Hindi ko maintindihan kung ano sinabi sa akin ng babae. Kung kailan ako natauhan ay roon ko nakita ang unti-unting pagpikit ng mga mata niya.
"H-Hindi pwede. Sandali lang!-" Biglaang sambit ko.
Tuluyan ng pumikit ang mga mata nito. Naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay ko habang hawak-hawak ko siya.
"T-Tulong! Tulong!" Pagtawag ko.
Hindi nagtagal ay nagsilapitan sa akin ang mga gwardya. Lumapit sila sa katawan ng babae at hinawakan ang pulso nito.
"N-Nakita ko lang siya rito." Balisang sambit ko.
"H-Hindi ko alam ang nangyari-" Pagpapaliwanag ko.
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang hawakan ako ng gwardya para pakalmahin ako.
"It's already okay kid. Ihahatid na kita sa inyo." Sagot nito sa akin.
Hindi kaagad naproseso ng utak ko ang sinabi niya. Dahan-dahang kumunot ang noo ko.
Nang tignan ko ang gwardya ay nakatingin ito sa akin at hinihintay ang sasabihin ko.
"A-Anong ibig mong sabihin?" Pagtataka ko.
"Kailangan kong alamin kung ano ang nangyari sa kaniya." Dagdag ko.
Umiling sa sinabi ko ang gwardya at lumapit pa ito lalo sa akin. "Alam kong nag-aalala ka bata. Pero trabaho na namin 'to. Sabihin mo na kung saan ka nakatira at ihahatid kita."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niya. Hindi kaagad ako nakasagot at parang natuyo ang lalamunan ko.
"A-Anong pinagsasabi mo? Kailangan kong malaman ang nangyayari sa mga mamamayan ko. That's my role as a queen." Giit ko.
Napaawang ang bibig ng gwardyang kaharap ko. Muli itong napailing na para bang hindi makapaniwala sa sinasabi ko.
"Look, kid. Wala akong oras makipaglaro sayo buong araw. Kung ayaw mong sabihin kung saan ka nakatira ay sabihin mo na lang ang pangalan mo at ng mga magulang mo. Ipapasundo na lang kita." Kalmadong sagot sa akin ng gwardya.
Naguguluhan ako sa sinasabi niya. "I-I'm Helena! Queen Helena!" Pagpapakilala ko.
"Oo na. Oo na. Dito ka lang, ipapasundo kita sa mga magulang mo." Sambit ng gwardya.
Tinalikuran ako nito habang hindi ako makapaniwala. Natagpuan ko na lamang ang sarili kong tumatakbo. Wala akong naiintindihan sa mga nangyayari. B-Bakit hindi ako nakilala ng gwardyang naninilbihan sa palasyo?
Wala akong tigil sa pagtakbo hanggang sa makarating ako sa harap ng palasyo. Gumaan ang pakiramdam ko nang mabilis akong napansin ng mga taga-bantay sa labas.
Umaasa ako na mabilis nila akong lalapitan at tatanungin kung ako lang mag-isa ang bumalik sa palasyo. Pero mabilis nawala ang pag-asa ko nang tignan ako ng mga taga-bantay na bakas sa mukha ang pagkabigla.
"U-Uy bata! Anong ginagawa mo rito? Bawal dito! Umuwi ka na." Bungad sa akin ng taga bantay.
Naestatwa ako sa kinatatayuan ko. Kasabay ng pagkabigla ko ay ang pagbagsakan ng ulan.
"Bata magkakasakit ka nyan! Umuwi ka na!" Muling sambit ng taga bantay sa akin.
Hindi ako makagalaw sa pwesto ko. Gusto kong isipin na nanaginip lang ako.
A-Anong nangyayari? Bakit hindi nila ako makilala?
Wala sa sariling lumapit ako sa malaking gate ng palasyo. Unti-unting nagsituluan ang mga luha ko.
"A-Ako 'to! Si Helena! Ako si Helena!" Naiiyak na sambit ko.
Mabilis na nagsilapitan sa akin ang mga gwardya nang mapansin ako. "Bata! Bawal dito!" Pagsuway nila sa akin.
Hindi ko sila pinansin at nanatili lang ako sa harap ng gate.
"N-Noah! Noah! Nandito ako! Papasukin niyo ako! Ako ito! Si Helena!" Pagtawag ko sa kapatid ko.
Umaasa akong lalabas ito at papapasukin ako. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang inaakto ng mga gwardya at taga bantay sa akin.
Siguro ay nasa ilalim sila ng isang mahika kaya hindi nila ako naalala. Pero sigurado akong makikilala ako ng nag-iisang kapatid ko. Makikilala niya ko.
"N-Noah!" Muling pagtawag ko.
Nilapitan na'ko ng mga gwardya at inalayo nila ako sa gate ng palasyo.
"Bawal nga sabi rito bata!" Inis na sambit sa akin ng isang gwardya.
"H-Hindi niyo naiintindihan! A-Ako 'to! Ang reyna! Si Helena!" Pagmamatigas ko.
Hindi nila ako pinakinggan at nanatili nila kong hinila papalayo.
"Wag kang manggulo ngayon sa palasyo bata. Hindi pa handa si Haring Noah na tumanggap ng mga bisita." Biglaang sambit sa akin ng gwardya.
Natigilan ako sa sinabi nito. Hindi ko napansin na iniwan na pala nila ko matapos nila kong hilahin papalayo sa palasyo.
H-Hindi ko maintindihan. Naguguluhan ako.
A-Anong nangyayari?
Nanlalabo ang paningin ko nang tumingin ako sa nanginginig kong mga palad.
Walang nakakaalala ng pangalan ko. Pinaalis nila ako sa tirahan ko. At ni hindi man lang nila ko hinayaan makita ang nag-iisang kapatid na meron ako.
I-Isa lang ba tong panaginip? Isang masamang panaginip?
K-Kung gano'n ay sana ay magising na 'ko. A-Ayoko ng maranasan to.
Walang tigil ang pagtulo ng mga luha ko. Hanggang sa mamukhaan ko ang isang taong naglalakad sa kalayuan.
Tila mabilis na gumaan ang pakiramdam ko at nakaramdam ako ng pag-asa. S-Sigurado akong natatandaan niya pa ako.
"E-Evan!" Malakas na sambit ko.
Bumilis ang pagtibok ng puso ko nang tapunan ako ng tingin ng lalaking tinawag ko. Habol-habol ko ang hininga ko nang makalapit ako sa kaniya.
"H-Hindi ko alam ang nangyari- hindi nila ko maalala- walang nakakaalala sa akin-" Sunod-sunod na sambit ko.
Kahit hinihingal ako ay pilit ko pa ring sinabi ang lahat kay Evan. Muli sana akong magsasalita nang tignan ko siya.
Mabilis na nawala ang pag-asa na meron ako nang matauhan ako sa tingin ni Evan.
Tuluyan na akong nanlumo at naglaho ang ekspresyon ko sa mukha. Kasabay ng pagpatak ng ulan ay ang paglandas ng mga luha ko sa mga mata. Kasabay ng paglamig ng paligid ay ang pagwala ng natitirang init sa puso ko.
Para akong nanghina sa narinig at tuluyan ng huminto sa paggalaw ang mundo.
"P-Pasensya ka na. Saan ba kita nakita? Hindi kita naalala."
•••