan lang naman. Mamaya dadating sina Adam at Selene kasama ang mga anak nila kaya Lena kayong dalawa ni Jackie ang magbantay sa kambal maliwanag?"
"Opo Nay."
"Opo Tiyang."
Panabay naming wika ni Lena. Naramdaman ko naman ang pagkatigil ni Baste.
"Aling Jemma, kasama ho ang asawa ni Kuya Adam?"
"Oo hijo... gusto mo bang-"
"Ay Aling Jemma! Nakalimutan ko maghaharvest pa pala ako ng mga mais. Magtatabi ako para makain nitong aking si Jackie," kumindat siya sakin bago nagmamadaling umalis.
Mabuti at natapos na siyang ayusin ang sugat ko. Napakunot noo ako sa naging reaksyon niya sa sinabi ni Nanay, nang mabanggit ang asawa ni Sir Adam na si Mam Selene.
Nakita ko na noon si Mam Selene dahil dinala siya dito ni Sir Adam noong 'kinidnap' niya ito.
Bata pa ako noon kaya 'di ko masyadong naintindihan ang mga pangyayari. Basta ang alam ko ay magkasama sila sa kolehiyo at inaalok siyang maging girlfriend ni Sir Adam pero tumanggi siya kaya naman itinakas siya ni Sir Adam at dito nga sila napadpad.
Hindi ko inakalang sila rin talaga ang magkakatuluyan. Kung sabagay, noong naririto sila ay talaga namang makikita mo kung gaano kabaliw si Sir Adam kay Mam Selene.
Siya na nga ang taga-silbi nito noon mapa-OO niya lang ang dalaga.
Kung katulad ba naman ni Sir Adam ang kikidnap sakin, kahit di na ako ibalik kay Nanay...
"Aray naman Lena!" napahawak ako sa noo kong pinitik ng pinsan kong ngayon ay nakangisi.
"Anong tinutulala mo riyan Jacklyn? At bakit sa pakiwari ko ay parang nangangarap ka ng gising diyan? Naiisip mo si Baste ano? Wag kang mag-alala insan, di mambababae yon sa maisan, 'di ba nga ilang beses na siyang nireklamo kasi di niya sinasadyang maitulak ang mga babaeng naghahabol sa kanya?"
"Ikaw talaga Lena inaasar mo pa 'yang pinsan mo eh alam mong pikon yan. Tignan mo nga at nakasambakol ang mukha!" pangaral ni Nanay. Di ko alam kung ipinagtatanggol niya ba ako o nakiki asar lang siya eh. Kitang kita kasi ang pag ngisi ni Nanay.
"Insan... malakas talaga tama mo kay Baste ano?"
"Hoy Yelena tigilan mo nga ako, kung hindi ko lang alam nakikipag-mabutihan ka don sa mangingisd-" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tinakpan na ni Lena ang bibig ko.
"Jackie naman wag ka ngang magbiro ng ganyan baka maniwala sila sayo..."
"Nako Yelena! Yun ba yung bagong salta dito sa San Antonio? Nako! Balita ko ay mukhang porener ang isang 'yon! Baka anak 'yon ng taga-Olongapo na nabuntis ng amerikanong sundalo kaya mukhang may lahi!" sabat ni Aling Tetay na isa sa pinaka-tsismosa sa buong San Antonio.
"Aba magaling kang pumili Lena ah! Kaya siguro ikaw lagi ang nagpiprisintang bumili ng mga isda!" sabi ni Aling Doray na halos nanay na rin namin ni Lena.
"Ay nako Yelena, ako ay hindi sang-ayon diyan. Nangako ako sa Nanay at Tatay mo na ako ang bahala sa'yo. Nako! Mahirap pumatol sa ganyan. Hindi ko kayo pinakikialaman ni Jackie sa mga gusto niyo pero dapat ay alam ninyo ang limitasyon ninyo. Mas dapat paganahin ang isip kesa puso!" naks naman ang Nanay ko, hugot na hugot!
Nilingon ko naman ang pinsan kong namumula na at kakamot-kamot sa ulo niya. Kung inaakala niyang hindi ko alam ang pagkahumaling niya sa mangingisda na yun ay nagkakamali siya.
Nasundan ko siya noong nakaraan at nakita ko kung paano mamula na parang kamatis ang pinsan ko nang lapitan siya ng Valentin na yon.
Ano nga ulit yung banat niya kay Lena? "Peanut ka ba? Kasi PEANUT-ibok mo ang puso ko..."
Di ko mapigilang matawa nang marinig ko iyon. Paano ba naman kasi nakangiwi na ang pinsan ko, allergic kasi siya sa mani.
Halos gumulong ako sa kakatawa noon dahil sa kakornihan ng lalaking yon.
Ano bang akala niya sa mga babae dito nasa year 2007? Na kilig na kilig sa mga banat at sweet messages? Buti sana kung may pabulaklak! Pero binigyan siya nito ng extrang tilapia, aba'y di na rin masama!
