Caia's POV
Pagkatapos ng mahabang pananahimik at pag-iisip kung ano ba ang dapat kong gawin upang magpaalam ay umayos ako ng upo upanh masimulan na ang mga dapat kong sabihin.
Ayokong mang-iwan sa ere, 'yung bigla na lang mawala at paasahin na isang araw ay babalik pa ako sa pagsusulat... ayokong paasahin 'yung mga taong walang ginawa kundi suportahan at mahalin ang mga likha ko. Ayokong paghintayin ang sino man sa bagay na alam kong walang kasiguraduhan, wala kasing kasiguraduhan ang pagbabalik ko. Alam kong sa estado ko ngayon ay hindi lang basta simpleng pamamahinga ang kailangan ko, hindi iyon sasapat, sinubukan ko na, maraming araw na ang lumipas ngunit wala pa rin akong maisulat. Hindi panandalian ang pag-alis na gagawin ko, kundi mukhang permanente na talaga.
Nag-umpisa akong mag-type sa social media account na gamit ko.
Nagpasalamat ako sa mga mambabasa sa pagsama ng mga ito sa akin sa lungkot at saya, sa pagbibigay ng mga ito sa akin ng inspirasyon, suporta, paniniwala ng mga ito sa talento ko at sa mainit na pagtanggap hindi lang sa mga kuwentong ginawa ko, kundi pati na rin sa akin mismo kahit pa nga hindi naman talaga ako kilala ng mga ito at hindi ko inihahantad ang mukha ko.
Ngunit habang ginagawa ko iyon ay hindi ko mapigilan ang malungkot, maapektuhan at maging emosyonal.
Who wouldn't be?
Pagkatapos kong i-post iyon ay nag-out din ako kaagad at binuksan namang muli ang writing application na gamit ko sa mga akda ko, nagbasa-basa ako, may inayos at may mga binagong eksena sa kuwentong aking ipinangako na tatapusin.
Nang makuntento na ako ay pinindot ko ang select all, kasunod ang publish button upang mag-automatic na magpa-publish ang lahat ng nasa draft para sa partikular na kuwentong iyon.
Pagkatapos kong makita na successfully publish na ang isang chapter ay ibababa ko na sana ang telepono ko at hihintayin na lang sana na matapos na ma-publish lahat, ngunit napasigaw ako sa gulat dahil sa pakiramdam na para ba akong nahuhulog at bumubulusok pabagsak.
Napapikit ako nang mariin at napasinghap nang malakas noong maramdaman ang pagbagsak ko sa matigas na sahig at nasaktan.
"Sh*t," mahinang mura ko.
Dumilat ako pero sa gulat ko ay wala na ako sa kuwarto ko kundi nasa labas na ako… at nakaupo sa sementadong kalsada?
“Kaya naman pala masakit."
Natigilan ako.
Pero teka nga... nasaan ba ako?
Pinagpag ko ang kamay ko bago tumayo, inilibot ko ang paningin ko dahil parang pamilyar sa akin ang lugar na hindi ko mawari.
Naguguluhan na nagpalinga-linga ako.
Paano akong napunta rito gayong nasa kuwarto ako sa pagkakaalala ko at nag-publish pa nga ako ng isang chapter sa isinusulat ko?
Naikurap-kurap ko ang mata ko.
Naalala kong bigla ‘yung nangyari sa akin nung minsan na tumatakbo ako sa ulanan, pagkatapos ay parang bigla akong napunta sa ibang lugar… sa gitna ng highway at ito rin mismo ang lugar na iyon, sigurado ako.
Hindi ko na nga lang iyon inisip pang muli dahil hindi naman na naulit pang nangyari at inisip ko na lang din na baka dahil sa kaguluhan lang ng isipan ko sa paghihiwalay namin ni Timmy kaya kung ano-ano na lang ang pumapasok sa utak ko na eksena kahit na hindi naman totoo.
Pero f*ck… bakit nangyari ulit at nandito na naman ako?
Ibig bang sabihin ay totoo rin talaga ang nangyari sa akin noong minsan?
Is this some part of my wild imagination? Kakabasa, kakaisip, kakapanuod at kakasulat ko ng kung ano-ano? Pero bakit parang totoong-totoo? Pati nakaramdam din ako ng sakit kanina kaya sigurado akong hindi ako nananaginip.
Ngunit upang makasigurado ay kinurot-kurot ko na rin ang sarili ko.
Sa pagkamangha ko ay nakaramdam ako ng sakit.
F*ck, this is real! But where the hell is this place?
Umikot ako at luminga-linga.
Hindi ko alam kung nasaan ako pero parang napakapamilyar talaga nitong lugar sa akin bukod sa rito rin ako napunta nung minsan.
Kinagat ko ang labi ko, hindi malaman ang gagawin.
Paano na nga ba ang ginawa ko dati?
Nag-isip ako nang nag-isip, ngunit hindi ko matandaan kung ano ang eksaktong ginawa ko noon kaya pumikit na lang ako nang mariin.
Ngunit sa gulat ko ay nakarinig ako nang malakas na busina kaya napadilat akong muli, nakita ko na paparating ang isang sasakyan... katulad na lang din noong nangyari noong minsan.
Umahon ang kaba ko nang mapagtanto na tila nauulit nga ang nangyari noong minsan na akala ko ay halusinasyon ko lamang.
Pumikit na lamang akong muli, nagbabakasakali na pagdilat ko ay makabalik na ako sa kuwarto kung nasaan ako kanina pero hindi nangyari ang nais ko dahil naroon pa rin ang ingay ng busina na lalo pang lumalakas dahil mukhang malapit na ito sa akin.
Idinilat ko ang mata ko at sa inis ko ay naroon pa nga rin talaga ako.
D*mn it. Where the hell is this f*cking place and what should I do?
Nilingon ko ang sasakyan.
Napamura akong muli sa isip ko.
Nanigas ako at nanlalaki ang mata na nanatiling nakatayo sa puwesto ko dahil sa kaba, malapit na talaga ang sasakyan sa akin, sa sobrang pagkabangenge ay hindi ako makakilos at tila ba nagpapakamatay na naghihintay na lamang na salpukin ng sasakyan.
Pumikit ako at gano'n na nga lang ang ginawa, naghintay... pero sa gulat ko ay wala akong naramdaman na sakit katulad ng pagbagsak ko kanina sa sahig.
Dumilat ako.
Tinignan ko ang mga braso, binti at mga daliri ko pero wala akong mahagilap na dugo, sugat o kahit na gasgas. Wala ring masakit sa akin.
What the f*ck was that?
Unti-unti ay nilingon ko ang sasakyan na dapat ay babangga sa akin.
Naroon ito sa gawing likod ko kanina at nakalampas na sa akin.
Pero paanong nangyari 'yon? Paanong nangyari gayong saktong pagpikit ko ay sasalpok na ito sa akin?
Sh*t. Huwag mong sabihing may kapangyarihan ako? Superpowers? Nagiging invisible ako?
Naputol ang pag-iisip ko at napaatras na lang ako nang bumaba at lumabas ang isang lalaki na naka-business suit pa sa sasakyan na magara.
Hindi lang ito basta lalaki.
Guwapo. Matangkad. Mukhang mabango. At mukhang mayaman. Perfect na pang-fictional character ang datingan at porma.
Pero nakakunot ang noo nito at tila namamanghang nakatingin sa akin.
"W-What the hell are you?"