Episode 3

1871 Words
Chapter 3 Flor Hindi pa man tuluyang lumilipas ang init ng inis ko kay Norwen dahil sa mga sinabi niya kanina sa kusina, biglang kumalabog ang gate sa labas. Napatigil ako sa pagwawalis sa sala, habang si Norwen naman ay parang walang pakialam, nakasandal lang sa upuan, hawak ang kanyang laptop. Para bang may sinusuri siya. “May bisita ka yata,” mahina kong sabi, pero hindi siya sumagot. Maya-maya, bumukas ang pinto at dumungaw ang isang pamilyar na boses. “Norwen? Anak?” Halos tumigil ang t***k ng puso ko nang makita ko kung sino ang pumasok—sina Dr. Diego Beltran at Dra. Elizabeth Beltran, ang mga magulang niya. Magkatabi silang pumasok, parehong maayos ang bihis, pero halatang nagmamadali. “Nako, nandito ka na pala!” bulalas ni Dra. Elizabeth, halatang nagulat nang makita ang anak. “Akala namin nasa Las Palmas ka pa. Hindi ka naman nagpasabi na uuwi ka, kaya hindi namin napagsabihan si Flor.” Bahagyang tumayo si Norwen, malamig ang ekspresyon, walang bakas ng saya o lambing sa muling pagkikita nila. Humalik lang siya kay Dra. Beltran at mariing sinabi, “Wala namang dapat ipaalam. Umuwi lang ako dahil kailangan. Dapat nga hindi ko i-give up ang career ko sa Amerika. Kaso dahil kailangan umuwi ako." Ramdam ko ang bigat ng tono niya. Walang halong pagka-miss—puro pader lang ang itinayo niya sa pagitan nila. Si Dr. Diego, na halatang nais gawing magaan ang sitwasyon, lumapit at tinapik sa balikat ang anak. “Anak, mas maganda ang career na naghihintay sa'yo rito. Pero mabuti at nandito ka na. At least, magkakasama tayo ngayon.” Hindi sumagot si Norwen. Umupo lang siyang muli, ibinaba ang laptop sa center table at tumingin sa akin, habang hawak ko ang walis tambo. Sandali lang ang tingin niya, pero parang sinasabi na huwag akong magsalita. Ako naman, parang hindi alam kung saan lulugar. “Ah, Flor!” tawag agad ni Dra. Elizabeth, kaya napatingin ako sa kanila. “Matagal na naming gustong makilala niyo ni Norwen ang isa’t isa. Siguro naman nagkakilala na kayo.” Bahagya akong ngumiti, kahit kabado. “Magandang umaga po, Dr. Beltran, Dra. Beltran,” bati ko. “Opo, nagpakilala na siya kagabi na anak ninyo.” Napansin kong tumingin si Norwen sa akin nang may halong sakit sa mga mata. “Daddy, Mommy,” sabat niya, mabigat ang tinig, “hindi ko inaasahan na ang taong nakatira sa bahay ko ay mapagkakamalan pa akong magnanakaw.” Sandaling natahimik ang paligid, pero agad ding natawa ang mag-asawang Beltran. “Hijo,” sabi ni Dra. Beltran habang nakangiti, “kasi naman, hindi uso sa’yo ang tumawag man lang. Paano kang hindi mapagkakamalan, eh bigla-bigla ka na lang sumusulpot dito?” Si Dr. Beltran naman ay umiling na may halong biro. “Kung tumatawag ka kasi kahit paminsan-minsan, hindi ka sana napagkamalan ni Flor na magnanakaw.” Bahagya kong inangat ang ulo ko nang marinig ko iyon. Para bang biglang bumigat ang hangin sa pagitan naming lahat. “Pag-usapan na natin ang kasal ninyo,” mahinahon pero mariin ang sabi ni Dra. Beltran. May lambing ang ngiti niya, pero dama ko ang bigat ng bawat salita. Napatigil ako. Parang biglang tumigil ang mundo ko. Kasal? Ngayon na agad? Mabilis kong tiningnan si Norwen, umaasang makikita ko sa kanya ang parehong pagkabigla na nararamdaman ko. Pero ang sumalubong sa akin ay ang malamig niyang titig—parang wala siyang interes, para sa kanya ay isang abala lang ang lahat ng ito. “Naku, Dra.,” pilit kong ngiti at mahinahong sagot, “baka masyado pong maaga para—” Pero hindi ko naituloy ang salita ko dahil biglang nagsalita si Dr. Beltran, medyo nakangiti. “Hindi naman, Flor. Mas mabuti nang planuhin habang maaga. Ano ba ang gusto ninyong motif? Gold? Silver? Baka gusto ninyo, garden wedding?” Ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko. Hindi ko alam kung dahil sa hiya o kaba. Ang totoo, wala pa akong naiisip na kahit ano tungkol sa kasal. Sa dami ng nangyayari, hindi ko pa nga maisip kung handa na ba ako talaga. Pero bago pa ako makasagot, mariing pumutol si Norwen. “Hindi ngayon,” malamig at matalim ang tono ng boses niya. “Pag-usapan natin ’yan bukas. May pasok pa kayo, at siguradong may trabaho rin si Flor. Hindi ba?” Nagulat ako nang sabayan niya ako ng tingin, para bang gusto niyang ipaalala na wala akong karapatang magsalita o sumalungat. Halos hindi ko maigalaw ang labi ko. “Norwen, anak…” mahinahong bawi ni Dra. Beltran, pero halata ang pagkadismaya. Umiling lang si Norwen at ngumisi ng mapait. “Kung ikakasal man kami, hindi ito dapat pinaplano nang minadali habang nagmamadali rin kayo papasok. At sigurado akong may pasok din si Flor, tama ba?” Matalim pa rin ang boses niya, at doon ako lalo pang nahiya. Parang gusto kong lamunin ng lupa. Naramdaman ko ang pagtama ng mga mata ng mga Beltran sa akin. Kahit walang sinasabi, parang naririnig ko ang iniisip nila—hindi ka ba man lang makapagsalita para ipaglaban ang sarili mo? Kahit ako mismo, nagtatanong sa sarili ko: Bakit ako nandito? Kaya ko ba talaga ang lahat ng ito? Pero isa lang ang sagot: kakayanin ko para kay Papa. Para magamot siya at malibre na rin ang pagpapagamot niya. Para sa pangalawang buhay niya, para makasama ko pa siya nang matagal. Baka sakaling sa ganitong paraan, maayos ang pamilya namin na winasak ni Veronica. Ang walang hiyang kabit ni Papa na sumira sa pamilya namin. Kung ang kapalit ng sakripisyo kong ito ay muling pagbuo ng pamilya namin, handa akong magtiis. Nagpaalam na sina Dr. at Dra. Beltran. “Mamayang gabi na lang natin pag-usapan ang tungkol sa kasal ninyong dalawa. Paano, at aalis na kami ng Mommy mo, Norwen,” wika ni Dr. Beltran. Tumango lang si Norwen. Pagkatapos ay bumaling naman sa akin si Dr. Beltran. “Paano, iha, agahan mo ang uwi mamaya. Ihahatid ba dito ni Elena ang triplets?” “Panggabi po ang duty ni Elena, kaya dadaanan ko na lang mamaya ang triplets pag-out ko,” tugon ko. “Sige, isama na lang natin ang mga bata mamaya,” dagdag ni Dra. Beltran. Umalis na silang dalawa at naiwan kaming dalawa ni Norwen. Parang wala siyang pakialam. Tinapos ko ang pagwawalis at pumasok sa aking silid. Kinuha ko ang uniporme ko at inilatag sa kama. Pagkatapos ay nagtungo ako sa banyo. Pagkatapos kong maligo at maayos ang sarili, lumabas ako ng silid suot ang malinis kong uniporme. Isinabit ko muna ang basa kong tuwalya sa likod ng pinto bago tuluyang lumabas. Huminga ako nang malalim, umaasa na baka wala na si Norwen sa sala. Pero pagkabukas ko ng pinto, nandoon pa rin siya—nakaupo sa sofa na parang may hinihintay. Nakapatong ang isang braso niya sa sandalan, kampante ang postura pero malamig ang mga mata niyang nakatuon sa akin. “Anong pinakain mo sa mga magulang ko, Flor?” malamig niyang tanong, puno ng panunuya ang tono. “Bakit parang bigla-bigla na lang gusto nila tayong ipakasal? Nakakapagtaka, ’di ba?” Natigilan ako sandali. Alam kong hindi maganda ang ibig niyang iparating, pero pinilit kong huwag patablan. “Bakit? Sa palagay mo ba may ginayuma ako?” tugon ko, tinatapangan ang boses kahit may kirot sa dibdib. Umiling siya, isang mapait na ngiti ang gumuhit sa labi. “’Di naman malayo, eh. Simula’t sapul, ang galing mo talagang magpanggap. Aba, pati mga magulang ko, napaikot mo.” Napasikdo ang