Chapter 1
Mabibigat ang takulap ng kanyang mga mata ngunit pinilit niyang buksan ang mga ito. Gusto niyang malaman kung nasaan siya. Gusto niyang malaman kung bakit mabigat ang pakiramdam niya.
Unti-unti niyang nakikita ang isang puting bahay at nang tuluyan na niyang maibukas ang kanyang mga mata, nalaman niyang puting kisame pala ang nakikita niya.
Halo-halong sakit ang sunod niyang naramdaman sa katawan niya kaya hindi niya napigilan ang ungol na lumabas mula sa lalamunan niya.
Nagulat pa siya nang isang mukha ng babae ang tumakip sa kisame na tinitignan niya kanina.
"Naku, mabuti naman at gising ka na. Halos ilang buwan mo ring diniretso ang pagtulog mo, ha? Huwag ka munang matutulog ulit, ha? Tatawagin ko lang si Doc," bilin ng babae sa kanya bago ito nawala sa paningin niya.
Doc? Doctor? Nasa ospital ba siya? At iyong babae kanina na nakasuot ng puting uniporme. Nurse siya, hindi ba? Ano ang ginagawa niya sa ospital? Bakit siya napunta roon?
Sinubukan niyang bumangon ngunit hindi niya magawa. Nanghihina ang katawan niya.
"Huwag ka munang maggagagalaw. Natutulog pa ang ilang muscles mo." Napalingon siya sa lalaking papalapit sa kanya. Alam niyang ito ang doktor na sinasabi ng nurse kanina dahil nasa likuran na nito ang babae.
"May... sugat po ako sa ulo?" namamaos ang boses na tanong niya sa doktor dahil ramdam niyang tila may balot ng benda ang buong ulo niya. Paano siya nagkaroon ng sugat sa ulo? Ano ba ang nangyari sa kanya? Nahulog ba siya? Naumpog nang malakas?
"Naaksidente ka," waring nabasa ng doktor ang mga katanungan sa isipan niya kay ito na ang sumagot sa mga iyon.
Ahh, naaksidente pala siya. Saan? Paano?
"Sa sasakyan. Nahulog sa bangin ang sinasakyan mong kotse."
Ahh, nahulog sa bangin ang sinasakyan niyang kotse. Marunong pala siyang nagmaneho? At higit sa lahat, may kotse pala siya?
Ngunit hindi na sinagot ng doktor ang mga sumunod na katanungan niya. Naging abala na ito sa pag-iilaw ng flashlight sa mga mata niya, ng pagpapasunod sa mga mata niya sa mga daliri nitong kung saan-saan nito inilalagay.
"Ano nga ulit ang pangalan mo, iho?" tanong nito na nakatingin nang diretso sa kanyang mga mata.
"Ahh. Ang pangalan ko po? Ang pangalan ko po ay...."
Natigilan siya. Bakit wala siyang masabing pangalan? Bakit hindi niya masabi sa doktor ang pangalan niya?
Napatingin siya sa doktor at pagkatapos sa nurse na nasa tabi nito. Nasa mukha nila na naghihintay silang sabihin niya ang pangalan niya.
Nagsimula siyang mag-panic. Bakit kahit anong pag-iisip niya, wala siyang pangalan na maisip na konektado sa kanya? Sa dami ng makakalimutan niya, bakit pangalan pa niya?
"Hindi mo maalala ang pangalan mo?"
Natatakot na tumango siya sa doktor. Agad namang nagsulat ang nurse sa chart na dala nito.
"Edad? Alam mo ba kung ilang taon ka na?"
Umiling ulit siya dahil pati iyon ay hindi niya maalala.
"Tiyak ko na hindi mo rin alam kung taga-saan ka at kung nasaan ang mga magulang mo. Tama ba?" Muli siyang tumango sa doktor, naiiyak na.
Niyuko niya ang katawan niya. At least, tama siya sa iniisip niy na lalaki siya.
"Huwag kang mag-panic. May mga nagkaka-amnesia talaga dahil sa aksidenteng kinasangkutan nila. Malay natin bukas, maalala mo na ang lahat. O kaya sa susunod na linggo, sa isang buwan, o sa isang taon."
"Ganon po... katagal?"
"Posible," sagot ng doktor sa sinabi niya.
"Doc, kayo po. Alam n'yo po ba ang pangalan ko? Wala po ba kayong nakuhang ID sa akin?" hindi niya mapigilang itanong. Ngumiti ang doktor sa kanya.
"Kahit nakalimutan mo ang lahat ng tungkol sa'yo, lumalabas pa rin ang talino mo. Ikaw si Avery Elijah Gaspar. 19 years old. Sinusubukan nilang kontakin ang numero na nasa ID mo pero walang sumasagot sa tawag ng ospital ayon sa balita ko. Pero huwag kang mag-alala. Humihingi na kami ng tulong mula sa kinauukulan. Malalaman na ng mga mahal mo sa buhay ang nangyari sa'yo sa lalong madaling panahon. For the meantime, magpagaling ka muna at magpalakas, okay? Huwag mo ring pilitin na maalala ang lahat. Kusa iyong babalik sa'yo kung kelan nito gusto at kapag hindi na ito nagtatampo," nagawa pang magbiro ng doktor.