"Alam mo Lena, dapat kapag iibig ka hindi ka magbabase sa itsura. Kilalanin mo munang mabuti. Kasi aanhin mo ang kapogian niya kung sa huli eh sasaktan ka lang niya," ngisi ko sa kanya habang pinangangaralan siya.
"Nagsalita ang hindi nagmamahal ng may itsura!" singhal niya habang nanlalaki ang mga mata.
"Nako kayong dalawa tapusin niyo na 'yan nang matapos na kami dito! Abangan niyo ang mga Lolo niyo dahil pabalik na ang mga yon galing Cabanatuan."
Tahimik na kami muli at nag-gayat na. Nang matapos sa pagluluto ay naligo na kami ni Lena at nagbihis ng presentable. Kahit naman mga kasambahay kami ay binibigyan kami ni Mam Beatrix at Mam Atasha ng mga damit. Yung iba nga ay may mga tag price pa!
Ang suot ko ngayon ay pulang sundress na aabot hanggang tuhod ko. Bulaklakin na white at blue ang design nito habang si Lena naman ay checkered blue, white, and gray na bakuna dress ang suot. Ibinraid ko lang ang mga buhok namin patalikod at hinayaang nakalugay ang natira.
Kami daw ang itinalagang bantay ng kambal na anak nina Sir Adam kaya naman nag antay na lang kami sa pagdating nila.
"Wow! Ang gaganda naman ng mga dilag namin ngayon!" sigaw ng Lolo Arthur namin.
"Malalaki na talaga ang mga apo ko..." naluluha naman si Lola Carmelita nang yakapin kami.
"Ikaw naman Lola para namang ngayon niyo lang kami nakitang nag-ayos nitong si Jackie."
"Nako mga apo, eh paano kegaganda niyo ngayon. Partida at wala pa kayong mga kolorete niyan sa mukha!" sambit ni Lolo Arthur.
"Kung nandito si Baste nako pihadong maglalaway nanaman ang batang yon dito kay Jackie."
"Lola! Huwag niyo nga po mabanggit yang si Baste at naiinis ako," nakabusangot kong sagot.
"May LQ sila Lola kaya ganyan yang apo mo," sulsol pa nito ni Lena.
"Andyan na sina Mam Bea!" sigaw ni Aling Doray mula sa labas. Sila ni Aling Tetay at Nanay ang sasalubong sakanila.
"Wow! Nakauwi rin sa wakas!" nakilala ko ang boses na si Atasha at napangiti ako.
Napasinghap siya nang madako ang paningin niya samin, "Oh My Gosh! Jackie is that you? You and Lena are so beautiful! And I miss you both!" nagtatakbo itong lumapit at yumakap samin ni Lena.
"See bagay sa inyo yung mga binili kong damit. Wow! Mamimili tayo bukas! Samahan niyo ko sa Cabanatuan bukas at magsho-shopping tayo!" nagtatatalon pa ito.
Adik ba to si Atasha? Bakit parang ngayon lang siya nakalabas ng hawla?
"Mga hija pagpasensyahan niyo na yang si Atasha dahil sa Germany hindi lumalabas ng bahay yan, ni hindi nakikipag kaibigan," nakangiting bungad ni Sir Gael na kahit nasa early 50's na eh batang bata pa rin tignan. Sakanya nakuha ng magkakapatid ang green na mga mata ng mga ito.
"Welcome back po Mam Bea, Sir Gael, Mam Atasha," sabay na wika namin ni Lena habang nakayukod sa kanila.
"Ay nako ilang beses ko na sinabi sa inyong Atasha na lang eh. O kung naiilang kayo, Ate Atasha na lang" nakangiti pa din ito, kaya ngumiti na din kami ni Lena at napatango.
Sa tagal na paninirahan nito sa Germany ay akala namin magiging masungit na ito sa amin, pero hindi niya pa din pala nakakalimutan na kaibigan niya kami ni Lena.
"Hey Mom! Hey Dad!" napalingon kami at dumating na nga sina Sir Adam, Mam Selene, at ang kambal na anak nila na parang dalawang taon pa lamang.
"Hijo! Hija! Sakto at kararating lang namin. Gael pakikuha nga ang alcohol at bubuhatin ko itong mga apo ko," mabilis naman sumunod si Sir Gael sa asawa niya.
Napangiti ako dahil masaya nanaman muli ang mansyon. Paano ay kami lang palagi ang nandito.
Pero ngayon ay may napansin ako, bakit sa tuwing nandito ang mag anak umaalis sina Tita Penny? Ngayon nga ay pati si Baste ay tumalilis na.
Naputol ang pagmumuni muni ko nang makarinig ng sigaw mula sa entrada ng mansyon.
"Tita Bea! Nandito na ang pinakapogi niyong mga pamangkin!"
At pumasok na nga ang dalawang nagu-guwapuhang pamangkin ni Mam Bea na sina Connor at Cole.
Napanganga ako nang makitang sa'kin nakatitig ang mas nakakatandang si Connor.