Chapter 19
Dumating ang araw ng biyernes. Kagaya ng nakagawian ay sinundo ako ni Chuck sa opisina. Kasundo niya ang mga empleyado sa kompanya liban na lang kay Paul pati na si Irma na di lang iilang beses niyang nakasagutan. Palagi kasing pumupunta ang huli sa kompanya at di sinasadyang magkita sila ni Chuck.
"Hello, Clint?" wika ko sa kabilang linya nang pababa na kami ni Chuck sa lobby. "Napatawag ka. Nakauwi ka na ba?"
"Yes, mom. Pero may problema po."
"What is it?"
"I need my guitar tomorrow pero naiwan ko po sa resort last week. Can you get it for me? Di ko matawagan si coach, e."
"It's not a problem, Clint, dadaan na lang kami sa mall para bumili-"
"Mom, I want that guitar. Regalo 'yon sa akin ni coach at 'yon ang gusto kong gamitin bukas."
"I'll try." Ibinaba ko na ang phone at nilingon si Chuck. "Naiwan ni Clint 'yong gitara niya sa resort. Nakiusap na kung pwede, e, kuhanin natin."
Kumawala ang ngiti sa labi ni Chuck. "Sure, Sweetheart." Hinawakan niya ang kamay ko nang makalabas na kami sa elevator.
Mag-a-alas sais na nang lisanin namin ang building. Tinatahak namin ang daan patungo sa private resort na pag-aari ng mga magulang ni Chuck nang may madaanan kaming restaurant. Nagpumilit siya na kumain muna kami pero mahigpit akong tumanggi dahil bukod sa nag-aalala ako na baka makita ko na naman ang Lana na iyon ay baka hindi kaagad kami makauwi. Malakas kasi ang ulan at kapag ganito ang panahon ay nagpuputik ang daan papuntang resort.
Kahit nagugutom na ako ay hindi pa rin ako bumaba, hinayaan ko siya na pumasok sa restaurant dahil kausap ko sa phone si Vivienne. Wala pang limang minuto ang dumaan ay nakabalik na si Chuck dala ang tatlong malalaking supot. Naglalaway ako sa amoy ng pagkaing dala niya pero hindi ko iyon ipinahalata. Ibinaba ko na lang ang phone at inayos ang pagkakaupo para makaalis na kami.
Nang makaupo na siya sa driver's seat ay may inabot siya sa aking isang maliit na supot at isang canned juice. "I know you're hungry. 'Yan na muna ang kainin mo. Mahigit isang oras pa ang biyahe natin papuntang resort." Hindi nakaligtas sa paningin ko ang makahulugang ngisi niya. Sh*t! Baka may pinaplano na naman ang lalaking ito. Pasipol-sipol pa siya habang nagmamaneho kaya lalo akong nagtaka.
"BLT sandwich with fries?" Halos tumulo ang laway ko nang makita ang laman ng binigay niyang supot. Mainit-init pa iyon.
"Yup! Favourite mo 'yan, di ba?" Ngumiti siya habang nakatutok ang paningin sa daan. Ini-on niya ang wiper ng sasakyan dahil lumalakas na ang ulan.
"Thanks!" Hindi na ako nag-inarte pa, kinuha ko ang sandwich at kumagat. Ilang linggo rin akong hindi nakatikim nito.
Naubos ko na ang isang sandwich nang mapansin kong nakangiti pa rin si Chuck. Para akong nakonsensiya, hindi ko man lang pala nagawang alukin siya ng pagkain. Kinuha ko ang isa pang sandwich at inilapit sa bibig niya.
"Say ahh," saad ko.
"It's yours, Sweetheart."
Hindi ko siya pinansin bagkus ay hinawakan ko ang baba niya at pilit na pinapabuka ang bibig niya. Nakakahiya kung ako lang ang kakain ng tatlong sandwich na binili niya.
"Chuck naman. Open your mouth."
Sa huli ay ibinuka niya rin ang bibig niya. Napangiti na lang ako habang sinusubuan siya ng sandwich pati na ng fries.
"Anong sabi ni Viv?" tanong niya habang ngumunguya.
"Nagkuwento ng escapades nila ni Jude sa Baguio." Kumagat ako sa hawak kong sandwich.
"Escapades o sexcapades?" Tumawa siya.
"Grabe ka naman." Akma ko na siyang kukurutin pero mabilis niyang nahuli ang kamay ko at dinala iyon sa labi niya para halikan. Parang may dumaloy na kuryente sa buong katawan ko sa ginawa niyang iyon. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Mahigit isang taon na kaming nagsasama ni Chuck. At dapat hindi na ako nakakaramdam nang ganoon sa tuwing hahalikan niya kahit ang dulo ng daliri ko.
Ang alam ko kapag isang taon na ang pagsasama ng dalawang tao ay nawawala na ang spark o kung anumang pakiramdam na mayroon sila sa isa't-isa dahil iyon mismo ang nangyari sa akin matapos ang isang taong pagsasama namin ni Fern. Nawala ang pagmamahal at respeto ko sa kaniya. Ang tanging nagbibigay pag-asa na lang sa akin noon na magpatuloy sa araw-araw ay si Clint.
"I love you, Ligs." Hawak niya pa rin ang kamay ko habang naroon sa manibela ang kabila niyang kamay.
Tumawa ako. "Ang korni mo, Chuck." Sumubo na ako ng fries dahil wala akong balak na patulan ang 'I love you' niya.
"It may sound corny, but that's what I'm feeling, Sweetheart. I won't get tired of saying I love you." Pinisil niya ang kamay ko at muling hinalikan.
"Malapit na ba tayo sa resort?" tanong ko para ilihis ang usapan.
"Thirty minutes more." Binitiwan niya ang kamay ko at hinawakan ang stick shift. Medyo bumilis na ang takbo ng kotse. Humina na rin ang ulan kaya nakatitiyak akong makakauwi kaagad kami. Sana lang hindi maputik ang daan papasok ng resort.
Nakahinga ako nang maluwag nang marating namin ang tulay. Iyon ang palatandaan ko na malapit na nga kami sa resort. Ngunit laking pagkadismaya ko nang mapansing mataas na ang tubig sa ilog. May ilaw kasi sa magkabilang gilid ng tulay kaya kitang-kita ko ang pagdaloy ng tubig habang unti-unting tumataas.
"D*mn! Tumataas na ang tubig." Kasabay ng paghawak niya sa kambiyo ay inapakan ni Chuck ang accelerator.
"Hindi tayo makakauwi," nag-aalalang sambit ko nang makitang umaapaw na ang tubig sa tulay dahil hindi ko na makita ang semento. Bumuhos na rin ang malakas na ulan at halos hindi na makita ang daan. "'Yong gitara ni Clint."
Nanlumo ako nang marating namin ang villa ay hindi pa rin tumitila ang ulan. Mas lalo pa iyong lumakas at may kasama pang pagkulog at pagkidlat. Hindi kami makababa ng kotse sa takot na baka tamaan kami ng kidlat.
"Stay here, Sweetheart. Kukuha lang ako ng payong sa loob."
"Mababasa ka, Chuck."
"Ayos lang."
Bumaba na siya at binuksan ang pinto ng villa. Abot-abot naman ang panalangin ko na sana tumigil na ang ulan. Gusto ko ng makauwi sa bahay.
Mayamaya ay binuksan ni Chuck ang pinto sa gawi ko at iniabot sa akin ang payong. Dala ang bag ay nagpatiuna na akong pumasok sa bahay. Nakasunod naman si Chuck dala ang mga supot ng pagkain.
"Oh my god! Basang-basa ka, Chuck. Maligo ka na at baka magkasakit ka." Kinuha ko sa bag ang panyo ko at pinunasan ang ulo at braso niya.
"I'm okay, Sweetheart."
Matapos mailapag sa mesa ang dala niya ay hinubad niya ang suot na t-shirt. Biglang uminit ang buong katawan ko nang makita ang malapad na dibdib niya. Napaawang ang labi ko nang bumaba pa ang paningin ko. Sh*t! Perpektong-perpekto ang pangangatawan niya na tila nagsusumigaw na masayaran ng mga kamay ko.
Awtomatiko akong tumalikod dahil kakaiba na naman ang pakiramdam ko sa aking sarili. Ilang buwan din na hindi ko nakita ang ganoong hitsura ni Chuck. Nakakatakam. Sh*t!
"I'm sorry," nauutal na wika niya. "Alam kong hindi mo gusto ang pangangatawan ko na puro peklat. I-"
"Please don't say that," kaagad kong sagot at hinarap siya. "You have a great body, Chuck. 'Yan," turo ko sa mga peklat niya sa katawan. "Hindi 'yan kabawasan sa-"
"Sa kaguwapuhan ko?" Humalakhak siya pero naroon ang pait sa boses niya.
Tumango ako. Ayoko siyang kontrahin sa pagkakataong ito. Bumababa ang self confidence niya sa tuwing napag-uusapan ang mga peklat niya sa katawan.
Bigla niya akong niyakap. "Thank you, Sweetheart. Kahit ganito ako, tanggap mo pa rin ako."
Niyakap ko na rin siya. "Maligo ka na. Ihahanda ko na ang mesa para makakain na tayo."
Kinintalan niya ako ng halik sa noo at umakyat na ng hagdan. Pasimple ko namang pinunasan ang luha sa aking pisngi habang nakatingin sa likod niya na tadtad ng peklat. Ang anak ko ang dahilan kaya nagkaroon siya niyon.
Kinuha ko na ang mga supot na may lamang pagkain at pumunta sa dining room. Habang inaayos ko sa mesa ang mga pagkain ay sumagi sa isip ko ang nangyaring aksidente sa kaniya dahil sa pagkaka-kidnap kay Clint. Huling balita ko ay nag-file ng kaso si Fern laban kay Chuck dahil pilit niyang idinidiin ang huli na siyang utak ng pagdukot sa anak ko. Kapag tinatanong ko naman si Clint tungkol doon ay palagi naman niyang sinasabi na wala siyang alam sa ginagawa ng sariling ama. Pinagbabawalan na rin nila ako na makipagkita kay Fern o kahit makipag-usap man lang sa phone.
Matapos kong maihanda ang pagkain ay nagulat na lang ako nang biglang sumakit ang aking dibdib. Naramdaman ko rin ang pagtulo ng likido sa aking tiyan. At nang tingnan ko ay basang-basa na ang suot kong blouse pati na ang blazer. Ilang oras na palang hindi nakadede si baby. Punong-puno na ng gatas at kailangan ko ng i-pump para maibsan ang pananakit ng aking dibdib.
Bumalik ako sa sala para kuhanin ang breast pump sa aking bag pero nadismaya ako nang hindi ko iyon makita. Inilabas ko na ang lahat ng laman ng bag ko pero wala talaga. Napamura na lang ako habang sapo ang aking dibdib dahil masakit na talaga.
Napansin kong pababa na si Chuck sa hagdan. Wala siyang suot na pang-itaas at nakakunot ang noo niya nang tumingin sa akin. "May problema ba, Sweetheart?"
"Nawawala 'yong breast pump. I badly need it right now."
"Stay here. Titingnan ko sa kotse. Baka nalaglag lang."
"No," pigil ko dahil malakas ang ulan sa labas. Kinuha ko na lang ang phone para tawagan si yaya. Sila kasing dalawa ni Clint ang kasama ni baby nang magpunta kaninang tanghali sa office.
"Ma'am?"
"Yaya, nariyan na ba 'yong night nanny?"
"Opo, Ma'am. Kanina pa ho dumating. Narito po ngayon si Mrs.Sayes, nakikipaglaro kay baby."
Ngumiti ako dahil naririnig ko pa ang tawa ni baby sa background. Naririnig ko rin ang tunog ng gitara.
"Sinong naggigitara?"
"Si Clint po. Tumawag po kasi si Sir Charles at sinabi kay Clint na 'yong gitara niya ang gamitin para bukas dahil hindi kayo makakauwi."
Napatingin ako kay Chuck na pangiti-ngiti sa puno ng hagdan. Sh*t! Parang pinagkaisahan nila ako ng anak ko. Pwede naman palang gamitin ang gitara ni Chuck, pinapunta pa kami rito.
"May napansin ka bang breast pump kanina sa opisina, yaya? Wala kasi sa bag ko."
"Ay naku po, Ma'am, pinaglaruan po iyon ni Charlen kanina no'ng lumabas kayo sa office. Ibinigay po kasi ni Clint para tumigil na sa pag-iyak. Pagdating po namin dito sa bahay saka ko lang napansin na nasa stroller pala. Ipapadala ko sana kay Ernie pabalik sa office pero sabi ni Clint huwag na raw."
Lihim akong napamura matapos kong maibaba ang phone. Masakit na talaga ang dibdib ko. Hinubad ko na lang ang suot kong blazer at sinapo ang aking dibdib saka umakyat na ng hagdan.
"Saan ka pupunta, Sweetheart?"
"Maliligo muna ako. Kumalat na ang gatas sa tiyan ko. Wala 'yong breast pump, nadala pala ni baby pauwi sa bahay."
Ngumisi siya na para bang tuwang-tuwa sa nalaman. "Would you like me to help you with that? I could," tumigil siya sa pagsasalita at umusli ang nguso na parang batang gustong dumede. Inirapan ko lang siya at tumuloy na sa itaas.
"Baka lagnatin ka, Sweetheart," pahabol pa ni Chuck. "Nakakalagnat 'yan kapag hindi nakakalabas ang gatas. Ikaw din ang mahihirapan. Bukas pa tayo makakauwi dahil hindi makakadaan ang kotse sa tulay. Umapaw na ang tubig sa ilog."
Narinig ko pa ang pagtawa niya pero hindi ko na pinansin pa. Dumiretso na ako sa banyo at naligo dahil pakiramdam ko ang lagkit ng gatas na tumutulo sa tiyan ko. Hindi na ako nagtagal sa banyo, unti-unti ko na kasing nararamdaman ang ginaw kahit maligamgam naman ang tubig.
Nakatapi lang ako ng tuwalya nang bumaba. Wala kasi akong mahagilap na damit sa kwarto. Walang laman ang closet doon.
"Do you have an extra shirt? Basa kasi ng gatas ang damit ko kaya hindi ko 'yon maisusuot."
"I'm sorry, Sweetheart pero wala akong dalang damit." Iginiya niya ako papuntang dining room. "Kumain ka na muna."
Hindi na ako umimik, naupo na lang ako habang pinapanood siya na nilalagyan ng pagkain ang plato ko. Hindi ako pwedeng mag-inarte sa pagkakataong ito. Mabuti nga at may tuwalya pang nakatakip sa katawan ko. Di bale lalabhan ko na lang ang damit ko pagkatapos kumain para may maisuot ako bukas.
"Sabay na tayo kumain, Chuck," wika ko dahil imbes na maupo siya sa tabi ko ay tinanggal niya ang towel na nakapulupot sa ulo ko at sinimulang suklayin ang buhok ko. "Ako na ang gagawa niyan mamaya pagkatapos natin kumain."
"Continue eating your food, Sweetheart. I love doing this to you."
"Chuck please? Stop doing that." Hinawakan ko ang kamay niya para itigil na niya ang pagsusuklay sa buhok ko. Nakakahiya na.
"Just let me, Sweetheart." Tumawa siya. "Remember, babalik na ako sa opisina sa lunes. Baka hindi ko na'to magawa pa sa 'yo."
Hinayaan ko na lang siya dahil alam kong hindi naman siya makikinig. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain. Para makabawi naman ako ay sinubuan ko siya nang makaupo na siya sa tabi ko. Nakakahiya kung laging siya ang mag-e-effort sa relasyong ito.
Hindi ko pa rin talaga maintindihan ang sarili ko. Hindi mawala-wala ang nararamdaman kong atraksiyon sa lalaking ito. Pakiramdam ko minsan ay ang pagkauhaw ko sa pag-aalalaga at pagmamahal ng isang lalaki kaya hindi ko mabitiwan si Chuck. Na kahit niloloko niya ako basta maramdaman ko ulit ang ganitong pag-aalaga niya sa akin ay masaya na ako.