CHAPTER 16

1698 Words
  MASAYANG-MASAYA si Martin sa mga nangyayari sa buhay niya ngayon. Tila umaayon kasi sa kanya ang lahat. Pakiramdam niya tuloy ay nasa tama na ang lahat. Nagkaroon man siya ng sakit ay nalagpasan naman niya iyon sa tulong na rin ni Jonas. Talagang humingi pa ito ng tulong sa gobyerno para mapaopera lang siya at maipagpatuloy ang therapy. Hindi siya nito pinabayaan kaya mas lalo niyang minahal ang kaniyang nobyo. Napakablessed niya na dumating ito sa buhay niya. Nang dahil dito ay hindi na nila kinailangan pang humingi ng tulong sa parents niya. Alam na kasi niya ang mangyayari kapag ginawa nila iyon. Hihilingin ng mga ito na layuan niya si Jonas oras na humingi sila ng tulong sa mga ito. Gayunpaman, panatag na rin ang loob niya dahil mag-iisang linggo nang hindi nagpaparamdam ang mga magulang niya. Baka naisip na rin ng mga ito na wala nang makakapigil pa sa pagpapakasal nila ni Jonas. Sana naman ay tanggapin na lang ng mga magulang niya na nagmamahalan talaga sila ni Jonas at kahit ano ang gawin ng mga ito ay hindi na sila maghihiwalay. “Asawa ko, anong bagay sa akin? Itong tuxedo o barong?” tanong ni Martin kay Jonas habang nasa department store sila ng mall. Bibili na kasi sila ng isusuot nila sa Holy Union o kasal nila sa susunod na linggo. Bonding at date na rin nila ang araw na ito. Mamaya ay aayain niya na mag-samgyupsal si Jonas o kung hindi man ay manonood na lang sila ng sine. Matagal na kasi nilang hindi nagagawa ang mga ganoong bagay dahil ilang linggo din siyang nasa ospital. Sobrang lapit na pala ng “kasal” nila ni Jonas. Sobrang excited na siya. Kung pwede nga lang na hilahin na niya ang mga araw ay ginawa na niya. Hindi na siya makapaghintay pa! Sa tulong ng mga kaibigan nila ay mabilis na naplantsa ang lahat ng kailangan para sa kasal nila ni Jonas. Hindi na nila kailangan ng tulong ni Tanya. May napansin siya sa kasama. Nakatulala lang sa kawalan si Jonas. Tila hindi nito narinig ang tanong niya kaya inulit niya na lang. Parang wala ito sa sarili. “Jonas? Okay ka lang ba? Masama ba pakiramdam mo?” Sinalat niya ang noo at leeg nito. Normal lang naman ang temperatura nito. “Ha? Anong sabi mo?” maang nitong tanong. Bumunting-hininga si Martin. “Hay… Wala ka na naman sa sarili mo. Kanina pa kaya ako nagsasalita dito. Noong isang araw pa iyan, ah. Pagod ka pa rin ba? Parang hindi ka naman excited sa wedding natin. Gusto mo bang umuwi na tayo? Pwede namang bukas na lang tayo bumili,” saad niya. Umiling si Jonas. “No. O-okay lang ako. Kinakabahan lang siguro ako kasi next week na ang kasal natin. Normal lang naman siguro na maramdaman ko ito, `di ba?” Pilit itong ngumiti. “Bakit ka naman kakabahan? Iniisip mo ba na baka hindi matuloy?” “G-ganoon na nga siguro…” “Don’t worry. Ilang araw nang hindi nagpaparamdam si mommy. Mukhang wala na siyang balak pang guluhin tayo. Kaya hindi ka na dapat kinakabahan. Matutuloy itong kasal natin. Pwera na lang siguro kung aatras ka! Hindi ka naman aatras, right?” “Of course… H-hindi ako aatras, Martin…” anito sabay ngiti ulit. “Bakit naman ako aatras? Wala akong dahilan para gawin iyon.” Hindi maintindihan ni Martin ngunit parang hindi totoo ang ngiting iyon ni Jonas. Parang balisa ito at palaging may iniisip. Madalas nga niya itong nahuhuling nakatulala o kaya naman ay namamaga ang mata na parang umiyak. Hinahayaan na lang niya ito at baka talagang kinakabahan lang ito sa wedding nila next week. “Aba! Ikaw din ang talo kapag umatras ka sa kasal. Papakawalan mo lang naman ang isang hot and yummy na katulad ko!” biro ni Martin sa pag-asang mapapatawa niya si Jonas. Pero nabigo siya. Ngiming ngumiti lang si Jonas. May mali. Malakas ang pakiramdam niya na may hindi sinasabi si Jonas sa kaniya. Ano kaya iyon?   NAKONSENSIYA si Jonas sa sinabi niya kay Martin na hindi siya aatras sa kasal nila na iyon. Hindi naman kasi totoo iyon dahil ang totoo, ngayong araw niya balak umalis sa apartment para iwanan ito. Nakaplano na ang lahat. May inutusan na siyang hakutin ang gamit niya habang kasama niya ngayon si Martin at dalhin muna iyon sa isang hotel. Doon niya pansamantalang ilalagay ang kaniyang mga gamit para doon na rin niya kunin. Ayaw niyang gawin ito. Masakit na iwanan niya si Martin dahil parang namatay na rin siya kapag ginawa niya iyon. Makailang ulit na inisip niyang huwag nang sumunod sa kasunduan nila ng mommy ni Martin. Ngunit naiisip niya rin na kung hindi dahil dito ay baka may masama nang nangyari sa nobyo niya. Kaya kanina pa siya wala sa sarili. Lumilipad ang utak niya kaya hindi niya masyadong mabigyan ng atensiyon si Martin lalo na ang mga sinasabi nito. Sa labas ay nakangiti siya ngunit sa loob ay umiiyak siya. Napakahirap. Walang kamalay-malay si Martin na nagtagumpay ang mommy nito na paghiwalayin sila. Naaawa siya kay Martin dahil umaasa ito na tuloy ang pagpapakasal nila. Umaasa na lang si Jonas na sana balang-araw ay malaman ni Martin ang totoong dahilan kung bakit niya ito gagawin. At sana, kapag dumating ang araw na iyon ay maintindihan siya nito at mapatawad. Sana ay meron pa rin siyang puwang sa puso nito pagdating ng araw na iyon. Matapos nilang bumili ng susuotin nilang dalawa para sa kanilang kasal ay nagdesisyon na silang umuwi. Isa pa ito sa ikinakokonsensiya ni Jonas-- ang preperation sa kasal nila na hindi naman matutuloy. Alam niyang labis na masasaktan si Martin sa mga mangyayari. “Martin, maaga pa naman. Okay lang ba na… pumunta tayo ng Enchanted Kingdom?” tanong niya habang nagmamaneho ito. “Pwede na ba ako sa extreme rides? Baka alam mo na…” Tumawa ito ng mahina. “Ano ka ba? Hindi naman tayo sasakay ng Space Shuttle or Anchors Away. Sa mga hindi extreme rides. Gusto ko lang makapag-bonding tayo. Isa pa, matagal-tagal na tayong hindi nakakapunta doon.” “Sige. Your wish is my command!” Hinawakan pa nito ang kamay niya at bahagyang pinisil iyon. Parte na rin ito ng plano niya. Gusto niyang makapag-bonding muna sila ni Martin bago niya ito tuluyang iwanan. Nais niyang magkaroon si Martin ng masayang alaala bago man lang niya ito iwanan. Sa buong biyahe nila papuntang Enchanted Kingdom ay walang ginawa si Jonas kundi titigan ang gwapong mukha ni Martin. Mami-miss niya ito. Sa mahigit limang taon ba naman ay ito ang nakasama niya sa apartment. Ito ang nakikita niya bago siya matulog at paggising niya sa umaga. Ang kamay nito ang hawak niya kapag pinanghihinaan siya ng loob. Ito ang nagpapalakas ng loob niya sa tuwing may nare-reject siyang manuscript. Ito rin ang balikat na nasasandalan niya sa oras ng problema. Mahal na mahal ni Jonas si Martin. Kung naging mabait nga lang sana sa kanila ang tadhana, hindi magiging ganito kasakit ang paghihiwalay nila. Marahil ay hindi pa ito ang oras nila. Naniniwala siya na magkakahiwalay man sila ngayon ay pilit pa rin silang pagtatagpuin ng tadhana. Ang bagay na iyon na lamang ang kaniyang pinanghahawakan. Nang marating na nila ang Enchanted Kingdom ay si Jonas na ang bumili ng ticket. At pagkatapos ay pumasok na sila sa loob. Inakbayan agad siya ni Martin. Nang tignan niya ito ay sinabi nitong huwag siyang mahihiya na nakaakbay ito sa kanya. Huwag daw niyang pansinin kung pagtinginan man sila ng mga tao. Totoo ang ngiting sumilay sa labi ni Jonas. Ang sarap sa pakiramdam na hindi na nito iniisip ang sasabihin ng ibang tao tungkol sa kanilang dalawa. Para kay Jonas, si Martin ay ang perfect partner para sa kanya. Nagkaroon man ito ng pagkakamali noon ay nagawa naman nitong itama iyon at hindi na ito umulit pa. Kung sinasabi nito na blessed ito sa kanya, mas blessed siya dito. “Anong gusto mong una nating sakyan? Space Shuttle? Anchors Away? Jungle Log? O iyon?” Inginuso ni Martin ang EKstreme Tower. Natatawang siniko niya ito sa tagiliran. “Sige! Sumakay tayo diyan para bumuka iyang opera mo sa ulo! Loko ka talaga!” Tawa lang ito nang tawa. Wala silang ginawa maghapon kundi ang i-enjoy ang mga simpleng rides, kumain, magkwentuhan, magharutan at magtawanan. Hindi rin nila nakalimutan na mag-picture ng napakarami. Ang saya-saya ni Jonas at alam niyang gayundin si Martin. Kitang-kita niya ang ningning sa mga mata nito. Para bang wala silang pinagdaanan noong mga nakaraang buwan. Sa sobrang saya at pag-e-enjoy nila ay hindi na nila namalayan na gabi na pala at malapit nang magsara ang naturang theme park. Nakaupo na lang sila sa bench. Tahimik na naman si Jonas. Nag-iisip na siya ng paraan kung paano siya dito magpapaalam. “Alam mo may hindi pa tayo nasasakyan…” ani Martin. “Ano iyon?” “Ikaw. Hindi ka pa sumasakay sa akin!” “Martin! Ang pilyo mo!” Nanlalaki ang mata ni Jonas. “Joke lang! Ang seryoso naman ng asawa ko!” tawa ni Martin. “E, ano ba kasi iyon?” “Ferris wheel… Gusto kong sumakay tayo doon tapos kapag nasa itaas na tayo, magki-kiss tayo!” “Ano? Nakakahiya!” “Bakit naman nakakahiya?” “Alam mo naman ang mga isip ng mga tao.” “Hayaan mo nga sila. Wala naman silang ambag sa kung ano tayo ngayon. Ano? Tara na? Baka magsara na ito. Saka sabi nila kapag nag-kiss ang couple kapag nasa itaas sila ng ferris wheel ay hinding-hindi na sila magkakahiwalay!” “Totoo ba iyon? Kasabihan lang naman iyan.” “Kaya nga gagawin natin para malaman natin kung totoo. Pero alam ko na kahit hindi tayo mag-kiss doon ay hindi pa rin tayo maghihiwalay kasi ikakasal na tayo!” Tumango si Jonas. Nagpunta na sila sa pila ng ferris wheel at nakasakay naman agad sila dahil maikli na lang ang pila ng oras na iyon. Kinakabahan na siya. Kailangan na talaga niyang magpaalam kay Martin. Ayaw na niyang patagalin pa ang lahat. “O, parang kinakabahan ka. Wala ka namang fear sa heights, ah…” Puna ni Martin. “W-wala ito. Huwag mo akong pansinin.” Malungkot siyang tumingin sa mata nito. Ang saya sa mata ni Martin ay nawala nang makita nito ang naluluha niyang mga mata. Hinawakan nito ang kanyang kamay. “M-martin…” “Jonas, may problema ba?” Hindi siya nakasagot agad. Kaya na ba niya? Ito na nga ba ang tamang oras? Siguro ay ito na nga. Hindi na dapat niya pinapatagal pa. “Asawa ko, bakit ka umiiyak? Gusto mo bang bumaba na tayo? Natatakot ka ba? Asawa ko!” tanong nito ng bumagsak na ang luha niya. Natataranta na si Martin. “M-martin… A-ayoko na.” Sa wakas ay nasabi na rin niya. Tigalgal si Martin sa sinabi niya. Kasabay niyon ay ang pagbitiw niya sa kamay nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD