“Mag-iisang linggo nang hindi siya umuuwi,” saad ni Liza sa sarili nang mapasulyap sa katabing bakod. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito. Maayos na naman ang sugat nito sa labi. Ngunit naiisip niya kung paano kapag naulit ang nangyari dito?
Halos isang linggo na simula nang mapansin niya na hindi na umuuwi ang baklang bakulaw na kapitbahay niya. Kung nasaan man ito ay hindi niya alam. Curious siya sa kung ano nga ba ang nangyari dito pero wala naman siyang lakas na tanungin ito. Wala rin naman sa bokabularyo niya ang mangialam sa buhay nito.
Ngunit tila kulang ang sigla ng araw niya na nitong mga panahon na hindi niya ito nakikita. Huling kausap niya rito ay nang isauli nito ang first-aide kit niya. Tila ba walang nangyari sa binata kung mangulit ito. Para bang wala lang ngayon dito ang pasang inabot nito nang araw na iyon.
“My loves, salamat dito. Hindi ko talaga matiis ang kaguwapuhan ko. Ayaw na ayaw mong may bangas ang mukha ko,” naalala pa niyang sabi nito.
“As if naman. Tseh!” As usual ay tinarayan na naman niya ito.
Ngunit ngayon ay parang gusto niyang bawiin ang pagtataray niya rito. Gusto niyang baguhin ang sagot niya. Pero naalala niya na babaero nga pala ito. Nalilito na naman siya. Nalinlang na naman siya ng sarili niyang nararamdaman.
“Oy, tulala ka na naman,” pukaw ni Luisa sa dalagang kanina pa tila nagmumukmok sa may upuan sa ilalim ng puno. Tila malalim ang iniisip.
“Ako? Hindi kaya. Nagpapahinga lang ako. Nakita mo ang mga nakasampay na iyan? Nilabhan ko lahat ‘yan. Nakakapagod kaya,” buong tangging sabi nito sa kaibigan at saka umayos sa pagkakaupo.
“Weh? E, washing machine naman ang ginamit mo sa paglalaba ng mga iyan.” Natatawa si Luisa sa sinabi nito na para bang napagod ito sa pagpasok ng mga damit sa washing mashine.
“Oo kaya, ‘no. Nakakapagod maglaba. Lalo na kung mas marami pa ang damit mo sa damit ko. Parang dito ka na nga nakatira sa dami ng labahan mo. Lumipat ka na rin kaya rito?” angil nito. Hindi naman siya nagrereklamo. Gusto lang talaga niyang sagutin ang isang ito dahil pinakikialaman ang pagtulala niya.
“Puwede bang lumipat? Para mapalapit na ako kay pogi at kay Lloydie?” malokong sabi nito.
“Iyan. Diyan ka magaling. Matuto ka munang maglaba bago ‘yang landi-landi.” Ngumuso si Luisa at tinitigan siya mula ulo hanggang paa.
“E, ikaw? Bakit ka nagmumukmok? At isa pa, best, napansin ko lang, a. Simula nang hindi na umuuwi iyang si pogi ay lagi ka na lang tulala.” Nakapameywang pa si Luisa habang tila iniimbestigahan siya nito.
“Umamin ka nga. Nami-miss mo siya ‘no?” Agad na bumusangot ang mukha niya upang ipakita ang hindi pagsang-ayon sa sinabi nito sa kaniya.
“Hindi ‘no! Bakit ko naman siya mami-miss?” Isang sarkastikong halakhak ang inilabas ng bibig ni Luisa. Pagtanggi pa lang nito ay halatang-halata na kaya naman ginisa pa niya itong lalo.
“Talaga lang, a. Kaya pala kanina ka pa sulyap nang sulyap sa kabilang bakod. Kulang na nga lang ay sugurin mo na ang bahay niya.” Napatayo siya at humalukipkip para kontrahin ito.
“Ang OA mo sa sulyap nang sulyap. Napatingin lang ako once,” taas ang kilay na saad ni Liza. Ngumisi lang si Luisa rito dahil hindi ito kumbinsido sa sinasabi niya. Kahit na itanggi pa ni Liza ay lahat ay kilalang-kilala naman na siya ni Luisa kaya hindi siya makapagkakaila rito.
“Sige lang. I-deny mo. Wala namang mawawala sa’kin. Sa’yo meron,” sabi pa nito.
“Ano namang mawawala sa akin? Kung hindi naman talag—,” saad niya na biglang natigil sa pagsasalita ang dalaga nang putulin ito ni Luisa.
“Hi pogi!” Agad siyang napalingon sa direksiyon kung saan nakatingin si Luisa. Si Aldred lang naman ang tinatawag nitong pogi kaya naman mabilis pa sa alas-kuwatro ang paglingon niya. Ngunit dismayadong mabilis na napabaling siya sa mapaglinlang niyang kaibigan.
“Aray! Bakit ka ba nambabatok!” hihimas-himas sa ulo na sigaw ni Luisa nang lumipad sa ulo nito ang kamay ni Liza.
“May kuto! Hindi ko nakuha. Lumipad yata,” pagdadahilan niya sa inis sa kalokohan ni Luisa pagkatapos ay padabog na pumasok siya sa loob ng bahay at iniwan ang kaibigan sa labas.
“Kailan pa kaya nagkapakpak ang kuto? Paano makalilipad ‘yon?” tanong nito da sarili.
Kakamot-kamot pa sa ulo na napalingon sa bagong dating na binatang si Lloydie. Ito ang namalengke ngayong araw nang mag-isa. Habang hindi pa ito nakalilipat ng tirahan ay naroon pa rin siya tumutuloy sa bahay ni Liza. At toka niya sa pamamalengke ngayon.
Pabor din naman kay Liza ang may kasamang lalaki sa bahay kaya ayaw na rin sana niya itong pahanapin ng malilipatan. Bukod sa naaasahan niya itong kahati sa gastusin at upa sa bahay ay may instant bodyguard at bantay siya sakaling may magtangkang pumasok muli sa bahay niya.
“Sinong kausap mo?” usisa ni Lloydie sa dalagang nagkakamot ng ulo.
“Ha? Ikaw. Ikaw ang kausap ko,” pagsisinungaling na sabi nito.
“Ako?” naguguluhang tanong ni Lloydie samantalang kararating lang naman niya at tila kanina pa ito may kausap dahil naririnig niya ito nang makalapit siya sa gate.
“Oo ‘no. Sabi ko, bakit ang tagal mong mamalengke?” Iniba na lamang niya ang sinasabi kaysa magpaliwanag mula sa simula kung bakit siya nagsasalitang mag-isa.
“Lika na nga. Tulungan na kita.” Kinuha niya ang isa sa mga plastic na hawak nito at pumasok na sa loob diretso sa kusina.
Pinag-iisipan naman ni Aldred kung lilipat ba siya ulit ng bahay o kung ano ang gagawin niya. Hindi pa siya handang maging kuya muli kay Sarah at hindi niya alam kung kailan siya magiging handa. Basta ang alam niya ay muling sumariwa ang mga pangyayari noon.
“P’re, kung ayaw mo pang umuwi ay okay lang naman. Kahit dito ka na nga tumira ay ayos lang din. Kaya lang ay alam ni Sarah ang bahay ko,” saad ni Miko. Doon siya tumutuloy kapag nalalaman ni Sarah kung saan siya nakatira.
“Although hindi naman siya nagagawi rito ay baka puntahan ka niya kapag nalaman niya,” dagdag pang sabi nito.
“Hindi pupunta rito ‘yon.” Sigurado siyang hindi iyon pupunta roon dahil ilang ulit na niyon binasted ang binata. Hindi nito tipo si Miko kaya kompiyansa siyang hindi iyon magagawi sa bahay nito.
“Pero, ano palang plano mo?” pag-aalalang tanong nito sa kaniya. Napapaisip din naman siya kung ano nga ang gagawin niya. Nami-miss na rin niya ang bahay niya.
