“J-JONAS, a-ano ito? Prank ba ito o ano? Kailang ka pa natutong mag-prank? Vlogger ka na ba? K-kung prank ito, h-hindi ako natutuwa, ha!” Naglaglagan ang mga luha ni Martin.
Humikbi si Jonas. Parang kakapusin na siya ng hininga sa labis na pag-iyak. “M-martin… A-ayoko na. P-pagod na ako sa iyo. H-hindi na… hindi na kita mahal! I’m sorry!” Napipilitan niyang sabi.
“Ano bang pinagsasabi mo? Nagbibiro ka lang? Sabihin mong hindi totoo iyan!”
“Totoo. H-hindi na kita mahal. Pagod na pagod na ako sa iyo. Maghiwalay na tayo. Ayoko na sa iyo!” Pagkasabi niyon ni Jonas ay narinig na nila ang tunog ng hudyat na aandar na ang ferris wheel.
Mabilis na bumaba ng ferris wheel si Jonas habang naiwanan doon si Martin na umiiyak at nagtatakang nakatingin sa kanya. Kahit siya ay panay din ang buhos ng luha. Bababa rin sana si Martin ngunit pinagbawalan ito ng bantay doon dahil medyo mataas na ang kinaroroonan nito.
“Jonas! Hintayin mo ako diyan sa ibaba!” sigaw ni Martin. Ayaw nitong alisin ang tingin sa kaniya. Marahil ay natatakot ito na baka mawala siya o umalis.
Umiling si Jonas. “Mahal na mahal kita, Martin… Mahal na mahal… Patawarin mo ako…” bulong na lang niya.
“`Wag kang aalis diyan, asawa ko! Please! Hintayin mo ako diyan! Huwag mo akong iiwanang!” Patuloy na sigaw nito.
Ngayon lang narealize ni Jonas na totoo nga na may mga tao na mananatili sa puso mo ngunit hindi sa buhay mo. May mga taong kahit ayaw mo at masakit ay kailangan mo silang palayain. Dahil iyon ang nararapat, iyon ang nakatakda.
Nakatingala na siya kay Martin habang unti-unti itong tumataas. Paliit na ito nang paliit sa paningin niya. Palayo na ito nang palayo sa kaniya.
Sana katulad lang sila ng nakasakay sa ferris wheel. Lalayo o aalis ngunit babalik din. Pero hindi sila ganoon ni Martin. Ito na ang ending ng love story nila. Siguro ito na nga iyon. Iyon nga lang, hindi happy. Hindi katulad ng mga nobelang sinusulat niya na palaging happy ending. Realidad na ito na kailangan niyang tanggapin.
Marahil ay dapat na niyang itigil ang pag-iilusyon na muli silang magkakabalikan. Kung susubukan nila iyon ay alam niyang papagitna na naman ang nanay nito. Gagawa ulit ito ng paraan para paghiwalayin sila. At kahit ganoon ay hindi niya inaalis ang respeto sa taong nagbigay ng buhay kay Martin, sa babaeng dahilan kung bakit may Martin na minahal niya. Hindi niya hahayaan na masira ang nanay ni Martin dito.
Halos hindi na niya makita si Martin. Doon na siya nagdesisyon na umalis. Tumalikod na siya sa ferris wheel at marahang naglakad palayo habang pinupunasan ang luha sa kaniyang mga mata na tila walang balak na huminto sa pagtulo.
Paalam, Martin… I love you but I have to let you go, aniya sa kanyang sarili. If we were meant to be, maybe sometime, fate will bring us back together… aniya sa sarili.
Durog na durog si Jonas ng sandaling iyon. Kung hanggang kailan niya bubuuin ang sarili ay hindi niya alam. Bahala na. Bahala na…
PAGBUKAS ni Martin ng apartment nila ni Jonas ay tumakbo agad siya sa kwarto nilang dalawa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maintindihan ang mga sinabi ni Jonas kanina sa Enchanted Kingdom. Hindi na daw siya mahal nito at kung anu-ano pang masasakit na salita. Kung nagjo-joke ito, hindi iyon nakakatuwa. Tapos iniwanan pa siya nito sa ferris wheel. Pagbaba niya matapos ang isang ikot ay wala na ito kaya naman umuwi agad siya sa apartment nila.
Para siyang nasisiraan ng ulo sa Enchanted Kingdom sa pagsigaw sa pangalan ni Jonas. Talagang hinanap niya ito doon at sinigurong wala na ito sa theme park bago siya umalis at nagdesisyon na umuwi na sa apartment nila.
Walang Jonas sa kwarto nila. Tinignan niya ang closet nila at mga damit na lang niya ang naroon. Pilit niyang kinakalma ang kanyang sarili. Iniisip niya kung may nagawa na naman ba siyang mali dito kaya ito nagkaganoon at mukhang lumayas pa ito. Umalis nang hindi man lang sinasabi kung saan ito pupunta. Sabagay, wala namang naglayas na nagpaalam.
Tinawagan niya si Jonas sa number nito pero nakapatay ang phone nito. Kahit anong subok niya ay hindi na niya ito makontak.
Tinawagan niya ang magulang nito sa Quezon ngunit ayon sa mga ito ay wala ring alam ang mga ito sa kinaroroonan ni Jonas.
Isa-isa niyang tinawagan sina Dion, Benj at Summer pero kahit ang mga ito ay wala ring alam.
Chi-neck niya ang f*******: account ni Jonas pero hindi na niya ma-search iyon. Either blinocked siya nito o naka-deactivate ito. Kahit ang ibang social networking accounts nito ay wala na rin.
Parang sasabog na ang ulo niya sa kakaisip kung paano makokontak ang kaniyang nobyo at kung saan na ito nagpunta.
Kinakabahan na siya dahil unang beses itong ginawa ni Jonas sa kanya.
Jonas, nasaan ka na ba? Bakit mo `to ginagawa sa akin? Halos naiiyak na siya nang lumabas ulit siya ng apartment.
Hahanapin niya si Jonas. Bahala na kung saan. Basta hahanapin niya ito.
Doon ay nakasalubong niya ang kanilang landlady.
“Ate, nakita niyo ba si Jonas?” tanong niya dito
“Oo. Umalis siya kanina. May dalang maleta. Bakit parang hindi mo alam, e, magkasama kayo sa apartment?”
“H-hindi po siya nagpaalam sa akin. Sinabi po ba niya kung saan siya pupunta?”
Umiling ito. “Nagpaalam lang siya. Nag-thank you. Walang sinabi kung saan pupunta. Nag-away ba kayong dalawa, Martin?”
“Okay po. Salamat, ate!” Hindi na lang sinagot ni Martin ang tanong ng landlady.
Halos takbuhin na niya ang kanyang kotse. Hahanapin niya si Jonas. Sana naman ay hindi pa ito nakakalayo. Sana ay hindi hayaan ng Diyos na mawala ito sa kaniya.
Kahit gabing-gabi na at g**o ang isip ay nagdrive pa rin siya. Pinuntahan niya ang lahat ng coffee shop na pinupuntahan nila pero wala ito doon. Pati mga terminal ng bus ay ginalugad niya. Lahat ng lugar na naisip niyang naroon si Jonas ay pinuntahan niya ngunit biggo siya.
“f**k!” naiiyak niyang mura sabay hampas sa manibela.
Isinubsob niya ang mukha sa manibela at doon umiyak. Nanlulumo na siya ng sandaling iyon. Nauubusan na siya ng pag-asang makikita pa niya si Jonas.
May nagawa ba siya? Sana naman kung meron ay sinabi nito nang hindi ganitong nag-iisip siya.
Umuwi siya ng apartment na bagsak ang balikat. Hindi niya nakita si Jonas. Buong magdamag siyang umiyak nang umiyak. Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Martin.
PAPUNGAS-PUNGAS si Martin nang magising siya ng umagang iyon. Masakit na ang tama ng sikat ng araw niya sa kanyang balat. Sa sobrang lutang niya kagabi ay nakalimutan na niyang isarado ang bintana sa kwarto. Bumangon siya at nakita niya ang oras sa digital clock sa side table. Alas diyes na ng umaga.
Agad niyang tinignan ang kanyang cellphone sa pag-asang baka may text si Jonas pero wala. Muli niya itong tinawagan pero patay pa rin ang phone nito. Ang tanging message na natanggap niya ay mula kina Summer. Hinahanap na rin daw ng mga ito si Jonas. Magtatanong-tanong din daw ang mga ito sa iba pa nilang kakilala.
Wala sa sarili na napaupo na lang siya sa gilid ng kama. Nakayuko.
May nakita siyang papel na nakaipit sa ilalim ng kutson. Nakakunot ang noo na hinugot niya iyon at binuksan. Sulat iyon ni Jonas!
May kaba na inumpisahan niyang basahin ang sulat…
Martin,
Sorry kung hindi na ako nagpaalam pa sa iyo. Ayokong masaktan ka. Alam mong iyan ang huling bagay na gagawin ko sa iyo. Sa totoo lang, pagod na pagod na ako sa relasyon natin. Hindi man ako nagsasalita pero… ayoko na. Pinipilit ko na lang na maging masaya. Hindi ko nakikita ang sarili ko na ikaw ang kasama habangbuhay. Isa pa, hindi pa ako handa sa kasal na gusto mo. Aaminin ko, napilitan lang akong mag-yes noon. Marami pa akong pangarap at bagay na nais gawin at ayoko pang magpatali nang sobra sa isang relasyon. I gave up, Martin. Pero huwag mong isipin na hindi kita minahal. God knows kung gaano kita minahal pero… napagod na ako. Ayoko na. Bye… I’ll always pray for your happiness, Martin!
Jonas
Pinagpupunit ni Martin ang sulat ni Jonas habang umiiyak. “Bullshit! Hindi totoo `yan! Kung mahal mo ako bakit mo ako iniwan?! Bakit mo ako sinasaktan ng ganito?!” galit na sigaw niya. Ibinato niya sa sahig ang punit-punit na papel.
Kumalat ang papel sa sahig na parang puso niyang nagkapira-piraso.
Kailanman ay hindi niya naramdaman na hindi na siya mahal nito. At hindi nagkakamali ang pakiramdam niyang iyon. Kung bakit ito ginawa ni Jonas ay sigurado siyang may malalim itong dahilan. Hindi ito basta-basta aalis sa dahilan na napagod ito. Kilala niya si Jonas.
Ikakasal na sila next week tapos ganito ang mangyayari. Hindi siya papayag! Hahanapin niya si Jonas at magpapakasal sila!
Kahit hindi pa nagpapalit ng damit ay lumabas na siya ng kwarto. Ipagpapatuloy niya ang paghahanap dito. Natigilan siya nang makita niya ang kanyang mommy na nakaupo sa sofa. Tila kanina pa ito naroon.
“Paano kayo nakapasok dito?” malamig na tanong niya.
“Hiniram ko sa landlady niyo ang duplicate key.”
“Umalis na kayo. May pupuntahan ako.”
“Mag-empake ka na. Uuwi ka na sa bahay, Martin!”
“Hindi ako uuwi. Dito lang ako!” Natigilan siya. “Teka, alam niyo ba na wala na dito si Jonas kaya niyo ako pinapauwi? May kinalaman ba kayo kung bakit niya ako iniwan? Umamin nga kayo, mommy!”
“Umalis siya dahil mukha siyang pera. I offered him ten million pesos at tinanggap niya. Ang kapalit niyon ay ang iwanan ka. Tignan mo na ang papakasalan mo, Martin! Gold digger! Mukhang pera! Ten million pesos lang pala ang halaga ng sinasabi mong pagmamahal niya sa iyo. Pwe!”
“Hindi totoo iyan! Hindi ako naniniwala sa inyo! Sa ginawa niyo mas lalo niyo lang inilayo ang loob ko sa inyo, mommy!” Tiim ang bagang na sabi niya.
“Martin—”
“I hate you, mommy! I hate you!!!” Akala mo ay batang nagta-tantrums na sigaw ni Martin sa ina.