“YOU ARE so mean,” sabi ko nang ilapag ni Mattie sa harap ko ang butter cookies na kakaahon lang mula sa oven. Nasa bahay namin siya nang araw ng Linggong iyon, pinakikialaman ang oven ni Mommy. Ang mommy ko ay nasa bahay nila at tinutulungan ang mommy ni Mattie sa paggawa ng meatloaf. May order kasi si Ninang. Kung mahusay sa cakes at cookies ang mommy ko, mahusay naman si Ninang Martinna sa pagluluto. Sikat na sa lugar namin ang kanyang homemade meatloaf. Dahil abala sa pagiging full-time mother kina Mattie at Andres, hindi gaanong tumatanggap ng order si Ninang Martinna. Ngunit ngayong lumalaki na ang kanyang mga anak, unti-unti na rin niyang pinagtutuunan ng pansin ang business. Hinihikayat ni Mattie ang ina na magpatayo na ng restaurant o catering service. Nginisihan ako ni Mattie.

