PINAHID ko ang mga luhang pumatak sa aking mga mata. Nanginginig ang mga labi ko. Pakiramdam ko ay may nakadagang bato sa aking buong pagkatao.
"Umalis na kayo, Berting." Pigil din ang galit na nakita ko kay Don Diego.
"Don Diego, parang awa n’yo na. Huwag n’yo po kaming paalisin ni Moon..." Agad na nataranta si itay. "Ibabalik po namin lahat ng mga ninakaw niya." Pagkasabi no'n ay sapilitang tinanggal ni itay ang sapatos na suot ko, dahilan upang matumba ako sa bilis at lakas niya. Tapos ay agad na kinuha ang mga paper bag na nagkalat sa sahig. Marahan niyang inilapag ang mga iyon sa paanan ni Don Diego.
Saka ko lang naunawaan ang lahat.
Napapikit ako pigil ang luha, galit at paghihimagsik. So ako pala ang nagnakaw ng mga iyon?! Ang akala ko ay mabuting tao si Jasper. T*ngina niya, hindi ko inakalang masahol pa siya sa hayop! Binilhan niya ako ng mga damit, mga sapatos, para sa huli ay tawaging magnanakaw?! Lintik niya! Hindi ko mapigilan ang poot na namamayani sa dibdib ko.
Gayon na lamang ang gulat ko nang hilahin ako ni itay upang mapadapa sa harapan ni Don Diego. "Humingi ka ng tawad, punyet* ka! Wala akong anak na magnanakaw!" Halos mahalikan ko na ang sahig. Para akong aso. Parang isang basahan lang ako sa harap nilang lahat. Nanghihina ang buong katawan ko. Pilit lumalaban ng isip ko ngunit ang katawan, ang damdamin at buong kalamnan ko ay tila kandilang nauupos sa ilalim ng napakatinding sikat ng araw.
Pag-angat ko ng aking ulo ay nanginginig na lumabas sa bibig ko... "W-Wala a-akong n-nina... n-nakaw...!" Muli kong naramdaman ang hagupit ni itay sa katawan ko. Patayin na niya ako! Pero hinding-hindi ako aamin sa kasalanang hindi ko ginawa! Kailanman ay hindi ko inisip magnakaw. Kahit nagugutom kami ni inay noong iniwan kami ni itay ay hindi kami nang-agaw ng pag-aari ng iba!
"Stop it!" malakas na sigaw ang narinig ko. Tatlong pares ng mga paa ang naaninag ko. "Mang Berting, tama na!" Ang boses na iyon. Kahit hindi ko tingnan, alam kong galing kay Jasper. Pinigilan niya si itay?! Huh! Hindi ba't siya ang may gusto nito? Siya ang dahilan kaya nagkalasog-lasog ang katawan ko sa mga oras na ito!?!
"Sir Jasper, kasalanan ng anak ko. Kailangan niyang humingi ng tawad--"
"Tama na! Hindi n’yo siya kailangang saktan ng ganito..." Hayop ka! Nagbabait-baitan ka pa sa harap ng tatay ko? Ang kapal mong g*go ka! "Pinapatawad ko na siya!" Hindi ko mapigil ang sarili na mag-angat ng tingin para makita ang reaksiyon ng hayop na si Jasper. At gusto kong matawa dahil titig na titig siya sa akin na parang naaawa at gusto akong ipagtanggol. May pumatak na luha sa isang mata ko kaya agad akong yumuko. Kinagat ko ang labi ko sa tindi ng pagpipigil ko na bumulahaw ng iyak. Pinapatawad niya ako sa kasalanang hindi ko ginawa? Lintik! Awang-awa ako sa sarili ko.
Nabigla ako nang may dalawang kamay na humila sa akin upang makatayo. Ipinikit ko na lamang ang mga mata ko at inihanda ang sarili sa mga susunod pa'ng sakit na ipapataw sa katawan ko. Lumaban ako't hindi, wala rin naman akong magagawa.
Narinig ko ang marahang pagpinid ng pinto. Sa isang silid kung saan ako mas masasampal ni itay. Doon sa walang pipigil sa kanya.
"M-Moon, I'm really sorry..." Napadilat ako nang marinig ang boses ng lalaking dahilan ng mga parusang nararanasan ko ngayon.
"J-Jasper!" Nangangatal pa rin ang boses ko ngunit nagawa kong lagyan ng diin ang mahinang sinabi ko.
Natigilan siya. Agad na dumiretso ng tayo. Sumandal ako sa malambot sa sofa kung saan niya ako dinala. Lumaylay ang mga kamay ko sa magkabilang gilid at kusang napatingala ang ulo ko upang kahit saglit ay makaramdam ng kaginhawahan na nasa likod ko. Nakapikit ang aking mga mata at bahagyang nakabuka ang bibig.
Sa pagpikit kong iyon ay sumagi ang mukha ng mga magulang ko. Si itay at inay noong bata pa ako. Masaya pa kami. Buo pa ang pamilya ko. Ramdam ko ang pagmamahal nila sa akin. Para bang panghabang buhay kami na masaya. Pero kalokohan ang lahat ng iyon! "T*ng-ina walang nagmamahal sa 'kin!" Humihingal ako sa paghahanap ng hangin. Pakiramdam ko ay mapipigtal ang hininga ko anomang oras.
"Bullsh!t this is all because of me!"
Dinig na dinig ko ang boses ng g*go! Mapait akong tumawa sa aking sarili. May konsensiya na ba siya? Bakit niya ako inilayo kay itay? Naawa ba siya? Ngayon naintindihan niyang kaya pala akong patayin ng sarili kong ama?
Siguro dala ng pamamanhid ng aking utak. Sa pinagsama-samang kamalasan na nangyari sa akin buong araw. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Hinila na ako ng matinding pagod.