dibdib ko. “Hindi ko sila iniikot, Norwen! Kung meron mang nagmamalinis dito, hindi ako iyon!” Bigla siyang tumayo, mabigat ang bawat hakbang papalapit. “Talaga lang, ha? Eh, bakit gano’n? Lahat ng sinasabi nila, ikaw ang bida. Ikaw ang mabait. Ikaw ang nararapat. At ako? Ako na anak nila, para bang wala akong kalayaan na pumili kung sino ang mapapangasawa ko! Noon pa man, kahit nasa America ako, ikaw na lang lagi ang bukang-bibig nila.” Nanikip ang lalamunan ko, pero hindi ako nagpatinag. “Siguro kasi nakikita nila ang totoo! Ikaw na anak nila, pero parang ikaw pa ang laging walang pakialam. Ako, kahit hindi ko sila dugo, pinapakita kong may malasakit ako. Kaya siguro mas kampante sila sa akin kaysa sa ’yo!” Tumawa siya, malamig at puno ng panunuya. “Desperado lang siguro sila kaya nagustuhan ka. Kung anu-ano na lang kasi ang ginagawa mo para lang makuha ang loob nila. Pero kung iniisip mong balang araw mamahalin kita, nagkakamali ka, Flor. Hindi ko kailanman magugustuhan ang isang babaeng marunong lang mang-manipula.” Parang tinuhog ng kutsilyo ang puso ko. “Hindi ako umaasa, Norwen! Kung akala mo gano’n kadali akong hawakan, nagkakamali ka. Oo, gusto ng mga magulang mo na magpakasal tayo. Pero hindi ibig sabihin noon, ikaw ang mundo ko. Hindi ikaw ang habambuhay kong pangarap!” Napakuyom siya ng kamao. “’Yan ang problema sa’yo, Flor. Masyado kang magaling magsalita. Akala mo hindi ko alam ang isang katulad mong babae? Ang swerte mo naman—pinaaral ka na ng mga magulang ko, libre pa ang tinutuluyan mo at pati hospital bill ng ama mo, sila ang nagbabayad. Tapos ngayon ipapakasal ka pa sa akin. Pero huwag kang pakampante!” “Na ano?!” singhal ko, halos hindi na mapigil ang luha. “Na kahit anong gawin ko, hinding-hindi ka matutong magbigay ng kahit kaunting respeto? Lagi ka na lang nanunuya, lagi mong iniinsulto ang pagkatao ko. Hindi mo man lang maisip kung gaano kasakit iyon para sa akin? Hindi mo pa ako kilala, pero kung humusga ka, gano’n na lang kadali sa ’yo!” Natigilan siya saglit, pero agad ding bumalik ang lamig ng tinig niya. “Kung nasasaktan ka, kasalanan mo na ’yon. Hindi ko hiningi na pumasok ka sa buhay ko. Hindi ko rin hiningi na paboran ka ng mga magulang ko. Pero ito lang ang masasabi ko—hindi ako magiging mabait na asawa mo, Flor. At hindi madaling tanggapin na ikasal ako sa isang babae na tulad mo.” Nakangiting mapait akong sumagot. “At ako rin, hindi ko hiningi na mapasama sa mundo mo. Kung tutuusin, ikaw ang dapat magpasalamat—dahil kahit ang sungit at yabang mo, may nagtiyaga pang intindihin ka. At wala akong balak magtiis habambuhay para sa’yo. Kung magpapakasal man ako sa’yo, hindi iyon para sa akin.” Natahimik ang paligid. Pareho kaming nakatayo, parehong galit, parehong sugatan ng mga salitang binitawan. Pero sa kabila ng lahat, ramdam ko—hindi lang galit ang namamagitan sa amin. May kung anong damdaming pilit niyang itinatago, at ako… pilit kong nilalabanan. Bigla siyang gumalaw. Mabilis. Parang kidlat na biglang lumapit. Bago ko pa namalayan, halos magdikit na ang ilong namin, ang init ng hininga niya ay sumasalubong sa akin. Napakapit ako sa pader, nanginginig ang tuhod, pero nanatili akong nakatingin sa mga mata niya. “Akala mo ba, Flor, na sa lahat ng ginagawa mo… makukuha mo ang puso ko? Huwag kang umasa. Oo, malapit ka—pero tandaan mo, mas malayo ka kaysa sa iniisip mo.” Pagkasabi niya, tumalikod siya at dumiretso sa kusina. Naiwan akong nakaawang ang labi, hindi makapaniwala. Kung akala niya masisindak niya ako… nagkakamali siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD