Khylle's Pov: Naramdaman ko ang pagkunot ng noo ko nang makita ang papalapit na liwanag. Mabagal na lumalapit iyon sa akin at tila ba ay gusto akong ialis sa kadilimang paulit-ulit na lumulukob sa akin. Ramdam ko ang kagustuhan kong abutin ang mapang-aakit na liwanag, gustong-gusto kong hawakan iyon. At nang tangkain ko ay kaagad ko namang nagawa, kasabay nang pagliwanag ng buong paligid ko hanggang sa maitaboy niyon ang kadiliman. Magaan ang buo kong katawan, iyon ang una kong naramdaman bago ang malambot na kama na sumasalo sa kabuuan ko. Binati rin ako ng pamilyar na amoy ng ethynol, hindi pa man ako nagmumulat ng mga mata ay mukhang alam ko na kung nasaan ako. Sa tagal ko sa propesyon ko ay naging eksperto na ako sa pagtukoy sa kinaroroonan ko sa pamamagitan ng pag-amoy sa paligid.

