“SAAN kaya nagpunta si Edmon?” tanong ni Leah nang makarating kami sa dorm. Malapit nang magdilim nang makauwi kami. Marami kaming tinapos na activities at sabay-sabay din kaming natapos sa mga meetings namin sa clubs maliban kay Philip na naiwan pa dahil sa meeting niya sa Student Council Office.
“Baka naman pumuslit lang siya palabas ng school, tapos ginamit niyang excuse ‘yong family emergency,” saad naman ni Princess.
Tahimik lamang ako habang pinakikinggan ang mga sinasabi nila, at gaya nila’y napapaisip rin ako kung saan nga ba nagpunta si Edmon.
“O kaya naman tumakas siya gamit ‘yong mga sikretong labasan dito.” Tumayo para harapin sila.
“Masyadong mahigpit ang Blackwood para sa mga outsider, kaya walang sikretong labasan na sinasabi n’yo.” tumango naman silang lahat na parang ngayon lang nila nalaman ‘yon.
“Paano kung nawawala ngang talaga siya?” Napatingin naman kaming lahat kay Maxine. Abala ito sa pagbaasa ng libro. Seryoso at hindi man lang tumitingin sa amin.
“Ano ka ba naman Max, ang creepy mo!” sigaw naman ni Yna kanya.
“Iyan ang napapala mo kababasa ng mga horror book eh,” dagdag sabi ni Jennylyn ngunit hindi na muling nagsalita pa si Max at nagbasa na lamang ng libro.
“Nga pala, wala pa si Philip?” tanong ni Erika atsaka inikiot ang tingin sa buong living room ng dorm namin.
“Nasa kwarto niya, umakyat na.” Napatingin kaming muli kay Maxine. Nakatangin na ito sa amin at hindi na niya hawak ang librong binabasa niya.
“Hindi n’yo ba napansin? Kanina pa siya pumasok do’n, malamang ay abala kayo sa pagkukwentuhan kaya hindi n’yo siya nakita.” Nagtaka ako sa sinabing ‘yon ni Max. nagtinginan kaming lahat sa isa’t isa.
Sa ganoong sitwasyon ay naramdaman ko ang pagtaas ng mga balahibo ko sa batok. Hindi ko ‘yon ipinaalata sa kanilang lahat dahil baka matakot ko sila.
“Sige, puntahan ko lang siya, may sasabihin ako,” pagpapaalam ko sa kanila. Labis pa rin ang aking pagtataka gayong katulad namin ay sobrang abala si Maxine sa pagbabasa at hindi man lang siya tumitingin sa kahit saan, kahit sa amin.
Habang humahakbang ako paakyat ay parang bumibigat ang pakiramdam ko, hindi ko mawari kung dala lamang ito ng pagod ngunit ang mas hindi ko maunawaan ay ang biglaang pagbilis ng t***k ng puso ko.
Muli kong tiningnan sina May, Yna, Jennylyn, Mia, Erika, Princess at Leah na abalang nagku-kwentuhan at si Max na abala nang muli sa pagbabasa. Parang gusto ko ulit na maglakad pababa, o di kaya’y tawagin ang isa sa kanila ngunit tila ba nawalan ako ng kontrol sa mga paa ko at natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakatayo sa tapat ng kwarto ni Philip.
Kakaiba ang kilabot na aking naramdaman nang makita ko ang pinto ng kwarto niya. Pakiramdam ko ay may hindi tama. Ngunit imbis na pairalin ang takot ay nilakasan ko ang aking loob na katukin ang pinto nito.
“Philip? Nariyan ka ba?” Ilang beses akong kumatok ngunit wala man lang sumasagot sa akin. Hinawakan ko ang door knob at laking gulat ko nang mapihit ko ‘yon dahilan para magbukas ang pinto.
“Philip?” Pagtawag ko sa pangalan niya ngunit walang sumasagot. Iginala ko ang paningin ko sa buong silid at gayon na lamang ang pagtataka ko nang wala akong makitang bakas na may pumasok dito.
Sobrang tahimik at linis ng kwarto ni Philip, wala doon ang mga gamit niya sa school, maging ang kama niya ay mukhang hindi man lang nagalaw.
Nang wala akong makitang bakas niya ay napagpasyahan kong lumabas na lamang ng kwarto. Ngunit hindi pa man ako nakakalabas ng pinto ay may biglang marinig ako. Halos atakihin ako sa gulat nang makarinig ang ng paglagaslas ng tubig na nagmumula sa banyo. At doon ay nasiguro kong naroon na nga si Philip.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga atsaka lumabas ng kwarto ni Philip. Pilit kong itinatago ang kaba at takot na naramdaman ko habang bumababa ako ng hagdan. Nakita kong mag-isa na lamang si Max sa salas, marahil ay nasa kanya-kanya nang kwarto ang mga kasama namin.
Dali-dali akong lumapit sa kanya at kasabay noon ay ang pagbukas ng pinto. Tila nabato ako sa kinatatayuan ko nang makita si Philip na naglalakad papasok. Muling binalot ng takot ang buong sistema ko nang mapagtanto kong hindi siya ang nakita ni Max at ang narinig kong sa CR.
“What are you looking at?” Nakabawi ako sa pagkagulat nang marinig siyang magsalita. Kaagad kong tiningnan si Max at laking gulat ko nang makita ang pagtulo ng dugo na nanggaling sa ilong niya. At kagaya ko, tulala rin siya habang nakatingin kay Philip.
“Max!” Kaagad akong kumuha ng tissue atsaka pinunasan ang ilong niya. Natauhan siya at kaagad na pinunasan rin ‘yon.
“What happened to you?” tanong ni Philip sa amin, “What’s wrong?”
Ang kaninang masungit na boses ni Philip ay napalitan ng pag-aalala. Kaagad akong tumingin sa paligid namin. Nasa kani-kanyang room na nila ang ibang kasama namin.
Kaagad kong sinenyasan si Philip na sumunod sa kwarto ni Max. Inalalayan ko si Max habang paakyat. Nang marating namin ang kwarto ni Max ay nagsimula nang magtanong si Philip.
“Now, tell me what happened? And what do you mean na nakita mo ako kanina?” tanong niya sa amin. Nagkatinginan kami ni Max atsaka ako nagsalita.
“Kanina kasi, nakita ka ni Max na umakyat at pumasok sa kwarto mo,” panimula ko, “so sinundan kita ro’n kasi may sasabihin din ako. Pero pagdating ko sa loob ng kwart mo, walang tao, pati mga gamit mo wala.” Naguguluhang tiningnan kami ni Philip. Kitang kita ko ang pagtataka na gumuguhit sa mga mata niya.
“Paalis na sana ako nang marinig ko ‘yong gripo na bumukas sa cr mo, kaya inakala kong naroon ka lamang at nalilgo, kaya hinayaan ko na lang.” Tumigin ako sa kanya ngunit mas lalo lamang na kumunot ang noo niya sa sinabi ko.
“What are you saying?” kunot-noong tanong nito, “kadarating ko lang kanina, noong nakita n’yo ako sa pinto, kauuwi ko lang no’n.”
“Pero—“ naputol ang pagsasalita ko nang sumali sa usapan si Maxine.
“Gwen,” saad nito, “hindi si Philip ang nakita ko kanina,” Natigilan ako sa sinabi ni Max. Kaagad na umakyat ang kilabot mula sa paa hanggang sa ulo ko nang marinig ‘yon mula sa kanya.
“Ang buong akala ko rin ay si Philip ‘yon, nang muli ko siyang makita na papasok sa pinto ng kwarto niya ay nakalutang lang siya sa ere.” Ang kaninang nagtatakang hitsura ni Philip ay napalitan ng seryoso at walang reaksyon na mukha.
“Hindi rin siya ang narinig mong nagbukas ng gripo kanina sa cr.” Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking narinig. Mabilis na ginapang ng takot ang buong sistema ko. Hayun na naman at tila tinatambol na namang muli ang puso ko sa sobrang bilis at hindi ko mabatid kung paano ko ito ibabalik sa normal na pagtibok.
Hanggang sa mag-dinner ay hindi na nawala pa ang hilakbot na nararamdaman ko. Hindi na rin mabura-bura sa isipan ko ang mga katagang sinabi ni Max. bawat salitang binitawan niya ay tila ba namahay na hanggang sa kasulok-sulukan ng utak ko.
“Gwen,”
“Gwen? Ayos ka lang?”
“Gwen!” Tila nabalik ako sa katinuan nang marinig ko ang boses ni Leah sa tabi ko. Tiningnan ko silang lahat, at lahat sila ay nakatingin sa akin, ang mga hitsura’y nagtataka.
“Ayos ka lang ba Gwen? Tingnan mo ‘yang pagkain m oh,” saad pa ni Princess. Kaagad kong tiningnan ang pagkain ko at doon ko nakita ang mga kanin na nagkalat sa paligid ng plato ko at ang ulam kong manok na nagkalat rin sa pinggan ko.
“Ano bang iniisip mo Gwen? Ayos ka lang ba talaga?” tanong muli ni Leah. Pilit na lamang akong ngumiti sa kanila atsaka hinawakan ko ulit ang kutsara at tinidor.
“Ayos lang ako,” nasabi ko na lamang.
Nang matapos kaming kumain ay dumiretso ako sa kwarto ko at doon nagsimulang maglakbay muli ang aking isipan. Muling nagbalik sa utak ko ang naging pag-uusap namin nina Philip at Max. Iyon ang unang pagkakataon na ako mismo ang makaranas ng nakakatakot na pangyayari, at higit sa lahat ay dito pa sa dorm namin. Alam ko na hindi na ito bago sa aming lahat lalo na kay Max, na siyang may third eye, ngunit ang nangyari kanina’y hindi pangkaraniwan.
Karamihan sa nakikita ni Max na ikinukwento niya sa amin ay mga multo ng sundalo, mga matatanda, ngunit ang nakita niya kanina ay multo ng isang estucyante. Iyon ang pangalawang beses na makakita siya ng estudyante at iba pa ito sa una niyang nakita dito sa dorm.
Pinagmasdan ko ang mga balahibo ko sa braso, at doon ko nakita na nakatayo pa rin ang mga ito hanggang ngayon. Hindi ko na pinansin pa ‘yon at nahiga na lamang ako sa kama. Ngunit hindi pa man din ako dinadalaw ng antok ay nakarinig ako ng isang malakas na kalabog. Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga ko.
Nagmadali akong bumangon sa kama nang muli kong marinig ang malakas na kalabog. Tinungo ko ang pintuan at binuksan ang pinto. Nakita ko rin sa labas sina Philip, Yna at Erika.
“Saan nanggaling ang ingay na ‘yon?” gulat kong tanong sa kanila. Kapwa sila ginugusot ang mga mata nila.
“Hindi ko alam, kagigising ko lang,” sagot naman ni Yna habang ginugusot-gusot pa ang mata. Tiningnan ko si Philip at kita ko rin na nakatingin siya sa akin. Pare-parehas kaming nagulat at napasigaw nang may kumalabog muli. Napatingin kami sa pintuan ni Maxine.
“Max!” sigaw ni Philip nang marating namin ang pinto ni Maxine. At doon ay narinig namin ang mga malalakas na pagkalabog.
“Max! Anong nangyayari diyan? Buksan mo ang pinto!” sigaw ni Yna. Pilit na binuuksan nina Philip at Yna ang pinto ni Max ngunit nakalock ito.
Mayamaya pa ay nakarinig kami ulit ng pagsigaw. Boses ‘yon ni Maxine!
“Max! buksan mo ang pinto!” sigaw ko sa kanya ngunit tanging kalabog lamang ang mga naririnig namin. Maririnig di ang mga pagkabasag ng kung ano sa loob, at ang paghagis ng mabibigat na bagay.
“Max open the door!” muling sigaw ni Philip habang pinipilit na buksan ang pinto. Ngunig gayon na lamang ang gulat namin nang malakas na kumalabog ang pinto ni Max dahilan para mapalayo nang bahagya sina Philip.
“F*ck! Get the door key!” sigaw ni Philip. Doon na nagsimulang bumilis ang t***k ng puso ko. Bagamat natataranta ay dali-dali akong bumaba patungo sa kusina at kinuha ang susi ng kwarto ni Max. Nakita ko ring nasa baa na sina Erika at Yna para siguro gisingin ang mga nasa iba pang mga kasama namin.
Nang makuha ko ang susi ni Max ay patakbo akong nagtungo sa taas para ibigay ‘yon kay Philip. Dali-dali niya itong binuksan upang makapasok kami don.
“Ano’ng nangyari dito?” gulat na tanong ni Leah nang makapasok kaming lahat sa kwarto ni Max. Gulat kaming iginala ang tingin namin sa kabuoan ng kwarto ni Max. Nagkalat ang mga unan sa sahig, ang kobre-kama ay magulo ang pagkakalagay at nakalaylay pa sa sahig, ang side table na nawala sa ayos at ang mga figurine na basag-basag sa tapat ng pinto. Nag-iingat kaming lumakad palapit kay Max na nakatalikod sa amin at nakaharap sa bintana ng kwarto niya.
“Max, ayos ka lang ba?” tanong ko habang palapit sa kanya, “May masakit ba sa’yo?”
Akmang hahawakan ko na siya sa braso niya nang bigla siyang humarap sa amin. Bahagya kaming napaatras sa hitsura niya. Magulo ang mga buhok niya at may mga itim sa ilalim ng mata niya.
“Ano’ng nangyari sa kanya?” dinig kong bulong ni Jennylyn sa likod. Katahimikan ang namutawi sa aming lahat. Lahat kami ay nakatingin lamang kay Maxine na kalmado lamang at parang walang nangyari.
“What happened here? What happened to you Max?” Pambabasag ni Philip ng katahimikan. Napatingin ako kay Maxine at naghintay ng sagot pero tanging pagngisi lamang ang ginawa niya. Lalo kaming nagtaka sa ginawa ni Maxine. Hindi ko mawari ang nangyayari sa kanya.
Nang akma ko na siyang hahawakan sa braso ay matalim siyang tumingin sa akin atsaka sinakal ako sa leeg!
“Max!"
"Gwen!” Dinig ko ang sigawan nina Jennylyn. Pinilit kong tanggalin ang pagkakasakal sa akin ni Max ngunit hindi ko ‘yon matanggal. Parang may kung anong lakas ang naroon sa braso ni Max. Unti-unti kong nararamdaman ang pagsakit ng lalamunan ko at ramdam ko na rin ang tila ba pagsasara ng daanan ng hangin sa katawan ko dahilan para unti-unti kong habulin ang aking paghinga.
“M-Max,” hirap kong saad. Ngunit imbis na bitawan ako ay mas lalo pa’ng humigpit ang pagkakasakal niya sa akin hanggang sa hindi na maramdaman ng paa ko ang sahig.
“Max let her go!” Dinig ko pang sigaw ni Philip ngunit parang walang naririnig si Max.
“Mamamatay kayo! Mauubos kayong lahat!” Mas dumoble pa ang kabang naramdaman ko nang marinig ang kakaibang tinig na nagmula kay Maxine. Tila ba may ibang tao na narito at sinabayan siyang magsalita, o ‘di kaya’y may kung ano ang nakahalo sa boses ni Max.
Sinubukan ko uling magpumiglas mula sa pagkakasakal ni Max ngunit sadyang malakas siya at wala akong magawa. Unti-unti na akong nauubusan ng hininga buhat ng pagkakasakal sa akin.
“Nagsimula na sila, hindi sila titigil hangga’t hindi nila kayo napapatay lahat!” naramdaman ko na lamang ang pagbagsak ko sa sahig kasabay noon ang dinig kong pagtawag sa akin nina Mia.
“Gwen!” Tanging ubo lamang ang nagawa ko mula sa pagkakasakal ni Max. Maging sina Philip na nakaalalay kay Max ay hindi ko gaanong maaninag dahil sa panlalabo pa rin ng paningin ko.
“Ano ba ang nangyari kay Max?” dinig kong tanong ni May. Naalalayan nila ako patungo sa kwarto ko atsaka inihiga sa kama ko. Kasama ko sina May, Leah, Princess at Yna.
“Hindi ko alam, pero nakakatakot siya kanina, para siyang sinapian,” napatingin ako kay Yna sa sinabi niya atsaka ako napaisip.
“Ano ka ba Yna, huwag mo ngang sabihin ‘yan, lalo akong natatakot eh,” singhal naman ni May sa kanya.
“Ayos ka na ba talaga Gwen?” tanong ni Yna sa akin. Nginitian ko nalang siya bilang sagot.
“Kailangan na ba nating i-report ito sa admin?” tanong naman ni Leah. Kaagad akong umiling at nagsalita.
“Huwag na lang tayong magsalita. Wala rin namang maniniwala sa atin.” Tila nabatid naman nila ang gusto kong sabihin dahil kita ko ang pagguhit ng takot sa mga mata nila.
Nagdaan ang magdamag na hirap akong makatulog dahil sa nangyari. Hindi mawala sa isipan ko ang nangyari kanina sa kwarto ni Maxine. Ang hindi inaasahang pagkakagano’n ni Max, ang nakakatakot na hitsura at tinig niya kanina, lalo na ang mga sinabi niya. Lahat ng ‘yon ay hindi na nawala pa at nanatili sa aking isipan.