Chapter 2 – CENOMAR

1765 Words
Hindi ako agad nakatulog nang gabing 'yon dahil paulit-ulit sa isip ko ang salitang "marriage record," na parang sirang plaka na hindi ko mapahinto kahit ipikit ko pa ang mga mata ko. Maaga akong nagising at agad tinawagan si Jean, dahil kahit mabigat ang lahat alam kong kailangan naming harapin ito nang magkasama. "Pupunta ulit tayo sa PSA," sabi ko sa kanya pagkasagot niya hindi na ako nag-aksaya ng oras sa paligoy-ligoy. "Kasama mo ako," sagot niya agad at sa boses niya may determinasyong pilit tinatakpan ang sakit. Sa loob ng opisina, mas malamig ang hangin kaysa kahapon, o baka ako lang ang nanginginig habang hinihintay naming ma-verify muli ang record na nagwasak sa katahimikan ng buhay ko. Lumapit ako sa window at pinilit maging kalmado ang boses ko. "Ma'am, gusto ko pong ipa-clarify ang CENOMAR ko kahapon may lumabas pong marriage record na hindi ko maalala." Tinitigan ako ng staff, saka tinype muli ang pangalan ko sa system at bawat pindot ng keyboard parang countdown sa hatol na hindi ko pa kayang tanggapin. "Ma'am Diya Sharma, status nyo po ay married, Registered noong March 14, 2021 sa Naic, Cavite. Spouse: Rafael D. Silva." malinaw niyang sabi sa harapan ko. Parang mas malakas ang pagkakasabi niya ngayon parang wala nang puwang para sa denial. "Pwede ko bang makita ang detalye?" tanong ko at ramdam ko ang paglapit ni Jean sa likod ko, para bang handa siyang saluhin ako kung bumigay ang mga tuhod ko. Ibinigay sa akin ang certified copy at doon ko nakita ang pirma ko hindi malayo sa paraan ko magsulat hindi nanginginig, hindi mukhang pineke. "Jean...akin 'to." mahina kong tawag habang nakatitig sa papel. Hindi siya agad nagsalita, pero naramdaman ko ang paghawak niya sa balikat ko. "Sigurado ka?" Tumango ako at mas masakit ang kumpirmasyong 'yon kaysa sa mismong dokumento. "Oo, pirma ko 'to." Tahimik kaming lumabas ng opisina at sa parking lot saka niya ako hinarap nang direkta, ang mga mata niya puno ng tanong na pareho naming kinatatakutan. "Diya, kung valid 'to... ibig sabihin hindi tayo pwedeng magpakasal." Parang may kutsilyong dahan-dahang umiikot sa dibdib ko habang sinasabi niya 'yon at gusto kong sumigaw na hindi 'yon ang katapusan ng kwento namin, pero ang batas mas matigas kaysa sa emosyon. "Mag-aannul tayo, hahanapan natin ng butas hindi pwedeng ganito lang." sabi ko sa kanya, pilit pinapatatag ang sarili ko. Tumingin siya sa akin nang matagal, para bang sinusukat kung hanggang saan ko kayang lumaban. "Handa ka bang hukayin ang 2021 mo?" Napapikit ako at sa likod ng talukap ng mga mata ko may saglit na flash ng isang mesa isang fountain pen at isang lalaking tahimik na nakaupo sa tapat ko na hindi ko pa rin maaninag ang mukha. "Kung kailangan, kahit masaktan pa ulit ako, haharapin ko." sagot ko at ngayon malinaw na ang desisyon ko. Hindi ko pa alam kung sino si Rafael Silva sa kasalukuyan, pero malinaw na hindi na siya multo ng nakaraan ko isa siyang legal na realidad na kailangan kong kausapin. At habang papalayo kami sa PSA, dala ang papel na nagsasabing hindi na ako single doon ko unang naramdaman na ang laban na ito hindi lang tungkol sa kasal ko tungkol sa kung sino ako noong pinili kong pumirma sa pangalang hindi ko maalala kung bakit ko tinanggap. Hindi kami agad umalis sa parking lot dahil parang pareho kaming naghahanap ng lakas ng loob bago tuluyang umandar ang sasakyan at habang nakatitig ako sa certified true copy na nasa kandungan ko pakiramdam ko hawak ko ang ebidensiya ng isang buhay na hindi ko maalala pero malinaw na akin. "May kilala akong abogado," biglang sabi ni Jean habang nakahawak sa manibela hindi pa rin niya pinaandar ang kotse. "Kaibigan ng boss ko, maayos kausap at hindi basta-basta sumusuko." Tumingin ako sa kanya at pilit ngumiti kahit nangingilid ang luha ko. "Jean, ayokong magmukhang kriminal na naghahanap ng lusot, gusto ko lang maintindihan kung bakit nangyari 'to." "Hindi ka kriminal, ikaw ang pinaka-honest na taong kilala ko, kaya kung may nangyari man may dahilan." madiin niyang sagot bahagyang tumigas ang panga niya. Napayuko ako at hinawakan ang papel dinapuan ng daliri ko ang pangalan ni Rafael na para bang may sagot doon kung tititigan ko nang sapat katagal. "Puntahan ko siya," mahina kong sabi. "Ano?" mabilis na lingon ni Jean sa akin. "Si Rafael Silva, hindi pwedeng puro papel lang ang kausap ko kung asawa ko siya sa batas, may karapatan akong marinig sa kanya kung ano ang totoo." Ilang segundo siyang hindi nagsalita at nakita ko ang pagdaan ng samu't saring emosyon sa mukha niya—selos, takot, pag-aalala—pero nanaig ang respeto. "Kasama mo ako," sabi niya sa wakas ngunit may pag-aalinlangan sa tono niya. Umiling ako nang marahan. "Hindi pa, hindi ko alam kung ano ang maririnig ko ayokong masaktan ka nang harapan." Tahimik siyang napabuntong-hininga at doon ko unang naramdaman ang lamat sa pagitan namin hindi dahil sa kakulangan ng pagmamahal, kundi dahil may katotohanang mas malaki kaysa sa amin. Pagdating sa bahay nadatnan ko si ate Lianne na kausap sina Mama at Papa sa sala at halatang alam na nila ang nangyari dahil sa bigat ng atmospera sa loob ng bahay. "Diya, this is insane, paano ka makakalimot ng kasal?" bungad ni ate sa akin diretso agad ang tingin niya. Napailing ako at napaupo sa tapat nila. "Hindi ko alam, ate hindi ko ginusto na makalimot." Sumingit si Papa, malamig ang boses pero may halong pagsisisi. "Hindi namin sinabi agad dahil akala namin maaayos din sa legal process kung sakaling bumalik ang isyu." "Bumalik?" ulit ko at doon ko naramdaman na mas marami pa pala akong hindi alam. Nagkatinginan sina Mama at Papa bago nagsalita si Mama nang dahan-dahan. "May kondisyon noon si Rafael na kung sakaling maging maayos ang negosyo at hindi na kailangan ang arrangement, pwede nyo pag-usapan ang susunod na hakbang." "Arrangement," ulit ko at parang lalo lang naging malamig ang salita sa tenga ko. "Kasama ba sa arrangement ang hindi ko pag-alala?" Tahimik silang lahat at ang katahimikan na 'yon ang mas malinaw kaysa sa kahit anong sagot. Kinuha ko ang cellphone ko at hinanap ang pangalang matagal ko nang hindi nakikita sa contact list ko at nang matagpuan ko ang numerong hindi ko alam kung bakit naka-save pa rin, sandali akong nag-atubili bago pindutin ang call. Dalawang ring pa lang may sumagot na, mababa at kalmadong boses na parang pamilyar kahit hindi ko maaninag ang mukha. "Hello." Nilunok ko ang kaba at pinilit maging matatag. "Rafael... ako ito." May maikling katahimikan sa kabilang linya, saka isang mahinang paghinga na parang matagal na niyang hinihintay ang tawag na ito. "Diya," sabi niya at sa paraan ng pagbanggit niya sa pangalan ko ay may bigat na hindi ko maipaliwanag. "I was wondering when you would finally call." Hindi ko alam kung bakit mas lalo akong kinabahan sa paraan ng pagkakasabi niya ng pangalan ko, para bang hindi ito simpleng pagbati kundi isang paalala na may bahagi ng buhay ko na alam niya at hindi ko alam. "Alam mo?" tanong ko agad hindi ko na napigilan ang sarili ko at ramdam kong nakatutok sa akin ang mga mata nina Mama at ate habang hawak ko ang cellphone. "Alam kong darating ang araw na hahanapin mo ang sagot," kalmado niyang tugon walang bahid ng gulat o pag-aalala, na para bang matagal na niyang pinaghandaan ang sandaling ito. "May marriage record tayo, at gusto kong marinig sa'yo kung bakit." diretsahan kong sabi sa kanya ayoko nang paikot-ikot ang pinag-uusapan. May maikling katahimikan sa kabilang linya hindi awkward kundi mabigat parang may mga salitang pinipili bago ilabas. "Hindi kita pinilit," una niyang sinabi at ang linyang 'yon ang unang tumama sa akin nang diretso. "Hindi ko maalala, Rafael, kung hindi ko maalala, paano ako makakasigurong hindi ako napilitan?" sagot ko at doon na bahagyang nanginig ang boses ko. Narinig ko ang marahang buntong-hininga niya. "Nasa opisina tayo noon sa Naic, kasama ang mga abogado ng parehong pamilya, ikaw ang nagsabing pipirma ka dahil ayaw mong makulong ang ama mo at ayaw mong masira ang pangalan ng pamilya nyo." Napapikit ako at may sumilay na imahe ng mahabang mesa at mga papel na nakahanay, pero parang fog pa rin ang lahat. "Bakit hindi natin inayos pagkatapos?" tanong ko naman at pilit pinipigilan ang emosyon. "Dahil pagkatapos mong pumirma, bumagsak ka, you had a breakdown, Diya—your parents asked for space, I agreed." sagot niya mas mababa na ang tono ngayon. Parang may kung anong kumalas sa dibdib ko sa salitang 'yon—breakdown na para bang kumpirmasyon ng kahinaan na ayaw kong alalahanin. "Arrangement lang ba 'yon para sa'yo?" mahina kong tanong kahit hindi ko sigurado kung handa akong marinig ang sagot. Hindi siya agad sumagot at ang katahimikan niyang 'yon ang mas nakakatakot kaysa sa anumang paliwanag. "Nagsimula bilang arrangement, pero hindi natapos doon." sa wakas ay sinabi niya, malinaw at walang pag-iwas. Humigpit ang hawak ko sa cellphone. "Ano'ng ibig mong sabihin?" "Siyam na taon kang legal na asawa ko, kahit hindi tayo nagsama sa iisang bahay hindi ko tinuring na biro ang papel na 'yon." sagot niya at sa bawat salita niya ramdam ko ang bigat. Sa likod ko naman may marahang paghinga si Mama at alam kong naririnig niya ang bawat salitang lumalabas sa speaker ng cellphone. "May fiancé ako, labintatlong taon ko siyang minahal." sabi ko halos pabulong, pero kailangan niyang marinig 'yon mula sa bibig ko. "Alam ko," sagot niya agad, at doon ako tuluyang natigilan. "Alam mo?" "Hindi ako bulag, Diya, pero hindi rin ako tumakbo sa responsibilidad ko." sabi niya at sa unang pagkakataon may bahagyang emosyon sa boses niyang palaging kontrolado. Napahawak ako sa dibdib ko dahil parang sabay-sabay na bumabalik ang mga piraso ng nakaraan na hindi ko pa kayang buuin. "Gusto kitang makausap nang personal," sabi ko sa wakas pinipilit maging matatag kahit magulo ang loob ko. "Sabihin mo kung kailan at saan," agad niyang tugon na walang pag-aatubili. Sandali akong tumingin kina Mama at Papa bago muling nagsalita. "Bukas sa Naic, kung saan nagsimula." May maikling katahimikan bago niya sinabi sa akin. "I'll be there." Pagkababa ko ng tawag parang mas mabigat ang hangin sa loob ng bahay at ramdam kong hindi na ito simpleng isyu ng dokumento kundi isang harapang pagharap sa lalaking legal na may karapatan sa buhay ko. At habang nakatingin ako sa marriage certificate na hawak ko, unti-unting sumisiksik sa isip ko ang mas nakakatakot na posibilidad paano kung hindi lang papel ang nakatali sa amin, kundi isang desisyong minsan ko nang pinanindigan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD