NANG mga sumunod na araw ay pumasok ako na parang ordinaryong estudyante. Biyernes na at ito ang huling araw ng unang linggo namin. Mas pinili ko na lamang na hindi na alalahanin pa ang nangyari noong araw na iyon sa akin.
Nagsimula na ring uminit ang tensyon sa bawat isa sa amin sapagkat nag-uumpisa na ang kompetisyon para sa ranking. Lahat ng mga kaklase ko ay naghahangad na mapaalis kami sa dorm at makapasok sa ranking kaya naman lahat sila ay hindi nagpapatalo sa amin.
Dahil doon ay mas pinagsumikapan ko pang mag-aral para mapanatili ang scholarship at ang rank ko. Gayun din sina Philip at ang iba ko pang mga kasama.
Batid kong alam na rin ng mga transferee ang kompetisyong nagaganap sa section namin kung kaya’t maging sila ay hindi na rin papahuli.
Kasalukuyang break time ngayong umaga at ang karamihan sa mga kaklase ko ay nasa canteen at nagme-meryenda. Naiwan naman kami nina May, Princess at Erika kasama ang iba naming kaklase.
Maya-maya ay nagsalita si May, “Gwen, hindi ka ba naiilang sa mga dati mong kaibigan? I mean, look, narito sila nag-aaral, magkasama pa kayo sa iisang section,” puno ng kuryosidad na tanong niya sa akin.
“Kaya nga Gwen, alam mo, pansin ko rin sila eh, ‘yong tipong gusto ka nilang kausapin pero hindi mo alam kung natatakot o nahihiya sila sa ‘yo,” dagdag pa ni Princess.
Hindi na ako nagtaka o nagulat sa mga tanong nila dahil batid kong maging sila ay mapapansin at mapapansin ang atmosphere at ang gap sa mga transfer student.
“Ano ba kayo, alam n’yo naman ang nangyari sa kanila noon ‘di ba? Nalimutan n’yo na ba ang kinuwento sa inyo ni Gwen?” Napatingin naman kami sa sinabi ni Erika. Nagtinginan pa ang dalawa saka tumingin sa gawi ko.
Nginitian ko sila. “Sa ngayon ay mas mabuti nang hindi ko muna sila kausapin, mukhang maayos naman ang pag-aaral nila rito,” sabi ko.
Ang totoo’y ayokong pag-usapan muna sila, dahil hindi pa ako handa. At nababatid kong ganoon din sila sa akin kaya naman mas gusto kong manahimik na lang muna.
Mas pinili ko ang magbasa na lamang ng mga notes habang pinalilipas ang break time namin. Makalipas lamang ang ilang minuto ay nagsibalikan na ang iba ko pang mga kaklase kabilang na roon sina Philip at Max.
Mayamaya pa ay nakarinig kami ng komosyon sa labas ng classroom.
“Oh my God. . . kawawa naman ‘yung utility,” rinig kong sabi ng isa.
“Oo nga, grabe, nakakatakot din ang itsura niya kanina.”
“Nag-suicide raw yata siya ‘te!” Napalingon kami sa labas ng classroom dahil parami na nang parami ang mga estudyante nagkakagulo roon.
“At ang drinig ko ay doon pa siya natagpuan sa abandoned classroom sa may likod ng building!” Nakaramdam ako ng kaba ng banggitin ang lumang classroom kung saan doon ko nakita ang lalaking nakamaskara.
“Ano raw?” tanong ni Erika. Tumayo si Philip at sumunod naman ako sa kaniya palabas ng classroom. Pati ‘yung ibang kaklase namin ay lumabas para sundan kami.
Nakipagsiksikan kami sa maramig estudyante at para makita ang sinasabi nilang katawan ng nagpakamatay na utility personnel. Hindi pa kami tuluyang nakakalapit sa abandonadong classroom ay halos masuka kami sa napakabahong amoy na nagmumula ron.
“Bawal ang estudyante rito, magsibalik na kayo sa mga classroom n’yo ngayon din!” sigaw ng isang pulis na nakaharang sa mga estudyanteng nagtatangkang lumapit. Pilit kong tinitingnan ang katawan ngunit bigo akong makita ito sapagkat hinila na ako palayo ni Philip.
“Ano kaya ang nangyari?” tanong ni Leah nang makarating kami sa classroom namin, “Ang sabi nag-suicide raw, iyon ang narinig ko, ewan ko kung totoo,” dagdag pa nito.
Maging ako ay hindi kombinsidong nagpakamatay ang lalaking iyon. Baka siya iyong nakita ko noong nakaraang araw sa lumang classroom na iyon.
Pero paano? Bakit siya magpapakamatay kung binalak niya akong patayin noon? Dahil ba dumating si Miah kaya hindi niya naituloy ang balak niya? Pero ang imposible naman yata no’n. Ewan, hindi ko alam kung bakit ba iniisip ko ang mga bagay na ito.
“Huy, may problema ba?” tanong ni Jen dahilan para ako ay mabalik sa reyalidad. “Ang lalim ng iniisip mo, ah, care to share?”
Kaagad akong umiling sa kanila nang makita kong lahat sila ay nakatingin sa akin. “Wala, huwag n’yo na lang akong isipin.”
Nang matapos ang huling subject namin sa umaga ay nagpaalam ako kina Leah na pupunta sa CR. Doon ko inayos ang magulo kong isipan.
Kung hindi ako nagkakamali ay alas-dos ng hapon namatay ang personnel. After lunch ko na-encounter ‘yong taong nagtangka sa buhay ko sa abandonadong classroom. Based on the investigation tatlong araw ng patay ang personnel, at tatlong araw rin ang nakalipas ng mangyari sa akin ang bagay na iyon sa parehong lugar. Nagkataon lang kaya ang mga nangyari?
“Hay naku, Gwen Mari, ano ba itong pinag-iisip mo . . .” bulong ko sa sarili. Napahilamos ako bigla. Tiningnan ko ang hitsura ko sa salamin at kitang-kita sa repleksyon ko ang malalim kong mga mata, tanda ng kakulangan sa pagtulog.
Minadali kong punasan ang aking mukha saka lumabas ng cr. Naglalakad na ako pabalik sa classroom ng mamataan ko sina Bea na palapit sa direksyon ko at nakatingin sa akin. Lahat sila. Huminto ako sa paglalakad ng makalapit sila sa akin.
“Gwen . . .” mahinang sabi no’ng isa.
Tiningnan ko silang lahat. “Anong kailangan ninyo?” tanong ko sa kanila. Hindi ko maikakailang ayoko silang makausap at gusto ko nang umalis sa harapan nila pero mas pinili kong hindi.
Hindi pinalampas ng aking mga mata ang pag-irap ni Bea sa akin. Pero imbis na pansinin iyon ay hinayaan ko na lamang siya.
“Gusto ka naming makausap,” kalmadong sabi ni Cindy. “Please?” pakiusap pa niya.
Tiningnan ko silang lahat. “Okay, now, speak.”
Rinig ko ang pagbuntonghininga ni Angielyn bago siya magsalita, “Kumusta ka na?” tanong niya.
“I’m doing great, you see, alive and kicking. Any more questions?” Kitang-kita ko ang pagbabago ng ekspresyon nilang lahat. Mula sa pagiging kalmado at malambot ay napalitan iyon ng hindi maipintang hitsura. Ramdam ko rin ang inis na nararamdaman ngayon ni Bea na batid kong katulad ko rin ay sabik nang umalis.
“Bakit ka ganyan?” biglang tanong naman ni Chloe. Bahagyang nangunot ang noo ko bago ko siya binalingan ng tingin.
“Anong ganyan?” tanong ko pabalik sa kaniya na kinaasim ng mukha niya.
“Puwede ba, Gwen. Huwag mo kaming paglaruan! Bakit kung makaasta ka sa harapan namin ay parang wala lang kami sa ‘yo?”
“Bea!” sigaw ni Angielyn rito ngunit hindi siya nito pinakinggan.
“No! Kailangang marinig ng magaling nating kaibigan ang nararamdaman natin noong umalis siya nang walang paalam! My God, Gwen! Two years! Two years ang pinagsamahan natin! Tapos nabalitaan lang namin sa iba na bigla kang umalis at lumipat nang hindi nagpapaalam sa amin? Ano‹ng klase kang kaibigan!”
“Kaibigan?” puno ng sakastikong tanong ko sa kanila. “Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng salitang binabanggit mo, ha?”
Tila natahimik silang lahat at napatingin sa akin. Tiningnan ko sila ng diretso sa mga mata.
“Nag-transfer kayo rito para isumbat sa akin ang pag-alis ko? Hindi ba’t ako dapat ang manumbat dahil sa panggagamit na ginawa n’yo sa akin?” nanginginig kong tanong sa kanila. Hindi ko mapigilan ang emosyon ko sapagkat sinasabayan iyon ng mga alaalang isinumpa ko kasama sila.
“Ngayon, ano’ng nararamdaman ang sinasabi mo, Bea? Nanghihinayang ka? Kasi noong umalis ako wala ka nang tagagawa ng assignments at projects n’yo? Gano’n ba iyon?” tanong ko sa kanila, pilit pinapakalma ang aking sarili.
Hindi sila nakapagsalita. Lahat sila ay natahimik sa sinabi ko.
Muli akong nagsalita. “Iyan lang ba ang dahilan n’yo kaya kayo nag-transfer dito?”
“No, Gwen. We are here to settle things with you—” kaagad kong pinutol ang pananalita ni Cindy
“To settle things pero nauna ang sigaw at panunumbat n’yo. Nagpapatawa ka ba?” Hindi ko mapigilang pagtaasan sila ng boses dahil sa inis na nararamdaman ko.
Hindi ko sila makitaan ng sinseridad sa mga sinasabi nila. Mas pinatunayan lang nilang utak ko lang ang talagang habol nila, na hindi nila ako itinuring bilang kaibigan nila.
Matagal na naghari ang katahimikan sa pagitan namin. Pinunasan ko ang mga kumawalang luha sa mata ko. “Matagal na akong tapos sa inyo. Nananahimik na ako kaya lubayan n’yo na ako. Dahil kahit ano pang sabihin n’yo, hinding-hindi na ako papayag ulit na maging parte kayo ng buhay ko.”
Naglakad na ako palayo sa kanila. Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin nila. Nagmamadali akong tumungo sa canteen kung saan naghihintay sa akin sina Leah. Sinigurado kong hindi nila mapapansin ang mga bakas ng pag-iyak ko.
Nang marating ko ang canteen ay naroon na silang lahat, maliban kina Mia at Philip.
Nang makita ako ni Leah ay kinawayan niya ako. “Gwen! here!” sigaw niya pa. Ngumiti naman ako saka nagtungo sa table namin.
“Ang tagal mo, kaya nag-order na kami ng pagkain mo,” sabi ni Jennylyn, umupo na ako sa puwesto ko at nagsimula ng kumain.
Maingay sa canteen dahil maraming tao ngayon, kaya naman mas lalong umingay ang paligid ko dahil nakikipagsabayan sa kaingayan ang mga kasama ko.
“S’ya nga pala, Gwen, may activity tayo mamaya sa English, group activity siya.” saad ni Erika. Tumango naman ako at nagpasalamat sa kaniya.
“Sino kaya ang makakagrupo ko mamaya? Panigurado n’yan paghihiwalayin tayong sampu n’yan,” sabi naman ni May. Tahimik naman akong nakikinig sa kanila habang kumakain.
“Ano pa nga ba, hindi naman tayo puwedeng magreklamo, no,” dagdag pa ni Yna.
“Ikaw, Gwen. Hulaan mo kung sino ang makakagroup mo mamaya,” nakangiting saad ni Leah. “Pusta ako, makakagrupo mo sina Archie at Miah,” nakangisi pa siya habang sinasabi ang dalawang pangalang iyon.
Sa halip na sagutin ay nagkibit-balikat na lamang ako. Nang matapos kaming mag-lunch ay dumiretso na kami sa classroom. Konti pa lamang ang mga tao at may kaniya-kaniyang ginagawa ang mga ito.
“Uy! Guys! Pansin n’yo bang hindi nakakasama nina Joyce si Edmon?” biglang tanong ni Princess. Tiningnan ko naman ang kinaroroonan nina Joreen at totoong hindi ko nga siya nakita.
“Ano ka ba girl. Absent na siya nung isang araw pa!” sagot naman ni May sa kaniya.
Nagtataka naman akong tumingin sa gawi nila Joyce. “Bakit daw siya absent?” tanong ko sa kanila.
“Hindi namin alam, ang sabi naman ni Cedrick ay umalis daw ng school dahil may family emergency, not sure, eh,” sagot ni Erika.
“First week pa lang absent na? Baka i-drop out siya niyan,” saad naman ni Mia.
Ipinagsawalangbahala ko na lamang ang pinag-uusapan nila at nag-concentrate sa pagbabasa ng libro. Maya-maya pa ay nag-time na at dumating na ang teacher namin. Pero imbis na group activity ang ipagawa ni Ma’am Sanchez ay nagbigay siya ng surprise quiz. Ang ibang kaklase namin ay nagulat din dahil hindi sila handa. Pero sadyang mahigpit si Ma’am Sanchez kaya naman wala kaming nagawa kundi mag-take ng quiz.
Nang matapos ang quiz namin ay nagsimulang sabihin ni Ma’am Sanchez ang aming mga scores. “Congratulations to Gwen Mari Tolentino and Volther Philip Echavez, for getting a perfect score on our fifty items quiz today, the rest, keep studying,” sabi nito saka nag-dismiss ng klase.
Nang makalabas ang teacher ay kaagad na nag-ingay ang buong klase.
“Nakakainis talaga ang teacher na ‘yon!” pagalit na sabi ni Marianne. “Ang sabi group activity pero nagpa-quiz? Like what the heck!”
“Easy, girl! Ang sabihin mo, alam na ng isa riyan na magpapa-quiz si Ma’am Sanchez kaya napaghandaan!” malakas na pagpaparinig naman ni Joyce, batid kong ako ang tinutukoy niya.
“Very true! Pabida kasi ang poor girl!” sigaw pa ni Cedrick. Imbis na patulan sila ay nanahimik na lamang ako at nagbasang muli ng libro.
Nang matapos ang last subject namin ay naghanda na kaming lahat para umuwi sa dorm. Pansin ko ang pagtingin ng grupo nina Bea sa gawi namin ngunit imbis na pansinin pa iyon ay ibinaling ko na lamang ang tingin ko sa iba. Nakita ko pa ang pagngiti ni Miah sa akin na siyang sinuklian ko rin ng ngiti.
“Uy, ano ‘yong nakita ko, ha?” pang-aasar ni Leah sa akin. “Nakita ko ‘yon, Gwen Mari!”
Siniringan ko naman siya. “Oh, eh ano kung nakita mo?” tanong ko rito.
“Wala, sabi ko nga wala,” sabi niya pa na may halong pang-aasar.
Nasa ganoon kaming sitwasyon nang biglang pumasok si Sir Reyes sa classroom. Kaagad kaming nag-upuan nang makita namin ang seryosong mukha nito. Nag-greet kaming lahat sa kaniya at tumahimik.
“Good afternoon, Class,” panimula niya, “I have an important announcement.”
Nagsimulang magbulungan ang mga kaklase ko. Maging kami ay nagtatakang nagtinginan at nag-abang ng mga susunod na sasabihin ni Sir Reyes.
Bumuntonghininga pa muna ito bago magpatuloy sa pagsasalita, “Your classmate, Mr. Edmon Mallari, had gone missing three days ago,” saad niya sa buong klase dahilan para magsimulang mag-ingay ang mga kaklase ko.
“Ano raw?” tanong ni Leah, “Hindi ba’t sinabi ni Cedrick ay lumabas siya ng school because may family emergency?”
Nagtaas naman ng kamay si Jerald. “Sir, akala ko po ba ay excused siya dahil may family emergency sa kanila?” tanong pa nito.
“Tumawag ako sa family niya, and they said Mr. Mallari was not with them ilang araw na ang nakalipas ng mag-absent ito,” saad nito na ikinagulat ko.
“And it was also reported at the security outside that they did not see him passing the gate.” sabi pa ni Sir Reyes dahilan para muling umingay ang klase.
Nagtinginan kami nina Philip at Max. Kita ko rin ang gulat sa mga mata nila. Doon na nagsimulang bumilis ang t***k ng puso ko.
Nawawala? Saan naman nagpunta si Edmon?