PAGBALIK ko ay wala sila Sir Jas at Yvonne. Nag CR din kaya? Narito pa rin naman ang mga pinamili namin kanina at may mga plato pa ng dessert na hindi nagagalaw. Inilibot ko ang paningin ngunit hindi ko sila makita, kaya't nagpasya na lang akong maghintay.
Magdadalawang oras na ako sa loob ng restaurant na ito. Ibinigay na sa akin ng waitress ang bill at wala akong perang puwedeng ipambayad sa mga kinain namin.
"Hindi ka puwedeng umalis hangga't di mo binabayaran iyan!" Pahayag ng waitress habang nakatingin sa hawak kong resibo nang magpaalam ako para hanapin sina Sir Jas. "Sinabi na kasi sa ‘yo na umalis na si Mr. San Huwes at Mam Yvonne!" Kanina pa niya pinagpipilitan na iniwan na ako ng dalawa pero hindi ako naniniwala. "Ikaw nga raw ang magbabayad niyan! Kung ayaw mo, tatawag na kami ng pulis!" Pinagtitinginan na ako ng mga taong naririto at pakiramdam ko ay lulubog ako sa lupa dahil sa kahihiyan.
"Hindi nga gagawin ni Sir Jasper ang sinasabi mo!" tumaas na rin ang boses ko. Nabigla pa nga ang waitress dahil totoo kong boses ang lumabas sa bibig ko. Hindi ko alam kung dahil sobra na akong napapahiya o dahil hindi ko matanggap na iniwan nga ako nina Sir Jas.
"Kung ayaw mong magbayad, tatawag na kami ng pulis!" Pagkasabi no'n ay tumalikod na ang mataray na waitress at pagbalik ay may kasama nang sekyu! Akala ko pa naman tunay ngang pulis.
Mahaba-habang paliwanagan din ang nangyari pero walang gustong maniwala sa akin. Lintik na buhay ito! Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. May cell phone naman ako kahit luma na kaso hindi ko alam kung sino o kanino ako tatawag. Kung kay itay, malamang sermunan pa ako no'n. Hindi ko naman alam ang numero ni Sir Jas.
Nagulat ako nang hilahin ako ng sekyu. Sa laki ng palad niya, siguradong magkakapasa ang braso ko. Nakasunod pa rin sa amin ang mataray na waitress. Naiinis na ako sa kanya at gusto ko siyang ilubog sa kumukulong mantika.
Namataan kong pinasok namin ang loob ng kitchen. Agad nagkumpulan ang lahat ng mga mata sa akin. Hinila pa ako palapit sa nakasaradong pinto. Pagbukas ay napakalaking lababo, sandamukal na plato, baso, kaserola at mga planggana.
"Hugasan mo ang lahat ng iyan! Hindi ka aalis hangga't hindi mo natatapos iyan!" Ang taas ng kilay niya at iniwan ako sa dishwashing room.
Nagtaas baba ang dibdib ko. Tinanong ko ang aking sarili kung totoo ba na iniwan talaga ako nina Sir Jas. Para pagbayarin ng mga kinain namin at para maghugas ng mga plato! Lintik, napakasama naman!
Ang masakit pa, wala man lang gwantes na maisusuot. Ang tapang ng sabon nila rito kaya nangangalahati pa lang ang nahuhugasan ko ay sobrang hapdi na ng mga kamay ko. Parang nakikita ko ang mukha ni Sir Jas sa bawat platong niluloblob ko sa tubig. Nakangisi at nakatingin sa akin. Sinadya niya sigurong gawin ito. Pero bakit? Ano'ng naging kasalanan ko sa kanya?
Dalawang oras bago ko tuluyang natapos ang maruruming hugasin. Maging mga kaserola na inis-is ko ay napakintab ko. Yun nga lang, nagkabutas-butas yata ang mga daliri ko. At ang sakit ng likod ko!
Pinayagan akong umuwi, pero nang-uusig ang mga mata ng mga empleyado sa loob ng restaurant na iyon. Nilamon ko na lang ang hiya ko, may magagawa pa ba ako?
Bitbit ang pinamiling mga damit at sapatos ay nagsimula na akong maglakad pabalik. Noong naghagis ng kamalasan ang kung sinoman ay siguradong naroon ako. Kung bakit wala man lang akong dala ni piso sa bulsa! Obligado tuloy akong maglakad pauwi. Gusto ko nang mainis sa lahat ng nangyayari pero pilit kong kinakalma ang loob ko.
Masakit na ang mga kamay ko, masakit pa ang paa ko na natapilok kaninang umaga. Nang may mamataan akong bench ay naupo muna ako upang tanggalin ang suot na sapatos. Tama nga ang hinala ko dahil namamaga na ang paligid ng bukong-bukong ng paa ko. May bumabara na sa lalamunan ko pero umiihip na lang ako ng hangin paulit-ulit para maibsan ang sakit na nadarama ko.
Tutal naman ay binilhan ako ni Sir Jas ng sapatos, bakit hindi ko isuot ito ngayon pauwi? Hindi na ako nagdalawang-isip at isinuot ang bagong rubber shoes. Sh!te ang sarap ng pakiramdam nang suotin ko iyon. Kahit hindi ko na halos maitapak sa lupa ang isang paa ko dahil sa sprain ay natuwa naman ako dahil sa ginhawang dala ng bagong sapatos.
Nasa harap na ako ng napakalaking tarangkahan ng mansyon. Napangiti ako kahit tagaktak ang pawis ko dahil sa wakas ay nakauwi ako. Grabe ang pagod ko sa araw na ito. First job, first day, na puno ng kamalasan.
Ang akala ko ay tapos na ang kalbaryo ko nang pagtapak ko sa loob ng mansyon ay salubungin ako ng sampal ni itay. Sa sobrang lakas ay parang nabingi ang tainga ko. Hindi pa man ako nakakarecover ay isa pang sampal ang dumapo sa mukha ko. T*ngina ang sakit, parang sasabog ang utak ko!!!
"I-Itay, b-bakit po?" nanginginig na lumabas sa bibig ko. Bumagsak sa sahig ang mga bitbit kong paper bag.
Sa halip na sagutin ako ay dinuro ako ni itay. At sinipa ang binti ko. Nakagat ko ang labi ko dahil parang namanhid ang buong katawan ko. Napaluhod ako.
Pilit akong pinatatayo ni itay pero para akong naging lantang gulay. Gustong sumabog ng dibdib ko. Gustong lumaban. Gustong ipagtanggol ang sarili. Pero paano? Napakahina ko! Unti-unting nangilid ang mga luha ko.
Mariing hinawakan ni itay ang braso ko. "Saan ka galing punyet* ka? At bakit mo ninakawan si Sir Jasper? Manang-mana ka sa nanay mo." Mahina lang ang pagkakasabi ni itay na parang ayaw niya na may makarinig, ngunit madiin ang bawat salita. Nakakabingi!
Napalunok ako nang makita ko si Don Diego na pababa ng hagdan. Seryoso ang mga tingin. Napadiretso ng tayo si itay. At yumukod. "Don Diego, patawarin n’yo po si Moon. Sabik po siya sa mga bagay na wala kami kaya niya nagawang magnakaw!"
Hindi ako makapaniwala. Gusto kong sabihing hindi ako magnanakaw. Wala akong ninakaw! Lintik! Bakit hindi ako makapagsalita? "Lumuhod ka sa harap ni Don Diego..." Bumulong si itay sa akin. "Humingi ka ng tawad, t*ng-ina ka!"
Matapang akong tumingin kay itay kahit nakaluhod na ako. "H-Hindi ako magnanakaw." Nagawa kong sabihin kahit hirap ang kalooban ko. Napakalakas na batok ang ginanti niya na halos sumubsob ako sa sahig.
"Ang boses mo!" mahina niyang wika sa likod ng tainga ko. "Nakalimutan mo na bang lalaki ka? Punyet*, umayos ka! Sige, humingi ka ng tawad!"
Napapikit ako. Bakit ako hihingi ng tawad? Wala akong ninanakaw! Hindi ako kumibo.
"Berting, paalisin mo na lang dito ang anak mo." Pahayag ni Don Diego na parang naiirita ang boses.
"Don Diego, patawarin n’yo na po si Moon." Halos lumuhod si itay na nakadaop pa ang mga palad.
Nagulat ako nang hilahin niya ako palapit kay Don Diego at isinubsob sa sahig. Gusto ko nang pumalahaw ng iyak. Pero pigil na pigil ako.
Pag-angat ko ng aking ulo ay may nakatingin pala sa akin mula sa ibaba ng hagdan. Si Sir Jasper na galit ang mga mata. Para niya akong hinuhusgahan sa mga tingin niya. Kaya kahit ayoko, kusang pumatak ang pinipigil kong mga luha.