“Hindi ko alam. Bahala na.” Wala pa siyang kongkretong plano. Ngunit may naisip na siya na hindi niya alam kung magwo-work ba. Kahit naman kasi lumayo siya ay matatagpuan pa rin siya ni Sarah.
Nang sumunod na araw ay nagdesisyon na siyang umuwi ng bahay. Alam niyang isang porsiyento lang ang posibilidad na gagana ang naisip niya. Pero hindi niya malalaman hangga’t hindi niya susubukan. Buo na rin naman ang loob niya na gawin ang plano niya.
Nang makarating sa lugar niya ay hindi siya dumiretso sa bahay niya kung hindi ay sa gate ng kabilang bahay. Kumatok siya sa gate ng bahay ni Liza. Eksakto namang nasa balkonahe ang dalaga at tanaw siya nito.
Tila lumukso ang puso ni Lisa sa excitement nang makita niya ang binata. Nakapagtataka lamang na nasa gate ito ng bahay niya ngayon. Kung ano ang kailangan nito ay mukhang mahalaga dahil pagbalik na pagbalik pa lang nito ay sa bahay niya agad ito tumuloy para mambubulabog.
Nais niyang alamin kung ano nga ba ang kailangan nito kaya naman inayos niya ang sarili bago magdesisyong harapin ang binata. Patayo na siya nang makita niyang lumabas na si Lloydie. Hinarap nito ang binata. Mukhang seryoso ang dalawa sa paghaharap ng mga ito.
Nag-usap ang dalawa na para bang may seryosong bagay na pinag-uusapan. Halos nagtagal din nang ilang minuto iyon. Hindi na niya pinuntahan ang dalawa. Sa halip ay naupo na lamang siya sa sofa pagkababa niya. Nang lingunin niya ang bintana ay nasili niya na tapos na ang pag-uusapa ng mga ito at tila may napagkasunduan ang mga ito.
“Anong kayang pinag-usapan nila?” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang mga ito. Nakita na lang niya na nagkamayan pa ang dalawa.
“Anong meron?” pa-simpleng usisa niya nang makapasok si Lloydie sa loob ng bahay.
“A, wala. Nakipagkuwentuhan lang,” sagot naman ni Lloydie sa kaniya.
“Ganoon ba kayo ka-close para magkuwentuhan?” bulong ni Liza. Hindi siya convinced na nakipagkuwentuhan lang si Aldred dito. Ano naman ang pagkukuwentuhan ng dalawa? Bukod sa hindi pa magkakilala ang dalawa nang lubusan ay wala siyang maisip na puwedeng pakuwentuhan ng mga ito.
Tumango lang si Liza dahil ayaw na niyang mag-usisa pa. Baka mamaya ay isipin pa nitong nakiki-marites siya sa pinag-usapan ng dalawa. Pero totoo naman. Curious siya sa kung ano man ang napagkasunduan ng mga ito. Hindi naman din siguro basta na lang nagkamayan ang dalawa.
Pumasok naman si Aldred sa loob ng bahay nito. Nagligpit na ito ng gamit at nag-empake. Katulad ng plano nito ay kailangang matigil na ang pagpunta-punta o pakikipagkita ni Sarah dito. Ayaw nitong dumating ang panahon na kamuhian lang nito ang kapatid nang tuluyan. Gusto rin naman nitong magkasundo sila pero hindi pa sa ngayon.
“Saan siya pupunta?” Makalipas ang pananghalian ay nakita ni Liza na lumabas ng bahay si Aldred dala ang maleta nito.
“Magbabakasyon?” Napailing si Liza sa iniisip. Masyado na yatang inokupa ni Aldred ang isip niya at pati ba naman ang mga pansarili nitong buhay ay napapansin niya.
“Tseh, makapaglinis na nga lang.” Inayos niya ang mga libro niya sa istante at nagbunot-bunot na rin siya sa kuwarto niya. Papagurin na lang niya ang sarili kaysa isipin ang taong wala namang ambag sa buhay niya.