Teka. Ang sabi ng nurse kanina ay ilang buwan na naging diretso ang tulog niya. Ibig sabihin, ilang buwan siyang na-coma. Hanggang ngayon ba, hindi pa rin nila makokontak ang mga magulang niya?
"Huwag kang mag-alala, asikasuhin ka ni Miss Evelyn. Pindutin mo lang iyon red button na ito at darating siya agad, okay?"
"Sige po. Salamat po. Pwede po bang magtanong ulit bago kayo umalis?"
"Oo naman. Ano iyon?"
Tumingin muna siya sa paligid at nakita na may malaking TV na nakasabit, may mahabang sofa na nakasandal sa pader, may maliit na mesa na may dalawang upuan, may sariling CR sa kuwarto, at may personal ref pa bago muling bumaling sa doktor.
"Nasa pribadong silid po ako, di ba? Pang-VIP pa. Alam ko pong mahal ang bayad sa bawat araw kapag private room. Pwede po ba akong magpalipat sa ward? Baka po kasi sobrang mahal na ang babayaran ng parents ko pagdating nila." Kahit na sabihing may kaya sila dahil may kotse siya, ayaw niyang gumastos ng malaki ang mga magulang niya.
Natigilan ang doktor at nagkatinginan sila ng nurse sa labis na pagtataka niya. Bumaling ang doktor sa kanya at ngumiti bago nagsalita.
"Huwag mo nang isipin iyon. Libre naman ang lahat kapag pampublikong ospital nasa ward ka man o private room. Isa pa, kagagaling mo lang sa operation kaya dapat lang na nasa private room ka. Puno na rin ang ward. Wala kang mapagpupuwestuhan doon. Dito ka na lang, okay?"
Bago pa siya makaimik ay nagpaalam na ang doktor at lumabas na ito kasama ang nurse. Napabuntonghininga siya. Naaalala niya ang pangalang sinabi nito kanina.
Avery Elijah Gaspar.
Pang-gwapong pangalan. Gwapo rin kaya siya? Sinabi nitong 19 na siya, ibig sabihin nasa college palang siya. Saan ba siya nag-aaral? At ano ang kurso niya? Nasaan ba siyang lugar sa Pilipinas? Kasama ba niya ang mga magulang at mga kapatid niya sa bahay? Ano ang pangalan ng mga magulang niya? Ng mga kapatid niya? Ilan ba silang magkakapatid? Siya ba ang panganay o siya ang bunso?
May kaya ba sila o hiram lang iyong kotseng ginamit niya noong maaksidente siya?
May girlfriend ba siya? May best friend? Mga kaibigan? Bakit parang walang nagbabantay sa kanya? Bakit parang iniwan siya ng lahat noong maaksidente siya?
Nakatulugan na niya ang mga katanungang iyon.
...
Kinabukasan, wala pa rin siyang maalalang anumang tungkol sa sarili niya. Kumain siya ng agahan, niya ng doktor, nanuod ng TV, mag-snack ng mga prutas pero wala pa rin. Wala pa ring sagot sa mga katanungan niya noong nakaraang gabi. Ahh, sandali meron pala. Meron siyang nadiskubre tungkol sa sarili niya. Lalaki siya tama. Pero para siyang babae. Ang ibig niyang sabihin, mukha siyang babae dahil maamo ang kanyang mukha. Maamong-maamo na para bang hindi siya gagawa ng anumang kalokohan. Maputi din siya at makinis ang balat. Matangos ang may kaliitang ilong. At mapupula ang manipis na mga labi. Siguro, isa sa mga magulang niya ay foreigner. Ang tanong, anong lahi kaya? American? Italian? European? Hindi niya kayang sagutin iyon hanggang hindi pa dumarating ang mga ito. Nakapagtataka nga. Sabi ng nurse, ilang buwan na siya sa ospital. Pagkatapos nga raw niyang maoperahan ay na-coma siya at nang magising siya, naging pabalik-balik naman ang malay niya at kahapon lang siya talagang nagising. Kung ganon na siya katagal sa ospital at wala pa ang mga ito, ibig bang sabihin ay wala sa Pilipinas ang mga magulang niya? Nasa abroad ba ang mga ito? Doon ba sila naninirahan? O magtratrabaho lang sila roon?
Wala man lang ba siyang kamag-anak na pwedeng dumalaw sa kanya at sumagot sa mga tanong niya? Wala man lang ba siyang kaibigan o kahit kaklase man lang? O kahit man lang sana isang guro niya na nagtataka kung bakit isang linggo na siyang hindi pumapasok sa eskwelahan? Bakit ganon? Parang walang nakakakilala sa kanya?
Napabuntonghininga siya. Mabuti na lang at mukhang angel siya dahil kung hindi, magwawala na talaga siya sa mga kademonyohang pumapasok sa isipan niya habang nagdaraan ang mga araw at wala siyang nahihintay na taong dadalaw sa kanya.
Wala man lang ba siyang phone para ma-check kung may pwede siyang tawagan? Nang magtanong siya kay Miss Evelyn, sinabi nitong wala raw ang phone niya nang isugod siya sa ospital. Baka may nakakuha na roong iba. Baka nga naibenta na.
Habang dumarami pa ang lumilipas na mga araw at habang magte-therapy siya para magbalik na ang pagkilos niya ng normal, hindi pa rin bumabalik ang mga alaala niya, mas lalo siyang nakadarama ng frustration. Magaling na ang mga sugat niya. Nakakapunta na nga siya sa CR nang mag-isa. Alam niyang malapit na siyang palabasin sa ospital pero wala pa rin ang mga magulang niya o kahit na sinong pwedeng maglabas sa kanya. Paano na iyon? Saan siya uuwi kapag idineklara ng ospital na ire-release na siya?
Umiyak siya maghapon ng araw na iyon dala ng frustration niya. Maging sina Miss Evelyn at Doctor Dinco ay hindi siya nagawang patahanin. Sino ba naman ang makakapag-isip ng normal kung ganito iyong sitwasyon nila? Na magdadalawang buwan na siyang gising at may amnesia tapos wala man lang ang mga kapamilya niya sa tabi niya? Na natatakot siya kung saan siya uuwi kapag pinaalis na siya sa ospital? Kaya ayun, dinaraan na lang niya sa pag-iyak ang lahat kahit na sabihing hindi siya dapat nagkakaganon dahil lalaki siya. May dumating na psychologist para makausap niya pero hindi pa rin siya huminahon. Iyak pa rin siya nang iyak. Napilitan tuloy si Miss Evelyn na turukan siya ng pampatulog ng araw na iyon.
Nang magising siya kinabukasan ay tanghali na. Mahapdi at nananakit pa ang mga mata niya pero nginitian pa siya ni Miss Evelyn na parang natutuwa pa ito naakita ang ganong itsura sa kanya.
"Hindi ako natutuwa sa parang kamatis na itsura mo, Elijah. Masaya lang ako ngayong araw na ito," pagtatama nito sa iniisip niya.
"Ayaw mo pong i-share kung bakit ka masaya?"
"Kung uubusin mo na yung pagkain mo, sasabihin ko sayo. Tiyak ko na sasaya ka rin kapag nalaman mo yung impormasyong alam ko."
"Para naman akong bata niyan na kailangan pang utuin, Miss Evelyn." Nagawa na niyang magbiro dahil medyo okay na ang pakiramdam niya. Nailabas na niya sa pamamagitan ng maghapong pag-iyak kahapon ang bigat ng dibdib niya.
"Kapag nga naubos mo iyang pagkain mo, sasabihin ko sa'yo iyong good news."
Tumango siya sa nurse at nagsimula nang kainin ang dala nitong pagkain niya. Hindi na siya nag-inarte pa. Pagkatapos kumain ay inilabas nito ang pinagkainan niya at nangakong sa pagbabalik nito ay sasabihin na nito ang sorpresang dala nito.
Ngunit imbes na ito ang pumasok sa kuwarto niya, isang matangkad na lalaki ang pumasok roon. Nagkatinginan sila ng lalaki tapos nagkatitigan.
Nawawala ba ito kaya ibang kuwarto ang napasok nito?
"Yes po?" magalang niyang tanong habang pinag-aaralan pa rin ang lalaki. Parang late 20s na ito o nasa early 30s. Guwapo rin naman at malaki ang katawan pero dahil wala itong kangiti-ngiti, nakakatakot tuloy ang aura nito. Mukha siyang istriktong doktor na nakalimutang isuot yung coat niya. Ito na ba ang magiging doktor niya at hindi na si Dr. Dinco?
"I'm Grey Santillan," pagpapakilala nito. Napangiti siya dahil tama ang hula niya. Ito na nga ang bagong doktor niya. Hindi naman ito magpapakilala kung hindi, di ba?
"Nice to meet you po, Dr. Santillan."
"Dr. Santillan?" nagtatakang tanong nito habang naglalakad papalapit sa kama niya.
"Ah, gusto n'yo po bang first name ninyo ang gagamitin ko, Dr. Grey?"
"What are you talking about?" parang naiinis na nitong tanong sa kanya kaya agad siyang nagpaliwanag.
"Hindi po ba kayo ang bagong doktor ko?"
"Of course not!" maigting nitong sagot na parang galit na kaya naaptras siya kahit nakaupo siya.
"Eh, sino ka po? Bakit ka po nagpakilala sa akin kanina? Teacher po ba kita? Uncle? Cousin? Father? Brother?" sunod-sunod niyang tanong.
"Teacher? Uncle? Fa... father?" pag-uulit nito sa ilang salitang sinabi niya.
Tumango siya.
"Do I look like that old to you?"
Muli siyang tumango.
"I'm none of those."
Tumango ulit siya sa ikatlong pagkakataon pero nagdikit na ang mga kilay niya.
"Kung hindi po kita teacher, uncle, cousin, father, or brother, sino ka po?"
Taimtim muna itong tumitig sa kanya bago sumagot.
"I'm your husband."