Chapter 52 Hindi ko alam kung magbubunyi ako sa nangyari dahil bugbog-sarado si Zid nang iwan namin sa lobby. Si Chuck ay panay ang mura habang nagmamaneho. Hindi ko naman siya mapagsabihan dahil puro sumbat ang naririnig ko sa tuwing titingin siya sa gawi ko. Masakit na ang kaliwang palapulsuhan ko dahil nakaposas iyon. Hanggang sa makarating kami sa bahay ay wala akong imik. Halata ko sa boses niya na nakainom siya ng alak kaya pinili ko na lang na manahimik dahil walang patutunguhan kung magsasalita pa ako. Ayoko ng magpaliwanag dahil mas pinaniniwalaan niya ang sinabi ni Zid. Matapos niyang tanggalin ang posas sa kaliwa kong palapulsuhan ay hinawakan niya ang kamay ko at pasimple akong hinila papasok ng bahay. Nagpatianod na lang ako at lihim na humihiling na sana hindi kami makita

