Chapter 16 - Deal?

1830 Words
“Elyang, Este Liza.” Pasimpleng tinawag ni Lloydie sa dalaga habang naghuhugas ito ng pinagkainan nila at siya naman ay nagpupunas ng mesa. “Bakit?” Agad na napalingon siya sa binata. Tila may kailangan ito na pabor kaya naman napakalambing boses nito. Naalala pa niya noon sa probinsiya kapag may kailangan ito ay parang napakabait nito. “May kailangan ka? Huwag pera kasi wala pang suweldo,” sabi pa niya rito. Naisip niya na baka mangungutang ito. “Sayang. Manghihiram pa naman sana ako.” Napayuko pa ito at huminto sa paghuhugas ng plato. “Timing ka naman sa tagtuyot. Kapag palapit na ang suweldo ay paubos na rin budget ko. Magkano ba?” pag-aalala niyang tanong. Baka naman hindi ganoon kalaki ang kailangan nito at mapahiram niya. “Biro lang naman. Pero may hihilingin sana ako.” Mabilis na pinunasan ni Lloydie ang kamay niya at hinatak ang silya sa tabi ni Liza. “Upo ka,” sabi ni Lloydie rito. Pagkatapos ay hinatak din niya ang isa pang silya para maupo sa tabi nito. “Ano naman ang hihilingin mo?” usisa ni Liza ngunit saglit na tumahimik si Lloydie. Iniisip kasi nito kung paano sisimulan ang sasabihin. Alam niyang magre-react ito nang todo sa itatanong niya. Kaya naman kailangan niyang ikundisyon muna ito. “Ano kasi. May nakiusap kasing makikituloy muna sa bahay nat—,” sabi ni Lloydie na agad namang pinutol ni Liza. “Ano? May makikituloy sa atin? Sino? At bakit? Taga saan? Kilala ko ba iyan? Bakit daw makikituloy?” sunod-sunod na tanong ni Liza. Napapakamot na lamang ang binata rito. Kahit kailan talaga ay nauuna ang usisa nito kaysa makinig. Kung sabagay. Hindi pa ba siya nasanay? “Grabe ka naman. Isa-isa lang. Malalagutan ka ng hininga sa ginagawa mo,” sabi nito at muling huminto sa pagsasalita. Bubuwelo muna siya bago siya tadtarin nitong muli ng mga tanong. “Okay lang ba sa’yong makituloy ang kaibigan ko? Pansamantala lang naman.” Napaisip si Liza. Sinong kaibigan ang tinutukoy ng binata? Bukod sa kaniya ay isa lang ang kaibigan nila sa probinsiya—si Selya. Pero alam niyang malabong pumunta ng maynila ang babaeng iyon dahil galit iyon sa mga taga maynila. Lalo na sa ex-boyfriend niyon na niloko lang iyon. “Sino ba ang tinutukoy mo? Hindi naman si Selya, ‘no?” Agad na umiling si Lloydie. “Hindi siya. Alam mo namang hindi iyon pupunta rito. Lalaki ang kaibigan ko.” Lalong naguluhan si Liza. Kung lalaki ang kaibigan niya na makikituloy sa kanila at mag-isa lang siyang babae ay hindi puwede. May tiwala siya kay Lloydie pero sa ibang tao ay wala. “Sino? Katrabaho mo?” Agad na umiling si Lloydie. “Hindi,” sagot ng binata. “E, sino nga?” Bahagyan nang nauubos ang pasensiya niya rito. Hindi pa kasi sabihin kaagad. Kilala man niya o hindi ay mabuting malaman niya kung sino. Mahirap na magpatira ng mga taong hindi naman nila kilala nang lubusan. “Si Aldred,” saad ni Lloydie. “Ang baklang bakulaw? Ang mayabang na kapitbahay? Ang buwiset na lalaking iyon? Friends kayo?” sunod-sunod na namang sambit ni Liza. “Kailan pa kayo naging friends?” Naguguluhan na talaga siya. Bakit ito makikitira ganoong nandiyan lang naman ang bahay nito sa tabi ng bahay niya. “Basta friends kami,” napapakamot sa ulo na sagot ni Lloydie. “Actually, hindi naman kayo magkakasama rito sa bahay.” Mas naguluhan pa siya sa sinabi ng binata. Paanong hindi siya titira doon? Bahay niya iyon. “No. Hindi puwede. No way!” buong tangging sabi niya rito. “Pumayag ka na. Kawawa naman ‘yong tao. Emergency lang daw.” Todo-todo ang iling niya nang may kumatok sa gate nila. Agad na sinilip ng dalawa ang labas at nakita nila si Aldred. Mabilis na lumabas ng bahay si Lloydie at pinapasok ang binata. Kumindat pa ito at sumenyas ng okay na. “Hep! Saan ka pupunta?” Papasok na sana si Aldred dala ang maleta nang harangin siya ni Liza. “Sa loob. Bahay ko na ‘to. Bakit?” Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito at agad niyang hinatak si Lloydie sa ilalim ng puno. “Anong nangyayari, Loy? Hindi naman ako pumayag. At saka saan siya matutulog? Sa tabi mo?” pabulong na tanong niyo kay Lloydie habang pasilip-silip sa binatang nasa pinto ng bahay niya. Nakaupo sa maleta nitong akala mo ay sa abroad pupunta at pagkalaki-laki ng dala. “Pumayag ka na kasi. Actually ang offer niya ay sa bahay niya ikaw titira. At kami muna rito. Emergency raw kaya pumayag na ako.” Mas lumaki pa ang mga mata ni Liza sa sagot nito. “What? Pumayag ka? Bahay ko ‘to, e,” laylay ang balikat na napalingo na naman siya sa binata. Kumaway naman ito na para bang wala na siyang magagawa kung hindi ay pumayag. “Anong gusto mo? Tatlo tayong titira dito o sa bahay ka muna niya?” Naiiling si Liza. Daig pa niya ang pinalayas sa sarili niyang bahay. Napapapadyak pa siya bilang protesta sa desisyon ni Lloydie na hindi man lang siya kinonsulta. Wala na siyang nagawa kung hindi ay papasukin ito, “tuloy ka.” Pumasok naman ang binata dala ang maleta nito. Pinatuloy niya ito sa stock room. Hindi niya alam na kaya pala nilinis ni Lloydie ang kuwartong iyon ay para sa binata. Ang akala niya ay sinisipag lang itong maglinis. Iyon pala ay may hidden agenda. “Thank you. I will enjoy my stay here,” mapang-asar na ngiti ang ibinato ni Aldred sa dalaga. Napanguso naman ito. Pinatuloy na nga niya ang binata ay nagawa pa siyang asarin nito. Katulad ng nabanggit ay ibinigay ni Aldred ang susi ng bahay niya at tinulungang maghakot ng mga damit niya. Nang matapos ay naupo silang tatlo sa may ilalim ng puno. Isang buwan ang hiningi niyang pagkakataon para masigurong maniniwala ang kapatid niya na hindi na siya nakatira doon. “Ano? Isang buwan kang titira sa bahay ko?” Halos umakyat na ang dugo ng dalaga sa ulo sa inis. Bakit parang siya pa ang kailangang mag-adjust para dito? Umiwas naman si Lloydie sa sermon ng dalaga at kunwari ay kukuha ng maiinom. “Gawa lang ako juice, merienda natin.” Tinitigan lang niya ito ng nanlilisik niyang mga mata kaya naman nanakbo ito sa loob ng bahay. Bumaling siya sa binata. “Ano ba kasing emergency ‘yon?” tanong niyang muli rito. “Basta. Malalaman mo na lang.” Hindi ipinaliwanag ni Aldred ang tungkol sa iniiwasan niyang kapatid. Sigurado siyang wala pang isang linggo ay malalaman na nito ang tungkol doon dahil pupunta si Sarah sa bahay niya. Napatigil si Liza sa pagtatanong nang matitigan niya ang mukha ng binata. Wala na ang pasa nito sa mukha at magaling na ang labi nito. Napalunok siya nang mapako ang mga mata niya sa labi ng binata. Kahit mahangin sa labas ay pinagpapawisan siya. Nang mag-angat siya ng tingin sa mukha nito ay nagtama ang mga mata nila. Pakiramdam niya ay parang may nagtatambol sa dibdib niya. Agad na umiwas siya ng tingin dahil sa nakapapaso nitong titig. Sinaway niya ang sarili sa mapangahas niyang pagtitig sa labi ng binata. Gusto pa nga niyang kusutin ang mga mata niya para lang maalis sa isip niya ang labi nito. “May kailangan ka pa? Gusto ko na kasing magpahinga,” tanging nasabi niya sa binata. “Wala naman,” sagot naman ni Aldred. Tumayo siya at naglakad palapit sa pinto. Tangkang papasok na siya sa loob nang hawakan siya sa braso ng binata. Nagsimulang magrambol na naman ang dibdib niya. Kulang na lang ay lumabas ang puso niya mula sa dibdib niya. “B-bitiwan mo nga ako. Magpapahinga na ako.” Naisip niya na mabuti na lamang at nakapaghapunan na siya bago pa ito dumating. “Saan ka pupunta?” Natauhan siya nang lingunin niya ang pinto ng bahay niya. “Oo nga pala,” sabi niya at tinapunan niya ng alanganing ngiti ang binata. Pagkatapos ay mabilis na lumabas ng gate at nagtungo sa bahay nito na bahay na niya sa loob ng isang buwan. Napangisi naman si Aldred dito. “Buwiset. Naisahan yata ako. Bahay ko ‘yon. Bakit parang ako pa ang napatalsik?” sambit niya nang buksan ang pinto ng bahay ni Aldred. Sinamaan pa niya ito ng tingin nang lingunin niya ang binatang nakangisi pa rin sa kaniya. “Tseh!” angil niya pagkatapos ay pumasok na sa loob at pabalyang isinara ang pinto ng bahay. “Si Liza?” Nagkasalubong sa pinto ng bahay ni Liza sina Aldred at Lloydie na dala ang juice na tinimpla nito sana para sa kanila. “Umuwi na.” seryosong sabi ni Aldred. Kumibit-balikat na lang si Lloydie na ibinalik sa loob ang pitsel at ipinatong sa mesa. “Feel at home.” Tumango naman si Aldred dito. Nang mapag-isa sa kuwarto nito ay binuksan niya ang laptop niya para silipin ang report sa coffee shop. Pansamantala niyang binilinan ang staff niya na sa email ipadala ang report at sinunod naman ito ni Teresita—ang assistant niya. “So, one month po kayong mawawala?” usisa ng assistant niya. Nakaabang din naman ang iba pang staff sa isasagot niya. “Yes. While I’m gone, please take care of the shop and I’ll be watching you guys sa cctv para hindi ko kayo ma-miss,” sabi niya sa mga ito. “Paano naman kami, Sir? Mami-miss ka namin. Hindi ka namin makikita ng isang buwan.” Natawa siya sa mga ito. Nagpaalam siya na mag-a-out of the country siya para iyon ang idahilan ng mga ito sakaling dumalaw si Sarah doon. Dala rin niya ang malaking maleta kaya naman mukhang totoong malayo ang pupuntahan niya. At iyon ay para na rin makaiwas sa mausisa niyang assistant lalo pa at hindi ito makapupunta sa bahay niya para dalhin ang report. Hindi naman mapakali si Liza. Naaamoy niya ang binata sa kuwarto nito. Kung bakit ba kasi basta na lang siyang pumayag at hindi niya ipinaglaban pa nang todo ang desisyon niyang hindi pagpayag sa pagtira ni Aldred sa bahay niya. Hindi man lang din niya nasabihan muna si Luisa. Naisip niya na baka hanapin siya nito kaya naman tinawagan niya ang kaibigan. “O, napatawag ka? Na-miss mo ‘ko, ‘no?” makulit na sagot ni Luisa nang tumawag siya. “Sira may sasabihin lang ako. Baka kasi hanapin mo ‘ko,” sabi niya rito. “Ah, okay lang. Hindi kita hahanapin. Nabanggit sa akin ni Lloydie na sa kabilang bahay ka muna titira. Puntahan na lang kita bukas.” Hindi makapaniwala si Liza na alam din ng kaibigan niya ang nangyari. “Alam mo?” buong pagtatakang tanong niya. “Oo.” Nailing na lang si Liza sa sagot nito sa kaniya. Mukhang napagkaisahan siya ng tatlong ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD