MGA bote ng alak na walang laman, upos ng sigarilyo, balat ng chichirya at kung anu-ano pang kalat sa sahig ang bumungad sa kakagising lang na si Martin. Sa sobrang kalasingan niya kagabi ay sa sofa na pala siya nakatulog. Umupo siya at sinapo ang ulo na medyo sumasakit dahil sa hangover. Tumayo siya at nang makita niya ang sarili sa salamin na nasa dingding ng apartment na iyon ay natigilan siya.
Halos dalawang linggo na simula nang iwanan siya ni Jonas at halos dalawang linggo na rin siyang walang ginawa kundi ang umiyak at mag-inom. Sa loob din ng mga araw na iyon ay malaki na ang ipinagbago ng katawan niya. Bahagya na siyang pumayat at ang facial hair niya ay kumakapal na. Kahit ang pag-aahit ay kinatatamaran na niya. Wala na siyang ganang kumilos at mabuhay. Hindi na rin siya pumapasok sa trabaho at hindi niya alam kung may trabaho pa ba siyang babalikan.
Wala na siyang pakialam sa lahat. Itinigil niya ang kaniyang mundo simula nang iwanan siya ni Jonas. Pakiramdam niya ay gusto na niyang mamatay. Si Jonas ang buhay niya kaya paano siya mabubuhay kung wala na ito ngayon sa tabi niya?
Maya maya ay may biglang kumatok sa pinto. Napapitlag siya at nagmamadaling binuksan iyon.
“Jonas--” Napahinto siya nang makitang hindi iyon si Jonas.
“Hanggang ngayon ba naman ay umaasa ka pa ring babalikan ka ni Jonas?” si Summer. Kasama nito sina Benj at Dion.
“Hindi kayo ang gusto kong makita. Umalis na kayo…” Isasara na sana niya ang pinto nang pigilan iyon ni Summer.
“Hep! Hindi mo na kami pwedeng ipagtabuyan ngayon, Martin. Pinagbigyan ka na namin ng two weeks pero tama na.” Itinulak siya nito paloob kaya nakapasok ang tatlo.
“Ano ba kasing kailangan niyo? Hindi ba kayo marunong magbasa ng chat? Ang sabi ko, ayokong makipag-usap sa kahit na sino!” asik ni Martin.
“You have to fix your self! Look at you! Kaunting pitik na lang, ermitanyo ka na. At itong apartment, mukha nang tambakan ng basura! Ang baho pa. Amoy alak at yosi!” Inutusan ni Summer sina Benj at Dion na alisin ang mga kalat.
Hinila siya ni Summer sa kwarto at umupo sila sa gilid ng kama ng magkaharap. Hinawakan nito ang kamay niya habang siya ay nakayuko.
“Umalis na kayo, please,” ungot niya.
“No.” Mariin nitong tutol. “Martin, alam kong masakit na iniwan ka ni Jonas. Kahit kaming kaibigan lang niya ay nasasaktan din. Pero kung bakit niya tinanggap ang perang in-offer ng mommy mo sa kanya para layuan ka ay dapat nating intindihin iyon. We know Jonas. Hindi siya mukhang pera. Pero para tanggapin niya ang perang iyon ay siguradong may malaki siyang dahilan… Iyon ang isipin mo,” ani Summer.
Nang iangat niya ang kanyang mukha ay tigam na siya sa luha. “Malaking dahilan? Nasaan ba siya ngayon? Hindi natin alam kung nasaan siya, `di ba? Anong ginagawa niya? Nagpapakasarap sa perang binigay ni mommy? Bakit hindi niya sinabi ang totoong dahilan niya? Nagsinungaling pa siya sa akin, Summer. A-ang sabi niya ay hindi niya ako iiwan.” Puno ng hinanakit na sambit niya.
“Martin, hindi ganiyan si Jonas… Alam mo `yan. `Wag kang magalit sa kanya. Kung hindi na siya babalik, we have to accept that. Mabuting tao si Jonas. Hindi ka niya ipagpapalit nang ganoon lang sa pera.”
“But he did. He did…” Nanlulumong nagpakawala ng mababang hinga si Martin. “Kasal na dapat kami last week pa, e… Handa na ang lahat. Pero anong ginawa niya?”
“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo pero sooner or later malalaman din natin ang dahilan ni Jonas kung bakit niya iyon nagawa. Basta, ayusin mo na ang sarili mo. Hindi pwedeng ganiyan ka, Martin. Huwag mong itigil ang mundo mo dahil sa iniwan ka ni Jonas. Gusto mo bang lumabas tayo? Bar hopping? Katulad ng dati?”
Umiling siya. “Gusto kong mapag-isa, Summer…”
“Two weeks ka nang ganiyan, e. Tama na. No. Lalabas tayo tonight sa ayaw mo o gusto mo!” giit nito.
“Summer, please… Si Jonas ang kailangan ko. Kung maihaharap niyo siya sa akin ngayon ay matutuwa pa ako.”
Natahimik si Summer sa sinabi niya. Binitawan nito ang kamay niya. “Bahala ka na nga sa buhay mo.” Umiling lang ito at lumabas na ng kwarto.
Narinig niya na kinausap nito sina Benj pero hindi niya naintindihan ang mga sinasabi ng mga ito. Ilang sandali lang ay narinig niya ang pagbukas at pagsara ng pinto ng kanyang apartment.
Isinubsob niya ang mukha sa dalawang palad at doon umiyak nang umiyak. Awang-awa na siya sa sarili niya. Gusto niyang bumalik sa dating siya pero mismong sistema niya ang tumututol. Si Jonas lamang ang makakapagpabalik ng dating Martin.
TUNAY ngang may mga taong maaaring manatili sa puso mo ngnit hindi sa buhay mo. At sa kaso ni Jonas, isa si Martin sa mga taong iyon. Almost perfect na sana ang love story nila. Ikakasal na nga sana sila, e. Ngunit sinubok sila ng tadhana. Kinailangan niyang magsakripisyo at layuan si Martin para sa kaligtasan nito. Kaya ngayon, heto siya… nasa Japan at nagtatrabaho.
“Jonas, are you okay?” tanong ng kaibigan niyang si Sandy. Nahuli siya nitong nakatulala habang kumakain sila ng tanghalian.
Kasama niya ito sa inuupahang condo unit. Bukas na siya magsisimula sa trabaho niya doon sa isang manufacturing company.
Kumurap-kurap si Jonas. “I-I’m sorry… M-may naisip lang ako…” aniya. “Ano nga pala iyong sinasabi mo?” Pilit niyang pinasigla ang tono ng pagsasalita.
“Is it Martin again?” Alam nito ang tungkol sa kanila ni Martin at kung bakit kailangan niya itong layuan. Ikinuwento niya ang lahat kay Sandy dahil talagang sasabog ang dibdib niya kapag kinimkim niya ang pangyayaring iyon sa buhay niya.
Tumango siya sabay kagat sa ibabang labi dahil naiiyak siya. “Nami-miss ko na siya. Alam ko, nabasa na niya ang sulat ko sa kanya at for sure galit na galit siya sa akin… I feel bad, Sandy! Parang nagsisisi na ako na iniwan ko siya. Dapat ay ipinaglaban ko siya sa nanay niya. Hindi iyong ganito…”
“Ginawa mo lang naman iyon for him, `di ba? Tumupad ka lang sa usapan ninyo ng mother niya.”
“P-pero hindi niya alam `yon.”
“Alam mo, ilang bad and good relationship na ang pinagdaanan ko at tignan mo ako ngayon. May boyfriend na ako na mahal na mahal ako. Darating din ang panahon na magiging masaya ka ulit, Jonas. Kung hindi kay Martin ay pwedeng sa ibang tao. All you have to do is to move on with your life… without Martin. For now, I gues… Mahirap at masakit pero kailangan mong mag-survive. Sa tamang oras, malalaman din ni Martin ang lahat. And who knows, baka kayo pa pala sa huli.”
“Ewan ko, Sandy… Ang hirap umasa… Sa ngayon ay wala akong nakikitang chance na magkakabalikan pa kami. Baka sa sobrang galit niya ay isinumpa na niya ako hanggang sa next life ko.”
“Haay… tama na nga ang drama. Kumain ka na. Then pagkatapos, ipapasyal kita dito sa Tokyo para naman alam mo na ang mga lugar dito. Saka para alam mo na ang pasikot-sikot dito. Aba, hindi kita always masasamahan.” Pag-iiba nito ng usapan.
MAKALIPAS ang isang buwan… Nanatiling ganoon si Martin. Umiinom at nakakulong lang sa apartment. Lumalabas lang siya para bumili ng alak o makakain. Tuluyan na niyang napabayaan ang kanyang sarili. Pati ang kanyang therapy ay hindi na niya nagagawa. E, ano kung mamatay siya dahil doon? Wala na namang saysay ang buhay sa kanya kung hindi rin niya kasama si Jonas.
Umagang-umaga pero bote ng alak ang hawak niya at isang litrato ni Jonas. Tinitignan niya iyon habang umiiyak. Nakaupo siya sa sahig. Pakiramdam niya ay mababaliw na siya. Pakiramdam niya ay malapit nang maputol ang pisi ng katinuan niya.
Alam niya na totoo ang sinabi ni Summer na may dahilan si Jonas kung bakit nito tinanggap ang pera ng mommy niya. Ang ikinasasama lang ng loob niya ay kung bakit hindi nito sinabi sa kanya iyon. Baka naintindihan pa niya ito.
“Jonas… bumalik ka na, please…” samo niya.
Bumukas ang pinto ng apartment at pumasok ang kanyang mommy at daddy. Nagulat ang mga ito nang makita ang hitsura niya at ang g**o doon.
“My God, Martin!” Inagaw ng mommy niya ang bote ng alak at itinaktak ang laman niyon sa lababo.
Habang ginagawa iyon ng mommy niya ay nakatayo sa harapan niya ang daddy niya. Halos hindi niya ito magawang tignan.
“Tignan mo ang ginawa sa iyo ng Jonas na iyon!” sita ng mommy niya. “Sinisira mo ang sarili mo! Para saan? Para sa Jonas na iyon na mas pinili ang pera kesa sa iyo?!”
“Ikaw ang sumira sa akin! Ikaw ang sumira sa amin ni Jonas! Ikaw ang dapat sisihin kung bakit ako nagkakaganito!” sigaw niya. Hindi na napigilan ni Martin ang bugso ng kaniyang damdamin at tuluyan na iyong sumabog.
Isang malakas na suntok ang iginawad ng daddy niya sa kanyang panga. Susuntukin sana siya ulit nito kung hindi pa ito inawat ng mommy niya.
“Stop! Tama na!” sigaw ng mommy niya sa daddy niya.
“Wala kang karapatang sigawan ang mommy mo o kahit na ako, Martin! Tarantado ka!” galit na sabi ng daddy niya sa kanya. Dinuru-duro pa siya nito.
May bahid ng dugo sa gilid ng labi na tumayo siya. Tinignan niya ang kanyang mga magulang at nagsalita. “Kayo ang may kagagawan kung bakit ako nagkakaganito… Kung hindi niyo sinilaw sa pera si Jonas, hindi niya ako iiwanan. Bakit ba hindi ninyo matanggap na kay Jonas ako magiging masaya?”
Maya maya ay may nakita ang mommy niya sa ibabaw ng center table. Isang foil at lighter. Nanlalaki ang mga mata na ipinakita nito iyon sa daddy niya. Hindi makapaniwalang tumingin ito sa kanya.
“Nagda-drugs ka?” Mangiyak-ngiyak na bulalas ng mommy niya.
Napalunok siya. Hindi siya nakasagot.
“Sumagot ka, Martin! Gumagamit ka ba nito?!”
“G-gusto kong makalimot sa sakit, mommy! Si Jonas lang ang makakapagpabalik ng dating ako! Si Jonas lang! Miss na miss ko na siya, mommy! Mas gugustuhin ko pang mamatay kung hindi na siya babalik!” Napahagulhol na siya at parang kandilang nauupos na napaupo sa sahig.
“Diyos ko! Anak!” Napahagulhol ang mommy niya. Mahigpit siya nitong niyakap.